TAHIMIK lang na nasa loob ng isang mamahalin na limousine si Hellmohr ng gabing ‘yon. Nakaupo siya sa may pinakadulo ng sasakyan habang nakatanaw ang kaniyang mga mata sa labas. Nasa tabi niya rin ang dalaga na si Belle na katulad niya ay tahimik lang. Sa gabing ‘yon niya na ipapakilala sa publiko ang dalaga, ito na ang pinakahihintay niya sa loob ng halos ilang linggo na paghihintay. “Binabalaan kita! H’wag na ‘wag kang gagawa ng eksena doon na wala sa usapan,” mahinang wika ni Hellmohr kung saan ay halos hindi man lang bumuka ang kaniyang mga labi. Kahit na silang dalawa lang ang nasa loob ng limousine habang nasa malayo naman ang driver ay naging maingat pa rin si Hellmohr sa mga binibitawan niyang salita. “Huwag kang mag-alala, hindi kita bibiguin,” mahinang tugon sa kaniya ni Belle.

