MATAPOS ang hapunan ay lumabas muna saglit ng bahay si Martin upang maingarilyo. Sinundan naman agad ito ni Jonas doon. Sisindihan na sana nito ang sigarilyo pero pinigilan niya ito at hinila palayo sa bahay nila. Ayaw niyang marinig ng parents niya ang pag-uusapan nila ni Martin. Baka kung ano pa ang isipin ng mga ito sa kanilang pag-uusapan.
“Hey, bakit? Any problem?” tanong ni Martin sa kanya. Kinuha nito ang isa niyang kamay at masuyo iyong pinisil.
“Ano iyon? Bakit sinabi mo kina nanay at tatay na magpapakasal tayo sa ibang bansa? Ano iyon?” May pagkabahala sa mukha ni Jonas.
“Bakit? Ayaw mo ba?” Nagtatampo nitong tanong.
Umiling siya. Kailangan niyang sumagot sa paraan na hindi siya nito mami-misinterpret at baka mag-away sila. Ayaw muna niyang mag-away sila ng kaniyang nobyo lalo na sa nangyayari ngayon. “Martin, hindi naman sa ganoon. Pero sana sa susunod naman kung may ganiyan kang plano, sabihin mo muna sa akin. Partner tayo kaya dapat alam ko din ang mga plano mo para sa ating dalawa. Kanina kasi ay nagulat ako sa sinabi mo sa parents ko. Wala akong alam doon. Sana ay in-inform mo man lang muna ako.”
“Okay, okay. Kalma,” anito. “Gusto lang kitang i-surprise. And I guess you are surprised. Seryoso ako sa sinabi ko, gusto kong maging legal ang pagsasama natin para once na mawala ako, may habol ka sa mga ari-arian ko. Ang gusto ko ay secured ka, Jonas.”
Nagusot ang noo niya. “Mawala? A-ano bang pinagsasabi mo? Hindi maganda, Martin. `Wag kang magsasalita ng ganiyan! Ayoko ng ganiyang usapan!” Medyo kinakabahang sabi ni Jonas. “Relax. Iyon naman ay kung sakali lang. Wala akong sinasabi na mamatay ako anytime soon. Asawa ko…”
“Kahit na. Sige, papalampasin ko ito pero sa susunod, sana naman sabihin mo muna sa akin kapag may plano kang ganiyan. Feeling ko tuloy may mga sinisikreto ka sa akin, e. Alam mo naman na ayoko ng naglilihim ka sa akin.”
Hinawakan ni Martin ang isa pa niyang kamay at kinabig siya nito. “Sorry na, asawa ko. Promise, hindi na po mauulit! Huwag ka nang magalit sa akin, please.” Paglalambing pa nito. Kumurap-kurap pa ito at nagpa-cute. Hinalikan pa nito ang mga kamay niya.
Pinipigilan naman niya ang mapatawa pero mas malakas ang charm ni Martin. Napatawa na lang siya sa pagpapa-cute nito. “Oo na! Naku! Kung hindi ka lang gwapo, e!” Pagbibiro na niya para gumaan kahit papaano ang atmosphere. “Basta, `yong sinabi ko! No more secrets!”
“No more secrets!” Itinaas pa nito ang kanang kamay bilang tanda ng pangako nito. “Pero maiba ako, asawa ko, masaya ako na tanggap tayo ng parents mo at ang pagpapakasal natin. Ang sarap pala sa pakiramdam na tanggap ka kahit hindi ko naman sila magulang. Ganito pala iyong pakiramdam na tanggap ka…”
“Sabi ko naman sa’yo, wala tayong magiging problema kina nanay at tatay. Mabait sila at naiintindihan nila tayo.”
“Sana ganiyan din sina mommy at daddy…”
Naramdaman ni Jonas ang kalungkutan sa boses ni Martin kaya naman hinaplos niya ito sa pisngi at hinalikan doon. “Don’t worry, darating din ang time na matatanggap nila tayo. Walang magulang ang nagagawang tiisin ang anak. Intindihin na lang natin sila. Nabigla lang siguro sila. Ipakita na lang natin sa kanila na katanggap-tanggap tayo dahil iyon na lang ang magagawa natin sa ngayon,” aniya.
“Hay… Kaya naman mahal na mahal kita, e! Napaka positive ng outlook mo sa buhay! Ano na lang kaya ang mangyayari sa akin kung hindi ikaw ang partner ko?”
“Wala namang reason para maging nega. Tara na ulit sa loob? Malamig na dito, e.”
“Mauna ka na, asawa ko. Magyoyosi lang ako.”
Sumama ang mukha ni Jonas. “Yosi na naman? Kailan ka ba titigil sa yosi na iyan? Nakakabata iyan. Alam mo iyan.” Paalala niya.
“Asawa ko, hayaan mo na. Ngayon lang ulit, e…”
“Okay pero isang stick lang, ha. Pumasok ka na pagkatapos.”
“Opo. I love you!”
“I love you too!”
At isang mabilis na halik sa labi ang ibinigay nila sa isa’t isa.
Nauna nang pumasok si Jonas kay Martin sa bahay. Pagdating niya sa salas ay sinalubong siya ng nanay niya na may alanganing ngiti sa labi. Pinaupo siya nito dahil ayon dito ay may itatanong ito sa kanya tungkol sa pagpapakasal niya kay Martin.
“Ano po iyon, nanay?” tanong niya dito.
“Ah, anak, nag-aasikaso na ba kayo ni Martin para sa kasal niyo? May lugar na ba kung saan kayo ikakasal?”
“Wala pa po. Pagbalik na lang po siguro namin ng Laguna. Inuna po muna namin ang pagpapaalam sa inyo,” sagot niya.
“E, iyong wedding gown mo? May tatahi na ba? May nakuha na ba kayong magme-make up sa’yo? Iyong anak ng ninang mo, ang alam ko ay magaling iyong mag--”
“Nay!” Pigil niya sa pagsasalita ng nanay niya. Mukha kasing hindi nito nauunawaan ang mangyayari sa kasal nila ni Martin. Huminga siya nang malalim at ipinaliwanag dito nang maayos ang lahat. “Ano po ba ang sinasabi ninyo? Hindi po ako magsusuot ng wedding gown. Hindi po ako magme-make up sa kasal namin ni Martin. Bakla po kami pero hindi kami magpapakababae sa kasal namin. Naiintindihan niyo na po ba?” Hindi malaman ni Jonas kung tatawa ba siya o ano sa tanong ng nanay niya.
Tila nalilito na napatingin sa ibaba ang nanay niya. “Naguguluhan lang kasi kami ng tatay mo, anak. Karaniwan kasi ng mga baklang kilala namin ay nagsusuot ng pambabae. Alam mo naman na ganoon ang normal na kasal.”
“Iba na po ang ibang bakla ngayon. Minsan, mas mukha pa kaming lalaki sa tunay na lalaki. Saka kailan niyo ba ako nakitang nagsuot ng pambabae, `nay?” Masuyo niyang niyakap ang nanay niya. “Nakakatuwa ka naman, nanay! Ang cute-cute ninyo!”
“Sorry, anak… Hindi kasi namin alam talaga kung ano bang mangyayari sa kasal niyo,” anito at gumanti rin ito ng yakap sa kanya.
“Okay lang po. Naiintindihan ko po kayo…”
“Pero masaya kami ng tatay mo na nahanap mo na ang lalaking makakasama mo habangbuhay, anak! Ramdam namin na mahal na mahal ka ni Martin.”
“Ramdam ko rin po iyon, nanay. Kaya wala na po kayong dapat ipag-alala na tatanda ako nang mag-isa dahil merong Martin sa buhay ko. Hinding-hindi po namin iiwanan ang isa’t isa.” Nag-init ang gilid ng mata ni Jonas na para bang naluluha siya.
Ngayon pa lang kasi ay naiisip na niya na magkasama silang tatanda ni Martin.
DAHIL hindi pinayagan ng company na um-absent ng matagal si Martin ay umuwi rin sila ni Jonas kinabukasan. Kahit papaano ay nabunutan sila ng tinik sa ginawang pagtanggap ng parents ni Jonas sa kanila. Masayang-masaya siya sa pangyayaring iyon sa kanilang dalawa ni Jonas.
Natutuwa din siya na naipagpaalam na niya ang pagpapakasal nila ni Jonas sa magulang nito.
Pagdating sa apartment ay agad na nagpahinga ang dalawa. Gabi na rin kasi sila nakarating ng Laguna. Kailangan niya nang magpahinga dahil pagod siya sa pagda-drive tapos may pasok pa siya bukas.
Kinabukasan ay nagising siya sa alarm ng kanyang phone at amoy ng toasted bread na nanggagaling sa kusina. Alam niyang gumagawa na ng almusal nila si Jonas. Napakaswerte niya talaga dito. Hindi pa man sila mag-asawa ay asawa na ito kung kumilos.
Kahit inaantok pa ay bumangon na siya. Nakita niya si Jonas na naghahanda ng almusal nila. Nilapitan niya ito at ginawaran ng halik sa labi.
“Good morning, asawa ko,” bati ni Martin.
“Good morning! Maligo ka na at para pagkatapos mo ay tapos na rin ako dito.” Nakangiting sabi ni Jonas.
Pumasok na siya sa banyo at naligo. Paglabas niya ay handa na ang almusal nila.
Ganoon lagi ang routine nilang dalawa. Madalas ay si Jonas ang nag-aasikaso sa kanya kesa sa siya ang nag-aasikaso dito. Naiintindihan naman nito iyon dahil sa uri ng trabaho niya. Mas may pagkakataon itong gumawa ng mga gawain sa bahay kesa sa kaniya. Pero kapag walang pasok ay tinutulungan naman niya ito o kaya ay siya na mag-isa ang gumagawa para makapagpahinga naman ito. Gaya ng paglalaba, paglilinis ng bahay at minsan ay pagluluto.
Sabay na silang nag-almusal at pagkatapos ay nagbihis na siya para pumasok sa trabaho.
ABALA si Jonas sa pagta-type ng manuscript na kailangan niyang matapos sa araw na iyon. Deadline na kasi niya. Hindi naman siya nakapagsulat dahil umuwi sila ni Martin sa province niya. Kailangan na niya itong maipasa agad.
Inunat muna niya ang kanyang braso at pinatunog ang mga daliri. Minasahe niya nang bahagya ang kanyang leeg dahil medyo nangangawit na iyon. Kung nandito lang sana si Martin ay ito ang gagawa niyon. Kapag kasi nakikita nito na napapagod siya ay palagi siya nitong minamasahe.
Akmang babalik na siya sa pagsusulat nang may biglang kumatok sa pinto ng kanilang apartment. Kumunot ang noo niya sa pagtataka.
“Sino kaya `yon?” mahinang tanong niya sa kanyang sarili.
Nagtataka lang siya dahil wala naman siyang inaasahang bisita ngayon. Kapag pupunta naman dito sina Summer, Dion at Benj ay nagte-text o tumatawag muna ang mga iyon. Alam kasi ng mga ito na ayaw niyang naiistorbo sa pagsusulat.
Nagpatuloy ang pagkatok kaya naman tumayo na lang siya at binuksan iyon. At ganoon na lang ang gulat niya nang malaman na ang mommy ni Martin ang naroon. May kasama itong isang babaeng maganda na mukhang sosyal base sa uri ng ayos nito.
“T-tita M-mara?!” Gulat at nagkakandabulol na turan niya.
“Hindi mo ba kami papapasukin?” Seryosong sagot ng mommy ni Martin.
“P-pasok po kayo.” Nilakihan niya ang bukas ng pinto at pumasok ang dalawa.
Natataranta na pinagpagan niya ang sofa at doon niya pinaupo ang mga ito.
“May gusto po ba kayong inumin?” Offer niya.
“`Wag ka nang mag-abala, Jonas. Aalis din naman kami ni Tanya.”
Umupo siya sa pang-isahang upuan sa harap ng dalawa. “Ano po bang sasabihin niyo, tita?” Magalang na tanong niya.
“Hindi ba’t ikakasal na kayo ng anak ko three months from now. Naisip ko lang na kailangan niyo ng wedding coordinator kaya ako na mismo ang kumuha.”
“Ano po?” Hindi makapaniwalang sabi niya.
Totoo ba ang narinig niya? Ito pa mismo ang kumuha ng wedding coordinator para sa kasal ni Martin? Ang buong akala niya kasi ay tutol ito sa pagpapakasal nila ng anak nito. Tapos, ano ito?
“Nagdududa ka ba sa sinabi ko o nabingi ka lang?”
“No, tita. Well, thank you po kung ganoon. Maraming salamat po!” Medyo naluluha pa siya dahil sa tinuran ni Mara ay mukhang hindi na ito tutol sa kasal nila ni Martin. Lihim siyang nagpasalamat sa Diyos sa biglaang pagbabago ng isip nito.