CHAPTER THIRTEEN

2706 Words
Malapit ng mag-serve ng pagkain ng mapalingon si Dianne sa kanina ay kinauupuan ni Luis. Agad pa niyang iniiwas ang paningin doon kaso napansin niyang hindi ito nahagip ng paningin niya. Binalikan niya ng tingin ang grupong kinaroroonan nito kanina at napansin niyang apat sa mga ito ang nawala kasama na ang binatilyo na agad nagpatayo sa kanya. Sinipat niya ang mesang nasa may bandang likuran na pawang kaklase rin naman nito ang mga nakaupo maging ang likuran ng malaking christmas tree sa may bandang gilid pero wala ito roon. Iginala niya ang paningin sa may stage at sa may b****a ng covered court sa pagbabasakaling tumutulong lang ito sa pagbabantay roon ngunit hindi niya ito nakita. Doon na gumuhit ang kaba sa dibdib niya lalo na at nang tingnan niya ang kanyang pambisig na orasan ay nagbabadya ng mag-alas otso noon. "Bakit?" Takang tanong ni Carla na humawak sa kamay niya. "Di ko makita si Kuya Luis." "Nandiyan lang 'yun kanina a." Tumayo rin ito at iginala rin ang tingin sa paligid. "Saglit lang. Magtatanong lang ako doon sa mga kaklase niya." Hindi na niya hinintay ang sagot ng kaibigan at agad ng lumakad palapit sa mga kaklase ng binatilyo. Iyong mesa na pinanggalingan ni Luis ang nilapitan niya kung saan ay may naiwan na dalawang babae at isang lalaki. "Nakita niyo po si Kuya Luis?" "Ha?" Dahil sa lakas ng tugtog ay nagtanungan pa ang mga ito kung ano ang sinabi niya. "Si Kuya Luis po, nakita niyo?" Kinakabahan niyang ulit sa tanong. "Nandito lang ang mga iyon kanina e, di namin napansin kung saan nagpunta." Sagot ng isang babae. "Diyan lang yan sa tabi-tabi." Luminga-linga siya. Wala siyang nakitang Luis sa tabi-tabi. "Itanong mo nga diyan kay Jez. Kausap niya yan kanina." Ani ng lalaki roon na itinuturo ang isang lalaking naka-long sleeve na stripe sa katabing lamesa. Kilala naman niya iyon dahil isa iyon sa matatalino sa section ng binatilyo. Hindi na siya nakapag-paalam sa mga ito at agad na lumapit rito. "Excuse po." Luminga ang lalaki sa kanya kasabay ng iba pang kaklase ng mga ito sa lamesa. "Nakita niyo po si Kuya Luis?" "Si Luis? Nandiyan lang iyon kanina e. Bakit?" Ngumiti ito. "Di ko po kasi siya makita. Kanina ko pa siya hinahanap." Kabado na ang boses niya at muli ay luminga-linga siya. Tumayo ito at tumingin sa may b****a ng covered court. "Wala siya sa may entrance." Narinig niyang sabi nito na parang sa sarili lang sinasabi. "Dito ka muna. Tingnan ko lang doon sa may exit." "Sama na ako." "Sige. Halika." Gumilid sila sa mga lamesang nakapaikot sa buong covered court at kahit maraming sumasalubong sa kanila ay pinilit niyang makahabol kay Jez na ilang hakbang lang ang layo sa kanya. Pagdating nila sa exit ay kinausap ni Jez ang ilang estudyanteng nakaposte roon, pero ayon sa mga ito ay kaninang pagdating lang daw ni Luis nila ito nakausap. "Hindi siya lumabas ng court?" Paglilinaw niya sa nakabantay. "Hindi siya dumaan dito sa amin." "May iba pa bang daanan palabas?" Tumango ang lalaki. "Meron. May exit din doon sa may malapit sa stage." "Balik tayo?" Tanong ni Jez. "Oo." Habang pabalik sa pinanggalingan nila kanina ay hindi niya maiwasang matakot sa kung saan naroon ang binatilyo. Maliban kay Aling Celing ay inaalala niya rin ang magulang nito na kailangan niyang sagutin kapag nagkataong nasaktan si Luis dahil sa kapabayaan niya. Dinaanan nila ang exit malapit sa stage pero katulad ng sinabi ng isa doon sa likod ay kaninang pagkarating lang daw ni Luis nila ito nakausap. "Saan nagpunta 'yun?" Magkahalong inis at pag-aalala ang nararamdaman niya sa pagkakataong iyon. Hindi na niya alintana na pawis na pawis na ang likod niya dahil sa kakalakad dagdagan pa ng nerbiyos na noon ay damang-dama na niya. "Nandito lang 'yun. Kung gusto mo balik ka na muna doon sa mesa niyo tapos sabihin ko nalang sa kanya na hinahanap mo siya kapag bumalik na siya." "Hindi." Aniya sabay iling. "Mapapagalitan ako kapag di ko 'yun nahanap." "Nino?" "Nilang lahat." Sagot niya sabay kagat sa labi. "Meron pa ba siyang pwedeng puntahan?" Ilang sandaling nanahimik ang lalaki na tila nag-iisip bago nito itinuro ang backstage. "Hindi ko sigurado pero baka lang naman." "Okay lang. Salamat." Hindi na niya ito hinintay na magsalita pa at agad na niyang tinungo ang itinuro nito. Maliit lang ang pasukan doon at medyo madilim pero sa loob niyon ay nakita niyang may mangilan-ngilang estudyante na nag-aayos ng kung anu-ano. Meron din kasi silang paligsahan ng parol na isa sa pinaka-higlight ng programa kaya puno rin ng iba't-ibang klase ng parol ang loob ng backstage na pilit niyang iniwasan habang papasok siya. Isang estudyanteng nag-aayos ng ilaw ng parol ang nilapitan niya. "Nakita mo si Kuya Luis?" "Hindi." 'Diyos ko.' Naisaloob niya. May dahilan ng yata kung bakit ito pinapabantayan ni Aling Celing sa kanya. Hindi niya alam ang gagawin kapag napahamak ito dahil lang sa tigas ng kanyang ulo. Isang grupo ng anim na kababaihan ang sunod niyang nilapitan na pawang mga naka-suot ng makikintab na damit. Nakilala niyang isa iyon sa grupo ng mga dancer sa school nila na ka-batch rin ng binatilyo. "Nakita niyo ba si Kuya Luis?" Garalgal na ang boses niya. "Si Luis?" Tumango siya. "Lumabas 'yun kanina." Tila siya nabuhayan sa isinagot ng isa. "Ipinatawag siya kanina ng security e." "Diyan sa security office?" "Oo. Baka nandoon pa." "Sige. Salamat." Tumalikod siya kaagad pagkatapos niyang magpasalamat at tinungo ang exit malapit sa stage. Mula sa kinauupuan kanina ay nakita siya ni Carla na akmang tatawagin siya pero agad din namang umupo at hinabol nalang siya ng tingin. Medyo malamlam ang ilaw sa labas ng covered court pagkalabas niya. Kahit nasa court ang Christmas party ay may mangilan-ngilan pa ring estudyante sa labas niyon. Ang ilan ay mga nakatambay sa hagdanan ng building, ang ilan ay mga nakaupo sa bench at may ilan na naglalakad din sa lobby na nakasalubong niya galing sa kung saan. Medyo natakot siya ng lumagpas sa kanya ang mga estudyanteng nakasalubong dahil siya nalang ang natira sa lobby ng building na pinasok niya. Nasa dulo pa ng lobby naroon ang opisina ng security at medyo madilim ang lugar. Gayunpaman ay linakasan niya ang loob at dire-diretsong lumakad papunta sa dulo pero nanghina siya nang tanging malamlam na liwanag galing sa maliit na opisina ang tumambad sa kanya. Sinilip niya ang loob niyon at wala siyang nakitang tao. Isang singhap ang pinakawalan niya nang bigla nalang may humawak sa braso niya. Sisigaw na sana siya kasabay ng kanyang paglingon nang banggitin ng pamilyar na boses ang kanyang pangalan. "Kuya Luis?" Magkakahalong takot, pag-aalala, at luwag ng dibdib ang naramdaman niya noong mga oras na iyon na naging dahilan upang mag-unahan sa pagtulo ang mga luha niya. "Saan ka ba galing?" "Ikaw? Anong ginagawa mo dito?" Parang galit nitong tanong sa kanya. Hawak pa rin nito ang braso niya at noon niya nakitang katulad niya ay pawis rin ang mukha nito. "Hinahanap ka." "Bakit ka umiiyak?" Seryoso pa rin nitong tanong na hindi inaalis ang mata sa kanya. "Siyempre natatakot ako. Kanina pa kita hinahanap, di kita makita. Akala ko nawala ka na. Saan ka ba nagpunta?" Suminghot siya. Binitiwan siya nito at kinuha ang panyo mula sa bulsa ng suot nitong long sleeve polo at ipinunas sa mukha niya. "Tingnan mo nga yang hitsura mo. Pawis na pawis ka." Nagpunas siya ng luha gamit ang palad niya at hinayaan itong pagalitan siya. Mas okay na iyon kaysa mawala ito dahil siguradong malalagot siya kina Aling Celing at Misis Ignacio kapag nangyari iyon. "Bakit ka umiiyak?" Umiling siya. "Wala, pero iyak ka ng iyak?" "Dahil nga akala ko nawala ka na." Bulalas niya. "Wala ka doon sa upuan mo. Hinanap kita sa mga kaklase mo tapos di daw nila alam kung saan ka. Hinanap ka namin ni Jez doon sa mga naka-poste sa exit tapos di ka daw nila nakita. Tapos sa backstage ang sabi ay ipinatawag ka daw ng security pero pagdating ko dito wala namang tao. Natakot ako. Akala ko kung saan ka na napunta." Lumambot ang eskpresyon nito habang pinupunasan siya ng pawis at luha. "Halika na. Balik na tayo roon." Anito maya-maya. "Saan ka ba galing?" Tanong niya. Hindi niya pinansin ang pag-aaya nitong bumalik sa court. "Diyan." Itinuro nito ang loob ng opisina. Lumapit siya dito at sinipat ito. "Wala bang masakit sayo? Sinaktan ka ba nila?" "Bakit naman nila ako sasaktan?" "Ibig sabihin ay walang masakit sayo?" Umiling ito. "Wala nga. Napagod lang ako. Wala akong bugbog sa katawan." "Bakit ka napagod?" "Basta. Halika na. Tapos ka naman na yatang umiyak." Inirapan niya ito at hinayaan itong mauna sa paglalakad. "Huwag na huwag ka ng aalis sa paningin ko ha." "Di mo kasi ako binabantayan kanina kaya ayan, nasalisihan ka tuloy nina Mang Fred." Anito pagkatapos siyang lingunin. Binilisan niya ang lakad at umabay dito. "Seryoso ako. Huwag kang aalis ng hindi nagpapaalam ulit. Ibinilin ka sa akin ni Aling Celing kanina kaya di ko alam kung anong gagawin ko 'nung di kita makita." "Sige ba. Basta 'wag mong aalisin yang tingin mo sa akin." Seryoso nitong sabi. Sa isip-isip niya ay hindi na talaga. Nakatayo si Carla at sadyang naghihintay sa pagbalik niya pagkapasok nila ni Luis sa entrance ng court. Dumiritso siya sa upuan niya at parang nanghihinang napaupo roon habang si Luis ay bumalik naman sa lamesang kinauupuan nito kanina. "Saan ka ba nagpunta?" Nag-aalalang tanong ng kaibigan na sinilip ang mukha niya mula sa pagkakaluyloy sa mesa. Itinuro niya ng nguso si Luis. "Hinanap ko 'yun." "Naghanapan lang kayo." Anito na umiling-iling pa. "Pagkaalis mo kanina, dumating yan hinahanap ka. Di ko naman alam kung saan ka pupunta kaya sinabi ko nalang na hinahanap mo siya." Bahagya niyang iginalaw ang ulo paharap sa kaibigan. Iyon marahil ang dahilan kung bakit pawis na pawis rin ito nang magkita sila. "Saan kayo nagkita?" Umupo siya ng tuwid at humarap dito. "Doon sa opisina ng security. Madilim pa naman doon tapos ako lang mag-isa ang naglalakad 'dun sa lobby." "Di nga? Hala. Di ba sabi nila may multo daw 'dun?" Nahintakutang wika ni Carla na umastang tila nilalamig. "Kaya nga e. Ngayon ko lang naisip ulit yun. Nakalimutan ko yun kanina." "Kasi agad-agad kang umalis e. Kung naghintay ka pa ng kaunti e di sana nagkita kayo kaagad." "Baka kasi kung ano na ang nangyari 'dun. Ibinilin ni Aling Celing kanina bago kami umalis na bantayan ko daw kaya nung nakita kong wala siya sa upuan kinabahan ako." Napangiti ang kaibigan sa sinabi niya. "Grabe ang concern." Iningusan niya ito. "Mapapalayas ako pag nawala 'yan. Kumain na ba kayo?" Pag-iiba niya ng usapan. "Oo. Pero 'wag kang mag-alala. Sinabi ko sa isang waiter na itira yung para sayo. Masarap yung spaghetti nila." "Talaga?" Tumango ang kaibigan. Tila umilaw ang mata niya sa narinig. Noon niya naramdaman na kumakalam na ang sikmura niya. "Ako na ng pupunta sa waiter. Dito ka lang." Tumayo ang kaibigan at lumapit sa isang waiter sa di-kalayuan. Mabuti nalang pala at naka-catering ang pagkain nila. Sinundan niya ng tingin ang paggawi ng dalawa sa isa pang mesa na nasa likod ng hilera ng lamesa na napapatungan ng mga kaserola. Maya-maya ay ang gawi naman ng lamesa ni Luis ang tiningnan niya na natatakpan ng ilang grupo ng estudyanteng nagsasayawan. Tumayo siya at tiningnan ng maigi ang gawing iyon ng makitang tila bakante na naman ang upuan nito. Isang kalabit sa likod ang nakapagpalingon sa kanya. Nakahinga siya ng maluwag ng malingunan ang binatilyo. Sa isang kamay nito ay may hawak itong paper plate habang ang isa ay may bitbit na bote ng softdrink na iniinom nito. "Sinong hinahanap mo diyan?" "Siguro ikaw?" Aniya sabay upo. "O ito." Inilapag ni Luis ang dala nitong pagkain sa harapan niya at mabilis pa sa alas-kwatrong umalis sa kanyang likod sa pagtataka niya. Napapakamot sa ulong sinundan nalang niya ito ng tingin gayundin ng dalawa pang kaklaseng kasama niya sa lamesa. Pagdating ni Carla ay inusisa siya nito tungkol sa pagkain na nasa harapan niya na ikwenento naman niya at kasabay ng pagkaing dala nito ay kinain niya iyon ng magana. Natapos ang programang busog na busog siya. Habang nag-hihintay ng tricycle na masasakyan pauwi ay umupo muna si Dianne sa gilid ng security post sa labas ng gate ng school nila. Si Luis ay nakatayo di-kalayuan sa kanya at panay ang kaway sa mga palapit na tricycle na kalaunan lang nilang napapansin na may mga sakay na pala. Kasama siya nitong naghahanap kanina ng masasakyan pero napagod na siya sa kakakaway kaya naupo nalang siya sa gilid. Maaaring kapag naubos na ang mga estudyanteng kasabayan nilang lumabas galing sa Christmas party nila ay makasakay na rin sila. Si Carla ay sinundo ng ama nito pagkatapos na pagkatapos ng programa nila kaya naiwan sila ni Luis roon sa labas kasama ang hugos ng mga estudyante na nagsisipag-abang rin ng masasakyan. May ilan na naglalakad nalang pauwi pero dahil gabing-gabi na ay nagtiyaga nalang ang marami na maghintay ng babalik na tricycle. Iba-iba rin kasing barrio ang tutunguhin ng mga iyon. Nang makaalis ang huling tricycle na naroon ay lumapit sa kinauupuan niya si Luis at tumunghay sa kanya. "Kaya mo maglakad?" Tumango siya. Kanina pa niya iyon gustong sabihin dito pero dahil tila desidido itong sumakay ay hinayaan nalang niya itong mag-abang ng tricycle. "Madilim sa daan. Kaya mo?" Muli ay tumango siya. Kaya nga niya dating mag-isa lang siya doon sa bahay nila e. Ang maglakad na may kasama ay sisiw na para sa kanya. "O e di halika na. Maglakad nalang tayo. Baka abutin pa tayo dito ng umaga kung aantayin nating bumalik 'yung mga tricycle." Kagyat siyang tumayo at sumabay dito hanggang sa makalagpas sila sa kumpulan ng mga estudyanteng nagsisipag-abang ng masasakyan pauwi. Malaking tulong na naiilawan ang kalsada nila ng mga streetlight maliban pa sa liwanag na nanggagaling sa buwan sa gabing iyon kaya kahit manaka-naka nalang ang naglalakad sa kalsada ay hindi siya nakakaramdam ng takot. Bahagya siyang luminga rito at napasinghap nang makita itong nakatingala sa buwan at kinakitaan niya ng pagguhit ng ngiti sa labi. Nakapamulsa ito sa suot nitong pantalon habang siya'y bitbit pa sa isang kamay ang paper bag na bitbit kanina pagpunta ng school dahil may laman pa rin iyon. Pasikreto niyang tiningnan ito habang naglalakad sila. Katulad pa rin ang hitsura nito noong mga unang pagkakataong nakita niya ito. Walang pagbabago sa pisikal na anyo nito maliban nalang sa mas lalo itong tumangkad at gumuwapo sa paningin niya ngayon na nalalapitan niya ito. Kung noon ay sapat na ang makita niya ito sa umaga habang hinihintay ang flag ceremony nila, ngayon ay nakikita na niya ito hanggang sa pag-uwi niya galing eskwela. "May kailangan ka?" Tanong nito bigla na nagpalaki ng mga mata niya. "Kanina ka pa nakatingin." Ang pagkagulat at kabang unang naramdaman ay napalitan ng ismid dahil sa yabang na nahimigan sa boses nito. Humahanga talaga siya sa lakas ng pakiramdam ng binatilyo. "Nakatingin talaga ako." Aniya. Luminga ito sa kanya ng nakataas ang kilay. "Bakit?' Huminga muna siya ng malalim bago lumapit dito na dahan-dahan namang nagpaatras dito. Hinila niya ito sa braso. "Bakit ka ba lumalayo?" "E bakit ka ba lumalapit?" Umangat ng bahagya ang gilid ng bibig niya ng makaramdam ng panggigigil. "Ibibigay ko lang 'to." Iniangat niya sa harapan nito ang bitbit niyang paper bag at idinuldol iyon dito. "Dala-dala ko pa rin pauwi o. Para sa'yo 'to." Alanganin nitong tinanggap ang iniabot niya. "Anong bang akala mo?" Kunot-noo niyang tanong sabay layo rito. "Akala saan?" Patay malisya nitong tanong na noon ay sinilip ang laman ng papaer bag. Umiling siya. Hanga rin siya sa bilis ng memorya nitong makalimot. "Wala." Lumakad siya at nauna rito. "Ano ba ang laman nito?" "Tingnan mo nalang pagdating natin." "Pero wala pang pasko a." "E di sa pasko mo na buksan." Humabol ito at umabay sa kanya. "Salamat." Nakangiti nitong sabi habang sige pa rin ang sipat sa laman ng paper bag. Nilingon niya ito at bahagyang ngumiti nang makita ang ngiti nito sa labi. Sana lang ay matuwa din ito kapag nakita na ang regalo niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD