Chapter 13

1952 Words
CHAPTER 13 "THANKS, Evie!" Ngiting-ngiti kong pasasalamat sa kanya. Niligpit na niya ang kahon ng make-up at ngiti ring tumango sa akin. Mabuti't mabilis ko siyang natawagan upang papuntahin dito sa school. Naresolba na ang kolerete sa mukha ko at nakapagpalit na rin ako ng humiporme. Kamuntikan na akong nadale kanina. "Ilagay mo sa locker mo ang make-up kit na 'to for emergency. Para hindi mo na rin ako papuntahin dito." Mahinang aniya. Tumango naman ako."Gagawin ko. Thanks again, ha?" "You're welcome, tsk!" Asik niya at natawa. "Pa'no ba 'yan? Alis na 'ko baka may makahalata pa sa atin." Nag-iingat niya pang dagdag. Tumango-tango naman ako. Binuksan ko ang cubicle sa banyo, mabuti na rin at walang tao sa labas. Nauna na siyang umalis na para bang walang kahina-hinala sa kanya. Nagtagal pa ako ng ilang minuto sa cubicle bago lumabas. Napagmasdan ko pa ang aking itsura sa salamin at nagpakawala ng malalim na hininga. Ang mga babaeng 'yon, lalo na si Sally! Dapat silang maturuan ng leksyon. Tuluyan na akong lumabas ng banyo at pasimpleng naglakad sa hallway. Napagdesisyunan kong hindi na umattend ng klase na alam kong kanina pa nagsimula. Natagalan kasi ang pag-aayos at pagpapatuyo ko ng sarili kanina sa tulong ni Evie. Kaunting oras na lang din ang natitira at maya-maya'y break time na. Sa susunod na subject na lang ako papasok. Nagtungo ako sa locker area at nilagay sa locker ko ang make-up kit. Akma na sana akong maglalakad muli nang may humawak sa aking braso mula sa likuran! Gulat akong napalingon doon at napaawang ang aking labi. "Ryker?" Nakayuko ang kanyang ulo sa akin at deretso ang mga matang nakatitig sa akin. Mas napaawang ang labi ko sa itsura niya. Ang suot niyang itim na t-shirt at pantalon ay halatang basa-basa pa. Ganoon na lang din kalamig ang kamay niyang nakahawak sa aking braso. "I was looking for you." Seryoso niyang sabi sa akin! Napataas ang dalawa kong kilay. "Bakit?" Matagal siyang hindi tumugon, nanatili lang nakatitig sa aking mukha. Bigla naman akong kinabahan. Para bang sinusuri niya ang kabuuan ng mukha ko! "B-Bakit mo 'ko hinahanap?" Pagtatanong ko pa. Naningkit ang mga mata niya. "Your face.." Natigilan ako sa kinatatayuan! Shoot! Nakita niya?! Nanlaki ang mga mata ko ngunit mabilis kong binawi ang gulat kong reaksyon. Hindi ako pu-pwedeng magpahalata! Peke akong tumawa. "Ahaha! Bakit? May dumi ba 'yung mukha ko?" Nagkunwari akong nagtanggal ng dumi sa aking pisngi. Nanatili pa rin siyang seryoso habang titig na titig sa akin! "Your face is getting weird?" Para bang nalilito rin siya. Napalunok naman ako ng laway. "Anong ibig mong sabihin?" Shoot! Shoot! Shoot! Hindi pwede 'to! Nagpakawala siya ng malalim na hininga at para bang sumusuko sa lalim ng iniisip niya. "Nevermind! You're still ugly." Mariin akong napapikit. Siguro ay nakita niya ang mukha ko kanina nu'ng nabura ang kolorete.. Pero.. "Hahahaha!" Nagkunwari akong humalakhak. "Pangit talaga ang mukha ko, Ryker! Bakit ka pa nagtataka?" Nangunot ang noo niya. Sandali pang nawalan ulit ng tugon saka napaiwas ng tingin. "But.. a-are you okay?" Utal, hindi niya makatinging tanong. Unti-unti namang tumaas ang sulok ng labi ko. "Aba! Improvement ah? May concern ka agad sa'kin?" "I'm just asking!" Asik niya pa pero hindi pa rin makatingin sa akin. Napatawa ako at tinusok-tusok ang tagiliran niya. "Awie, kaya pala tinulungan mo ako kanina nung nalulunod ako? Hahaha! Aminin.. concern ka.." "Stop that!" Tinapik niya ang kamay ko. Hindi naman ako nagpaawat at gumamit na nang dalawang daliri para tusukin siya sa magkabilang tagiliran! "Hey! S-Stop!" "Ahahahaha! May kiliti ang Ryker sa baywang!" Panunukso ko pa. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay ngunit hindi niya maiwasang mapatawa na pilit talaga niyang pinipigilan! Ilang beses ko siyang kiniliti at ganoon na lang ang pagpipigil niyang mapatawa. Napahalakhak pa ako nang makita ang pamumula ng mukha niya. "N-Nana!" Nahuli niya ang kamay ko at mahigpit iyong hinawakan. "Stop tickling me." Nagpigil ako ng tawa. Nagtama naman bigla ang mga mata namin at matagal na matagal na nagkatitigan! Bigla na lamang akong napaisip.. kung siya ba si Duziell at nakasama ko siya noong bata pa siya.. ganito ko rin kaya siya mabibiro? Hindi ko napigilan ang pagiging emosyonal ko sa naisip. Kusa na lamang akong napangiti habang nakatitig kay Ryker, na ngayon ay titig na titig din sa akin. Sa sandaling iyon ay para bang ang isa't isa lang ang nakikita naming dalawa. Subalit mabilis din akong nakabalik sa wisyo nang bumakas din sa alaala ko ang birthmark sa dibdib ni Colby. Maaaring siya ang kapatid ko! Napalayo agad ako kay Ryker at saka lamang napagtanto ang posisyon namin kanina! Nabawi ko ang dalawa kong kamay na hawak niya, natauhan din siya at mabilis na napaatras sa akin. "Um!" Napasinghap siya ng hangin at nag iwas ng paningin. Para namang nay bumara sa lalamunan ko. "A-Amm, ano.." "Hmm?" Nilingon niya akong muli, naiilang. "Ha?" Nalito ako bigla. "Uhh?" Napaawang ang labi niya at napalunok. "W-Where are we?" Nalilito naman akong naglinga-linga ng paningin. "N-Nasa locker area?" "No.. I mean," nakagat niya ang ibabang labi at muling nag-iwas ng paningin. "N-Nevermind." Napaiwas na rin ako ng paningin at nailang sa kanya sa hindi malamang dahilan. Sandali pang katahimikan ang namayani sa pagitan naming dalawa. Napakamot ako sa aking buhok at napangusong humarap muli sa kanya. "Ryker," Mabilis siyang nakalingon sa akin. "Why?" "Salamat." Sinsero kong sabi, natigilan siya. "W-Why?" Napatawa ako saka kusang nagulo ang tsokolate niyang buhok. "Syempre, tinulungan mo 'ko kanina. Hehe.." Naiilang man ay deretso na siyang tumitig sa akin. Napansin ko pa nang mas niyuko niya ang kanyang ulo upang maabot ko nang tuluyan ang buhok niya. Napasinghap ako ng hangin sa ginawa niyang 'yon at kusa ring tumigil sa paggulo ng buhok niya! Hindi nakatakas sa paningin ko ang pagsilay ng ngiti sa labi niya. "I-I like it when you touch my hair.." "Ha?" "I mean," nanlaki ang mata niya. "Forget what I just said!" "Ha?" Napalunok ako. "I said forget it." Nalilito siyang nag iwas ng paningin. Napabuga ako ng hangin at para bang gumagapang ang pawis sa noo ko. Napaypay ko ang sariling kamay. "A-Ang init ng atmosphere ngayon, noh? Hooo!" Napaypay din niya ang kanyang sarili at naluwagan ang t-shirt niya. Matagal pang binalot ng katahimikan ang pagitan naming dalawa. Hanggang sa nagulat na lang kami nang tumunog ang bell, senyales na break time na. "Ano, sige.." napakamot ako sa aking batok. "Alis na 'ko." Hindi ko sana siya hihintaying tumugon at akmang aalis na nang may maalala ako. Muli ko siyang binalingan nang may pagtatanong. Nanatili naman siyang nakatingin sa akin. "Ryker, ilang taon ka na nga?" Kuryoso kong tanong. Nangunot naman ang noo niya. "I'm 18, why are you asking?" Umiling ako at malaking ngumiti. "Natanong ko lang." "Why? How about you?" Kuryoso rin niyang tanong sa akin. "You looked younger than me." Napataas ang dalawa kong kilay sa narinig. Younger than you? Excuse me, mas matanda nga ako sa'yo ng limang taon. Kaedaran mo lang ang kapatid ko ngayon. Napabuntong hininga ako. Hindi ko kasalanan kung bakit baby face pa rin ako. Pero nakakatulong iyon sa pagpapanggap ko ngayon. "Same age lang tayo." Ngiti kong pagsisinungaling. "Really? Well," napanguso siya at umayos ng tayo. Malaki naman akong ngumiti. "Sige na, alis na 'ko." "Wait!" Pigil niya agad sa akin. "Come see me after school later." "Ha? Bakit?" "You'll see.." nagkibit-balikat siya at nakapamulsa akong nilagpasan! Sinabayan ko naman ng tingin ang pag alis niya. Nagkibit-balikat na lang din ako at sa kabilang direksyon ako nagtungo. Tatahakin ko na sana ang daan patungong classroom nang mamataan ko sina Sally at ang grupo niya na pumasok sa female restroom. Napangisi ako bigla at lumihis ng direksyon upang sumunod sa kanila. Nagsisilabasan na rin ang ibang mga estudyante at dumami na ang pakalat-kalat sa building. Bago pa may ibang makapasok sa female restroom ay nauna na akong makapasok sa loob saka sinarado ang malaking pintuan. Malakas na kumalabog iyon kaya nagulantang ang mga babae sa loob. Ni-lock ko ang pintuan saka pinatunog ang aking leeg. "Nana?" Dinig kong tawag sa akin ni Sally. Lumaki ang pagkakangisi ko saka humarap sa kanila. Nagugulat silang tumitig sa akin. Nang makita ko ang mop sa sulok ng banyo ay kaagad ko iyong dinampot. Sinipa ko pa ang ulo niyon dahilan para ang stick na lang ang matira. Ngingisi-ngisi ko iyong itinaas at bahagyang pinalo sa aking palad. "N-Nana? What the heck are you doing!?" "She's gone mad!" "Oh no, Sally!" Tinutulak nila si Sally papalapit sa akin. Bumakas agad ang kaba sa mga mukha nila. Halatang mga walang kalaban-laban. "N-Nana, ibaba mo 'yan.." umasta pang nagpapaklama si Sally. "Let's talk about this.. W-We're sorry about what we did to you earlier.. hindi naman namin intensyon n-na malunod ka.." Natawa ako at muling hinampas sa aking palad ang stick. Gulat silang napaatras nang humakbang ako. "Ayaw ko kayong patulan." Malaking ngiti kong sabi. "Pero noong hinatak niyo ang buhok ko at sinasadyang itulak ako sa swimming pool.. nagbago ang isip ko." "Nana p-please.. we're sorry!" Tumaas ang boses ni Sally. Hinampas ko ang stick sa pintuan ng cubicle. Napatili sila at natatakot na nagdikit-dikit sa sulok! "Oh my god! K-Kapag sinaktan mo kami ay mananagot ka, Nana!" Ang isa nilang kasama ang nagsalita, doon nabaling ang paningin ko. "Nag sorry na nga kami! Isusumbong ka namin 'pag isa sa amin ang napuruhan mo!" "Pfft!" Napahalakhak ako. "Eh 'yung ginawa niyo sa akin kanina? Pwede ko rin kayong isumbong sa kamuntikan kong pagkalunod." "Pero hindi ka naman tuluyang nalunod!" Sabat ng isa. "OA ka rin eh! Niligtas ka na nga nila Ryker, ano pang kinagagalit mo diyan?" "Hindi ako galit." Tugon ko. Nawala ang ngiti ko at napatango-tango. Sumeryoso ako ng tingin sa kanila, lalo na kay Sally na nanahimik at para bang alam na alam na mali sila. Tinutok ko sa kanya ang stick na kinalaki pa ng mga mata niya. "Ikaw ang leader-leader nila, noh?" Ngumisi ako bagaman seryoso. "Pagsabihan mo sila, Sally. Pangiti-ngiti at patawa-tawa lang ako.. pero kapag ako nagalit, hihiwalay ang ulo sa katawan ninyo." Napalunok siya at bumakas ang kaba. "Y-You're threatening me! Pwede kang makulong sa pagbabanta mo sa akin!" Inilapit ko pa sa kanya ang stick, dinikit ko iyon sa lalamunan niya dahilan upang mapapigil siya ng hininga at mabilaukan. Ganoon na lang ang gulat nilang lahat sa ginawa ko sa kanya. "O-Oh my god!" "Aah! W-What's with her!" Ngumiti akong muli, matamis na matamis at bahagya pang sumingkit ang aking mga mata habang nasa ganoong posisyon. Samantalang sila ay binalot ng kaba at takot. Napatitig ako kay Sally na nahihirapang huminga, pinagpapawisan ang noo niya. "Sana matutunan mo ang leksyon ngayon. Hindi lahat ng sa tingin mong mahina, ay mahina. At hindi dahil sa tingin mong malakas ka, malakas ka." Binaba ko ang stick at nakahinga siya ng maluwag. "N-Nana.." napahawak siya sa kanyang leeg. "You'll pay for this.. hindi mo kilala ang pamilya ko! We're rich and--aah!" Hindi niya naituloy ang sasabihin nang malakas kong hinampas ang stick sa pader dahilan upang kumalabog sa loob! "Talagang hindi ka papatalo?" Natatawa at sarkastiko kong tanong. Hinagis ko ang stick sa kanya na hindi naman niya nasalo. Nasapo ko ang aking noo. Ang mga batang 'to ay mga spoiled brat. Palibhasa'y anak mayayaman. Walang kwenta kung papatulan ko pa sila. Lumapit ako sa kanya at hiaplos ang dulo ng buhok niya. Hindi siya makatingin sa akin ng deretso kahit na pilit siyang nagmamatapang. "Hindi ko nga kilala ang pamilya mo, pero hindi mo rin kilala ang akin, Sally." Ngumisi ako at nilapit ko ang aking labi sa kanyang tainga para bumulong. "I came from a family of murderers.. I am.. a murderer's daughter."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD