CHAPTER 19
NASULYAPAN ko ang mukha ko sa side mirror ng aking bagong motor habang pinapaharurot iyon sa walang katapusang kalsada. Nakatakim ng itim na tela ang aking ilong at bibig habang suot ang itim na hoodie. Matalim kong tinuunan ng pansin ang daan patungo sa distinasyon ng lalaking iyon. Sa sarili kong paraan ay madali kong nahanap kung nasaan ang lungga niya.
Walang hinto-hinto at sobrang tulin akong nagpapalipad ng motor, desperadang marating siya. Napangisi ako nang madaanan ko na ang pangalan ng lugar papasok sa kanto. Doon ko lamang binagalan ang pagpapatakbo sa motor ko. Nilibot ko ang paningin sa mga taong nagsisikalat sa daanan. Halos lahat ay magugulo at puro mga lalaki. Mayroong nag-iinuman at nagsusugal, may mga bata na naririnig kong malutong na nagmumura habang naglalaro. Napakagulo ng lugar at napakaingay.
Nagtuloy ako sa pagpapatakbo ng motor hanggang sa marating ko ang dulong bahagi ng eskinita. Tinanaw ko ang malaking bahay saka bumaba sa motor nang hindi pinapatay ang makina nito. Napangisi pa ako saka hinawakan ang silencer gun ko na nakasukbit sa ibaba kong baywang.
Madilim ang lugar at iisang poste ng ilaw lang ang nagbibigay liwanag. Hindi tulad ng kanina, sa bahaging eskinitang ito ay walang katao-tao. Maririnig lamang ang mga alulong ng mga aso at pusa. Muli kong tinanaw ang malaking bahay na walang pintura. Sa labas pa lang ay madilim na.. ano kayang mayroon sa loob?
Walang pag-aalinlangan akong kumilos. Mayroon pang itim na gate na madali ko namang naakyat. Walang tunog akong kumilos at tinahak ang daan papasok sa bintana. Madilim maging sa loob at sapat lang ang liwanag para makita ko ang dinaraanan. Hinugot ko ang aking baril at walang tunog iyong kinasa, saka ko tinutok sa harapan gamit ang dalawa kong kamay. Nagtuloy ako sa paglalakad, napagtanto kong nasa kusina ako unang nakapasok.
Nagtungo ako sa harapang bahagi ng bahay, napakatahimik doon at gano'n din kadilim. Saka ko nakita ang hagdanan paakyat sa pangalawang paglapag. Walang pag aalinlangan kong inakyat iyon at nanatiling alerto. Subalit malayo pa lamang ay nakarinig na ako ng mga daing at ungol na nagmumula sa babae't lalaki.
Nagsalubong dalawa kong kilay. Hindi na ako inosente para sa bagay na iyon. Malayo pa lang ay batid kong mayroong nagtatalik sa loob ng silid base sa mga naririnig kong ingay. Napailing-iling na lang ako. Timing nga naman oo!
Napatiim bagang ako at tuluyang tinungo ang pintuan ng silid kung nasaan nanggagaling ang mga ingay. Sinipa ko pa ang bra na naapakan ko sa sahig bago hinawakan ang doorknob para buksan ang pintuan.
Napangisi ako saka malakas na sinipa ang pintuan dahilan upang tumiwangwang ito at kumalabog! Tinutok ko ahad ang baril ko sa harapan. Kitang-kita kong natigilan ang babae at lalaki sa kama. Parehong nanlalaki ang mga mata nila na napatitig sa akin.
Lalo akong napangisi. "Pasensya na sa istorbo. Pero ayaw kong umatras dahil lang sa ginagawa niyo."
Mabilis na nakatalon ang babae mula sa pagkakapatong sa lalaki at bumakas agad ang takot sa itsura. Niyakap niya ang kumot at yumakap sa lalaki, na ngayon naman ay hindi nakakabawi sa gulat.
Inilingan ko ang lalaki. "Ah? Hindi mo ako nakikila." ani ko, hindi tinggal ang telang nakatakip sa mukha ko. "Ako si Naziena.. ang nabigo mong takutin."
Pumasok ako sa loob habang tutok pa rin sa kanya ang baril. Mas nanlaki ang mga mata niya at kusang nataas ang dalawang kamay sa ere.
"P-Put the gun down!" pumiyok pa ang malalim niyang boses.
Natatawa akong umiling. "Ayaw ko nga."
"Aaah! 'Wag mo po akong papatayin!" tumili ang babae niyang kasama, naluluha. "W-Wala akong kasalan!"
Lalo akong napatawa na binalingan ang babae. "Umalis ka diyan sa kama," utos ko at nginuso ang banyo sa loob ng kwarto. "Pumasok ka sa loob niyon at huwag mag-iingay. Dahil baka baril ko ang pumutok sa'yo imbes na ang semen ng lalaking 'yan." pananakot ko pa.
Nanginig siya, kahit nakahubo ay nagmadali niyang ikinulong ang sarili sa banyo. Saka ko lamang muling tinuunan ng pansin ang lalaki.
"Vlad? Tama ba ako?" ngisi kong tanong.
Nakita ko ang paglunok niya, bakas ang pamumutla. Siguro'y wala siyang laban ngayon. Lalo pa't walang saplot ang katawan niya, tanging ang kumot lamang ang tumatabon sa katawan niya.
"W-What do you want?" bakas ang pagiging kabado niya.
Sumeryoso ako. "Kasagutan, Vlad. Kailangan ko ng kasagutan."
"I can tell you everything I know." walang kurap niyang sabi. "J-Just don't kill me."
"Anong pakay mo sa akin?" agaran kong tanong.
Bumilis ang paghinga niya. "I-Isa lang akong utusan! Sinusunod ko ang sinasabi sa akin na gawin. Iyon ang pagbantaan ang buhay mo at takutin ka."
"Bakit? Para saan?"
"H-Hindi ko alam! Ayon ang iniutos sa akin! Sumusunod lang ako!"
"Who's your boss, then?" seryoso kong tanong, kahit pa alam ko na. Gusto ko pa ring sambitin niya.
Matagal siyang hindi tumugon. Hindi ako naging alerto nang batuhin niya ako bigla ng lamp shade! Dahilan upang masapul niyon ang ulo ko at sandali pang dumilim ang paningin ko! Nang muli ko siyang balingan ay nakalabas na siya ng silid!
"Sh*t!" mabilis akong sumunod.
Nadatnan ko siyang tumatakbo pababa ng hagdan, tiim bagang kong inasinta ang likod niya at kinalabit ang gatilyo ng aking baril. Kaagad siyang tumumba sa sahig, sobrang lakas na sumigaw.
"Aaaah!! F-F*ck!! A-Ahh.." kaagad siyang naghihingalo na gumapang. Tinangka niya pang tumayo muli nang paputukan ko naman ang binti niya. Muli siyang sumigaw sa sakit.
Blangkong emosyon akong bumaba ng hagdan habang pinagmamasdan siya. Umaalingawngaw ang paghangos niya at pagtangis. Nagpakawala naman ako ng malalim na hininga.
"Hindi ako brutal pumatay.." pagsasalita ko habang bumababa sa hagdan. "Gusto ko iyong deretsuhan lang sana. Kahit pa naguumapaw na 'yung galit ko."
Nilapitan ko siya, nanghihina naman niya akong tiningala. Hinahabol niya ang sarili niyang hininga at gano'n na lang ang paghihirap sa mukha niya. Bahagya akong lumuhod sa harapan niya saka tinutok ang baril sa noo niya.
"Sagutin mo ang tanong ko," seryosong sabi ko. "May ugnayan ba kayo ng Campbell?"
Pigil na pigil ang paghihirap niyang tumango-tango. "Y-Yes.. p-please don't kill me.."
Nakagat ko ang sarili kong mga ngipin sa galit. Madiin kong kinapitan ang baril at pinagdiinan sa noo niya.
"Anong pinaplano niyo sa akin?"
Umiling-iling siya. "I d-don't know.. d-don't kill me."
Lalo akong sumeryoso at tiim bagang na tumango-tango. "Pasensyahan tayo, Vlad. Kung hindi kita papatayin, magiging pabigat ka pa sa'kin."
Tumayo ako at bahagyang lumayo sa kanya nang hindi inaalis ang pagkakatutok ng baril sa ulo niya. Ilang beses pa siyang nakiusap sa akin, subalit hindi ako maawaing tao. Walang kurap kong kinalabit ang gatilyo ng baril. Umalingawngaw ang tunog nito sa lugar at nakaramdam ako ng pagiging kontento.
Blangkong emosyon ko siyang tinalikuran at naglakad palabas ng bahay niya. Parang wala lang akong naglakad para buksan ang gate. Suminghap ako ng preskong hangin sa labas, mas dumilim ang kalangitan kumpara kanina. Binalik ko sa pagkakasukbit sa sinturon ko ang baril saka binalikan ko ang nakaparadang motor ko. Sumakay ako roon at pinaharurot iyon para lisanin ang lugar.
May sabwatan nga sila ng mga Campbell. Hindi ko pa alam sa ngayon, subalit hindi ako titigil na alamin iyon. Hindi ko alam kung bakit ako tatraydurin ni Evie, kung may dahilan man siya. Hindi iyon magiging sapat para sa akin. Buong buhay ko, alam niyang malaki ang galit ko sa pamilyang iyon. Pero ngayon? Nakikipag-ugnayan siya sa Campbell? Para ano?
Naging masama ba ako sa kanya? May nagawa ba ako na hindi niya nagustuhan? Nag-aaway kami oo, paminsan-minsan pero sa mabababaw na dahilan lang at normal lang iyon! Kaya hindi ko makita kung anon motibo sa akin ni Evie. Wala akong maisip na kahit ano!
Pero kung ito na talaga ang gustuhin niyang gawin.. Ang traydurin ako. Pwes pagbibigyan ko siya. Pero sa huli, ipapamukha ko sa kanyang pagsisisihan niya na ako pa ang kinalaban niya.
-
TINAPON ko ang baril ko sa nadaanang ilog habang pinahaharurot ang motor ko. Dumeretso ako sa lugar kung nasaan ang apartment na tinutuluyan ko. May pasok pa ako bukas sa akademya, dapat na akong magpahinga. Masyadong maraming bagay ang nangyari ngayong araw. Ang hirap iproseso ng lahat, pero sa oras na makapagpahinga ako ay mas makapag-iisip pa ako ng tama at maayos.
Pinarada ko ang motor ko sa garahe kung nasaan din nakaparada ang nauna kong motor. Hindi lang naman iisa o dalawa ang motor ko. Marami pa sa mansyon ko ang hindi ko nagagamit. Inayos ko sa pagkakaparada ang mga motor ko para walang makakita.
Nang matapos ay saka lamang ako umakyat sa palapag ng apartment. Dere-deretso akong umakyat sa hagdan at magtutungo na sana ako sa silid ko nang kusa na lamang akong matigilan sa paglalakad. Nagugulat akong napatitig sa pamilyar na lalaking nakatayo sa harapan ng pintuan ng silid ko.
Madilim man ang lugar ay nakatapat sa kanya ang sinag ng buwan kung kaya't kitang-kita ko ang imahe niya. Nakatingala rin siya sa kalangitan habang nakasandal sa pader. Nakasuot siya ng huniporme habang yakap-yakap niya ang bag ko!
"R-Ryker?" wala sa sarili kong usal.
Mabilis siyang napalingon sa gawi ko na kinalaki naman ng mga mata ko! Wala akong suot na kolerete! Pero mabuti at may itim na tela ang nakatapis sa mukha ko! Binaba ko ang hood ko upang makita man lang niya ang buhaghag kong buhok at malaman na ako iyon.
"N-Nana?" utal niyang usal, natitigilan na napatitig sa akin.
Napapalunok naman akong naglakad patungo sa kanya. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya, para bang ngayon na lang ulit ako nakita! Nagulat pa ako ng mabitawan niya ang bag ko!
"Nana!" biglaan niyang sigaw at mabilis na tumakbo papalapit sa akin!
Mas nanlaki ang mga mata ko sa susunod na ginawa niya! Niyakap niya ako nang may pananabik! Pumulupot ang mga braso niya sa baywang ko at sinubsob niya ang mukha sa balikat ko! Napaatras pa ako ng bahagya dahil sa pwersa ng pagkakayakap niya! Halos maramdaman ko ang mabigat na katawan niya sa akin.
"R-Ryker.. Anong ginagawa mo rito? Gabing-gabi na!"
Mas humigpit pa ang yakap niya sa hindi ko inaasahan! "Y-You witch.. Where have you been! Y-You made me worried!"
Napalunok naman ako at ilang beses na napakurap. "Bakit ka nandito?"
Inangat niya ang paningin sa akin, magkasalubong ang mga kilay subalit may matinding emosyon sa mga mata. "Of course, I was waiting for you! Bigla-Bigla kang nawawala sa school.. A-And you were not here! Anong malay ko kung napagtripan ka na naman ng mga jerks dito!? I gave you a phone, yet you're not bringing it with you!"
"A-Ano kasi.."
"Where have you been?" bakas ang pagiging desperado sa tanong niya.
Napaiwas ako ng tingin. "N-Nagkaroon ng emergency.. Kinailangan kong puntahan si ate sa hospital." pagsisinungaling ko pa.
Nang mag-angat ako ng paningin sa kanya at magatal na siyang napatitig sa akin. "Y-You could have said so! Let me see you face.."
Tinangka niyang hawakan ang tela sa mukha ko nang pigilan ko ang kamay niya. "Huwag."
Natigilan naman siya. "Why? I want to see your face and check if you're really fine."
Umiling ako. "Ayos lang ako, Ryker. Bakit ka ba nag-aalala?"
Mas lalo naman siyang natigilan. "I am not."
"Kasasabi mo lang kanina." Tugon ko. "Gabing-gabi na.. Kanina ka pa ba naghihintay rito?"
Napayuko siya at tumango-tango. "I waited for almost 9 hours now."
"A-Ano?! Nakayanan mo 'yon? Bakit mo pa kasi ako hinihintay!" gulantang kong tanong.
Sumama ang mukha niya. "It's your fault!"
Napatitig ako sa mukha niya at nakitang unti-unting nagsasalubong ang mga kilay niya. Kusang gumalaw ang mga kamay ko para abutin ang noo niya at haplusin iyon sa magkabilang direksyon na kinatigil naman niya.
"Umiinit na naman ang ulo." ani ko at patuloy sa paghaplos ng noo niya. Hanggang sa unti-unti na ring mawala ang pagkalukot ng noo niya at ang pagkasabulong ng dalawa niyang kilay.
Lumambot ang mukha niya at pareho kaming nagkatitigan. Tipid akong ngumiti. Bahagya naman niyang niyuko ang ulo upang mas maabot ko ang noo niya. Unti-unti pang pumikit ang mga mata niya at pawang nagiginhawaan sa paghaplos ko sa noo niya. Muli siyang nagmulat ng mga mata at tumitig sa mga mata ko.
"Don't disappear like that again, Nana." malambing na aniya.
Tumango ako at tipid na ngumiti. Hinapit niya ako papalapit sa kanya at iginaya ang ulo ko sa dibdib niya. Naramdaman ko ang paghaplos niya sa buhok ko. Mas naisandal ko naman ang ulo ko sa dibdib niya, dahilan upang marinig ko ang lakas ng pagtibok ng puso niya..
Napapikit ako at nakaramdaman ng sobrang pagod.
Ang kaharap ko ngayon ay isang Campbell.
At galit ako sa mga Campbell.