Matuling lumipas ang mga araw hanggang sa naging buwan at naging mga taon. Nakapasok na si Dianne sa kolehiyo at kumuha siya ng kursong Nursing. Si Misis Ignacio pa ang personal na sumama sa kanya noong enrollment niya at pagkatapos ay siya pang namili ng mga gagamitin niyang uniporme para sa kolehiyo. Ito rin ang sumama sa kanya na maghanap ng matitirhan habang nag-aaral siya sa bayan at iyon ay sa isang dormitoryo. Dahil malayo ang paaralan ay miminsan nalang siyang nakakauwi sa malaking bahay at iyon ay kapag may mahabang bakasyon nalang kaya lungkot na lungkot rin siya.
Ngayon nga ay pangalawang taon na niya sa kolehiyo at pakiramdam niya ay hindi pa rin siya nasasanay sa pagkakalayo niya.
Ang kaibigan niyang si Carla ay lumuwas din ng Maynila pagkatapos nila ng high school dahil nakapasa rin ito sa entrance exam sa universidad na pinasukan ni Luis. Noong unang mga buwan ay madalas pa itong sumulat sa kanya tungkol sa kalagayan nito at kalakip niyon ay naiku-kwento din nito ang miminsang pagkikita nito at ni Luis kung saan siya nakakakuha ng balita tungkol sa huli pero dumalang iyon ng dumalang. Ngayong taon nga ay isang beses pa lang ulit siyang nakatanggap ng sulat mula rito at iyon ay noong nakaraang tatlong buwan na.
Kipkip ang librong may nakaipit na sulat ay lumabas si Dianne sa paaralan at naglakad hanggang sa post office. Kakatapos lang ng isa niyang subject sa araw na iyon kaya may oras siya para lumabas. Habang naglalakad ay ninanamnam niya ang malamig na hangin na sumasalubong sa kanya. Disyembre na ulit kaya sa ganoong panahon ay mas lalo niyang nami-miss ang kaibigan na noong araw na aalis ito ay katakot-takot na luha ang ibinuhos dahil sa mami-miss daw siya.
Natatawa nalang siya kapag naaalala iyon. Ngayon ay parang hindi na maalala ng kaibigan na may naiwan ito sa probinsya na laging nag-hihintay kahit sa miminsang sulat na naglalaman ng mga kwento nito.
Pagkapasok niya sa loob ay dumiritso siya sa bintana na kung saan ay may ginoong nagbabantay.
"Magandang umaga ho, Mang Mario. Kumusta kayo?"
Ngiti ang isinalubong nito sa kanya. "Maayos naman ako, Ineng. Ikaw ba kumusta? Wala pa rin bang dumarating?"
Umiling siya at inilapag sa harapang estante ang libro. "Pa-tingnan naman ho, Mang Mario. Baka naman naipit lang po ang mga iyon."
"Dadalawa lang kami dito ng kasama ko, Ineng." Nguso nito sa kasamang nasa dulong lamesa. "Ikaw na nga ang pumasok, halika. Ikaw na rin ang maghanap dahil ilang beses ko ng ginalugad ang mga iyan wala pa rin akong nakita." Itinuro nito ang hanay ng shelf sa likuran nito na sa itaas ay may mga nakasulat na address na patutunguhan ng mga sulat.
"Sige, ho." Pumasok siya sa loob at inisa-isa ang mga sulat na naroon. Habang paunti ng paunti ang sulat na natitira ay mas lumalaki naman ang kanyang lumbay at pag-aalala. Nang maubos ang mga sulat na nasa shelf ay lumapit siya sa upuan ng matanda. "Wala po talaga. Wala ho ba kayong mga naitabi maliban dito? O di kaya yung mga return to sender?"
"Wala. Lahat ng sulat na dumarating sa amin diyan namin lahat ilinalagay. Yung mga return to sender naman ay nangyayari lamang iyon kapag hindi tama ang address na daratnan. E yung sayo tama naman."
Bumagsak ang balikat niya dahil sa narinig. "Sige ho."
"Huwag kang mag-alala. Baka naman abala lang iyon. Siyempre kapag sa Maynila nag-aaral ibig sabihin niyon ay makikipag-paligsahan talaga sila doon dahil magagaling ang mga estudyante sa lugar na iyon." Pang-aalo nito sa kanya.
"Ganoon po ba iyon?"
"Oo." Tumango-tango pa ang matanda. "Kaya antayin mo lang. Bayaan mo at susulat din iyon."
"Sige ho. Salamat." Nginitian niya ito at kinuha ang nakaipit na sulat sa bitbit niyang libro. "Ipapadala ko nalang po itong sulat, Mang Mario. Pa-priority po para mabilis dumating."
"Oo ba. Akin na."
Iniabot niya iyon dito at ng matapos ang transaksyon nila ay magaan siyang nagpaalam rito upang bumalik sa eskwela. Patapos na rin kasi ang break time niya at ayaw niyang mahuli sa kanyang sunod na klase. Habang daan ay hindi niya maiwasang alalahanin ang kaibigan na dati-rati ay kasa-kasama niya kahit saan pa siya magpunta.
"Dianne! Mabuti at nakauwi ka na!" Masayang salubong ni Aling Celing sa kanya pagbungad niya sa malaking gate ng mga Ignacio. Mula sa siwang sa itaas ay nakita niyang nagkumahog ang matanda na mailapag sa kung saan ang bitbit nitong walis at dust pan saka mabilis na binuksan ang gate.
Kahit may sukbit na backpack at may bitbit sa dalawang kamay ay agad niya itong niyakap ng mahigpit. Dalawang buwan rin ang lumipas bago siya muling nakauwi sa malaking bahay na iyon.
"Kumusta ka na?" Tanong nito habang magkayakap sila.
"Okay po ako, Aling Celing. Lalo na ngayon na nakauwi ako." Malapad ang ngiting humiwalay siya ng yakap dito at binistahan ang hitsura nito. "Kayo po, kumusta? Bakit parang namayat kayo?"
"E di ba ang sabi mo mag-diet ako para di ako malapit sa alta-presyon kaya, heto."
"Pero healthy po na pagkain ang kinakain niyo?" Naroon pa rin ang pag-aalala niya dito.
"Oo naman. Puro gulay nalang ang inuulam ko ngayon."
"Basta po a. Kapag nakaramdam ng kakaiba pa-konsulta kayo kaagad diyan sa sentro. Mahirap na."
"Oo. Halika na, pasok."
Nagpatiuna ito sa pinto. Nang makapasok sila ay bumungad sa kanya ang medyo madilim-dilim pang loob ng bahay. Halos mag-aala-sais pa lamang iyon ng umaga. Inagahan niya talaga ang pag-alis niya doon sa dormitoryo upang makarating siya ng maaga sa malaking bahay at maabutan pa ang mag-asawa bago umalis ang mga ito papunta sa kani-kanilang mga lakad.
Ilang araw na lang at pasko na pero wala siyang anumang palamuting nakita sa labas kanina o maging sa loob ng bahay pagkapasok niya. Tuloy ay parang mas lalong naging malungkot ang kabahayan.
Agad na napako ang tingin niya kay Ate Mercy na abala sa kusina sa kung anong ginagawa nito na hindi pinansin ang pagbukas ng pintuan. Akala siguro nito ay si Aling Celing lang ang pumasok kaya hindi ito lumingon sa gawi nila. Sinenyasan niya ang matanda na aliw namang tumango at sumunod sa kanya saka siya patingkayad na lumakad papunta sa kusina. Ganoon na lamang ang gulat ni ate Mercy ng kalabitin niya ito at malingunan siya. Binitiwan nito ang ginagawa at yumakap sa kanya.
"Pambihira kang bata ka. Nagulat ako sa'yo. Akala ko hindi pa ngayon ang uwi mo." Anito pagkatapos nilang magyakap.
"Natapos ho kahapon yung gawain ko tapos nai-submit ko rin kahapon yung mga projects namin kaya napaaga ako."
"Hindi ka nagpasabi. Hindi ka manlang tumawag. Di sana nasundo ka namin ni Nana diyan sa paradahan." Lingon nito kay Aling Celing na nakadulog na sa lamesa.
"Sus, si Ate Mercy naman. Sanay naman na akong maglakad papunta rito e."
Tumawa ito. "Dalaga na talaga ang alaga namin."
Inungusan niya ito.
Sinenyasan siya ni Aling Celing na umupo sa tabi nito. "Halika, maupo ka muna dito. Kwentuhan mo kami. Kumusta ang pag-aaral mo?"
Magiliw siyang lumapit sa matanda at matapos niyang mailapag ang mga bitbit sa kalapit na upuan ay umupo siya sa tabi nito at kumapit sa braso pagka-upo niya. "Masaya po mag-aral. Mahirap lang yung mga test pero kaya ko naman po."
"Di ka ba nahihirapan ngayong taon na ito?"
Umiling siya. "Hindi naman po."
Ngumiti ito at ginulo ang buhok niya. Naalala niya tuloy ang palaging ginagawa noon ni Luis kapag inaasar siya. "May mga kaibigan ka na ba sa eskwela mo?"
"Meron naman ho." Aniya na sinabayan pa ng tango. "Yung mga kaklase ko rin noong first year tapos ngayon." Hindi niya lang mabanggit dito na wala sigurong makakapalit sa mga kaibigan niyang nag-alisan na.
"Mabuti naman kung ganoon. Hindi kami gaanong mag-aalala sa'yo."
"Bakit naman ho ninyo ako aalalahanin?" Kumunot ang noo niya dito. "Maayos naman po ang boarding house ko. Maayos ang pag-aaral ko. Bayad nina Mayor ang lahat ng bayarin ko."
"Dahil siyempre mag-isa ka lang doon. Wala iyong mga kaibigan mo. Wala kami ni Mercy na gagabay sa'yo."
"Nana Celing naman e. Nag-drama na kayo. Kahit wala kayo doon lagi ko naman kayong naiisip e. At saka, malapit lang naman po itong bayan natin sa kabilang bayan. Wala pa nga halos isang oras ang biyahe e."
"Sabagay." Sabi nalang ng matanda at tinapik ang kamay niya.
"Asus, baka naman iyong tungkol sa bali-balita ang nais mong sabihin Nana Celing?" Walang ano-ano'y singit ni Ate Mercy na kanina pa nakikinig sa usapan nila. Nag-salin ito ng sinangag sa pinggan at nilagyan ng pritong itlog at tinapa saka inilagay sa harapan niya.
"Ano pong balita?"
"Tumigil ka nga Mercy. Ni hindi nga ninyo alam kung totoo iyon e."
"Pero kapag may usok Nana, ibig sabihin ay may apoy." Pambabalewala nito sa sinabi ng matanda. Nagsalin pa ito ng pagkain sa dalawa pang pinggan at inilapag ang isa niyon sa harap ni Aling Celing.
"Huwag mo nang banggitin nga ang tungkol diyan. Kumain muna tayo."
"Ang alin po ba?" Naguguluhan niyang tanong na pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawa. Ilang beses niyang nakitang umiling si Aling Celing kay Ate Mercy na nanahimik naman.
"Wala iyon. Sige na. Kain muna tayo ng almusal dahil maya-maya ay gigising na rin yung dalawa." Tukoy ni Aling Celing kina Mayor at Misis Ignacio.
Tumalima siya. Pero hindi niya maiwasang hindi ma-curious sa pinag-uusapan ng dalawa na tila may kinalaman sa kanya.
"Good morning po, Mayor. Good morning po, Ma'am Agnes." Bati niya sa mag-asawa pagkababa ng mga ito galing sa kwarto. Kakatapos lang halos niya ng almusal at sinadya niyang manatili roon sa sala upang makita ang mag-asawa at maipaalam na nakauwi na siya.
"Hija, nandito ka na." Masayang bati ni Misis Ignacio. Lumapit ito at yumakap sa kanya. "Napapawi ang pagka-miss ko kay Luis kapag nakikita kita."
"Tapos na ho ang gawain namin ngayong December kaya maaga-aga po akong nakauwi." Paliwanag niya ng bitawan siya nito. "Kumusta ho kayo?"
"Maayos naman kami, hija. Itong si Arnulfo lang, may mga nararamdaman na raw siya. Tumatanda na yata." Baling nito sa asawang nakangiti at nakatingin sa kanila. "Nag-almusal ka na ba?"
"Opo. Sumabay ako kina Aling Celing pagkarating ko ho."
"Sayang naman. Gusto sana kitang makasabay sa pagkain e."
"Gusto mo bang sabayan kami ulit?" Ani ni Mayor na kanina pa nakikinig lang sa kanila.
"Mayor naman. Kakakain ko lang po e. Sa susunod nalang ho."
"Oo hala. Matagal ka pa naman dito. Magpahinga ka nalang muna at maaga ka pa yatang bumiyahe."
"Opo. Sige po kain na kayo. Lalamig po 'yung almusal niyo."
Ihinatid niya ang mga ito sa lamesa kung saan nakahain na ang pagkain pagkatapos ay nagpaalam na siya sa mga itong papasok muna ng silid nila nina Aling Celing.
Pagkapasok ay agad siyang nahiga sa kama kung saan nakalapag na ang mga dala-dalahan kanina at saka iginala ang paningin sa buong kwarto. Walang ipinag-iba. Kug paanong ayos ang iniwanan niya ay iyon pa rin ang kanyang dinatnan. Ang mga kasama ay ganoon pa rin. Ang ipinagkaiba lang ay mas naging malapit ang pakikitungo ng mag-asawa sa kanya simula nang umalis ang anak ng mga ito.
Sa backpack na sukbit niya kanina naituon niya ang kanyang tingin. Iyon ang regalo sa kanya ni Luis noong pasko bago ito umalis. Tatlong taon na iyon sa kanya at may mangilan-ngilan ng sinulid ang naghihimulmol dahil sa medyo may kalumaan na rin. Hindi niya iyon gaanong ginagamit dahil ayaw niya iyong masira pero sa pagdaan ng panahon ay kumukupas na rin ang magandang kulay niyon na matingkad na asul kahit pakaingatan pa niya.
Sa tuwing nakikita niya iyon ay may kakaiba siyang lungkot na nararamdaman sa puso niya. Sa ilang taong na wala siyang balita kay Luis ay parang iyon ang naging paalala na minsan ay naging magkaibigan sila gayunpaman ay hindi niya maiwasang magdamdam. Kaibigan nga ba ang naging turing nito sa kanya? Kung ganoon ay bakit wala manlang itong anumang salita na ipinarating sa kanya sa loob ng mahabang mga taong iyon? Kulang-kulang tatlong taon, wala manlang sulat o tawag sa telepono siyang natanggap mula dito? Sa tuwing tatawag ito dati at naroon siya ay hindi ito nagsabi kahit isang beses na kakausapin siya kaya umiiwas nalang siya at pumapasok sa kanilang silid.
Itinaob niya ang bag. Nagyon ay nadagdagan pa iyon ng pangungulila niya kay Carla. Bakit kaya pati ito ay hindi na sumusulat sa kanya? Iyong huling sulat na ipinadala niya rito dalawang linggo na ang nakakalipas ay wala pa ring sagot mula rito samantalang noong mga unang buwan nito sa Maynila ay dalawa o tatlong na beses pa ito kung sumulat. Binalikan niya sa isip ang huling sulat na natanggap mula sa kaibigan at wala itong nabanggit doon na hindi na muna ito makakasulat sa kanya kaya nagtataka siya.
"O, bakit ang lalim yata ng iniisip mo diyan?" Boses iyon ni Ate Mercy na hindi niya napansing pumasok na pala ng silid. Umupo ito sa higaan niya at minasdan siya.
"Wala lang po."
"Ano bang wala? E kitang-kita ko ang lungkot diyan sa mga mata mo?"
Umupo siya at humarap kay Ate Mercy saka siya ngumiti. "Ayan, kita pa ba ninyo?" Ikinurap-kurap niya ang mga mata rito.
"Ikaw talaga." Anito saka pabirong tinampal ang noo niya. "Maiba tayo, kumusta iyong nanliligaw sa'yo?"
"Sino po?"
"Parang marami a." Ngisi nito sa kanya. "Iyong si Jez. Di ba nanliligaw 'yun sayo?"
"Ate naman. Hindi po. Nakikipag-kaibigan lang po 'yun."
"Talaga ba? Ilang beses ka niyon na pinuntahan dito dati 'di ba tapos isinasama ka sa mga lakad niya? Siya pa nga yung partner mo noong Senior prom mo?"
"Noong fourth year high school pa 'yun 'te. Wala kasi akong kapareha 'nun e nagkataon na wala siyang pasok sa eskwela niya dun sa kabilang bayan kaya nagpresenta. Pero di 'yun nanliligaw."
"Pero pinupuntahan ka pa din naman niyon 'di ba?"
"Oho. Kapag nagkakasabay kami ng bakasyon."
Tumango-tango ang kausap. "Sa ganoon din ang punta niyon. Magugulat ka nalang magsasabi nalang iyon na liligawan ka."
"Ate talaga."
"Oo. Maniwala ka. Matutulad din 'yan doon sa mga kaibigan mo. Magkaibigan ngayon, bukas magka-ibigan na." Unti-unti siyang napatitig sa kausap ng tumiim sa isip ang sinabi nito.
"S-sino po?"
"Sino pa ba, e di sina Luis at Carla."
Sa batang edad niya ay noon niya nalaman ang ibig sabihin ng 'pusong durog'. Literal siyang hindi nakapag-salita at na-estatwa lang habang nagku-kwento ang kaharap sa relasyon ng dalawang taong pinakamalapit sa kanya. Dalawang tao na siya palang magpaparamdam sa kanya ng sakit na hatid ng pagkakaibigan at pagmamahal.