Caia’s POV
"Hoy!" gulantang ko kay Azul dahil kurap lamang ito nang kurap habang nakatingin sa akin.
"Very good, Alien," tugon nito noong matauhan at tinapik pa ang tuktok ng ulo ko.
Hala. Ano ba ako? Aso? Tuta? Pusa? O manok? Mukha ba akong pet, panabong o alagang hayop?
Sumimangot ako.
Pero sa halip na pansinin pa ang reaksiyon ko ay hinila ako nito papasok sa kabahayan at nagdiretso kami sa isang malaking kuwarto, sisitahin ko dapat ito dahil naalala ko ang bilin ni Tita Alyanna, ngunit napigil ko rin agad ang sarili ko dahil sa gulat nang may mga tao na tila ba naghihintay sa pagdating namin. Binati kaagad ng mga ito si Azul at pinaupo naman ako nito sa isang silyang naroon kung saan ay nakaharap iyon sa isang malaking salamin na nakikita ko lang sa mga video ng mga artista sa dressing room ng mga ito.
Napatitig ako sa salamin noong harapin ni Azul ang mga taong inabutan namin sa silid.
"Kailangan na pagmukhain ninyo 'yan na tao at alisin ninyo ang ano mang bahid na alien 'yan. Kapag hindi ako na-satisfy sa resulta ng ginawa ninyo, ipapasesante ko kayo sa boss ninyo, maliwanag ba?" maawtoridad na utos nito.
"Opo!" sabay-sabay na tugon naman ng mga naroon.
Bumaling ulit ito sa akin. "At ikaw, umayos ka," bilin nito bago kami nilayasan.
Napakurap-kurap na lamang ako sa lahat ng nangyari at nasundan na lamang ng tingin ang nilabasan nitong pinto sa pamamagitan ng salamin na nasa harapan ko.
"Ma'am, puwede na po ba tayong magsimula?"
Napabaling ako sa nakangiting mukha ng babae na lumapit sa puwesto ko.
"Magsimula na po tayo? Mukhang nakaligo naman na po kayo, Ma'am?" malumanay na tanong nito.
Ngumiti ako rito bago tumango-tumango. "Uh... yes. Natuyo na nga lang ang buhok ko."
"Kung gano'n po. Tara na po. Umpisahan na po natin at narinig ninyo naman po ang sinabi nung boyfriend ninyo po, baka po masesante kaming lahat," yaya naman ng isa pa sa akin.
Ngumiwi ako. "Hindi ko boyfriend 'yung masungit na 'yun."
Napakamot ang mga ito sa ulo. "Ay, g-gano’n po ba? Sorry po. Nag-assume lang po pala kami na couple po kayo."
Ngumiti ako nang bahagya. "Okay lang. So, mag-start na tayo? Ayokong ako ang maging dahilan para mawalan kayo ng trabaho."
“Sige po,” tugon ng mga ito at inikot pabaliktad ang inuupuan ko, kaya hindi ko na makikita pa kung ano ba ang hitsura ko dahil nakatalikod na ako ngayon sa salamin.
Nag-umpisa na ngang magtrabaho ang mga ito, napakaseryoso. Mukhang natakot sa banta ni Azul na masungit. Napakatahimik tuloy at nakakaantok ang mga sumunod na sandali. Kanya-kanya kasi ang mga ito ng ginagawa. Mayroon na nakatutok sa buhok ko, sa make-up pati sa kamay at paa pa. Sa 'di kalayuan naman ay may nag-aayos din ng ilang damit at sapatos na alam kong pagpipilian kung alin ba ang babagay sa akin.
Ang garbo sa totoo lang at nalulula ako.
Sa totoong mundo kasi ay ni hindi ko ito naranasan man lang kahit minsan. As in, never pa talaga.
Nakakatawang isipin na sa mundo kung saan katha lamang ng isip ko pa ito mararanasan.
Napangiti ako nang mapait lalo na noong sumagi sa isip ko ang mga naiwan ko sa mundo ko.
Sina Papa at si Manang.
Kumusta kaya ang mga ito?
Hinahanap kaya ako ng mga ito?
Naisip ko rin si Timmy, ano kaya ang nais nito na pag-usapan namin bago ako napuntang muli sa mundong ito?
"Ma'am, ready ka na po?" iyon ang tanong na nagpabalik sa diwa kong kasalukuyang naglalakbay.
"Huh?"
Nangiti ang babaeng nakatoka para sa make-up ko. "Ready ka na pong makita ang hitsura ninyo po, Ma’am?"
Nangiwi ako at biglang kinabahan.
Paano na lang kung hindi ma-satisfy si Azul sa hitsura? E, hindi naman ako kagandahan talaga, may make-up man o wala.
Natawa naman mga babaeng nagtulong-tulong upang ayusan ako.
"Ang ganda ninyo pong lalo, Ma’am," turan nung nag-ayos ng buhok ko.
"Oo nga po," segunda ng mga naroon na nakatunghay at nakapalibot sa akin.
Hindi ko alam kung binobola lang ako ng mga ito, dahil hindi ko alam ang isasagot ko sa mga papuri ay ngumiti na lamang ako.
"Matatapos na ba at nakakumpol kayong lahat diyan? Inuuna ninyo pa yata ang tsismisan. Bilisan ninyo riyan at nang matapos na, pagbihisin ninyo agad si alien para makita ko kung maayos ba talaga ang naging trabaho ninyo at para makaalis na rin kami," sabat ng tinig ni Azul na hindi ko na nakita pa dahil nahaharangan ito ng mga nag-aayos na nakapalibot sa akin.
Natigilan ang lahat at nawalan na ako ng pagkakataon upang tignan ang hitsura ko dahil may pagmamadali na niyaya na ako ng mga naroon na magbihis sa isang maliit na kuwarto.
Pinapili ako sa mga damit na naroon, may simple at daring, sa sapatos naman ay may sobrang taas ng heels at may katamtaman lang.
Siyempre dahil alam ko sa sarili ko ang kapasidad nang kaya ko lang dalahin, kaya 'yung simple lang ang pinili ko sa damit at ‘yung katamtaman lang ang taas ng heels ang pinili ko para naman sa panapin sa paa.
"Ready ka na po, Ma'am Alien? Ang ganda-ganda ninyo po. Bagay na bagay po kayo ni Sir," tila ba kinikilig na sabi nung babaeng nakatoka sa pagme-make up.
Alanganin akong napangiti dahil sa pangalan na itinawag nito sa akin. "Ah... thank you sa papuri. Pero, hindi alien ang pangalan ko," tugon ko at hindi na pinansin pa ang huling sinabi nito.
Nakagat nito ang labi. "Hala, mali lang po siguro ako ng dinig kanina sa itinawag na pangalan sa inyo ni Sir. Pasensiya na po, Ma’am."
Natawa ako. "Tama naman ‘yung narinig mo. 'Yun lang talaga ang tawag no'n sa akin. Pero ang totoo, Caia ang name ko talaga, hindi alien."
Bigla itong nangiti, ‘yung ngiti na parang may halong malisya at kilig na naman. "Ay. Ang sweet naman po. Endearment po ba ni Sir sa inyo iyon?"
Bago pa ako makasagot ay nakarinig na kami ng katok.
"Hindi pa ba tapos? Ang tagal naman. Anong oras na, gagabihin na kami niyan sa daan," tanong nang inip na tinig mula sa labas.
Nakarinig ako ng mga mahinang hagikgik sa gilid ko. "Naku. Mukhang inip na po si Sir. Mauna na po kami, Ma'am," paalam nito.
"Thank you sa inyo."
"Welcome po. Sana po ay pumasa sa panlasa ni Sir ang ginawa namin," sagot ng mga ito at nauna na ngang nagsilabas.
Naiwan ako at nanatili na nakatayo sa puwesto ko.
Huminga ako nang malalim, bigla kasi akong kinabahan sa huling sinabi ng mga nag-ayos sa akin.
Ni wala pa kasi akong clue kung ano ba ang kinalabasan ng hitsura ko.
Magustuhan kaya ni Azul? Paano kung pangit lang talaga ako at hindi naremedyuhan ng mga nag-aayos na kinuha nito ang hitsura ko? Tototohanin nga talaga kaya nito ang banta nito kanina? Ibig bang sabihin niyon ay may mawawalan ng trabaho dahil lang sa akin?
Natigil ako sa pag-iisip at napapitlag noong bumukas muli ang pinto.
Napalunok ako noong makita ko si Azul na kay guwapo sa kasuotan at porma nito. Mapanuri itong nakatingin sa akin at gusto kong manliit sa totoo lang.
Nakalimutan kong bigla ang pinoproblema ko.
Hindi ko maiwasang isipin na kung may mambabasa man na trip na trip si Azul at nababasa ngayon ang mga nangyayari ay siguradong naiinis na ang mga ito sa akin at inggit na inggit, kahit na kasi hindi pa ako ang kapareha ni Azul at isa lamang akong extra rito sa istorya ay may mga ganito kaming eksena, nakakasama nakikita at nakakausap ko ito… which is, dream come true para sa mga adik sa pagbabasa na gustong-gustong makasalamuha at maging totoo ang mga karakter sa paboritong libro ng mga ito.
Patuloy ko itong pinagmasdan.
Mas tumingkad pa ang kaguwapuhan nito sa paningin ko.
Sh*t naman kasi, hindi talaga makatarungan ang pagde-describe ko rito sa kuwento kaya tuloy ganito ito sa paningin ko, parang gusto kong ma-star struck, kulang na lang yata ay magpa-autograph ako at makipag-selfie.
Tumikhim ito. "Ready ka na ba, Alien?" untag nito sa akin na wala man lang kangiti-ngiti.
Napakurap ako mula sa pagkakatitig dito. "Uh... oo?" hindi ko siguradong sagot.
Umayos ako at nahintay para sa pang-aalipusta nito patungkol sa ayos at hitsura ko.
"Let's go. Hinihintay na nila tayo," sa halip ay yaya nito.
Tahimik na naikurap-kurap kong muli ang mata ko.
Teka lang… wala man lang ba itong sasabihin sa akin? Kung pasado ba ang hitsura ko o pangit? Kung mukha ba akong tanga lang? O mukhang clown? Wala man lang ba itong side comment? Kahit hindi na compliment, hindi na ako umaasa pa na makatanggap no’n mula rito.
Sus, saksakan kaya ito ng sungit, supladito at pintasero pa!
Doon kaya ito magaling at ang mga iyon ang forte nito.
"Hey, I said let's go. Ba't nakatanga ka pa riyan? Alien ka talaga, nasa outer space na naman ang utak mo."
Nangiti ako nang bahagya.
See? Hindi ito makakatiis na hindi magsungit, hobby na nito iyon, e.
Hays.
But, I guess… okay naman ang hitsura ko. Wala akong narinig na reklamo at pintas, e.
“Wait lang naman, hindi ko pa nga nakikita ang hitsura ko. Let me take a look at myself naman before we go.”
Hindi ito kumibo at lumabas na sa maliit kuwarto.
Sumunod agad ako at nilapitan ang malaking salamin.
Natakpan ko ang bibig ko noong makita ko na ang repleksiyon ko.
Oh, my God! Anong ginawa sa akin ng mga babaeng ‘yon?!
Paanong naging ganito ang hitsura ko?
Hala, kaya pala hindi nagreklamo si Azul.
“Matagal pa ba ‘yang pakikipagtitigan mo sa repleksiyon mo sa salamin? Kausapin mo na rin kaya? Hays, parang walang naghihintay sa atin, ah.”
Mula sa repleksiyon ko ay napatingin ako rito at umismid. "Atat na atat. Heto na nga," sagot ko at naglakad na papalapit dito.
Tahimik na lumabas kami at ni hindi ko man lang nakita ang anino ni Tita Alyanna. Gayunpaman ay hindi na ako kumibo pa at nagtanong.
Mabuti na nga rin na hindi ko ito nakita, isa pang masungit 'yun, e. Doon yata nagmana itong kasama ko.
Ngunit natigilan ako at hindi makapaniwalang tinignan si Azul noong paglapit namin sa kotse nito ay pinagbuksan ako nito ng pinto.
Dahil nakatanga lang ako rito ay sumenyas ito sa akin upang pumasok na ako sa loob ng sasakyan.
"Don't flatter yourself too much. Ngayon lang 'to at kailangan lang talagang gawin. Kaya huwag kang mag-iisip na umabuso sa akin."
E, ‘di wow. Abuso agad-agad? Na-amaze na sana ako, e. Okay na sana. Kaso 'pag bumanat ito?
'Yun ang sablay palagi, e. Hays.
Iniikot ko na lang ang mata ko bago pumasok sa sasakyan.
Tahimik lamang kami sa biyahe.
Nakatutok ito sa pagmamaneho at ako naman ay sa mga nadadaanan namin.
Tinitignan ko ang mga lugar na parehong-pareho rin ang hitsura sa kabilang mundo.
Umayos ako ng upo noong pumasok ang sinasakyan namin sa isang mataas na gate.
"We're here. Just act normal, okay? Huwag kang magiging alien na lang bigla, please lang," paalala na naman nito bago kami bumaba.
Hindi ako kumibo at nauna na sa paglabas ng sasakyan.
Sumunod naman na rin ito sa akin noong maiayos na ang pagkaka-park ng sasakyan.
"You did well the last time. Gano'n lang din ang gawin mo ngayon, okay?"
"Oo na. 'To naman paulit-ulit. Muntanga. Gustong-gusto mo akong isama rito tapos worried ka riyan ngayon," inis kong sagot.
"Nire-remind lang kita."
"Remind-remind. Halika na at baka naiinip na 'yung Aletha mo," uaya ko at nauna nang naglakad.
"Wait."
Wait mong mukha mo. Bahala ka sa buhay mo.
Sa halip na hintayin ito ay binilisan ko pa ang lakad ko.
"Hey, I said wait!"
Hindi ko pa rin ito pinansin at nagpatuloy ako sa mabilis na paglakad.
Pabor sa akin dahil hindi kataasan ang suot kong sapatos, keri na keri ko lang.
Nagulat pa ako noong hawakan ako ni Azul sa braso para mapahinto. Muntik pa akong mapatili dahil muntikan na rin akong matumba dahil sa biglaang paghila nito sa akin. Mabuti na lamang ay hawak ako nito at naagapan ang pagbagsak ko.
Naku. Kung hindi ay ipupukpok ko ang hindi kataasang heels na suot ko sa noo nito.
“Ano bang problema mo? Ba’t ba nanghihila ka? Muntikan na tuloy akong matumba,” iritado kong tanong.
“Ayaw mo kasi akong hintayin at sabayan sa paglakad,” katwiran nito, malumanay ang tinig na ikinagulat ko.
Pumalatak ako. “Ba’t pa ba kasi kailangan na hintayin kita? Hindi ka ba makakalakad nang hindi tayo magkasabay?”
"Hey, I'm sorry, okay?"
Huh? Is he serious? Ito? Nanghihingi ng sorry? Kailan pa ito natutong humingi ng paumanhin?
Hindi makapaniwala ko itong natitigan.
Sobra kayang taas ng pride nito.
"Gusto kong hintayin mo ako para masabi ko sa iyo na maganda ka, hindi ko kasi alam kung paano ko ba sasabihin sa iyo kanina. Huwag ka nang magalit, hmm?" malambing na sabi nito.
What the f*ck is he saying?
Nababaliw na ba ito o may sakit ito?
O baka naman nagha-hallucinate ako, nananaginip at nai-imagine ko lang na sinasabi ni Azul na maganda ako?
Sh*t.
Ipinilig ko ang ulo ko at palihim na kinurot ko ang braso ko. Nakaramdam ako ng sakit, ibig lang sabihin niyon ay hindi ako nananaginip.
“Pasensiya ka na sa inasal ko,” patuloy pa nito.
"Hoy, A—"
"Sorry na, ha? Bati na tayo?" putol nito sa sinasabi ko.
"Ano ba ‘yang mga pin—"
Muli ay natigil ako sa pagsasalita nang higitin ako nito sa braso.
Bigla na lamang nanlaki ang mata ko noong mabilis ang naging pangyayari, namalayan ko na lamang na nakalapat na ang labi nito sa labi ko.
Literal na natigil ako sa pagsasalita, pakiramdam ko rin ay tumigil ang lahat sa paligid ko, puwera lamang sa mabilis na pagkislot at pagtibok ng puso ko.