NAPANSIN ni Martin na walang imik si Jonas hanggang sa makauwi sila sa apartment. Basta na lang ito pumasok sa banyo at paglabas ay dumiretso sa salas. Binuksan ang TV at walang ganang nanood. Palipat-lipat ito ng channel at nakabusangot ang mukha. Nilakasan pa nito ang volume. Sa asta nito ay alam niyang hindi maganda ang mood nito.
Tumabi siya dito at inagaw ang remote control.
“Ano ba? Akin na `yan!” inis na turan nito. “Hindi mo ba nakikitang nanonood ang tao? Akin na `yang remote!”
Aagawin sana ni Jonas ang remote control ngunit inilayo niya iyon at pinatay ang TV.
“Bakit mo pinatay?! Ano bang problema mo?”
“Anong problema mo?” balik niya sa tanong ni Jonas. “Bakit kanina ka pa walang imik diyan?” Kilala na niya si Jonas. Alam niyang may bumabagabag dito kapag ganoon ito.
“Walang imik? Umiimik na nga ako, o! Hindi mo ba naririnig?” Humalukipkip ito sabay tingin ng masama sa kanya. “Alam mo, wala kang ugali. Nanonood ako, pinatay mo ang TV. Ginaganiyan ba kita, ha?”
“Come on. Tell me. Si Tanya ba? Si mommy?”
Natigilan ito. Nagtitigan sila nang matagal. Sa hindi nito pagsagot, may hula siya na ang dalawang iyon ang problema ni Jonas. Huminga siya nang malalim at umusog palapit sa kasintahan. Inakbayan niya ito at kinabig palapit sa kanya. Mahigpit niya itong ikinulong sa kaniyang mga bisig na para bang wala siyang balak na pakawalan ito.
Pumiksi si Jonas. “Ano ba?” asik nito. “Ang init! Payakap-yakap ka pa!”
Mas hinigpitan ni Martin ang pagkakayakap dito. “Ang arte mo! Magsabi ka na nga kasi. Bakit ka ba busangot kanina pa? Ang init ng ulo mo kahit hindi ka nire-regla. Sabihin mo na saka kita papakawalan. Sige ka, kahit hanggang bukas tayo na ganito. Wala akong pakialam.” May himig ng pananakot na turan ni Martin.
“Wala! Do’n ka na lang sa ex mo!”
“What?” Nakakunot ang noo niya. “My ex? Sino?”
“Pa-cute ka rin, `no! Kunwari walang alam? Amnesisa lang? Sino pa ba? `Yong Tanya na `yon! Doon ka na sa kaniya!”
Natawa na lang si Martin sa tila pagseselos nito. “Ah… Nagseselos ang asawa ko. Sinasabi ko na nga ba, nagseselos ka, e.”
“Ano ba?! Ako? Nagseselos? Bakit? Kahit mag-usap pa kayo maghapon at magdamag ng ex mo, wala akong pakialam! Sana nga tinagalan niyo pa ang pag-uusap niyo sa labas, e. Magyoyosi lang daw? Pero naubos niyo na yata isang kaha sa tagal niyo!”
“So, nagseselos ka nga?” Nakatawa pa rin siya.
“Tinatawanan mo ba ako? Nang-aasar ka ba?”
“E, kasi para kang bata, Jonas. Hanggang ngayon ba ay wala kang tiwala sa akin?”
“Bitiwan mo nga ako! Hindi na ako makahinga!”
“Ayaw!”
“Martin, let me go. Kakagatin kita!” banta.
“Then do-- Ahhh!!!” Malakas siyang napasigaw sa sakit nang biglang kagatin ni Jonas ang braso niya. Dahil doon ay nakawala ito sa pagkakayakap niya.
Hinimas niya ang brasong may marka ng ngipin nito.
Mabilis na tumayo mula sa pagkakaupo si Jonas.
“Bakit mo ako kinagat?!” Matalim ang tingin na tanong niya. Tunay siyang nasaktan sa pagkagat nito sa kaniya.
“I warned you! Hindi ka nakinig.”
“So, kaya mo na pala akong saktan ngayon?” Tumayo na rin siya para maayos itong makaharap.
“Bakit? Sa tingin mo hindi ako nasasaktan kasi ang tagal mong nakipag-usap sa ex mo? Naiwan ako with your mom habang kung anu-ano ang sinasabi niya! Ano bang pinag-usapan niyo ni Tanya? Na-miss niyo ba ang isa’t isa? Binalikan niyo ba lahat ng happy memories niyo and all?!”
Umiling siya na may halong pagtatampo. “Alam mo, Jonas, sinubukan ko na alisin `yang selos mo sa pamamagitan ng paglalambing pero kinain ka na ng pagseselos at pagiging paranoid mo! Pero it is useless.”
“Wow! Paranoid? May ebidensiya ako. Nakita ko with my own eyes! Hindi mo man lang ba ako naisip na I am with your mom alone? Kilala mo naman ang mommy mo, `di ba? Ikaw na rin ang may sabi na she’ll do everything to cancel this wedding! At ngayon, naniniwala na ako na kaya niya kinuha ang Tanya na iyon ay para masira ang kasal na ito! Minaliit niya ako, Martin. Feeling ko ay wala akong kakampi dahil mag-isa ako doon. Kasi kasama mo ang ex mo sa labas!”
“And your letting my mom para hindi matuloy ang kasal natin. Look at you, Jonas. Apektadong-apektado ka na. This is what my mom wants… Ang ma-paranoid ka. Ang magalit tayo sa isa’t isa hanggang sa tayo na ang magdesisyon na huwag nang ituloy ang kasal. Iyon ba ang gusto mong mangyari?”
Napansin niya na tila natauhan si Jonas sa sinabi niya. Nang matantiya niya na kalma na ito ay saka niya ito nilapitan at hinawakan sa kamay. “Jonas, kasabwat ni mommy si Tanya. Malakas ang pakiramdam ko na iyon ang reason kung bakit bigla na lang sumulpot sa picture ang ex ko. Wala kaming pinag-usapan na ikakagalit mo or ikakasira ko sa iyo. Gusto ko nang pumasok pero ang sabi niya ay hintayin ko siyang matapos mag-smoke at alam kong sinadya niyang tagalan na mag-smoke para hindi agad ako makabalik sa’yo. Para magalit ka. Tandaan mo na, gagawin nilang lahat para hindi matuloy ang kasal natin pero kung hindi tayo magpapaapekto sa kanila, hindi sila magtatagumpay. Tayong dalawa lang ito, Jonas. Tayong dalawa lang ang magkakampi. Okay? Hindi tayo dapat nag-aaway. Hinahayaan lang natin na magtagumpay sila.” Mahaba niyang paliwanag sa nobyo.
Parang isang bata na napahikbi si Jonas sabay iyak. Bigla siya nitong niyakap at isinubsob ang mukha sa balikat niya. “I’m sorry, Martin! Tama ka, nagpadala ako sa selos ko at sa mga sinabi ng mommy mo! Sorry! Sorry kung hindi ako nag-iisip at nagpadala ako sa emosyon ko!” Umiiyak na sabi nito.
“Ssshhh…” Hinaplos niya ang likod nito. “It’s okay. Basta, tandaan mo lang lahat ng sinabi ko. Mahal na mahal kita. Magtiwala ka lang sa akin.”
“Oo. Sorry ulit. Hindi na mauulit…” anito sa kanya.
“O, tahan na.” Inilayo niya ang sarili dito para punasan ang luha sa mukha nito. “Ano bang gusto mong kainin? Baka gutom lang iyan. Hindi ka na nakakain kanina, e.”
“Hmmm…” Nag-isip si Jonas sabay ngisi. “Ikaw. Ikaw ang gusto kong kainin!” anito sabay hagikhik.
“Sure! I’m all your, asawa ko!”
PUMALAKPAK sina Summer, Benj at Dion matapos ikwento ni Jonas ang madrama nilang eksena ni Martin after ng pakikipag-usap nila sa mommy nito at kay Tanya.
“Bravo! Pang-Kdrama na talaga ang love story ninyo ni Martin!” ani Benj.
“Korek! May kilig at pighati!” Madramang dugtong ni Summer na kunwari ay pinupunasan ang luha sa mata.
Natatawang pinigilan niya ang mga kaibigan dahil nasa isang restaurant sila. Baka kung ano ang isipin ng mga tao. Nahihiya siya. “Ano ba naman kayo? Para kyong mga timang! Nakakahiya!” aniya. Tumigil naman ang tatlo pero tumawa naman.
“Ang drama niyo kasi! Kailangan ng round of applause and standing ovation!” ani Benj sabay higop sa iced tea nito.
“Kaya nga! Para kayong nasa MMK!” segunda ni Dion.
“Pero nanggigigil ako sa ex ni Martin na iyan, ha! We don’t know her. Naging kaibigan namin si Martin pero hindi niya naikwento ang babaeng iyan sa amin. So, ibig sabihin hindi importante kay Martin ang Tanya na iyan! Kaya `wag kang kabahan sa pag-eksena ng Tanya na iyan, Jonas!” sabi naman ni Summer.
“Baka kaya hindi niya ikwenento sa atin kasi gusto na niyang kalimutan na minsan sa kanyang life ay kumain siya ng tahong! Kadiri kaya iyon! Eww!” Malanding turan ni Dion. At tumatawang nakipag-apir pa ito sa tumatawa din na si Benj.
“Mga bakla kayo! Tumigil nga kayong dalawa diyan!” saway ni Summer sabay harap sa kanya. “Basta, huwag mo nang intindihin ang Tanya na iyon at ang mommy niya. Tuloy ang kasal, iyon ang importante. Focus ka lang doon. Tama si Martin na kapag nagpa-affect kayo, kayo ang talo.”
Huminga siya ng malalim. Kahit hindi man niya isipin ang dalawang iyon ay kinakabahan pa rin siya. Hindi niya kasi alam ang kayang gawin ng mommy ni Martin. Tapos may Tanya pang dumagdag. Baka sa sobrang kagustuhan nitong hindi matuloy ang kasal nila ni Martin ay gumawa ito ng bagay na hindi nila magugustuhan.
Maya maya ay tinapik siya ni Benj. “Oo nga pala, tuloy pa ba ang pagiging wedding coordinator ng bilat na si Tanya?” tanong nito.
Tumango siya. “Yes. Ang sabi ni Martin, sakyan na lang namin ang trip ng mommy niya. `Wag na lang daw kaming pahalata na buko na namin ang plano no’n.” Matamlay niyang sabi.
“Isipin mo na lang, ikaw si Cinderella at ang mommy ni Martin ang evil stepmother mo na gagawin ang lahat para hindi ka maging happy! In the end, you’ll still live happily ever after with your Prince Charming!” ani pa ni Benj.
“Eh, ikaw? Sino ka?” natatawang singit ni Summer. “Ah, alam ko na! Kayong dalawa ni Dion ang mga chakang evil stepsisters!”
“Ah, ganoon? At ikaw, sino ka?” Tinaasan ito ng kilay ni Benj.
“At sino ako?”
“Alam ko na kung ano siya sa story. Siya `yong pumpkin! Ang laki kasi ng mukha!” Natatawang binato ni Summer ng yelo mula sa iced tea si Dion sa sinabi nito.
Natawa na lang siya sa mga biro ng kanyang mga kaibigan. Maswrte talaga siya na nakilala niya ang mga ito dahil may napaglalabasan siya ng lahat ng nangyayari sa buhay niya.
Biglang tumigil sa pagtawa si Benj nang biglang tumunog ang cellphone nito. Binasa nito ang text at tumayo. “I have to go. Makikipag-meet na ako sa naka-chat ko sa Grindr! Baka ito na ang hinihintay kong Prince Charming! Bye mga besh!” At mabilis itong umalis.
“May awra na naman ang bakla!” bulalas ni Summer.
“Sana ay maging safe siya. Ang hirap pa naman makipag-meet ngayon lalo na sa mga dating app,” sabi ni Jonas.
“Hayaan niyo siya! Kapag nagkasakit `yan kaka-meet sa kung sinu-sino, bahala siya sa buhay!” Nagkatinginan sila ni Summer sa biglang pagbabago ng mood ni Dion.
Isa lang ang napansin niya dito. Nagseselos ito. Bakit? May gusto ba ito kay Benj?
“OA naman sa magkasakit agad!” ani Summer.
“Basta. Tutol talaga ako sa pakikipag-meet na iyan ni Benj sa kung sinu-sino. Tatanga-tanga pa naman `yon minsan!” May halong inis ang pagsasalita ni Dion.
“Hoy! Bakla! Bakit parang may selos akong naaamoy sa iyo?” suminghot-singhot pa si Summer kay Dion.
“Selos? No! baka tae na iyang naamoy mo. Tumigil ka nga!” Mahinang hinampas ni Dion sa mukha si Summer.