“f**k!” Isang mahina ngunit madiin na pagmura ang pinakawalan ni Zari habang diretso lang siyang nakatingin ngayon sa kaniyang cellphone. Sino ba naman kasi ang hindi maiinis? Kanina pa niya tinatawagan nang tinatawagan ang numero ni Hellmohr pero hindi pa rin sinasagot ng binata ang mga tawag niya. Maging ang mga text message na pinapadala niya rito ay wala rin siyang nakukuha na kahit anong reply. At dahil doon kaya halos umakyat na ang kaniyang dugo sa kaniyang ulo. “Ano? Hindi pa rin ba siya sumasagot?” Awtomatiko siyang napalingon sa kaniyang likuran nang bigla na lang sumulpot doon ang kaibigan niyang si Celeste habang humihithit ito sa sigarilyo na dala-dala. Hinarap niya ang kaibigan at saka siya nagsalita, “Hindi eh. Mukhang alam niya na kasi kung anong kailangan ko sa kaniya,”

