"Merry Christmas po, Misis Ignacio. Merry Christmas po, Mayor." Bati niya sa mag-asawa paglabas niya ng kusina at nadatnan ang pamilyang kumakain ng almusal. Beinte kwatro na iyon ng umaga at kinagabihan ay noche-buena na.
"Good morning, hija. Merry Christmas din sa'yo." Bati pabalik ng ginang na sinegundahan naman ng ginoo. "Kain ka na."
"Mamaya nalang po. Sabay-sabay nalang po kami nina Aling Celing."
Paalis na sana siya ng lingunin si Luis na noon ay walang kibong patuloy lang sa pagkain sa harap ng mga magulang nito. Nginitian niya ito ng matamis. "Good morning din po, Kuya Luis. Merry Christmas."
Bahagya lang itong tumango. Siya naman ay tumalikod na at tinungo ang kinaroroonan ng dalawang kasama sa likod ng bahay. Kasalukuyang nagluluto ang dalawa ng ilang putahi na dadalhin nila sa orphanage para sa tanghalian ng mga bata at kasabay niyon ay may dala ring regalo ang pamilya para sa mga ito para sa taunang gift giving.
Ayon kina Aling Celing ay iyon na daw ang nakagawian ng pamilya isang araw bago magpasko. Iyon naman ang unang araw na mararanasan niya iyon at excited na siya.
"Ano nakita mo ba?" Nag-aalalang tanong ng matanda pagbungad niya sa harapan ng mga ito. Inutusan siya nitong tingnan kung tama ba ang bilang ng food box na nabili nito noong nakaraan na paglalagyan ng mga pagkain doon sa orphanage.
"Opo, tama naman po Aling Celing."
Noon ito tila nakahinga ng maluwag.
"Mabuti naman. Akala ko mali ang bilang ng nabili ko." Umiling-iling ito habang hinahalo ang laman ng malaking kawali. "Iba talaga kapag tumatanda na."
Mahinang saway mula kay Ate Mercy na noon ay nagbabalot ng sandwich sa lamesa ang nagpalingon sa kanila. "Nana, pagod lang kayo. Huwag ngang kung anu-ano ang iniisip niyo. Masyado lang kayong maraming ginawa nitong mga nakaraan kaya normal lang 'yun na makakalimot kayo."
"Oho nga, Aling Celing. Pagod lang po siguro kayo." Segunda naman niya. "Ako na ho diyan. Doon nalang muna kayo sa may lamesa umupo. Tatawagin ko nalang ho kayo para tikman iyan kapag lumambot ang karne."
Tiningnan siya nito sa paraang tila nanghihingi ng pang-unawa.
Nginitian niya ito. "Sige na po Aling Celing. Kaya ko naman ho iyan e. Halo-halo lang ho iyan 'di ho ba?"
Tumango ito at mabagal na tumayo. Inalalayan niya ito hanggang sa makaupo sa lamesa katabi ni Ate Mercy at siya naman ay umupo sa inuupuan nito kanina at nagsimulang halu-haluin ang laman ng kawali.
Nilingon niya si Aling Celing. Alam niyang sobrang marami itong ginagawa sa bahay na iyon kaya marahil nakakaramdam ito ng panghihina at pagkalimot sa mga bagay-bagay at naaawa siya rito. Minsan ay hapong-hapo ang mukha nito na nadadagdagan kapag nakikitang nag-aaway sila ng alaga nito.
"Dianne! Huwag mo munang buksan ng buksan habang hindi pa kumukulo. Pabayaan mo lang." Malakas na sigaw ni Ate Mercy na nagpalingon sa kanya.
"Sige po, Ate."
Ilang minuto pa ang lumipas pero dahil sa dami ng laman ng kawali ay hindi pa rin kumukulo ang laman niyon.
Luminga siya sa may pinto ng makitang bumukas iyon. Si Luis ang iniluwa roon at mabilis na lumapit sa kinauupuan ni Aling Celing.
"Nana. Kain na po muna kayo."
Nakita niyang umiling ang matanda. "Hindi pa kami tapos dito."
"Mamaya nalang po iyan." Tukoy nito sa ginagawa ni Ate Mercy.
"Paano iyon?" Inginuso naman siya ni Aling Celing ni sinundan din nito ng tingin.
"Ako nalang po muna."
"Sigurado ka?"
"Opo. Sige na ho, pasok na kayo. Kumain muna kayo."
"O sige." Tumayo si Aling Celing at inalalayan naman muna ni Luis at ihinatid sa pinto kasunod si Ate Mercy hanggang sa nakapasok ang mga ito. Siya naman ay hinintay muna na makalapit ito bago umalis roon.
"Ano pang hinihintay mo diyan? Gusto mo bang masunog ka pa sa init bago ka pumasok sa loob?"
Pinanliitan niya ito ng mga mata. Hindi niya alam kung seryoso ito sa sinabing iyon pero gusto niyang kurutin ito sa mukha ng pinong-pino at ng makaramdam naman ito ng sakit katulad ng sakit na naramdaman niya sa sinabi nito.
"Pwede mong alisin ang tingin mo sa akin ngayon. 'Di ako mawawala, nandito lang ako sa bahay."
Nangunot na ang noo niya. Hindi niya alam kung ano ang nangyari rito pero parang ang sungit nito sa araw na iyon. Inilapag niya ang sandok sa mangkok na naroon at hindi ito sinagot. Sa halip ay tinalikuran niya ito at mabilis na tinungo ang pinto at sumunod sa dalawang kasama.
Pagkatapos nilang magluto at magbalot ng mga pagkain ay magkakasama nilang ikinarga ang mga iyon sa malaking sasakyan ng mga Ignacio at lahat sila'y tumungo sa Orphanage. Sinalubong sila ng tuwang-tuwang mga bata na taon-taong nag-aabang sa pagpunta ng pamilya ni Mayor doon.
Bitbit ang isang malaking sako bag na puno ng mga regalo para sa mga bata ay pumasok siya sa loob ng orphanage at inilagay iyon sa isang silid na itinuro ng isang babae na isa sa mga opisyal roon pagkuwa'y lumabas siya muli upang tumulong naman na magbitbit ng mga pagkain na pinagtutulungan na ipasok ng iba pang tauhan ng orphanage at ng mga kasama niya- maliban sa mag-asawang Ignacio na noon ay kausap na ng Administrator sa isang parte ng building- na inilalagay naman sa mahabang hilera ng lamesa sa bakuran na nalililiman ng mga naglalakihang puno.
Habang pabalik-balik sila sa sasakyan upang kumuha ng pagkain ay hindi maiwasang magkabungguang-balikat sila ni Luis na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin siya kinikibo. Hindi niya maiwasang tanungin ang sarili kung mayroon ba siyang nagawang mali na naman dito nitong mga nakaraang araw pagkatapos ng kanilang christmas party pero wala siyang maisip.
Binabati niya ito parati kapag nagkakasalubong sila sa bahay na ginagantihan naman nito madalas ng tango pero kaninang umaga ay bahagya manlang siya nitong nilingon.
Hindi muna siya sumunod dito at hinintay itong makabalik sa sasakyan.
"Kuya Luis." Tawag niya sa pansin nito na noon ay parang walang balak lumingon sa kanya. "Galit ka ba sa akin?"
"Hindi." Tila walang ganang sagot nito na hindi talaga lumingon sa gawi niya.
Ngumuso siya at bumuntung-hininga sabay dampot sa isang malaking plastic bag na puno ng sandwich.
"Ilagay mo lang yan diyan. Ako na ang magdadala."
"Bakit?"
"Dahil mabigat."
Sinunod niya ito at binitiwan ang bitbit na plastic bag. Kinuha nalang niya ang isang mas maliit na plastic bag na may lamang disposable spoons and forks at dinala iyon sa lamesa. Nadatnan niya roon si Aling Celing na nagtitimpla ng juice at inilalagay sa malaking jar.
"Bakit ganyan ang mukha mo?" Puna nito sa kanya.
"Aling Celing talaga. Ano bang meron sa mukha ko?" Pinilit niyang ngumiti rito.
"Ay sus. Huwag mo ng pilitin. Bakit, nag-away na naman ba kayo?"
"Sino po?"
"Sino pa, e di si Luis. Di na naman kayo nagkikibuan e."
Umiling siya. "Di po kami nag-away. Aywan ko po doon. Bigla nalang di namansin. Galit po yata."
"Hindi mo alam kung bakit?"
"Hindi po." Nanlaki ang mata niya sa tanong nito. "Alam niyo ho ba?"
Natawa naman ito sa reaksyon niya. "Siyempre, hindi rin. Pero pabayaan mo siya. Baka may sumpong lang."
"Kaya nga po e." Bumuntung-hininga siya. "Balik po ulit ako doon, Aling Celing."
"Huwag na. Kita mong puro mga lalaki na ang nagbubuhat doon?' Turo nito sa pinanggalingan niya. Tulungan mo nalang si Ate Mercy mo mag-decorate doon sa loob. Para matuwa naman ang mga bata mamaya sa gift giving."
"Sige ho."
Pumasok siya sa silid na pinanggalingan kanina at doon ay dinatnan niya si Ate Mercy na may katulong na isang babae at dalawang may kalakihan ng batang babae na nagdidikit ng mga palamuti sa harapang pader ng function hall katabi ng malaking christmas tree. Kinawayan siya nito at pinatulong sa paggugupit ng malalaking sticker na may design na Santa Claus at reindeer. Naaliw siya sa kanyang ginagawa hanggang sa nakalimutan na niya ang oras. Halos tapos na rin sila sa pagde-decorate ng tawagin na sila para kumain.
"O, nandito rin kayo?" Kumukuha siya noon ng pagkain sa mahabang mesa ng makita ang pamilyar na mukha na agad na ngumiti sa kanya sa tabi ni Luis na noon ay walang ekspresyong nakatingin sa pagkaing nakahilera sa harap nila.
"Oo, kasama ko ang Itay." Itinuro nito ang isang ginoong kausap ni Mayor sa isang pabilog na lamesa. "Nandito ka rin pala."
Tumango siya. Sa kanyang likod naman ay narinig niyang tumikhim si Ate Mercy na noon ay kukuha rin ng pagkain. "Ate Mercy, si Jez po pala yan. Kaklase yan ni Kuya Luis. Jez ito naman si Ate Mercy at iyon naman si Aling Celing, magkakasama kami sa bahay." Itinuro niya rito ang matanda na noon ay nagsasandok ng pagkain sa mga bata.
"Hello po. Kumusta kayo?" Bati ni Jez kay Ate Mercy.
"Ang pogi naman ng batang ito. Okay lang naman ako. Ikaw kumusta ka?"
Natawa ang binatilyo sa papuri ni Ate Mercy. "Okay lang din po ako."
"Kaibigan ka ba nitong si Dianne?"
"Opo."
"Mabuti naman. O hala maiwan ko muna kayo dito. " Luminga ito sa kanya. "Doon muna ako kay Nana. Tutulungan ko muna siya doon. Ikaw, kumain ka, ha?"
"Opo. Hahabol po ako sa inyo doon."
"Huwag na. Samahan mo nalang itong si Jez para naman may makausap ka."
"Sige po."
Nagpaalam rin dito si Jez bago ito tuluyang nakalayo sa kanila. Pagkatapos niyang kumuha ng pagkain ay tumungo siya sa bakanteng mesa na hindi na inabot ng hilera ng mga bata na maya-maya naman sy sinundan ni Luis habang sa likuran nito ay nakasunod naman si Jez.
Sa tabi niya umupo si Luis habang si Jez naman ay pumuwesto sa harapan niya. Nginitian niya ito.
"Kain na." Narinig niyang utos ni Luis na noon ay madilim na ang mukha.
Sumunod siya at sinunod-sunod ang subo.
"Noong nakaraan pala nagkita kami nitong si Luis sa sentro, kinumusta kita, nabanggit ba niya?"
Tiningnan niya ito at umiling. "Hindi. Hindi naman kasi ako nagkasakit e."
Natawa ito sa sagot niya samantalang si Luis ay nilagok ang tubig sa basong kaharap nito.
Magana niyang naubos ang kanyang pagkain habang si Luis ay tila nawalan ng gana na tinitigan nalang ang pinggan hanggang sa nakatayo siya. Nagpaalam siya sa dalawa na pupuntahan ang dalawang kasama at tumulong sa mga itong magligpit nang matapos na kumain ang lahat. Pagkatapos niyon ay dumako sila sa function hall upang sa tradisyunal na gift giving ng mga bata.