CHAPTER 14

2008 Words
"TAO ako'ng pumarito sa lugar mo, pare," sabi ni Rafael ng makalapit si Melgar. "Magpakatao ka din sana. Hindi naman ako pumarito para manggulo." Parang gustong umiiyak ni Shantel dahil sa nerbiyos. Hindi niya gustong magkagulo ang dalawang lalaki. Ayaw niyang magkasakitan ang mga ito. "Tatapatin kita," malakas ang boses na sabi ni Melgar. "Kaaway ang turing ko sa 'yo. Hindi pa man kita nakikita dati ang mainit na ang dugo ko sa 'yo." "Huwag, pare. Walang dahilan para magalit ka sa akin." Lihim siyang nagpapasalamat dahil nagpapakahinahon si Rafael. Ngayon ay ang isinisigaw ng isip niya ay si Melgar, na sana ay maging maayos din ang pakikipag-usap. Mawala na sana ang galit nito para maging maayos ang sitwasyon. "Unang kita ko palang sa 'yo sa supermarket ay nakaramdam na ako ng galit. At hindi iyon nakakapagtaka dahil ikaw pala si Rafael." "Boss, relax," sabad niya sa usapan ng dalawa. "Huwag kayong mag-away. Hindi maganda kung magkakagulo kayo." "Umaasa ka ba, Shantel, na magiging kaibigan ko ang lalaking ito?" tanong ng boss niya na sunud-sunod na umiling. "Hindi mangyayari iyon. Ang mabuti pa ay paalisin mo na siya rito." "Okay," sabi ni Rafael. "Aalis ako para walang gulo. Pero, pare, huwag ka sanang maging unfair kay Shantel. Hayaan mo siyang makipag-kaibigan sa akin." Tumawa si Melgar. "Ano ako, tanga? Bakit ko hahayaang magkaroon kayo ni Shantel ng pagkakataon? Lalaki ako, Rafael. At alam ko ang balak mo." Napatingin sa kanya si Rafael. Nakita niya ang lungkot sa mga mata nito. Bunga niyon ay gusto sana niyang ipaalam dito ang tunay na damdamin para wala na itong alalahanin. Bagkus ay maipamukha nito kay Melgar na wala itong karapatan para manghimasok sa kanyang buhay. Pero paano niya gagawin ang bagay na iyon? Hindi naman maganda na harap-harapan niyang ihayag sa mga ito ang katotohanan. Importanteng pamahalagahan niya ang sarili. Bilang babae ay dapat niyang maiangat ang pagkatao niya para igalang siya. "Umalis ka na, Rafael," sabi pa ni Melgar. "Huwag mo akong pilitin na masaktan ka pa!" "Rafael, umalis ka na," sabi niyang sobrang nakadama ng bigat ng kalooban. Nasaktan siya sa pagpapaalis dito dahil labag iyon sa kalooban niya. "Please. Para wala ng gulo pa." Tumango si Rafael. Saka binawi ang tingin mula sa kanya at iniukol kay Melgar. "Pasalamat ka at nagmamalasalit ako kay Shantel. Aalis ako ngayon dahil sa kanya at hindi dahil natakot ako sa 'yo." "Talagang ginagalit mo ako--" Napatili siya nang makita niyang susuntukin ni Melgar si Rafael. Nabitiwan niya ang hawak na plastic bag ng groceries at mabilis na inawat ang kanyang boss. "Boss, tama na," sabi niyang nabasag ang boses. Nagawa pa niyang ilayo ito mula kay Rafael. "Huwag mong saktan si Rafael. Please." "Makakatikim talaga sa akin ng sakit ng katawan ang lalaking 'yan kapag nagtagal na rito," sigaw ni Melgar. "Ginagalit niya ako!" Pinulot ni Rafael ang mga grocery item na natapon mula sa plastic bag at ibinalik nito sa lalagyan. Saka ito umalis matapos pagpaalam sa kanya. Tinanguan na lamang niya ito at inihatid ng nakaw hanggang sa makalabas sa entrance ng resort. GALIT na galit si Rafael kay Melgar. Habang nagmamaneho siya ng kotse pauwi sa farm ay makailang beses niya itong minura, na parang kaharap lang ito. "Hindi tama ang ginagawa niya," sabi niya na nahampas ang manibela ng sasakyan. "Wala siyang karapatang diktahan si Shantel at pasunurin sa gusto niya." Sobra siyang naaawa kay Shantel. Alam niyang nahihirapan na ito. Daig pa nito ang nakakulong sa isang hawla at walang kalayaan. "Hindi puwede ito," aniyang nagpakawala ng bumuntonghininga. "Hindi ako papayag na patuloy na gawin kay Shantel ng Melgar na 'yon ang bagay na ito." Naisip niyang itakas si Shantel. Pero papayag kaya siya na tumira sa aking farm? Nagdalawang-isip siya. Baka kasi mapahiya lang siya. Hindi naman maganda kung pipilitin pa niya si Shantel. Baka magmukha pa siyang tanga kung gagawin niya iyon. Pero kapakanan mo lang ang iniisip ko, Shantel. Hindi ko gustong tuluyan ka'ng mapasubo sa Melgar na 'yon. Napailing siya. Muling naglaro sa utak niya ang araw na nakilala ito. Aminado siya sa sarili na talagang attracted na noon palang unang kita rito. Kaya nga tinulungan niya ito at pinagmalasakitan. Sa totoo lang, Shantel looked like a million bucks. Kahit napaka-simple nito sa suot na damit ay hindi matatawaran ang taglay na katangian. Para sa kanya, ang sabihing maganda ito ay understatement. Pero hindi rin niya mahagilap ang tamang adjective para ilarawan ito. Naitanong nga niya sa sarili noong tinititigan ito habang humihigop ng sabaw ng mami, ano ang ginagawa nito sa lugar nila? May piging ba ang mga diyosa at bigla itong dumating mula sa pinanggalingang mundo? Napangiti siya sa naisip. Bigla niyang na-miss si Shantel. Naglaro sa isip niya ang kagandahan nito, na hindi maitatanggi kung bakit tila hibang ring magustuhan ng boss nito. "Shantel, mahalin mo rin sana ako," bigla niyang naibulong sa sarili. "Magkaroon sana ako ng pagkakataong ligawan ka." Sumagi rin sa utak niya si Melgar. Nagusot ang noo niya dahil sa inis. Ano pa't tila naramdaman niyang sinakal siya nito. "Ang sira-ulong iyon," bulalas niya. "Hadlang siya sa aming dalawa ni Shantel. Biruin mo nga naman ang pagkakataon..." Halos hindi siya nakapaniwala na nagkrus ang landas nila ni Melgar sa supermarket bago sila nagkakilala ng personal. Kaya naman nabatid na niya na may problema ito sa pag-uugali. Hindi na nakakapagtaka kung bakit ito ganoon umasta. "Kawawa si Shantel kung sa Melgar na 'yon lang mahuhulog," sabi niyang napailing. "Ngayon pa lang ay pinarurusahan na siya. Lalo na kapag nagkaroon sila ng relasyon." Hindi ako makakapayag, sigaw ng utak niya. Gagawa ako ng paraan para hindi mapasubo sa Melgar na 'yon si Shantel. Naisip niya, sana ay nagawa na niyang isama sa kanyang farm si Shantel noong makilala ito sa restaurant. Mula doon sana ay iniuwi na niya ito para hindi na nakilala pa si Melgar. Pero parang sadya niya akong tinakasan, sa isip-isip niya. Umalis siya na walang paalam. Hinintay ko siyang bumalik sa table mula sa comport room ng restaurant pero hindi na siya bumalik. Naging palaisipan iyon sa kanya. Kaya lalo niyang ninais na makasama at makausap si Shantel. Gusto niyang maliwanagan ang mga bagay na gumugulo sa isip niya ngayon. SINADYA ni Shantel na umiwas kay Melgar. Pagkaalis ni Rafael sa resort ay hindi na niya ito inimikan. Dali-dali niyang binitbit ang plastic bag ng groceries na bigay ng kaibigan at pumunta na siya sa bahay ni Carmina. Hindi na muna siya lumabas para maisip ni Melgar na umalis na sa resort. Dahil ang totoo ay ayaw na muna niyang makipag-usap dito. Dahil sa ipinakita nitong ugali kanina ay lalo niya itong inayawan. "Higit akong na-turn-off sa 'yo, Melgar," bulong niya. "Sa ipinakita mong ugali ay pinatunayan mo lang na hindi kita dapat mahalin." Nagkapuwang sa isip niya si Rafael. Natuwa siya rito dahil nakita niyang sinikap nitong gawin ang gusto niya. Talagang nagpakahinahon ito para maiwasan ang gulo. Nasaan na kaya siya? sa isip-isip niya. Pupuntahan pa kaya niya ako dito? Ano kaya ang gagawin niyang paraan para maiwasan si Melgar? Umaasa talaga siya na hindi ito titigil sa pagdalaw sa kanya sa kabila ng hindi magandang nangyari. "Rafael, wala akong halaga para sa 'yo kung hindi ka na babalik dito," she whispered sadly. "Kapag tumigil ka na at hindi na gumawa ng paraan para mapuntahan ako ay ibig lang sabihin na sumuko ka na." Nalungkot siya sa isiping iyon. Hindi niya gustong mangyari dahil sobra talaga siyang malulungkot. Eksaktong tumayo siya mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama ng may kumatok sa labas ng pintuan. Nang mapatingin siya roon ay nakita niyang pumasok si Carmina. "Umalis na si Mel," sabi nitong nakasimangot. "Talagang tiniis mo'ng hindi puntahan ang pinsan ko." "Sorry, ate. Umiiwas lang ako sa gulo. Ayaw ko'ng makipagtalo pa kay Boss Mel." "Ang kulit mo rin kasi, e. Paulit-ulit na nga'ng sinabi ng pinsan ko na huwag mo ng papuntahin dito ang lalaking 'yon pero pinapunta mo pa." "Ate, hindi ko pinapunta rito si Rafael. Kusa siyang dumating. Ang totoo ay hindi ko alam na darating siya at nagkataon pa'ng narito ang pinsan mo." "Sinungaling," sabi nitong inirapan siya. "Tinawagan mo ang Rafael na 'yon, Shantel. Hindi ba't nanghiram ka sa akin ng cellphone?" "Oo. Pero si Shara ang tinawagan ko at kinausap. Hindi ba't narinig mo naman." "Naku," anas nitong humalukipkip. "Kaya ka lumabas sa opisina ay dahil ang Rafael na 'yon na ang kinausap mo. Umayos ka nga, Shantel." "Ate," sabi niyang napapaiyak na. Sobra na ang sama ng loob na ibinibigay ni Carmina sa kanya. "Huwag ka namang mag-imbento ng kuwento. Hindi maganda. Parang ikaw na rin ang gumagawa ng dahilan para mag-away kami ni Boss Mel." "Pinagmamalasakitan ko lang ang pinsan ko," mataas ang tono na sabi nito. "Hindi ako ang gumagawa ng away ninyo. Ikaw 'yon, Shantel." "Ate, please," aniyang hindi na napigilang umiyak. Nasapo niya ang sariling dibdib dahil pakiramdam niya ay nahirapan siyang humiga. "Tigilan mo na ako. Nahihirapan na ako sa mga nangyayari." "Huwag ako ang sisihin mo, Shantel. Ipinapaalam ko lang kay Melgar ang nalalaman ko." "Tama na, ate. Huwag mo na sana ako'ng pakialaman. Hayaan mo na lang ako sa buhay ko." "Paano si Melgar? Paano ang pinsan ko?" "Sorry for my word," sabi niyang pinalis ang mga luha. "Pero mas makakabuti kung hindi mo na kami pakikialaman pa ni boss. Manahimik ka na lang, ate. Please." Hindi na niya ito hinintay na makasagot. Agad niya itong tinalikuran at lumabas na siya sa bahay nito. EKSAKTONG magkalabas ni Shantel sa pintuan ng bahay ni Carmina ay napatili siya ng may humaklit sa kanyang braso. "Huwag mo akong tatalikuran, Shantel," galit na sabi ni Carmina na dinuro siya. "Nag-uusap pa tayo kaya huwag ka'ng bastos!" Nasapo niya ang braso dahil nasaktan sa paghaklit nito. "Ate Carmi, ano ba?" "Huwag ka'ng umasta na parang sino ka. Wala ka'ng utang na loob." Hindi niya naiwasang muling umiyak. Ang sama-sama ng loob niya kay Carmina. Umiwas na nga lang siya para walang gulo kaya siya lumabas ng bahay pero minasama pa rin nito. Heto at nagwawala ito ngayon, na wala naman sa lugar. "Sorry, ate. Kung minasama mo ang pag-alis ko ay pasens'ya ka na. Lumabas na ako sa bahay para hindi na tayo mag-away." "Ang sabihin mo, mayabang ka!" Umiling-iling siya. Hindi niya inaasahan na magiging ganito ang reaction ni Carmina. Wala sa loob niyang magpapakita ito ng masamang ugali. "Porke alam mo na patay na patay sa 'yo si Melgar ay nagmamalaki ka. Hoy, Shantel, sampid ka lang dito kaya umayos ka." Nagpatuloy ang pag-iyak niya. Hindi totoo ang naisip na iyon ni Carmina. Pinararatangan siya nito at masakit para sa kanya ang binibitiwan nitong salita. Pero minabuti niyang manahimik na lamang. Ayaw niyang tuluyan silang magkagulo. Itinungo na lang niya ang ulo habang umuuga ang balikat sa tahimik na pag-iyak. "Sira-ulo kasi ang Melgar na 'yan, eh. Ang dami-dami namang babae pero ikaw pa ang nagustuhan. Sa totoo lang naman ay hindi niya alam kung sino ka talaga. Ni hindi niya alam kung saang lupalop ka nagmula." Humalukipkip si Carmina. Bumuntonghininga. Inirapan siya at nanatiling nakataas ang mga kilay. "Ang totoo naman ay hindi kita gusto, Shantel," sabi pa nito. "Napilitan lang ako'ng tanggapin ka dahil kay Melgar. Siya kasi ang may-ari nitong resort kaya wala ako'ng nagawa kundi ang sumunod." Tila nainis pa ito dahil patuloy siyang nanahimik kaya minsan pa siyang inirapan saka iniwan. "Diyan ka na nga," narinig pa niyang sabi nito. "Bahala ka sa buhay mo." Noon siya tumunghay at tiningnan ang paglayo nito. Sinikap niyang tumigil sa pag-iyak at pinalis ang mga luha. Saan ako puwedeng tumuloy? tanong niya sa isip. Saan ako pupunta para maiwasan si Ate Carmina? Ngayon ay namumublema talaga siya kung saan pupunta. Sa sitwasyon nila ngayon ay hindi na madali para sa kanya ang makisama kay Carmina. Mahirap kumilos sa loob ng bahay dahil galit ito sa kanya. Parang bigla siyang naawa sa kanyang sarili. Paano pa siya kikilos ng normal gayong tila kaaway na ang turing nito sa kanya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD