NAPAPITLAG ako nang bigla na lang may mga braso na pumaikot sa leeg ko. Nasa sala ako sa bahay at nakaupo sa single seater couch. Kaagad kong naramdaman na hindi iyon mga braso ni Carmela na nasa banyo sa kasalukuyan. I immediately knew it was Mattie.
Hindi pa man ako nagkakaroon ng pagkakataong makapag-react, nagawaran na ni Mattie ng isang matunog na halik ang aking pisngi. Tulala ako hanggang sa maupo siya sa armrest ng couch na kinauupuan ko.
“Na-miss talaga kita, Jem.”
“Mattie...” usal ko. Mahahalata marahil na bigla akong hindi naging komportable sa paglalapit naming dalawa ngunit tila oblivious naman si Mattie.
“Totoo! Na-miss kita nang sobra. Magkapitbahay tayo pero ang dalang-dalang na nating nagkikita. Ang sabi ni Daddy, normal lang daw `yon kasi lumalaki na tayo, natural na magbago na ang lahat sa pagitan nating dalawa. Nagkakaiba na ang mga interes natin sa buhay. Magkaiba na ang tinatahak na daan. Pero in our hearts, we’d always be special to each other. Pero nakaka-miss ka pa rin.”
Ngumiti ako at pilit na nilabanan ang hindi komportableng pakiramdam. “Tama si Ninong.”
Bahagya siyang lumabi. “Saka may girlfriend ka na kaya hindi ka na gaanong sumasama sa amin. In fairness, maganda siya, ha. Saka mukhang mabait.”
Bahagya akong nakahinga nang si Carmela na ang pag-usapan namin. “Hindi lang mukhang mabait, mabait talaga siya. You’ll love her.”
“Basta love ka niya, love ko na rin siya.”
Pinisil ko ang kanyang pisngi. “Na-miss din kita.” Hindi ko sinadyang umamin, kusa na lang lumabas sa aking bibig. Hindi ko naman pinagsisihan ang nasabi ko. Mattie smiled with immense satisfaction. Niyakap niya ako at halos mapakandong na sa akin.
I was not comfortable being this close to her but I didn’t want her to move an inch either. Hinaplos ko ang buhok niya at banayad na tinapik-tapik ang kanyang ulo. “Ano ba ang mga pinaggagagawa mo sa buhay mo, ha? Bakit nasasangkot ka sa mga gulo? Nanuntok ka ng kaklase?”
Kumalas sa akin si Mattie at umayos ng upo sa armrest. Ipinatong niya ang mga paa sa hita ko. “Binu-bully niya kasi ang isang first year, eh. Hindi ko naman puwedeng hayaan na lang.”
“Sana isinumbong mo na lang sa teacher.”
“Hindi ako nakapagpigil, eh. Gusto kong maramdaman naman niya kung paano masaktan para alam niya ang ginagawa niya.”
“Sumagot ka sa teacher?”
“Bully din ang teacher na `yon, eh. Sobra kung mamahiya ng student. Hindi ko naman siya pabalang na sinagot. Nangatwiran lang ako. Hindi lang niya matanggap na may estudyanteng nangahas na mangatwiran kaya mainit ang ulo niya sa akin.”
“Nanabunot ng kaklase?”
“Nilagyan niya ng bubog ang rubber shoes ni Analisa para hindi ito makapag-audition sa lead role ng play.”
“Teka, `di ba, ang Analisa na `to ang kinaiinisan mo mula no’ng first year kayo dahil masyadong mayabang?” nakakunot-noong tanong ko.
“Yes. Napakayabang talaga. Mean girl na mean girl. Bully. Feeling niya, siya na ang pinakamaganda sa school. Feeling niya may gusto sa kanya ang lahat ng lalaki, na sinasamba siya.”
“Pero ipinagtanggol mo sa kaklase mong naglagay ng bubog sa rubber shoes niya?” Tumikwas ang isa kong kilay. With Mattie, you never know what’s going to happen next. “Sino ang sinabunutan mo?”
“Si Bea.”
Napamulagat ako. “Si Bea? Si Bea na malapit mong kaibigan mula kindergarten?” Kilala ko si Bea dahil madalas siyang magtungo sa bahay nina Mattie. Bea was such a sweet girl. Hindi ko mailarawan sa aking diwa na nilalagyan niya ng bubog ang sapatos ng sinuman.
Tumango si Mattie. “I can’t believe she stooped that low. Nagkasagutan kami. Ang sabi niya, dapat lang kay Analisa `yon dahil no’ng nakaraang taon ay may naglagay ng bubog sa rubber shoes niya para hindi siya makasayaw. Walang patunay si Bea pero si Analisa lang daw ang maaaring sumabotahe sa kanya. Palagi kasi silang magkaribal sa mga lead role sa dance and play, eh. Sabi ni Bea, gumaganti lang siya. Galit na galit siya, mas galit na galit ako. Hinayaan kong madaig ako ng emosyon ko.” Nagkibit siya ng mga balikat. “Sinabunutan ko siya para magising siya sa kahibangan niya, para ma-realize din na kahit na saang anggulo tingnan, mali ang ginawa niya.”
Napailing-iling ako. Halos hindi ko mapaniwalaan ang aking mga narinig.
“Tama naman ako, `di ba? Analisa may be the most terrible person and she may deserve what Bea did, pero hindi maikakaila na magkalebel na sila ngayon. Pareho na silang horrible. Bea’s my friend and I don’t want her turn into a horrible person, to be anything like Analisa. Hindi gano’n ang paraan ng pagganti. Do you understand me, Jem? Hindi ako maintindihan ni Kuya at hindi ko maintindihan kung bakit.”
Nakangiting pinisil ko ang ilong ni Mattie. May punto siya at kahit na paano ay naintindihan ko. “So, magkagalit kayo ni Bea?”
Tumango siya. “She’s not talking to me. That’s okay, I don’t wanna talk to her either. Galit pa siya dahil parang hindi raw niya ako kaibigan. Pero she’ll get over it. Mare-realize din niya na siya talaga ang mali at magiging maayos uli ang lahat sa amin.”
“Sana maayos n’yo kaagad ang problema. Bakit ka nag-cutting class?”
Napangisi si Mattie. “Fourth year high school na ako. Ilang buwan na lang, ga-graduate na ako. Gusto ko namang maranasang tumakas para lang maglaro sa arcade. It was fun.”
“Pero mali. Self-righteous ka yata masyado, Mat.”
Iginalaw-galaw niya ang mga paa sa hita ko. “Alam ko namang mali, eh. Ako na nga ang kusang nagparusa sa sarili ko. Isang buwan na ako ang maghuhugas ng mga pinagkainan. Gusto ko lang talagang maranasang mag-cutting class. Para kapag namatay ako bukas—”
“Stop, I don’t wanna hear it. Bakit ka nangopya?”
“Obvious ba? Kailangan mo pa talagang magtanong? Bakit ba nangongopya ang isang estudyante? Di siyempre dahil hindi niya alam ang sagot. Sa mga gano’ng pagkakataon mo makikilala ang mga totoong kaibigan, ang mga kaibigan na palaging maaasahan.”
Pinigilan ko ang sarili kong matawa. “Mali pa rin. Dapat nag-review ka para alam mo ang sagot.”
“Hindi mo pa ba nararanasang mangopya?”
“Ako ang kinokopyahan.”
“Try mo minsan. Masaya.” Ngumiti siya nang matamis.
“No. I don’t need to.” Hindi ko mailarawan ang sarili ko na nangongopya sa kahit na kanino at sa kahit na anong exam.
“Puwede kayang mangopya kapag kumukuha ng board exam?”
Banayad na akong natawa. “Ewan ko sa `yo, Mattie. Pakabait ka na nga. Huwag mo nang pasakitin ang ulo ng kuya mo.”
“Masyadong seryoso `yon, eh. Ilabas mo nga minsan. Pakilala mo sa mga chicks para hindi ako nang ako ang napagdidiskitahan.”
“Kahit na may chick ako, hindi pa rin kita lulubayan. Halika na, marami ka pang pag-aaralan.”
Sabay kaming napatingin sa direksiyon ng pinanggalingan ng tinig. Nakita namin si Andres na kasama si Carmela. Napaungol si Mattie at muling yumakap sa akin. “Jem, don’t let him take me. Ayoko nang mag-aral. Ayoko na talaga! Masakit na ang ulo ko. Please. Please.”
Natatawang binuhat ko siya at ipinasa kay Andres.