NARINIG ni Lorelei ang malakas na mura ni Andrei at mabilis ang kilos nitong niyakap siya. Natulala na lang kasi siya at hindi na kaagad nakagalaw. Sunud-sunod na mga putok pa ng baril ang narinig nila kaya mabilis na hinila siya ni Andrei at nagkubli sila sa isang malaking puno ng mangga. “Are you okay, baby? May masakit ba sa’yo? Tinamaan ka ba?” Narinig niyang sunud-sunod na tanong ni Andrei sa kaniya at saka lang siya natauhan. Tinitingnan din nito ang buong katawan niya kung may sugat ba siya. “Lu, answer me.” Puno ng pag-aalala ang boses na sabi pa nito nang nakatitig lang siya rito. Pinakiramdaman naman niya ang kaniyang sarili at wala namang masakit sa katawan niya kaya alam niyang hindi siya natamaan kanina. Umiling siya. “O-Okay lang ako.” “Are you sure?” Tumango siya.

