Chapter 17

1660 Words
Chapter 17 Parang sasabog sa galit ang dibdib ko nang makasakay na ako sa kotse lalo na nang mahagip ng paningin ko ang pagmumukha ng babaing iyon na nakatingin kay Chuck matapos isara ang pinto sa gawi ko. Nginitian siya ni Chuck at kumaway pa kaya napakuyom ang mga kamao ko. Kung hindi lang ako pagod, bababa ako ng kotse at magta-taxi na lang ako pauwi. "Nagyayaya mag-bar si Phillip," wika niya matapos paandarin ang sasakyan. "Can we-?" "Lunes pa lang, bar na agad?" reklamo ko. "Alam mo naman ang mga 'yon, walang pinipiling araw. Isa pa nagkayayaan ang barkada." "You can go, hindi kita pipigilan. Itigil mo ang kotse sa tabi, magta-taxi na lang ako pauwi. Ayokong makaabala sa 'yo." For sure dahilan niya lang ang barkada. Kanina pa ako kinukutuban na si Lana ang kakatagpuin niya sa bar. Nilingon niya ako. Kunot na kunot ang noo na tila naguguluhan sa inasal ko. "May problema ba tayo, Sweetheart?" Itinigil niya ang kotse saka hinawakan ang kamay ko. Tumaas na ang kanang kilay ko. Manhid ba ang lalaking ito? Matapos niyang kawayan at ngitian ang babaing malandi na 'yon, tatanungin niya ako kung may problema? Alam naman niya na kanina pa ako nanginginig sa galit pero kung makaasta siya ay para walang nangyari. "Ako wala. Ikaw baka meron," sarkastiko kong sagot. Huminga siya nang malalim at hinilot ang sentido. "Uuwi na tayo. Tatawagan ko na lang siya na hindi ako makakarating." "You can go. Kaya ko ang sarili ko. Baka sabihin niya na ako ang dahilan kaya hindi na naman matutuloy ang pagkikita ninyo." Idiniin ko pa ang salitang niya sa sobrang inis. Bubuksan ko na sana ang pinto ng kotse para bumaba ngunit mahigpit na nahawakan ni Chuck ang braso ko. "Uuwi na tayo-" Tumaas na ang boses ko. "I said I can handle myself. Pumunta ka kung saan mo gusto. I don't care!" Pilit kong binabawi ang braso ko pero mahigpit pa rin ang pagkakahawak niya. "Sweetheart, why are you doing this? Ano ba ang problema? Maayos naman tayo kanina sa restaurant, ah?" "Maayos? Baka ikaw maayos, pero ako hindi." "Sweetheart...? Dahil na naman ba 'to kay Lana?" "Bakit? Mayroon pa bang iba?" "Damn! Believe me, I don't-" "Bitiwan mo ang braso ko. Bababa na ako. Puntahan mo na siya sa bar." "What?" "Huwag mo ng bilugin ang ulo ko, Chuck. Magkikita kayo ng babaing 'yon kaya atat na atat kang pumunta sa bar. Kung iniisip mong pipigilan kita, pwes nagkakamali ka. Go! I don't care." Hinampas niya ang manibela saka nagmura. "Hindi ako makikipagkita sa babaing iyon!" Dahil pagod ako sa maghapong trabaho at tila walang plano si Chuck na bitiwan ang braso ko ay itinigil ko na ang papupumiglas. Wala rin naman akong mapapala dahil malakas siya. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at pinigilang mapaiyak. Kahit kailan talaga gulo ang dala ng babaing iyon. Pinaandar na niya ang sasakyan at ramdam ko na rin ang pagluwag ng pagkakahawak niya sa braso ko. Iminulat ko ang aking mga mata at akmang kukunin ang cellphone ko sa bag nang maramdaman ko ang tila matigas na bracelet sa kaliwa kong kamay. s**t! Ipinosas niya ang kaliwang kamay ko. "I'm sorry if I had to do this, Sweetheart," wika niya habang nagmamaneho. Naaninag ko ang pagtagis ng bagang niya kaya hindi na ako nagreklamo pa. Malayo pa kami sa bahay at kung hindi ko pipigilan ang sarili ko baka sa ospital kami mapunta dahil napakabilis na ng pagpapatakbo ni Chuck sa kotse. Bigla na lang itong nag-o-overtake nang wala sa lugar. "Sweetheart?" pinisil niya ang kamay ko nang itigil niya ang sasakyan sa stoplight. "Naniniwala ka sa akin, di ba? I swear, hindi ako nakikipagkita kay Lana." Hindi ko siya sinagot, pinaandar na niya ang kotse dahil kanina pa bumubusina ang driver ng kotse na nakasunod sa amin. Panay ang mura niya kaya minabuti kong manahimik na lang hanggang sa pumasok na ang sasakyan namin sa subdivision. Nakahinga ako nang maluwag dahil maayos kaming nakauwi kahit parang nakikipagkarera si Chuck kung makapagmaneho. "Where's the key?" tukoy ko sa susi ng posas. Sobra akong nadismaya nang buksan niya ang ilaw sa loob ng kotse at ininguso ang susi na naroon sa ibabaw ng puson niya. Nakalaylay ang keychain kaya abot ang susi sa pagitan ng mga hita niya. Kasabay ng pagngisi niya ay ang paggalaw ng nasa pagitan niyon na kanina ko pa napansin ang pamumukol. Sh*t talaga! Umandar na naman ang pagiging bastos ng lalaking ito. "Pick it up, Sweetheart." Nakangisi pa rin siya na tila walang nangyaring sagutan sa daan kanina. Pinandilatan ko siya ng mata at akmang kukunin ko na ang susi nang bigla niyang patayin ang ilaw. Kasabay niyon ay bigla niyang sinakop ang labi ko at niyakap ako nang mahigpit. "Bati na tayo, Sweetheart," usal niya sa pagitan ng halik. "Hindi ako sanay na nagagalit ka sa akin." Kahit madilim ay ipinikit ko pa rin ang aking mga mata dahil may naramdaman na namang kakaiba ang katawan ko. Sh*t! Kahit kailan, traydor talaga ang katawan ko. Nang hindi ako tumutol ay patuloy niyang hinalikan ang labi ko pababa sa aking leeg habang bumubulong ng kung anu-ano para lang magkabati kami. Kahit nadadala ako sa halik na 'yon ay pinilit ko pa ring tanggalin ang posas. Susuklian ko na sana ang halik niya nang marinig kong tumunog ang cellphone na naroon sa dashboard. "May hinihintay kang tawag?" tanong ko. "W-wala, Sweetheart," nauutal niyang sagot kaya nagduda ako. Mabilis kong kinuha ang cellphone niya para sagutin ang tawag pero tumigil na ang ringtone. Titingnan ko na sana kung sino ang tumawag pero bigla niyang kinuha mula sa kamay ko ang cellphone at hinalikan na naman ang labi ko. Pilit kong inilayo ang mukha ko dahil kanina pa ako kinukutuban sa ikinikilos niya. "Give it to me," saad ko nang muling tumunog ang cellphone niya. "Sweetheart...?" "Ang sabi ko, akin na ang cellphone mo." Ibinuka ko ang aking palad. "Kung wala kang itinatago riyan sa cellphone, ibibigay mo sa akin 'yan." Parang kampanang kumakalembang sa kaba ang dibdib ko. Ngayon na naman ako kinutuban nang ganito. Hindi ako makahinga at parang anumang oras ay bibigay ang katawan ko. "Akin na." Hinablot ko na ang cellphone dahil tila wala siyang balak ibigay sa akin 'yon. 'You promised me na magkikita tayo ngayon sa bar. I'm here already,' 'yon ang nabasa kong mensahe sa phone niya. Para akong sinaksak nang mabasa ko ang pangalan ng sender na walang iba kundi si Lana. "Ano 'to?" Ipinabasa ko sa kaniya ang mensahe habang tumutulo ang mga luha ko sa pisngi. "Tama pala ang kutob ko na makikipagkita ka sa babaing iyon. D*mn you, Chuck! Pinagmukha mo akong tanga sa harap ng babaing iyon." "No, Sweetheart. Hindi 'yan totoo." "Anong hindi? Ngayon ka pa tatanggi, e, kitang-kita ko na ang ebidensiya. Chuck naman!" "P-pero, Sweetheart, sinungaling ang babaing 'yon." Pilit niyang hinahawakan ang kamay ko pero iniiwas ko iyon. "Kahit kailan talaga, hindi ka magbabago, Chuck. I hate you." Matapos kong punasan ang mga luha sa aking pisngi ay ibinalibag ko sa kaniya ang cellphone saka bumaba sa kotse. Papasok na ako sa bahay nang makita kong pababa ng hagdan si Clint. Nakangiti siyang lumapit sa akin at bumeso. "How's your day, mom?" Natigilan siya nang mapansin ang hitsura ko. "Umiiyak ka, mom?" Bigla siyang yumakap sa akin. "Clint," dinig kong saad ni Chuck mula sa likuran ko. "Ang mom mo-" "Pagod ako, anak." Kumalas ako ng yakap. "Magpapahinga na ako. Maaga pa ako bukas. Good night." Umakyat na ako ng hagdan at dumiretso sa kwarto. "Let's talk, Sweetheart," saad ni Chuck habang tinatanggal ko ang hikaw. Ibinaba niya sa kama ang bag ko at lumapit sa akin. "We need to talk." Hinawakan niya ang braso ko pero mabilis ko iyong natanggal. "Para saan pa, ha, Chuck? Para maniwala na naman ako sa mga kasinungalingan mo?" "Hindi nga totoo ang pinagsasabi ng babaing iyon." Kita ko na tila may sumungaw na luha sa mga mata niya. "For once maniwala ka naman sa akin, Sweetheart." Hinawakan niya ang magkabila kong balikat. "Wala kaming usapan na magkikita sa bar. Pakana lang 'yon ni Lana para guluhin tayo." "Do you think na maniniwala pa ako sa 'yo?" Umupo ako dahil tila bibigay na ang katawan ko sa sobrang galit. Nanginginig na ako at ramdam ko ang panghihina. "Ang sabi mo sa akin wala na sa contacts mo ang epangalan ng babaing iyon. Naniwala ako sa 'yo. Pero kanina, nakita kong naka-save ang pangalan niya sa phone mo. Nabasa ko rin ang palitan ninyo ng sweet messages." Pumiyok na ang boses ko. "Papaano mo ipapaliwanag sa akin na nagsisinungaling ang babaing 'yon?" "Sweetheart-" Pinunasan ko ang luha ko sa pisngi. "You can go. Ayokong maging sagabal sa pagkikita ninyo ng babaing iyon." Tumayo na ako para magbihis nang bigla akong makaramdam ng pagkahilo. Muli akong umupo at hinilot ang aking sentido. "Sweetheart, nanginginig ka naman." Lumuhod siya sa harap ko at niyakap ako. Nang medyo maayos na ang pakiramdam ko ay tumayo ako para puntahan si baby sa nursery. Kung hindi pa sumakit ang dibdib ko ay hindi ko maaalala si baby. "Tulog na si baby." Hindi ko pinansin si Chuck. Pinuntahan ko pa rin si baby at nang masiguro kong tulog nga siya ay bumalik ako sa kwarto para magbihis. Masakit na talaga ang dibidib ko dahil sa naipong gatas. Kinuha ko na lang ang breast pump dahil hindi ako makakatulog sa sakit niyon. "I thought hindi ka na lalabas ng banyo," bungad ni Chuck. Nakaupo siya sa gilid ng kama. Tumayo siya para yakapin ako. Umiwas ako. "Matutulog na ako. Pakisara na lang ng pinto paglabas mo." "Hindi ako aalis. Matutulog na rin ako." Dinig ko ang pagbuntong-hininga niya. "May naghihintay sa 'yo sa bar." Humiga ako patalikod sa kaniya at kinumutan ang aking sarili. Humikab ako sa sobrang pagod at antok. Nanibago ang katawan ko dahil mahigit isang taon akong hindi nagtrabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD