"May dinaramdam ka ba?" Binalingan niya ang pinanggalingan ng boses sa may likuran niya. Si Aling Celing iyon na nag-aalala ang tingin sa kanya habang papalapit ito sa kanyang kinauupuan. Nasa likod bahay siya at nagbabantay ng iniihaw na isda para sa kanilang hapunan. Nginitian niya ito ng pilit at kumwaring pinaypayan ang apoy sa siga gamit ang hawak na karton.
"Wala po, Aling Celing. Okay naman po ako."
Umupo ito sa kalapit na bato at tinitigan siya. "Sinabi sa'yo ni Mercy?"
"Ang alin po?"
"Iyong tungkol kina Luis at Carla daw."
Iniiwas niya ang paningin sa matanda ng marinig ang dalawang pangalan ng mga kaibigan na nagdudulot ng pinong kurot sa puso niya sa mga oras na iyon.
"Oho."
Huminga ito ng malalim at itinuon ang paningin sa apoy sa harapan nila. "Huwag ka munang mag-isip ng kung ano-ano. Hindi pa natin alam kung ano ba talaga ang totoo tungkol sa balitang iyon."
"Opo. Hindi naman po ako nag-iisip ng kung ano-ano e." Iwas niya dito at pilit na pinasaya ang boses.
"Primer amor."
"Po?"
"Primer amor." Ulit nito at tumingin sa kanya. "Kung baga sa ingles ay 'first love'. Masakit ba dito?" Tanong nito na inilagay ang isang kamay sa tapat ng puso nito.
Nanahimik siya at pilit na pinayapa ang dibdib. Kung nasasaktan man siya ay gusto niyang itago iyon sa mga kasama. Kay Carla ay nakaya niyang maitago ng ilang taon na may crush siya kay Luis kaya alam niyang kayang-kaya niya rin iyong itago sa mga ito. Alam niyang lilipas din naman ang nararamdaman niyang sakit.
"Aling Celing talaga, kung ano-ano ang itinatanong niyo sa akin."
Ngumiti ito. "Nakita ko kung paano kayo naging malapit ni Luis sa isa't-isa. Nakita ko rin kung paano mo siya tingnan."
Parang may bikig na biglang namuo sa lalamunan niya pagtingin niya kay Aling Celing. Pilit niya iyong sinupil at umiling dito pero walang anumang salitang lumabas sa bibig niya sa takot na biglang manginig ang boses niya.
"Normal lang na masaktan ka dahil malapit silang dalawa sa'yo. Pero mas maigi rin kung hihintayin mo ang paliwanag nila lalo at hindi pa naman natin alam ang totoo. Alam mo naman 'yun si Ate Mercy mo, kung saan-saan nakakakuha ng balita iyon."
"Hindi naman ho nila kailangang magpaliwanag sa akin e." Katulad ng kinatatakutan ay gumaralgal nga ang boses niya. Pilitin man niya ang sariling wala lang sa kanya ang narinig na balita ay hindi naman iyon pinapansin ng puso niya. Iyong kurot na naramdaman kaninang umaga ay naroon pa rin at parang gustong kumawala sa kanya.
"Nakita ko rin Dianne kung paano tumingin si Luis sa'yo at alam ko na mahalaga ka sa batang iyon."
Sa narinig niyang iyon ay bigla nalang nag-unahan sa pagtulo ang luha niya. Hindi niya alam kung pinapaasa ba siya nito o ano pero sa balitang uganayan ng dalawang kaibigan ay sigurado siyang talo na siya.
Iniiwas niya ang tingin kay Aling Celing at pinahid ang luha gamit ang mga palad.
"Ang nagmamahalan ay nahahanap ang isa't-isa kahit gaano pa sila kalayo. Ang pagmamahal ay gumagawa ng sarili nitong daan pabalik."
"Nana Celing naman e, minamakata niyo ako. Hindi ko naman po maintindihan." Aniya ng matapos magpunas ng mukha. Medyo gumaan na ang pakiramdam niya kahit na naroon pa rin iyong pinong kurot sa dibdib niya.
Tumayo ito. "Malalaman mo rin ang ibig sabihin niyon pagdating ng tamang araw."
Tumalikod ito at pumasok ng bahay. Sinundan niya ito ng tingin at itinuloy ang ginagawa. Hanggang kinagabihan ay pilit niyang iwinaksi sa isip ang narinig na balita sa unang araw ng bakasyon niya.
Nang mga sumunod na araw ay naging abala si Dianne sa paglalagay ng mga dekorasyon sa buong kabahayan sa pahintulot na rin ni Misis Ignacio. Isang linggo bago ang pasko ay saka lang nabuo ang paglalagay ng mga dekorasyon, Christmas tree at saka lang naisabit ang mga parol. Ani nga ng kasabihan ay, huli man at magaling ay naihahabol rin.
Kinagabihan ay sabay-sabay nilang pinanood ang pag-ilaw ng mga christmas light at mga parol na pumapaikot sa labas ng bahay habang sa loob naman ay ang malaking christmas tree na naka-lagay sa may salas. Dahil doon ay pansamantala niyang nakalimutan ang balita tungkol sa dalawang kaibigan.
Habang masaya silang nagku-kwentuhan kasama ang mag-asawang Ignacio sa may sala at nanonood ng T.V. ay tumunog ang doorbell. Sinilip iyon ni Ate Mercy at inimporma silang si Jez daw ang nasa gate. Siya ang inatasan ng mga nakatatanda na magbukas niyon kaya saglit siyang nagpaalam sa mga ito at lumabas.
Kumakaway na ang binata sa kanya pagkalabas pa lang niya ng pinto.
"Uy. Kumusta? Bakit ka naparito?" Bungad niya rito pagkabukas ng gate.
"Bakasyon din kami siyempre. Pwede pumasok?"
"Oo naman. Nandiyan sa loob sina Mayor. Pasok ka." Tinulungan muna siya nitong magsara ng gate bago sila sabay na pumasok ng bahay. Magkakasabay na napatingin ang mga kasama niya sa kanilang dalawa na sinabayan pa ng katahimikan. Si Mayor ang unang nakahuma at agad at bumati sa lalaki.
"Ikaw pala, Jez. Kumusta? Kakarating mo lang ba?"
"Magandang gabi po, Mayor. Okay lang naman po ako. Noong nakaraang araw pa ho ako nakauwi. Kayo po kumusta?" Mula sa kinatatayuan ay magalang nitong sagot sa butihing Mayor.
"Ayos din naman kami. Halika, maupo ka muna dito."
Tumalima si Jez at umupo sa isahang sofa katabi ni Misis Ignacio na parang nanahimik sa kinauupuan nito. "Magandang gabi po sa inyo." Bati nito sa ginang at iba pang naroon.
Tinanguan ito ng ginang habang matipid na ngiti nman ang ibinigay rito nina Aling Celing at Ate Mercy.
Bumalik siya sa kinauupuan kanina, sa pagitan ng dalawang kasama.
"Ang Itay mo pala, kumusta?" Muling tanong ni Mayor. Isang inhenyero ang ama ni Jez at nagta-trabaho sa energy office na siyang nagsu-supply ng kuryente sa probinsya nila na noong kailan lang niya nalaman na matalik palang kaibigan ni Mayor ang ama ni Jez.
"Okay naman po si Itay. Sabi niya ay ikumusta ko raw siya sa inyo nang malaman na pupunta ako rito."
"Pakikumusta rin ako. Sabihin mo na magkita nalang kamo kami doon sa orphanage sa bente kwatro."
"Sige po."
"Ano pala ang atin? Bakit ka naparito?"
"Aayain ko po sana itong si Dianne na mamasyal diyan po sa Sentro. Kung pahihintulutan niyo po." Tumingin si Jez sa kanya. Itinuro niya ang sarili na tinanguan naman nito.
Tiningnan ni Mayor ang asawa na noon ay wala pa ring kibo saka marahang tumikhim. "Oo naman. Basta iuwi mo 'yan dito bago pa mag-alas diyes."
Malapad ang ngiting ibinigay rito ni Jez. "Maaasahan niyo po."
"Teka lang." Aniya na hindi alam ang gagawin. Unang beses iyon na may pumunta sa kanila at ipinag-paalam siyang isasama sa labas. Pangalawang beses, dahil nagpaalam pala ito sa mag-asawa dati na kung pwede ay ito ang maging escort niya sa senior prom niya na pinayagan rin ng mga ito. "Anong gagawin natin sa Sentro?"
"Mamamasyal. Balita ko ay may bazaar daw ngayon at mayroon din daw night market na may mga rides. Tingnan lang natin."
Tumango siya. "Gusto niyong sumama?" Baling niya sa dalawang kasama na mabilis pa sa alas-kwatrong nagsi-tanggi. Maya-maya ay ipinagtabuyan na siya ng mga itong magbihis at sumama kay Jez.
Isang kupasing maong at isang plain black shirt lang ang isinuot niya para sa lakad na iyon. Medyo nahiya tuloy siya kay Jez na bihis na bihis sa suot nitong itim na pantalon at asul na polo shirt. Bago umalis ay hindi nakalimutang isukbit ang sling bag na huling regalong natanggap mula kay Carla.
"Hanggang alas-diyes lang ha." Muling ulit ni Mayor bago sila lumabas ng tarangkahan na magkasabay naman nilang sinagot ni Jez ng 'opo'.
Habang binabaybay nila ang daan papunta sa sentro ay hindi niya maiwasang alalahanin ang mga pagkakataong kasama si Luis papunta roon. Ilang beses rin nilang nilakad ang daang iyon na kung saan ay madalas itong nauuna ng hakbang sa kanya.
"Ang ganda ng mga pailaw o." Turo ni Jez sa mga christmas light na nadadaanan nila. Sinundan niya ang itinuro nito at napangiti siya. Mukhang mag-e-enjoy din naman siya sa pasyal nilang iyon.
Habang papalapit sila sa Sentro ay kapansin-pansin ang mga taong parami ng parami. Umiingay na rin ang paligid nila dahil sa kabi-kabilang christmas song na ipinapatugtog sa mga tindahang nakahilera sa paligid ng kalsada na nagiging dahilan upang lakasan nila ang kanilang pag-uusap. Hindi nagtagal ay narating din nila ang pakay at ganoon nalang ang liwanag na nakita niya roon. Kay saya ng paligid dahil sa dami ng tao na kung saan ay kailangan mo pang sumiksik para lang makadaan ka.
Parang naglabasan ang mga tao sa bayan nila noong gabing iyon at lahat ay tumungo sa Sentro upang mamasyal.
"Ang daming tao." Malakas niyang sabi rito habang nasa harap sila ng napakalaking christmas tree na bali-balitang pina-ilawan noong nakaraang linggo.
"Masaya 'di ba?"
Tumango siya.
"Mamaya dumako tayo doon sa mga palaruan. Gusto mo bang sumakay ng ferris wheel?"
"Hindi ko alam. Tingnan natin."
Ilang minuto silang nanatili sa harap ng christmas tree na kung saan ay kumuha ng mga litrato ang kasama niya gamit ang cellphone nito. Ilan sa mga kaklase niya sa unibersidad ang kinakitaan niya ng kagamitang iyon kaya hindi na siya gaanong nagulat na mayroon din si Jez. May kaya naman ito at sa maganda pang eskwelahan sa pinaka-progresibong bayan sa probinsya nila nag-aaral kaya natural siguro na mayroon itong ganoong gamit.
Siya nama'y walang paggagamitan niyon kaya hindi na rin niya ninais na makabili.
"Second year ka na, no?" Walang ano-ano'y tanong ni Jez sa kanya habang naglalakad sila papunta sa kinaroroonan ng mga rides.
"Oo."
"Ilang taon na rin noong umalis si Luis, ano? May balita ka ba doon?" Diretso lang ang tingin nito sa kalsada habang nagtatanong sa kanya.
"Wala."
"Baka masyado lang abala. Pihadong nag-hahanda iyon para sa susuungin niyang law school."
Nagkibit-balikat siya. Kung gaano man ito kaabala ay hindi niya iyon malalaman dahil wala naman siyang balita dito.
"E, yung kaibigan mo, may balita ka ba?" Noon ito tumingin sa kanya na sinagot niya ng iling. Maliban sa narining niya kay Ate Mercy ay wala na siyang ibang balita sa dalawa pero hindi niya iyon sinabi sa kausap.
"Luluwas ka ba ng Maynila pagkatapos mong mag-aral?" Muli nitong tanong.
"Hindi. Diyan din siguro ako sa bayan magta-trabaho o di kaya ay dito sa municipal hospital." Baling niya sa nadaanang maliit na klinika. "Bakit ikaw? Balak mo bang umalis?"
"Hindi rin siguro. Ewan ko lang." May nadaanan itong maliit na bato at sinimulan nito iyong sipa-sipain.
"Pero maganda din siguro ang Maynila, ano? May mga kaklase akong nakapunta na roon at sabi nila ay maganda raw. Malawak at maraming sasakyan."
Natawa ito sa kwento niya. "At traffic. Nakalimutan bang banggitin iyon ng mga kaklase mo?"
"Wala silang sinabi."
"Grabe ang traffic sa Maynila. Nakapunta na ako roon noong high school ako at ang init. Hindi na halos umuusad ang mga sasakyan dahil sa sobrang dami kaya mas maganda talaga dito sa atin. Pwede mong lakarin ang mga pupuntahan mong lugar basta dito lang sa atin."
Natawa din siya. "Paano? Dito nalang talaga tayo?"
"Siguro."
Noon sila nakarating sa kinaroroonan ng mga rides. Parang carnival iyon na puno rin ng mga tao. Hindi niya alam ang pangalan ng mga rides doon, tanging ang ferris wheel lang na nasa bandang gitna ang kilala niya.
"Ano, sakay tayo diyan?" Baling ni Jez sa kanya.
Excited siyang tumango. "Oo."
Dahil ito daw ang nag-aya ay ito rin ang nagbayad ng rides nila kahit na hindi siya sang-ayon dito. Ani nito ay bilhan nalang daw niya ito ng maiinom pagkatapos nila.
Masaya silang pumuwesto sa umiikot na upuan at ganoon nalang ang gulat niya ng bigla silang tumaas. Bagama't hindi iyon mabilis ay nalula naman siya lalo na ng dumako sila sa may tuktok. Si Jez na tuwang-tuwa sa hitsura niya ay hindi nakalimutang kumuha ng litrato na pilit niya namang sinaway. Sumunod naman ito at itinago sa bulsa ang gamit.
Kung gaano siya ka-excited kanina bago sila sumakay ay kabaliktaran naman niyon ang nararamdaman niya pagkababa nila. Para na siyang maduduwal dahil sa lula niya sa itaas pero pilit niya iyong pinigilan dahil sa hiya sa kasama.
"Okay ka lang ba?" Nag-aalala nitong tanong habang nakahawak siya sa isang kalapit na poste.
"Medyo nalula lang ako."
Inalalayan siya nito hanggang sa nakalabas sila sa carnival. Noon niya naisip na hindi pala masaya ang sumakay sa mga ganoong rides. Mabuti nalang at hindi naglaon ay nawala rin ang hilo niya nang medyo kumunti ang mga nakikita niyang tao.
"Kain tayo?" Baling nito sa kanya.
"Oo ba." Kahit medyo busog pa siya ay ayaw naman niya itong hindian lalo at hindi pala nila ito naalok kaninang kumain doon sa bahay. Baka gutom na talaga ito. "Pero ako na ang magbabayad ng akin, ha."
Ngumiti pagkatapos ng ilang segundong pag-iisip. "Oo ba."
Sa kalapit na kainan sila dumako. Palabok ang inorder niya na sinamahan niya ng dalawang pirasong toron habang ito naman ay tuna pasta ang binili.
"Pwede ba akong dumalaw-dalaw doon sa school mo kapag bumalik na ang eskwela natin?" Walang ano-ano ay tanong ni Jez na nagpabaling ng tingin niya rito. Magkaiba ang bayan na kinaroroonan ng eskwelahan nila at magkalayo ang mga iyon.
"Bakit?"
"Papasyal lang."
Nagkibit-balikat siya at muling itinuloy ang pagkain. "Ikaw ang bahala. Pero magkalayo ang eskwelahan natin. Mapapagod ka lang."
Tumango lang ito sa kanya at itinuloy na rin ang pagkain. Katulad ng ipinangako niya rito sa pagbili nito ng ticket niya sa ferris wheel ay binilhan niya ito ng maiinom. Matapos nilang kumain ay naglakad-lakad pa sila sa bazaar bago ito nagpasyang ihatid na siya.
Mag-aalas diyes na ng dumating siya sa bahay kung saan naman ay gising at nakaabang pa sina Aling Celing at Ate Mercy sa may harden para pagbuksan siya. Katakot-takot muna na tanong ang inabot ni Jez tungkol sa pinuntahan at ginawa nila bago ito pinayagang umalis ng dalawa. Siya nama'y nagmadaling pumasok sa kwarto ng umalis ang lalaki. Alam niya kasing sa kanya naman mababaling ang atensyon ng dalawa sa pag-alis ni Jez.