Caia’s POV
Ilang araw na ang lumipas simula noong makabalik ako.
Gulong-gulo pa rin ang utak ko sa dami ng katanungan na hindi ko alam kung magkakaroon ba ng kasagutan dahil sa mga nangyayari.
Sinubukan kong tawagan ang numero na nakasulat sa calling card, ngunit katulad noong tinawagan ko ang numero rito sa bahay namin mula sa kabilang mundo ay incorrect din daw ayon sa operator.
Sinubukan ko ring i-search ang pangalan nina Doc at Rashiel ngunit wala akong napala.
Noong una ay pilit na iwinawaksi ko pa sa isip ko ang posibilidad na sina Azul at Wallaceter talaga na mga karakter ko ‘yung dalawang lalaki na nakausap ko dahil ang imposible kasi ng bagay na iyon, pero habang patuloy ako sa pag-a-analyze ay idinidiin naman ng isang bahagi ng isip ko na hindi trip na nagro-role play lang ang dalawa, lalo pa nga at napaka-convincing ng ginagawa ng mga itong acting, ‘yung kilos, ugali, hitsura pati na ang paraan ng pagsasalita ng mga karakter ko ay kuhang-kuha ng mga ito. Dumadagdag pa sa pagkumbinsi sa akin ay ang damit na suot ko, ang calling card, ang pagkawala ko raw ng isang buong araw ayon kay Manang Estela at ang mga eksenang nabasa ko na naka-publish sa kuwento ni Azul na siyang ebidensiya na naroon nga ako sa istorya.
Pero paanong napunta ako sa mundo na likha lamang ng imahinasyon ko at kathang-isip lamang?
Paanong naging totoo at nakausap ko pa ang mga karakter na binuo ng makulit na bahagi ng isipan ko?
Paanong nakabalik akong muli rito sa mundong kinagisnan ko?
Paanong nawala at unti-unting nabura sa mismong paningin ko ang mga marka ng tusok ng karayom sa kamay ko?
Higit sa lahat... paanong nangyari na may na-publish na chapter sa istorya ni Azul at nabago pa ang mga eksena na isinulat ko na iniwan kong nakatengga lang sa draft?
Alam na alam kong hindi ako ang nagsulat niyon dahil ilang beses kong sinubukan na dugtungan sana ang kuwento ngunit ayaw gumana ng isip ko at hindi ako makahagilap ng mga salita upang bumuo ng mga eksena, kaya nga nag-come up ako sa desisyon na sumuko na at tuluyan ko ng bitawan ang pagsusulat, tinanggap ko na rin ang katotohanan na iyon na ang katapusan ng lahat… na wala ng makakapareha pa ang pinakapaborito kong karakter at wala na akong isusulat pa na ano mang kuwento sa hinaharap.
Paulit-ulit na umuukit sa isipan ko ang napakaraming tanong.
Hindi ko alam kung ikakatuwa ko ba, ngunit nang makabalik ako, sa mga lumipas na araw ay hindi na ako binabagabag pa nung panaginip ko na paulit-ulit pero heto at may pumalit naman na bagong alalahanin at isipin.
Wala akong pinagsabihan sa naranasan ko, bukod na si Manang Estela lang naman ang natitirang tao na kaya at gustong makinig sa mga hinaing ko ay alam ko sa sarili ko na wala namang maniniwala sa akin kung ibabahagi ko man iyon sa iba. Baka akalain pa nga na nasisiraan na ako ng bait. Ako nga na nakaranas mismo ay hindi pa rin halos makapaniwala, paano pa kaya ang iba? Isa pa, hindi ko rin naman kayang ipaliwanag ang mga pangyayari kaya mas mabuti na manahimik na lamang ako.
"Nandito si Timmy, kakausapin mo ba?" tanong ni Manang na biglaang na lamang sumulpot.
Natigilan ako sa narinig, hindi dahil sa gulat sa biglaan na pagdating ni Manang kundi dahil sa pangalan na binanggit nito mismo.
It's been more than two months and I didn't expect that I'll hear his name again. Pagkatapos kasi noong malaman ni Manang ang nangyari sa amin ay hindi na namin pa muling napag-usapan ang kahit na anong bagay patungkol dito. No one dared to open the topic again. Si Papa naman ay hindi ko pa nakakausap tungkol sa paghihiwalay namin ni Timmy kaya hindi rin talaga ako nagkakaroon ng pagkakataon na mabanggit ang pangalan nito sa bahay na dati-rati ay napakakaswal, normal at natural lamang na bagay.
Naramdaman kong muli ang pamilyar na kirot na kumudlit sa dibdib ko.
Pasimpleng huminga ako nang malalim.
Pain, when will you go away and will never ever come back in my life again?
Bakit hindi na lang din gano'n kabilis na mawala ka kung gaano din kabilis na umalis at naglaho ang taong iniwan ka sa akin?
Bakit hindi ka pa binitbit at dinala?
Bakit kailangang iwan ka sa akin?
Kalaunan ay nag-angat din ako ng tingin mula sa calling card na palagian kong hawak at tinitignan nitong mga nakaraang araw bago itinuon ang mata kay Manang Estela, natagpuan ko itong hindi maipinta ang mukha na kabaligtaran sa tuwing nagpupunta rito dati sa bahay ang sinasabing dumating.
Ibinaba ko ang kamay ko at ipinasok sa bulsa ang hawak.
Pagkabalik ko mula sa kung saan mang lugar na napuntahan ko ay ngayon na lamang muli pumasok sa isip ko si Timmy, masyadong malaki kasi ang bahagi ng isip ko na sinakop na ng maraming katanungan dahil sa aking naranasan.
Which is, ipinapagpapasalamat ko pa nga ngayon dahil sa hindi ko man namamalayan ay nakakalimot ako sa bagay at sa mismong tao na may kakayahang saktan ako. Kahit na sa maikling panahon lamang ay nakatakas ako kahit papaano sa reyalidad ng mundo. Nakalimot ako na nasasaktan ako, na may sugat sa puso ko na mahirap gamutin.
Umayos ako ng pagkakaupo. "Ano raw po ang kailangan niya?" malumanay kong tanong kahit na ang totoo ay ramdam ko ang bawat pagpintig ng puso ko.
Kung dati ay dahil lang iyon sa pagmamahal, ngayon ay dahil na sa sakit na kalakip ng bawat pagpintig niyon.
"Hindi ko alam. Hindi ko na natanong pa at nag-init kaagad ang ulo ko pagkakita ko. Gusto ko siyang sampalin at saktan kaya lumayo na lang ako kaagad. Alam kong hindi tama ang gano'n, hindi magandang pairalin ang galit," may gigil sa tinig na sambit nito na hindi ko akalain at kailanman ay hindi ko naisip na makikita ko rito paukol kay Timmy.
Malungkot akong napangiti bago huminga nang malalim.
"Ano lalabasin mo ba o mas mabuting paalisin ko na?" untag nito sa akin noong hindi ako kumibo at nanatiling tahimik.
Siguro kung katulad noong dati baka kaagad na akong lumabas kahit pa hindi na ako tanungin pa ni Manang, pero hindi, e. Iba na kasi ngayon ang sitwasyon. Sobrang iba na.
Muli akong huminga nang malalim. "L-Lalabasin ko po."
Umawang ang labi nito at tila ba may pagtutol sa mukha habang pinagmamasdan ako.
Ngumiti ako rito upang maibsan ang pag-aalala nito.
Lumapit ito sa akin at hinawakan ang braso ko. "Kaya mo na ba, anak? Paano kung hindi pa?"
"K-Kaya ko naman po… siguro…" sagot ko na kahit ang sarili ko ay hindi sigurado sa sinabi.
Pumalatak ito. "Huwag mong pilitin ang sarili mo, Caia. Hindi mo naman kailangan na kausapin o labasin si Timmy para ipakita mo na tanggap mo na ang nangyari sa inyo at matapang ka. Wala kang obligasyon sa kahit na sino na patunayan ang sarili mo."
Ngumiti ako rito. "Alam ko po. Wala naman po sa isip ko ang patunayan ang sarili ko."
"Pero kaya mo na ba talaga, gayong alam naman natin na nasasaktan ka pa rin?"
Ngumiti akong muli, ngunit may halong sakit at lungkot iyon.
Gustuhin ko man na hindi makadama ng sakit ay hindi ko pa rin maiwasan. Sadyang may mga bagay na hindi kayang kontrolin. But I know, time will come that it will pass. Na kahit makita ko pa ito, makausap o kahit na 'yung simpleng maalala lang 'yung masayang naging samahan namin ay hindi na ako makakadama pa ng sakit. Na makakaya kong alalahanin ang mga bagay at pagtatawanan ko na lang ang mga kadramahan ko sa buhay.
I just hope and pray na sana ay makamit at makaya ko na ang mga iyon, nakakapagod na rin kasi ang makadama ng sakit nang paulit-ulit. At sa totoo lang, minsan ay hindi ko na alam kung hanggang kailan ko ba kakayanin ang ganito. Natatakot din kasi ako sa sarili ko na baka masanay ako sa ganitong pakiramdam, ayokong dumating ang panahon na iyon.
"May ipinagkaiba po ba kung hindi ko siya kakausapin ngayon? Mawawala po ba 'yung sakit dito kapag hindi ko siya hinarap?" tanong ko habang nakaturo ang daliri sa tapat ng dibdib ko.
Umiling-iling ito. "Pero mas masasaktan ka kung makikita mo siya."
Nagkibit-balikat ako. "Siguro nga po, pero siguro... hindi rin? Malay po natin?" nakangiti kong turan.
Hinampas ako nito nang mahina sa braso bago natawa.
"Hindi po natin malalaman ang sagot kung hindi ko po siya susubukan na kausapin ngayon. Saka, mag-uusap lang naman po kami, baka po may mahalaga siyang sasabihin?"
"Mahalagang sasabihin? Hindi pa ba niya nasabi ang lahat sa iyo noong huli kayong nag-usap?" tanong nito na halata ang pagtutol sa tono na kausapin ko ang lalaki.
Nakakalungkot talaga kung bakit kami humantong sa ganito ni Timmy. Hindi lang kasi ang samahan at relasyon namin ang nasira, kundi pati na ang relasyon ng iilan na taong malapit sa amin pareho, naging bahagi at nakatunghay sa istorya naming dalawa.
"Hindi ko po alam."
Pinagmasdan ako nito na puno nang pagsuyo pagkatapos ay hinaplos ang buhok ko. "Ikaw ang bahala. Pero kapag hindi mo na kaya, tawagin mo lang ako at ako mismo ang magpapaalis sa lalaking iyon."
Natawa ako. "Ikaw po ba talaga 'yan, Manang? Dati mahal na mahal ninyo rin po ang lalaking iyon at sobrang giliw ninyo pa nga," biro ko upang maging light ang mood sa pagitan namin.
Umingos ito at ibinaba na ang kamay. "Dati 'yon. Noon. Bakit? Hindi ba puwedeng magbago ang nararamdaman? Ang pagtingin ko? Lalo na kung naaargabyado at nasasaktan na ang alaga ko?"
Kinagat ko ang labi ko upang pigilan ang ngiti.
Hindi nito alam, ngunit sa simpleng mga kataga na sinabi nito, pakiramdam ko ay ang importante ko kahit na papaano… at ang sarap niyon sa pakiramdam.
Kalaunan nang hindi na makatiis pa, dahil sa tuwa ay kumilos ako upang yakapin ito, nagulat naman ito at hindi nakagalaw kaagad. Pero noong makabawi na sa gulat ay niyakap na rin ako nito pabalik.
Ibinaon ko ang kalahati ng mukha ko sa gawing tiyan nito. "Thank you po, Manang Estela. It means a lot when you chose to stay when everyone else around me doesn't want to be with me anymore."
Mahina ako nitong hinampas sa gawing braso. "Ano ka bang, bata ka! Huwag mo akong ini-ingles at nai-speechless ako," reklamo nito na alam ko namang pinapatawa at binibiro lamang ako.
Nang kumalas ako rito ay hindi pa rin mapuknat ang ngiti ko.
"Paano? Lalabasin mo ba talaga? Buo na ba ang loob mo, isip mo at desisyon?" paninigurado pa rin nito kapagkwan.
Tumango ako. "Opo, sigurado po ako.”
“Kaya mo ba talaga, Caia?”
Bahagya akong natawa dahil sa kakulitan nito. “Opo. Sige po, pakisamahan na lang muna siya at susunod na lang po ako."
Sa halip na umalis ay pinagmasdan na naman ako nito bago ngumiti. "Ang laki mo na talaga, anak. Ni hindi ko namalayan. Dati, kapag nadadapa ka lang at kapag pisikal na nagkakasugat ka lang kaya ka umiiyak dahil nasaktan ka. Pero ngayon, iba na ang may kakayahang makapanakit at magpaiyak sa iyo… 'yung madalas gamitin ng lahat ng tao, 'yung napakaimportante at fragile na bahagi ng katawan natin, ‘yung bagay rito… 'yung bahagi natin na kapag nasugatan ay hindi mabilis maghilom at hindi man nakikita ng mga mata ay nadarama naman natin ang kakaiba at hindi maipaliwanag na sakit. ‘Yung bagay na kapag nasaktan ay hindi katulad ng simpleng sakit sa katawan na maaaring gamitan o inuman ng anumang gamot na kahit papaano ay makababawas o makapagpapahinto sa sakit," seryosong turan nito habang nakaturo ang daliri sa tapat ng dibdib.
Ngumiti lamang ako.
Totoo iyon. Walang gamot sa pusong nasugatan at nasasaktan. Kadalasan, ang tao ay walang kailangang gawin, dahil maraming pagkakataon na kusang naghihilom at gumagaling ang sugat o humihinto at tumitigil ang sakit.
Huminga naman ito nang malalim. "Kahit hindi ko gusto ay lalabasin ko na ang lalaking iyon. Huwag kang masyadong magmatagal, ayusin mo lang ang sarili mo at sumunod ka kaagad. Baka isipin pa niyon na nagpaganda ka pa para sa kanya," bilin nito bago ako tinalikuran.
Hindi ako kaagad tuminag sa kinauupuan ko, pinalipas ko muna ang ilang sandali bago ako tumuloy sa kuwarto at nagpalit ng damit.
Bago lumabas ay huminga ako nang malalim at kinagat nang mariin ang labi ko.
Alam kong hindi pa ako handa na makaharap, makita o makausap si Timmy, sa ilang taon kasing lumipas ay ang makita lamang ito at marinig ang tinig nito ay nagiging sapat na noon sa akin upang mapawi ang mga alalahanin at problema ko.
Pero ngayon?
Ang makita at makausap ito ay napakahirap para sa akin, dahil sa kaalamang puno ako ng hinanakit sa mga bagay na hindi ko man talaga inasahan at pinaghandaan pero alam ko sa sarili ko na maaaring mangyari sa aming dalawa.
Pumikit ako nang mariin at ikinuyom ang kamao ko. Paulit-ulit na humugot at nagbuga ako ng hangin.
Kailan ba matatapos ang drama sa buhay ko? Kailan ako magkakaroon ng panatag na kalooban at isipan? At kailan ko matatakasan ang ganitong reyalidad ng buhay?
Parang ang simple ng gusto ko pero bakit gano’n, hirap na hirap akong makuha iyon?
"Finally, you're here again. Welcome back, Caia."