Natapos ang Christmas season na hindi naging malinaw kay Dianne ang naging dahilan ng pagsusungit ni Luis sa kanya. Alam niyang hindi ito galit sa kanya dahil nakailang beses na niyang nakitang isinuot ang damit na irinegalo niya rito gayunpaman ay hindi pa sila muling nagkakausap katulad ng dati.
Nagkakasama sila sa pagpasok sa school at sa pag-uwi pero madalas ay tahimik lamang ito at kumibo-dili sa kanya. Ayaw naman niya itong piliting magsalita at baka tuluyan pa itong magalit sa kanya. Hinayaan nalang din niya itong ganoon dahil kapag kinompronta niya ito ay baka hindi na naman niya mapigilan ang sarili at kung ano na naman ang masabi niya rito. Baka tuluyan na naman silang magkagalit at ayaw niyang mangyari iyon dahil malapit na ang pag-alis nito papuntang Maynila.
Ngayon nga ay naghahanda na sila para sa kanilang huling pagsusulit para sa taong iyon kaya mas lalo pang naging madalang ang pagkikita nilang dalawa. Kapag araw ng sabado at linggo ay nagkukulong na naman ang binatilyo sa silid nito o di kaya ay sa library upang doon ay magsunog ng kilay.
Siya man ay nag-aaral din. Palagi na siyang nagbabasa ng kanyang mga aralin sa kanyang notebook at maging sa kanyang libro. Hindi na lumilipas ang araw ngayon na hindi siya nagbubuklat ng notebook dahil ilang araw nalang ay test na naman nila. Kung anumang marka ang nakuha niya noong nakaraan ay gusto niyang lagpasan pa iyon para naman hindi nakakahiya sa mga kasama niya lalo na sa pamilya ni Luis na desididong paaralin siya hanggang sa kanyang pagkokolehiyo. Anu't-anuman ay malaki ang utang na loob niya sa mga ito kaya desidido na rin siyang ayusin ang kanyang pag-aaral.
"Anong ginagawa mo rito?" Tanong ni Ate Mercy ng madatnan siyang naghuhugas ng pinggan sa kusina. Kakatapos lamang nilang kumain noon ng hapunan at siya ang huling natapos sa kanilang tatlo.
"Naghuhugas lang po, Ate."
"Ako na diyan. Pumasok ka na sa kwarto at mag-aral ka na doon."
"Opo. Tapusin ko lang po ito."
"Huwag mo ng tapusin yan. Ako na. Pagagalitan ka niyan ni Nana kapag nakita ka." Dumako ito sa gilid niya kaya minadali niya ang pagbabanlaw ng pinggan.
"Sobrang saglit nalang talaga to 'te."
"Sabi ko, ako na e."
Isinalansan niya muna ang binanlawan bago niya ito hinarap. "Okay na, Ate. Tapos na. Iilan lang naman yun e."
"O sige na, pumasok ka na sa kwarto."
Umabresyete siya dito. "Di po ba ako pwede makinood muna?" Inginuso niya ang salas na noon ay bukas ang telebisyon at pinanonooran ni Aling Celing.
"Sige makinood ka kung gusto mong makurot sa singit ni Nana."
Lumabi siya. "Sige na nga."
Pumasok siya ng silid nila at doon ay padapang nagbasa ng isang libro. Kung dati ay hirap siyang sundan ang mga aralin nila, ngayon ay unti-unti na niyang natututunang intindihin ang karamihan sa mga iyon. Basa at pang-unawa lang pala ang kailangan. Napakalaking tulong din ang pang-unawa ng mga kasama niya.
Ilang minuto pa lang siya sa posisyon iyon ng makarinig ng katok mula sa labas. Nang hindi iyon bumukas ay nahinuha na niya kung sino ang nasa kabilang dahon ng pinto. Tumayo siya at binuksan iyon.
"Hirap ka pa rin ba sa Math at Science mo?" Bungad nito. Parang di makatingin na tanong nito.
"Medyo."
"Akin na yung libro at notebook mo."
Napangisi siya dito. "Gagawan mo ako ng reviewer?"
"May iba pa ba?" Masungit nitong tanong na nagpatahimik sa kanya.
"Galit ka naman e. Huwag nalang."
Tumaas ang dalawang kilay nito pero medyo bumaba na ang boses. "Bilis na."
Umiling siya. "Huwag na."
"Isa." Banta nito.
"Dalawa, tatlo, apat..." Dugtong niya na naging dahilan ng paghinga nito ng malalim at maya-maya ay marahan siyang hinawi nito sa pinto at pumasok ito sa silid. Mula sa kanyang higaan ay kinuha nito ang pakay at agad ding lumabas. "Aralin mo yung gagawin ko ha. Kapag hindi, may pitik ka sa akin." Bilin nito bago umalis.
Napangiti siya. Noon lang ulit ito nagsabi ng ganoon. Hindi na kaya ito galit sa kanya?
Naging matulin ang mga sumunod na araw at hindi na namalayan ni Dianne na tapos na ang kanilang pagsusulit. Katulad ng nakaugalian ay ginawan nga siya ni Luis ng reviewer na naging malaki ang tulong sa kanya sa dalawang subjects na kung saan ay dati-rati ay hirap na hirap siya. Pagkatapos niyon ay sumunod na ang graduation at katulad ng inaasahan ay si Luis ang naging valedictorian.
Tuwang-tuwa si Aling Celing na malaman na ang alaga nito ang pinaka-nanguna sa lahat ng mga estudyante sa taong iyon at silang lahat ay isinama pa ng mag-asawang Ignacio na dumalo sa graduation nito. Hindi magkamayaw ang saya ng mga kasama niya sa araw na iyon na kung saan naman kabaliktaran ang nararamdaman niya dahil alam niyang ang kasunod niyon ay ang pag-alis na ng binatilyo papuntang Maynila para doon na ipagpatuloy ang pag-aaral nito.
"Dianne, ano na? Hindi ka pa ba tapos diyan? Baka ma-late na 'yung ihahatid natin sa airport sa tagal mo diyan sa loob."
Suminghot siya ng marinig muli si Ate Mercy mula sa kabilang dahon ng pinto ng cr. Nakahanda naman na siya. Nakabihis na't lahat-lahat pero di niya maiwasang hindi maiyak dahil sa napipintong pag-alis ng binatilyo na tanging kasa-kasama niya sa halos isang taong pananatili niya sa bahay ng mga ito.
"Malapit na po akong matapos Ate. Saglit nalang po." Muli siyang naghilamos at piunasan ang mukha gamit ang panyo mula sa kanyang bag at nang makitang hindi na gaanong namumula ang mga mata ay saka siya lumabas.
"Ay sus, Dianne. Huwag mo ng itago 'yan. Lahat naman kami ay nalulungkot din sa pag-alis ni Luis pero di kami nagtatago sa cr. Tingnan mo nga yung mata ko, 'di ba pulang-pula? Tingnan mo din si Nana doon sa kusina, kanina pa 'yun umiiyak."
Tinungo nila ang kinaroroonan ni Aling Celing at katulad ng sinabi ni ate Mercy ay umiiyak nga ang matanda sa kinauupuan nito. Katulad niya'y bihis na rin ang dalawa para sa paghahatid nila kay Luis sa airport kasama ang mag-asawang Ignacio.
Binalingan ng matanda si Ate Mercy na nasa likuran niya. "Kumusta yung mga gamit niya, nasa sasakyan na ba?"
"Opo, Nana."
"Halina. Doon na natin sila antayin sa labas." Magkakaabay silang lumabas at hindi naglaon ay lumabas na rin ang pamilya na hindi maikakailang nag-iyakan muna lalong-lalo na si Misis Ignacio na sumisinghot pa rin sa mga oras na iyon."
Kasama nila sa biyaheng iyon ang driver ni Mayor na miminsan niya lang makita at nang makasakay na silang lahat ay tahimik nilang binaybay ang daan patungong airport. Habang daan ay hindi niya maiwasang titigan ang likod ni Luis na nakaupo sa pagitan ng magulang sa gitnang bahagi ng sasakyan. Ang ikinalulungkot niya sa pagkakalayo nilang iyon ay dahil hindi niya alam kung sa muli ba nilang pagkikita ay kaibiganin pa siya nito? Maliban kay Carla ay ito lamang ang tanging naging kaibigan niya sa paaralan nila tapos aalis ito na hindi niya alam kung ganoon pa rin sila pagbalik nito.
Ginagap ni Aling Celing ang kamay niya na pagkakataong iyon ay may namumuo na namang luha sa sulok ng mga mata. Nginitian niya ito ng bahagya. Gustuhin man nila o hindi, ang pagkakataong iyon ay dadating at dadating talaga.
Pagkarating nila sa airport ay pumasok agad sa departure area ang binatilyo pagkatapos nitong bilinan ng yakap ang mga magulang nito ganoon din sina Ate Mercy at Aling Celing. Nang tumapat ito sa harap niya ay ginulo lang nito ang buhok niya sabay bilin na ayusin niya ang kanyang pag-aaral na ikina-dismaya niya. Iniyakan niya ang napipintong pag-alis nito samantalang ito ay nakangiti pa nang umalis sa harapan niya. Hindi niya inalis dito ang paningin dito pagkatalikod nito hanggang sa mawala ito sa tumpok ng mga tao sa loob sa pagbabakasakaling lilingon itong muli sa kanila pero hindi iyon nangyari.
Bumalik sila sa bahay na may kaunting tampo siya sa binatilyo.
Naging malungkot ang mga sumunod na araw sa buong tahanan ng Ignacio dahil sa pag-alis ni Luis. Dahil wala ng pasok ay maghapon na niyang kasama sina Aling Celing at Ate Mercy na maya-maya ay napag-uusapan ang kapilyuhan ng binatilyo na agad namang nagpapaluha sa nakatatandang katiwala. Walang araw para sa kanya na hindi niya ito nami-miss. Nakikini-kinita niya ito sa bawat sulok ng bahay at sa gabi naman bago matulog ay naiisip niyang kasama niya ito sa pagtambay sa harden na kahit paano ay nakakapawi ng pagka-lungkot niya.
Hindi sana siya gaanong malulungkot kung may klase pa dahil makakasama niya rin ang kaibigang si Carla at maaabala siya sa iba pang gawain sa eskwela ngunit sa pagkakataong iyon ay wala siyang ibang pinagkakaabalahan kung hindi ang tumulong sa gawaing bahay na agad din namang natatapos. Tuloy ay nagmumukmok nalang siya sa silid at iniisip ang kalagayan ng binatilyo sa Maynila ngayon na wala itong kasama.
Ang mag-asawang Ignacio ay ganoon din. Dati ay mahilig magkwento si Misis Ignacio sa asawa nito habang kumakain pero sa ilang pagkakataong nadadaanan niya ang mga ito sa lamesa ay tamihik lang ang dalawa at parang walang kibuan.
Anu't-anuman, ang pag-alis ni Luis sa bahay ang naging pinakamalungkot na bahagi ng buhay nilang lahat sa panahong iyon.
Walang anumang tawag sa telepono o sulat siyang natanggap mula dito. Sa maiksing salita, walang balita. Walang ni ho, ni ha. Siguro ay nakakausap naman ng binatilyo ang mga magulang nito dahil unti-unting bumalik ang sigla ng dalawa makaraan ang ilang linggo ngunit ang ikinalulungkot niya ay ang tila pambabalewala nito sa kanilang tatlo nina Aling Celing at Ate Mercy.
Unti-unti lang bumalik sa normal ang lahat para sa kanya noong sumunod na pasukan dahil naging abala na siya para sa kanyang huling taon sa high school. Mas iniigihan pa niya ang kaniyang pag-aaral katulad ng ibinilin ni Luis sa kanya na nagdulot naman ng magandang bunga dahil nakita niya ang pagtaas ng kanyang mga marka.
Hindi tuloy maiwasan ng iba nilang kaklase na ikumpara siya kay Carla. Ayon sa mga ito ay hindi na daw nalalayo ang talino nila sa isa't-isa na ipinagkibi't-balikat lang nila ng kaibigan. Kailanman ay hindi niya maiisipang tumapat sa husay ng kaibigan niya at lalo na sa ganda na mas lalong naging kapansin-pansin.
Katulad noon ay madalas pa rin itong kuhaning representative para sa mga quiz bee, talastasan o anumang paligsahan kahit pa sa pagandahan pero kataka-kata naman na may ilang ka-eskwela silang siya ang nagugustuhan.
Akala niya dati ay para sa kaibigan ang ilang bulaklak na natatanggap niya na ipaaabot lang dito pero laking gulat niya nang may mga sulat siyang natanggap na nagsasabing para raw sa kanya. Hiyang-hiya siya sa lakas ng pang-aasar ng kaibigan niya na hindi pa nakuntento at ikwenento pa kina Aling Celing ang tungkol doon noong isang beses itong sumama sa kanya sa bahay para sa paggawa nila ng proyekto.
"Huwag mo ng itago, Dianne. Alam na namin ang lahat." Aatras pa sana siya ng tawagin siya ni Ate Mercy sa may salas. Sa tabi nito ay nakaupo ang ngiting-ngiting kaibigan na kumikindat pa sa kanya.
"Ang alin po?"
"Na may manliligaw ka na." Sabay nagtawanan ang tatlo na ikinapula ng mukha niya.
"Huwag niyo na akong asarin." Namula ang mukhang iwas niya sa mga ito.
"Halika ka dito." Sinenyasan siya ni Aling Celing na umupo sa tabi nito. Tumalima siya. "Wala namang masama kung may manliligaw sa'yo. Ganoon talaga, kapag maganda ka at bata, mayroon at mayroon talagang magkakagusto sayo."
"E, ayoko nga po e." Tanggi niya. Hindi niya maisip na mayroong magkakagusto sa kanya at lalong manliligaw pa. Parang nangingilabot siya.
"E di kung ayaw mo, sabihin mo doon sa tao. Huwag ka ring magpapaasa dahil masasaktan lang din sila."
Tumango-tango si Carla sa payo ni Aling Celing kaya ito naman ang binalingan niya. "Si Carla nga po, ang dami-daming nagkakagusto diyan."
Tumawa lang ito sa pag-iiba niya ng usapan nila. "May nagkakagusto pero wala talagang nanliligaw. Di ba wala akong sulat na natatanggap?"
"Meron kaya. Dati pa."
Umiling ito. "Hayaan mo na. Dati pa 'yun e. Ngayon wala na. E ikaw? May nanliligaw na sa kanya." Muling buska nito na kinilita pa ang tagiliran niya.
Tumayo siya upang umiwas rito pagkuwa'y nagtago sa likod ni Aling Celing nang humabol ito sa kanya.
"Bakit ka ba tumatakbo?" Ani nito.
Isang malakas na saway mula kay Ate Mercy ang nagpatahimik sa kanilang magkaibigan. Nakatayo na ito at nakasalpak sa tainga nito ang telepono.
"Oo. Okay lang naman kami. Maingay nga itong dalawa e. Nandito kasi si Carla tapos inaasar niya tong si Dianne kasi may nanliligaw na." Narinig niyang putol-putol na sagot nito sa kung sinumang kausap sa telepono.
"Ate, sino yan?" Usisa niya na lumapit pa dito.
Sinenyasan siya nito na huwag maingay gamit ang hintuturo nito. "Si Luis." Bulong nito na ikina-tigil niya. Ang kaibigan niya'y parang na-estatwa rin sa pagkakatayo sa kanyang likuran. "Gusto mong kausapin?"
Umiling siya sabay atras. Luminga siya kay Aling Celing na noon ay nakangiti sa kanya. Maya-maya ay nagtatakbo siya papasok sa silid nila.
Hindi niya alam kung bakit biglang tumulo ang luha niya.