HINAWAKAN ni Martin ang kamay ni Jonas at huminto siya sa paglapit sa table kung saan naroon si Tanya. May pagtataka sa mukha na tumingin sa kanya ang nobyo na huminto na rin sa paglalakad.
“Bakit?” tanong nito.
Hindi agad siya nakapagsalita. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba niya kay Jonas agad. Hanggang sa nanaig ang desisyon niya na sabihin na lamang dito. “I know her…” Halos pabulong na tugon niya.
“Si Tanya?”
“Yes.” Tumango siya.
“Paano kayo nagkakilala?”
Paano nga ba niya hindi makikilala si Tanya, e, malaking bahagi ito ng kanyang nakaraan. Ex-girlfriend niya ito. Ito ang una niyang naging nobya. Naging sila nito simula high school hanggang college. Botong-boto ang mommy at daddy niya dito dahil sa mabait si Tanya. Nang maramdaman niyang tila nagkakagusto na siya sa kapwa niya lalaki ay nakipaghiwalay na siya sa babae. Ayaw niyang maging unfair dito. Nais niyang lumigaya ito sa piling ng tunay na lalaki. Ang huli niyang balita dito ay nagtungo ito sa Paris para mag-aral. Hindi niya alam na isa na pala itong wedding coordinator at ito pa talaga ang kinuha ng mommy niya.
Hindi ito nagkataon. Sinadya ito ng mommy niya sa hindi niya malamang dahilan.
“Nagkamali tayo ng akala na payag na si mommy sa kasal natin. Sinasabi ko na nga ba, hindi dapat tayo nagtitiwala kay mommy,” aniya kay Jonas.
“Ha? Anong ibig mong sabihin? Hindi ko maintindihan, Martin.”
“Si Tanya. Ex-girlfriend ko siya. I don’t know pero malakas ang kutob ko na may hindi magandang plano si mommy kaya si Tanya ang kinuha niya para mag-ayos ng kasal natin. Kung ano man ang plano niya ay malakas ang kutob ko na para iyon hindi matuloy ang Holy Union.”
Dumako ang mata ni Jonas kay Tanya at napailing. “Sigurado ka ba? Baka naman mali ang iniisip mo, Martin. Mukhang mabait naman si Tanya. Baka napaparanoid ka lang. Baka gusto lang talaga tayong tulungan ng mommy mo.”
“Kilala ko si mommy. We should not trust her kapag tungkol na sa kasal natin. Ginagawa niya ito hindi dahil payag na siyang magpakasal tayo kundi para guluhin tayo. Sa dami ng wedding coordinator na pwede niyang kunin ay bakit ex-girlfriend ko pa. Isipin mo iyon, Jonas.”
“A-anong gagawin natin?”
“Aalis na tayo dito. Kalokohan na ito. Hindi maganda ang kutob ko.”
Tumango na lang si Jonas bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. Ngunit pagtalikod nila para umalis sa naturang coffee shop ay sumalubong sa kanila ang mommy niya. Seryoso ang mukha nito na nilapitan sila habang siya naman ay masama ang tingin dito. Alam niyang mali ang magalit sa magulang ngunit hindi niya mapigilan sa pagkakataong ito.
Tiningnan sila nito nang matalim. “At saan kayo pupunta?” tanong nito. “Mahiya kayo kay Tanya. Talk to her. Maging professional naman kayong dalawa.”
Naningkit ang mata ni Martin. “Ano bang pinaplano niyo mommy? Bakit niyo kinuha si Tanya na wedding coordinator namin?” Akusa niya agad dito.
Mahina siya nitong tinawanan. “Martin, wala akong gustong masamang mangyari kaya si Tanya ang kinuha ko. Ganiyan na ba talaga ang tingin mo sa akin? Siya lang ang kilala kong wedding coordinator. Saka I trust her dahil kilala ko siya. `Wag mo naman palabasin na ubod ako ng sama. Hindi ba’t pumayag na ako sa kasalan niyo ng… boyfriend mo.” Tila nandidiri na tinapunan nito ng tingin si Jonas.
Napayuko na lamang ang nobyo niya.
Wala naman silang nagawa ni Jonas kundi ang tumahimik na lang. Naramdaman niya ang pagpisil ng kanyang nobyo sa kamay niya. Tila sinasabi nito na kumalma lang siya.
Tiningnan niya si Jonas at ngumiti ito sa kaniya. Kahit papaano ay kumalma na siya dahil sa ngiti ni Jonas at sa kadahilanang katabi niya ito.
Naglakad na ang mommy niya at nilampasan sila ngunit tumigil din ito at muling nilingon sila. “Kung gusto niyong huwag akong tumutol sa kasal niyo, sumunod kayo sa akin at makipag-usap kayo kay Tanya. `Wag kayong bastos!” Mahinahon ngunit may pagbabanta ang tinig nito. Muli itong naglakad at paglingon niya ay nakita niyang nasa table na ito ni Tanya.
Napagawi ang tingin ni Tanya sa kanya. Nag-aalangan na ngumiti ito at tila napapahiya na nag-iwas ng tingin sa kanya. Muli itong humarap sa mommy niya at masayang nakipag-usap.
“Martin, puntahan na natin sila. Wala naman tayong choice kundi sundin ang mommy mo para mairaos natin ng matiwasay ang kasal natin…” Nakikiusap na sabi ni Jonas sa kanya.
Huminga siya nang malalim. “Okay, sige.” Matipid niyang sagot.
“Sa ngayon ay sundin na lang muna natin ang mommy mo. Kapag may mali na ay saka tayo sumuway. Okay?” Isang tango ang isinagot ni Martin sa sinabi ni Jonas.
Magkahawak ang kamay na pinuntahan nila sina Tanya at mommy niya. Tumayo naman si Tanya upang makipag-beso sa kanila ni Jonas. Matagal na niyang hindi nakita ang ex-girlfriend at masasabi niyang mas lalo itong gumanda ngayon. Mas naging develop ang pagiging babae nito.
Magkatabi silang umupo ni Jonas habang nasa harapan niya ang dalawa. Umorder sila ng kape bago inumpisahan ang pag-uusap tungkol sa kasal nila ni Jonas. Noong una ay maayos ang pag-uusap nila ni Tanya. Sinabi nila na beach wedding ang gusto nila at close friends and family lang ang invited. Mas gusto kasi nila na maging solemn ang araw na iyon. Kaya naman daw asikasuhin ni Tanya lahat iyon sa loob ng tatlong buwan. Lalo na’t wala naman daw wedding gown na dapat ipagawa.
Medyo naiilang lang talaga si Martin dahil sa ex niya si Tanya tapos ito ang mag-aayos ng kasal niya sa isang lalaki. Siguro ay sinabi na ng mommy niya dito ang lahat kaya wala na siyang pagkagulat na nakita dito.
“Ah, iha, ikaw… May boyfriend ka ba ngayon kagaya ng anak ko?” biglang tanong ng mommy niya matapos ang pag-uusap tungkol sa kasal.
Nagkatinginan sila ni Tanya.
“W-wala po, tita. After ng break up namin ni Martin noon ay hindi na ako nag-boyfriend. Nagfocus na lang po ako sa pag-aaral at dito sa negosyo ko.”
“Wow! Good to hear that. Sayang. You look so beautiful now. Mas lalo kang gumanda! Kung ikaw sana ang papakasalan ni Martin ay makikita ko sana siya na ikinakasal sa babaeng nakasuot ng wedding gown at magkakaroon pa ng chance na magkaroon ako na apo.”
“Mommy!” Hindi na nakatiis pa si Martin at nag-react na siya. “Kun
g ganiyan lang din ang magiging pag-uusap natin ay mas mabuti pa na umalis na kami ni Jonas. Binabastos niyo na siya!”
“Bakit, Martin? Masama na bang maglabas ng opiniyon? Hindi naman bawal iyon.”
“Hindi opinyon ang sinasabi niyo. Nilalait niyo ako, kami ni Jonas! Sana ay alam ninyo ang pagkakaiba niyon, mommy.”
“Aba at ganiyan ka na sumagot sa akin, Martin. Iyan ba ang ugaling nakuha mo kay Jonas? Ang sumagot ng pabalang sa magulang?”
“Ah, e-excuse po muna…” singit ni Tanya sa pagtatalo nila ng kaniyang mommy. “Parang gusto ko munang mag-smoke sa labas.” Tumayo si Tanya at naglakad ito palabas. Parang nahihiya na rin ito sa naging usapan nila.
Mataman niyang tinignan ang mommy niya pero tila wala itong pakialam sa tensiyon na namamagitan sa kanilang apat higit sa kanya at kay Tanya. Alam niya, malakas ang pakiramdam niya na may binabalak ito kaya pinagtagpo ulit nito si Tanya at siya. Pero mukhang hindi niya ito mapipilit kung ano ang balak nito. Marahil ay mas mainam kung si Tanya ang kakausapin niya.
Umusog siya palapit kay Jonas at binulungan niya ito na kakausapin lang nito si Tanya. Tumango naman ito bilang pagpayag. Nagmamadali na sinundan niya ang dating nobya sa labas para kausapin.
HALOS hindi na magawa pang iangat ni Jonas ang mukha dahil pakiramdam niya ay nakatingin sa kanya ang mommy ni Martin sa kanya. At hindi nga siya nagkamali dahil nang sulyapan niya ito ay nahuli niya ang matalim na tingin nito. Para bang hinahalukay nito ang buo niyang pagkatao. Parang ang liit ng tingin nito sa kaniya.
Ngunit ngumiti ito sa kanya. Nginitian na rin niya ito kahit alam niyang peke ang mga ngiti nito. Dapat ay maging magalang pa rin siya dito dahil ito ang ina ng lalaking mahal niya kahit pa hindi siya nito tanggap at ang relasyon nila ni Martin.
Humigop ito sa kape. “Ang ganda ni Tanya, `no? Iba talaga kapag tunay na babae…”
Hindi siya manhid. Iniinsulto siya nito.
“O-oo nga po. Maganda po si Tanya…” tugon niya. Maganda naman talaga si Tanya. Walang duda sa bagay na iyon.
Nagpakawala ito nang malalim na paghinga. “Mahal na mahal nila ang isa’t isa noon. Ewan ko ba kung bakit sila naghiwalay. They’re so perfect together! Inisip ko na nga agad ang future nila. Magaganda at gwapong mga anak.”
Naghiwalay sila kasi ang para sa isa’t isa ni Martin! Mga salitang hindi na lang niya isinatinig dahil siguradong hindi iyon magugustuhan ng kaniyang kaharap.
“Jonas, hindi ka ba natatakot na baka biglang magkagusto ulit si Martin sa isang babae? Sa kagaya ni Tanya? Lalaki pa rin ang anak ko, alam mo iyan. May mga pangangailangan siya na hindi mo kayang ibigay. Pangangailangan na sa babae lang niya makukuha. Tama?”
Natigilan siya. Wala siyang maapuhap na isasagot dito. Hindi niya alam kung paano sasagutin iyon.
“Sinundan ba ni Martin si Tanya sa labas? Ano kaya ang gagawin nilang dalawa?” tanong nito.
“O-opo. Nagpaalam po siya sa akin na--”
“Mukhang sobrang na-miss ni Martin si Tanya. Kita ko sa tinginan nilang dalawa na na-miss nila ang isa’t isa. Ilang taon din kasi silang hindi nagkita. I bet, nagkukumustahan ang dalawang iyon sa labas. Hindi kasi sila makakapag-usap nang maayos dito kasi nandito ka. Alam mo na… May privacy sila kung silang dalawa lang. Kaya nga hindi ka na isinama ni Martin.”
May naramdaman siyang kirot sa kanyang puso sa sinabi nito.
Agad siyang tumingin sa labas at nakita niya sina Martin at Tanya na nag-uusap pa rin. Ewan niya pero bigla siyang nakaramdam ng selos sa nakita.
“H-hindi naman po siguro, tita…”
“Hindi ka rin sigurado, Jonas. I know my son. Bata pa lang ay ako na ang nakasama niya kaya kilalang-kilala ko siya. Kahit pa bakla siya ay alam kong nagkakagusto pa rin siya sa babae.”
“May tiwala po ako kay Martin. May tiwala ako sa pagmamahal niya sa akin!” Mabilis niyang sagot. Walang panginginig at walang pagka-utal.
Natigilan si Mara. Mukhang naramdaman nito ang sinseridad sa kaniyang binitiwang salita. Napainom na lang ito ng kape at tinaasan siya ng isang kilay.
Hindi na siya nito kinausap hanggang sa bumalik na sina Martin at Tanya.