Joseff’s Pov: Mahaba ang katahimikang dumaan. Nanatili akong walang imik na naghihintay sa iba pang sasabihin ni Chairman Nietre habang s’ya naman ay hindi nawala ang pagkakatingin sa kawalan na tila ba ay inaalala n’ya ang mga nangyari noon. Nang tingnan ko ang mukha ng isa sa mga taong nagkasala kay Emily na nananatiling malaya pa rin, isang larawan ng makapangyarihan ngunit pagod na bersyon n’ya ang nakita ko. Nasa mukha n’ya ang pagkapagod sa mga taong nagdaan. Nagsisimula pa lang ang buhay n’ya nang mangyari iyon at ngayon nga, sa edad na apatnapu at walo ay hindi pa rin umuusad ang buhay n’ya. Nanatili s’yang nakakulong sa madilim na parteng iyon ng buhay n’ya. S’ya ang natatanging malaya sa kanilang labinglima ngunit pakiramdam ko ay s’ya lang ang nakulong sa nakaraang iyon.

