Caia’s POV
Naikapit ko nang mahigpit ang isang kamay ko sa braso ni Azul at ang isa naman ay sa gawing balikat nito noong magsimulang gumalaw ang labi nito na nakadikit sa labi ko.
Pigil-pigil ko ang paghinga ko, pati na ang pagkurap ng mata ko. Hindi ko magawang pumikit, kahit pa nga sa mga ganitong eksena sa mga librong naisulat at nababasa ko ay gano’n dapat ang nangyayari.
Hindi ko maintindihan, ngunit sa paglipas ng sandali ay hindi man lang humuhupa sa mabilis na pagpintig ang puso ko, hindi na nakatataka kung bigla na lamang akong atakihin sa puso. Pero natauhan ako noong makarinig ako ng tikhim na tantiya ko ay nagmula iyon sa gawing likuran ko.
Nanatili akong nakadilat, naninigas at hindi makakibo, ikinurap-kurap ko ang mata kong nakatutok sa mukha mismo ni Azul.
Mas naging aware tuloy ako sa pagkakalapit naming dalawa.
Tumigil na sa paggalaw ang labi nito at ilang sandali pa ay nagkaroon nang maliit na distansiya ang mukha namin pero nanatiling nakahawak ito sa akin na sa tingin ko ay sa romantikong paraan kahit na sino pa ang makakita sa ayos namin ngayon.
Nagtaka ako noong biglang kumunot ang noo ni Azul habang nakatingin sa akin, hindi ko mabasa ang saloobin at iniisip nito.
Ngunit mas lalo akong nagtaka noong bumaba ang tingin nito sa gawing labi ko at kasunod naman niyon ay nakita ko ang naging paglunok nito nang sunod-sunod.
Nakarinig muli ako ng tikhim, nagpapahiwatig na pansinin na sana namin ang presensiya nang nagmamay-ari ng tinig na iyon.
Dahil doon ay sinubukan ko nang gumalaw at lalayo na sana ako kay Azul pero masyadong mabilis ang kilos nito dahil hinatak ako nitong muli, hindi ako hinayaan na magawa pa ang nais ko.
D*mn. Ang sarap nitong sipain! Ano ba ang ginagawa nito? Nasisiraan na ba ito ng ulo?
“I’m happy seeing both of you together. Bagay na bagay talaga kayo.”
Gusto ko pa sanang magprotesta sa mga kalaspatanganan at kagaguhan na ginagawa ni Azul kanina pa sa akin pero napatigil ako noong malaman ko kung sino ba ang taong nasa likuran ko kanina pa na pinanggalingan ng tikhim at ang nagmamay-ari ng tinig na nagsalita ay iisa— si Aletha.
Sh*t.
Sigurado ako na nakita nito ang nangyari kani-kanina lang.
Pero bakit nga ba nangyari ang nangyari kanina lamang? Bakit iyon ginawa ni Azul?
Dahan-dahan na nilingon ko ang puwesto ni Aletha at napatitig dito noong biglang may pumasok na ideya sa isip ko.
Don’t tell me… alam ni Azul na naroon ang babae kanina pa at nakamasid sa amin kaya ako nito bigla na lamang hinalikan nang walang paalam?
Pero ano ba ang gusto nitong palabasin kaya ako nito hinalikan na lang bigla?
Lito na nilingon kong muli ang lalaking katabi ko na ngayon na nakatingin na rin sa babaeng gustong-gusto nito noon pa man.
Ano ang motibo mo, Azul?
Kahit na nag-umpisa nang mag-usap ang mga ito ay hindi ko pa rin maialis sa isip ang nangyari.
Sino nga ba ang hindi mawiwindang sa ginawa ni Azul?
Nanghahalik na lang kasi itong bigla at sa harap pa talaga mismo ng babaeng mahal nito!
Kung kanina ay naiinis na ako rito, mas lumala pa iyon ngayon. Lalo pa at lumilinaw na sa akin kung bakit ba nito ginawa ang kalapastanganan kanina.
Hindi ko mapigilang isipin na malaki ang posibilidad na ginamit lang ako nito kanina dahil alam nito na naroon pala si Aletha, imposible naman kasi na hinalikan ako nito dahil gusto lang nito, malinaw pa sa sikat ng araw na hindi namin trip ang isa’t-isa simula pa lang.
Ikinuyom ko ang kamay ko sa tagiliran ko dahil sa pagdagsa ng reyalisasyon.
Nangangati ang kamao ko na suntukin sa mukha ang pesteng lalaki na nasa tabi ko. Nagpipigil at nagtitimpi lamang talaga ako dahil may ibang tao kaming kaharap.
Asshole! Humanda ito sa akin mamaya! Makikita nito!
"Hindi ba maganda ang pakiramdam mo, Caia?"
Dahil sa nagtanong na iyon ay noon ko lang napagtanto na hindi ko pa pala naiaalis ang mata ko kay Azul habang hindi maipinta ang pagmumukha ko sa asar.
Pasimpleng inirapan ko ito noong lingunin ako ng peste at mabilis na ibinaling ko naman ang magiliw na tingin kay Aletha.
Gusto kong manliit nang nabistahan kong muli nang mabuti ang napakagandang mukha ng isa sa mga karakter ko.
Kahit na madalas ay wala akong pakielam sa hitsura ko ay hindi ko mapigilang ma-conscious, lalo pa at hindi naman ito nakaayos nang bongga. Compared sa akin na pinaayusan pa talaga ni Azul sa madaming tao para lamang magmukhang tao sabi nga nito.
Nakakainis! Nakaka-insecure!
Mapapabuntung hininga ka na lang at mapapa-sana all.
Fresh na fresh kasi at napakaganda ba naman kasi ng mukha nitong kaharap ko, kaya nga hindi nakakataka na kayang-kaya ni Azul na gawin ang lahat katulad na lang ng pangba-blackmail pati na ang panggagamit sa iba… sa katulad ko at katulad na nang ginawa nito mismo kanina.
"Are you okay?" pagtatanong muli ni Aletha, marahil ay nahalata nito sa hitsura ko na may kakaiba akong nararamdaman.
Lumunok ako at ngumiti rito, pilit na tinitimpi ang pagkapesteng nararamdaman ko sa lalaking katabi ko.
Pasimple akong huminga nang malalim bago unti-unting inalis ang pagkakakuyom ng magkabilang kamao ko bago pa man mapansin iyon ng isa sa mga kasama ko at magtaka ang mga ito sa may pagka-weird na ikinikilos ko.
Kumurap-kurap ako para makalma ako at lumunok muli.
"Caia?" patanong na banggit ni Aletha sa pangalan ko, bakas ang pag-aalala hindi lamang sa tinig ngunit pati na rin sa hitsura nito.
Pinalawak ko ang ngiti ko at tumikhim muna bago sumagot. "I-I'm fine..."
Lumapit ito sa puwesto namin at sinipat ang mukha ko. "Are you sure? Parang namumutla ka yata."
Sinipat din ako ng pesteng katabi ko na hindi lumalayo sa akin.
Gustong-gusto ko talaga itong suntukin at karatehin sa katarantaduhan nito. Pinipigil ko lamang.
Argh!
Sunod-sunod akong tumango. "Y-Yeah, medyo pagod lang siguro, b-baka sa biyahe," pagsisinungaling ko, paano ba naman kasi akong mapapagod gayong wala naman talaga akong ginawa bago kami nagpunta rito.
"Gano’n ba? Sige, halina kayo at pumasok na tayo sa loob, mukhang kailangan mo yatang makainom ng tubig," yaya nito habang hawak ako sa braso.
Tumalima ako at pasimpleng tinabig ang nakahawak pa palang kamay sa akin ni Azul.
Mabuti at hinayaan naman ako nito, kung hindi ay baka hindi ko na ito matantiya at humulagpos na lang bigla ang pagtitimpi ko, baka matadyakan, masampal, masuntok o masapok ko na ito sa harapan mismo ni Aletha.
Napakapeste kasi nito. Hindi man lang ako na-inform na gagamitin ako. Wala kasing pakundangan. Naniwala pa naman ako sa sinabi nito na wala akong gagawin dito. 'Yun pala ay mayro'n… dahil gagamitin pala ako nito. Makikiayon ako sa gusto nito at nais.
Sapilitan na nga ang naging pagsama ko rito, tapos gaganituhin pa ako nito. Napakasama ng ugali. T*ngina.
Naglakad kami ni Aletha at sumunod na lamang si Azul sa amin. Hindi ko alam kung nararamdaman na nito ang pagkairita ko pero hindi ito nagtangkang sumabay sa paglalakad namin, bagkus ay nanatili lang na nakasunod ito sa likod.
Pagkarating namin sa loob ay inalalayan ako ni Aletha na maupo sa sofa.
"Saglit lang, ha? Ikukuha lang kita ng tubig," paalam nito.
Pagkaalis nito ay binalingan ko si Azul na nakatingin din pala sa akin. May kakaiba sa tingin nito na hindi ko maintindihan, ngunit hindi ko na iyon inintindi pa dahil mas matindi at nangingibabaw ang pagkaasar ko rito.
Nang-aakusa ko itong tinignan pero bago pa man bumuka ang bibig ko para komprontahin sana ito ay dumating bigla si Doc.
Dumiretso ito papalapit sa akin. "Are you okay, Caia? Ang sabi ni Aletha ay mukhang hindi raw maganda ang pakiramdam mo?" tanong nito na parang nag-aalala katulad na noong ipinakita ni Aletha sa akin kanina.
Sinipat-sipat ako nito.
Ngumiti ako rito nang bahagya. "O-Okay lang naman ako. Medyo pagod lang siguro ako," pagsisinungaling kong muli.
"Are you sure? Hindi ka ba nahihilo? May masakit ba sa iyo? Or mayroon ka bang ibang nararamdaman?"
Mayroon po, Doc. Inis na inis at asar na asar po ako ngayon. Counted po ba iyon sa itinatanong mong ibang nararamdaman ko?
Ngunit sa halip na iyon ang itugon ko ay umiling ako. “I’m fine.”
"Dapat ay hindi na muna kayo tumuloy rito kung hindi talaga maganda ang pakiramdam mo, puwede naman natin na i-move sa ibang araw itong pagsasalo-salo natin," parang matandang pangaral nito.
Hindi ko mapigilang humanga rito.
Napaka-matured kasi nitong mag-isip compared kay Azul.
Tinignan ko si Azul na tahimik lamang na nakatingin sa amin.
Puwede naman palang i-move. Pero bakit kasi sobrang atat kasi 'tong peste na 'to?
Tinaasan lamang ako nito ng kilay na parang hindi apektado sa mga katarantaduhan nito.
Umirap na lamang ako.
"Is she okay, Wal?" tanong ni Aletha dala ang isang basong tubig.
Napatingin kaming lahat dito.
"Pagod lang siguro siya," sagot naman ni Doc sa nobya.
Iniabot na sa akin ni Aletha ang baso at tinanggap ko naman iyon.
Ininom ko na iyon dahil sa kanina pa ako nauuhaw sa mga nangyayari.
"I just hope na hindi na maulit pa ang nangyari sa kanya dati. Ilang araw siyang nakatulog no'n. Sobrang exhausted. Naaabuso na ang kalusugan at katawan niya nang hindi man lang niya namamalayan, hanggang sa sumuko na lang at hinimatay siya," dagdag pa nito.
"Rash, you should take good care of her. Baka naman ini-stress mo siya? Naku. Alam ko kung gaano ka katerorista at kasungit. Spare her and be gentle naman, babae si Caia, baka kung ano-ano ang ipinapagawa mo sa kanya," pangaral ni Aletha kay Azul.
Sinabi mo pa, Aletha.
Dahil nakatingin ang lahat dito at nakatingin naman ito sa akin na parang caught off guard ay tinaasan ko ito ng kilay. Ibinuka nito ang bibig pagkatapos ay itinikom din agad, ilang ulit na gano'n ang nangyari, parang hindi nito malaman kung paano bang sasagot.
"Hindi ka makasagot. Palibhasa, totoo kasi," sabi pa ni Aletha.
Palihim akong napangisi.
Hah! Nakatagpo ako ng mga kakampi. Yey! Magbunyi!
Kumurap-kurap si Azul. "H-Hindi kaya," tanggi nito.
"Siguraduhin mo lang, Rash. Naku ka."
"E, 'di tanungin ninyo siya. Bakit kaya hindi siya ang tanungin ninyo? Kung makapagsalita kayo parang minamaltrato at inaapi ko naman, parang kontrabida at evil din ang dating ko," madramang saad ni Azul, tila ba nagtatampo ang tinig.
Ay, hindi ba? Ang alam ko kasi evil at kontrabida ka, every day pa nga. Walang palya.
Kung makapagsalita ito, parang ito pa ang api at kaming tatlo ang masama dahil wala itong kakampi at pinagtutulungan.
Kay sarap nitong sipain.
Pero ang totoo, noong saglit na ibinalik nito sa akin muli ang tingin ay may pagbabanta sa mata nito na hindi naman napansin ng magkasintahan.
Nakuha pa nitong magdrama pero totoo naman talaga itong kontrabida, iyang tingin pa nga lang nito ay ebidensiya na kung gaano kasama ang pag-uugali nito.
Iniikot ko ang mata ko.
As usual kasi ay kailangan kong sumunod at hindi ito ipahamak.
Kung may choice lang sana akong iba, nunca na sundin ko ang nais nitong ungas na 'to.
Peste ka! Hintayin mo, may araw ka rin sa akin!
"Wala nga siyang ginagawa sa bahay, ando'n lang siya. Namamahinga palagi. Parang prinsesa at buhay prinsesa," patuloy pa nito.
Tama naman ito, wala nga akong ginagawa sa bahay ng mga ito. Hindi ako pagod physically, pero mentally at emotionally? Jusko! Sa ugali pa lang nito, pagod na pagod akong pakisamahan ito.
Saka prinsesa my ass. May prinsesa bang bina-blackmail at kapag hindi sumunod ay palalayasin?
"E, bakit parang dahil daw sa pagod sabi ni Wal?" usisa ni Aletha na may kakaiba sa paraan kung paano ito magtanong.
Dahil doon ay tumingin ako rito at pagtingin ko rito ay nakita ko na may kakaibang kislap sa mata nito at pinipigilan na ngiti, parang... parang... nanunukso?
Gusto kong ibahin na lang bigla ang usapan.
Naiilang kasi ako kung paano kami nitong tingnan, mayroon kasing laman.
"Hmm… I know what my two eyes saw earlier in the garden..."
Bahagyang umawang ang labi ko at nanlaki ang mata dahil sa biglaang pag-ungkat nito sa nangyari kanina na ayoko nang pag-usapan pa sana.