CHAPTER EIGHTEEN

2324 Words
Natapos ang christmas vacation at nakabalik si Dianne sa kanyang dormitoryo na wala pa ring balita sa dalawang kaibigan. Walang siyang sagot na natanggap sa sulat na huling ipinadala kay Carla at wala ring tawag mula kay Luis na naging dahilan upang mas tumibay ang paniniwala niyang totoo nga ang balita tungkol sa dalawa. Dahil na rin sa tampo ay hindi na rin siya sumulat pa sa kaibigan noong mga sumunod na buwan hanggang sa natapos ang school year na iyon. Bago natapos ang pasukan ay nakahanap siya ng part-time job sa isang convenience store kaya naging madalang rin ang uwi niya sa bayan nila kahit noong nagbakasyon na. Nakakauwi lang siya kapag may dalawang araw siyang day-off na magkasunod kaya paminsan-minsan ay hindi rin niya nakikita ang mga amo niya. Napapawi nalang ang pagka-miss niya sa mga ito sa madalas niyang tawag sa bahay ng mga Ignacio kung saan naman ay sina Aling Celing at Ate Mercy ang nakakasagot. "Dianne, may naghahanap sa'yo sa labas." Imporma sa kanya ng isa niyang kasama sa tindahan habang kumain siya ng tanghalian sa kanilang bodega na may kaunting espayo para pagpahingahan at kainan nila. "Sino daw?" Umiling ito. "Di ko naitanong e." "Sige. Lalabas na ako kamo." Tinapos niya muna ang natitirang pagkain sa pinggan bago siya lumabas. Bahagya pa siyang nagulat ng mamukhaan ito. Nakaupo ito sa upuan sa nakahilerang lamesa sa labas kung saan pwedeng kumain ang mga customer nila. "Jez, ikaw pala. Napadalaw ka dito?" "Oo. May nakapag-turo sa akin doon sa eskwela mo. Buti alam niya kung saan ka nagta-trabaho." Sinabi nga nito noon na dadalaw-dalaw daw ito sa eskwela niya na tinotoo naman nito dahil pagkabalik niya mula sa christmas vacation ay naka-tatlong punta na ito sa eskwelahan nila. Iyon bale ang pang-apat nitong beses na pakikipag-kita sa kanya. Umupo siya sa upuang katapat nito. "Anong atin? Bakit ka napadalaw?" "Uuwi ka ba sa atin?" Umiling siya. "Hindi siguro. Halos kakasimula ko lang dito e. Nakakahiya naman kung aabsent ako agad. Itatanong mo lang ba 'yun kaya ka nagpunta?" "Hindi naman." Inilapag nito sa harap nila ang dala nitong paper bag at iniusog iyon sa harap niya. "Belated happy eighteenth birthday." Nanlaki ang mata niya sabay linga sa paligid. Walang nakakaalam sa mga kasama niya na noong nakaraang araw ay kaarawan niya. "Paano mo nalaman?" "May nakapagsabi lang sa akin." Natatawa nitong sagot na mas inilapit pa sa kanya ang paper bag. Napakunot ang noong tiningnan niya iyon. Walang ibang nakakaalam sa birthday niya maliban sa mag-asawang Ignacio, Aling Celing, Ate Mercy, at siyempre si Carla na kasama pa niya laging mag-celebrate noong high school pa lamang siya. Nataon kasing bakasyon sa eskwela kaya walang nakakaalam sa ibang kaklase nila. "Sina Aling Celing ba?" Hindi siya nito sinagot bagkus ay muli nitong hinawakan ang paper bag at iniumang sa kanya. "Sige na. Tanggapin mo na." Tinanggap niya iyon dito at binuksan iyon. "Ano 'to?" "Payong." Diritso nitong wika na tumaas baba pa ang kilay. "Payong ang regalo mo?" "Maganda kaya yan. Magagamit mo sa araw-araw. Umulan man o umaraw ay pwede mong makasama lagi yan." Napangiti siya sa sinabi nito. "Ang thoughtful mo naman." "Matagal na." Inilapag niya ang payong sa tabi niya. "Salamat. Gusto mong kumain?" Linga niya sa loob ng tindahan. "Treat mo?" "Oo." Tumayo ito. "Ikaw anong gusto mo?" "Kakatapos ko lang kumain bago ako lumabas dito." "Kaya pala ang tagal mo e." "Siyempre di ko alam na pupunta ka e, alangan namang iwanan ko ang pagkain ko di ba?" "Tama naman." Binuksan na nito ang pinto. "Diyan ka lang." Utos nito ng makitang tatayo siya. Hindi na siya umimik at hinayaan itong makapasok. Paglabas nito ay may dala na itong naka-paper pack na pagkain at isang doughnut na inilapag nito sa harap niya. "Dessert mo." Dagli nitong sabi sa tila nagtatanong niyang tanong. Umupo ito sa upuan nito kanina at kinain ang biniling pagkain at siya rin naman ay tahimik na kinain ang binigay nito. Pagkatapos nitong kumain ay nagpaalam rin itong aalis na dahil uuwi daw ito sa bayan nila. Dumaan lang daw ito upang iabot ang regalo sa kanya. Pinasalamatan niya ito at ihinatid nalang ng tingin. "Nobyo mo ba 'yun?" Tanong ng kasama niya pagkapasok niya sa loob bitbit ang paper bag na may lamang payong. Umiling siya at ngumiti sa babaeng kasama. "Kaibigan ko." "Ang sweet ng kaibigan mo. Baka manliligaw pa lang." Tukso nito. Nakangiti siyang pumasok sa bodega at ipinasok ang paper bag sa bag niya. Iyon ang pinakaunang regalong natanggap niya para sa kanyang ika-desi-otsong taon at natutuwa siya sa isiping na kahit hindi kasama sina Aling Celing at Ate Mercy ay naalala pa rin nito ang kaarawan niya. Pinaalalahanan niya ang sarili na tawagan ang dalawa pagkarating niya sa kanyang dormitoryo. "Talaga? Dumalaw si Jez diyan kanina?" Kinahapunan ay tinawagan nga niya ang bahay ng mga Ignacio. Si Aling Celing ang nakasagot sa kanya at pagkatapos siya nitong batiin para sa kanyang kaarawan ay nai-kwento niya rito ang pagdalaw ni Jez sa trabaho niya. "Opo. At nagdala pa ng regalo. Na-ikwento niyo ba sa kanya kung kailan ang kaarawan ko?" Nanahimik ang matanda sa kabilang linya bago ito sumagot. "Hindi ko pa naman siya nakakausap muli. Ewan ko lang si Mercy." "Nasaan po pala si Ate Mercy?" "Nandoon sa likod bahay at nakikipag-tsismisan kay Anita. Ano pa ba ang aasahan mo doon?" Banggit nito sa labandera ng mga Ignacio na dalawa o tatlong beses lang kung pumunta doon. Hindi niya ito nakakausap noong nakatira siya sa bahay ng mga Ignacio dahil tuwing may pasok sa eskwela ito pumupunta doon. "Kumusta po pala si Ate Anita, Aling Celing?" "Maayos naman, maraming rakit daw. Kami lahat dito ay maayos ang kalusugan namin kaya huwag mo kaming alalahanin ha. Ikaw ang mag-iingat diyan." "Opo." "Siyanga pala, Dianne, may oras ka bang umuwi sa susunod na linggo?" Saglit siyang nag-isip. Wala siyang pasok sa eskwela dahil bakasyon na pero sa trabaho ay medyo marami silang gagawin sa susunod na linggo dahil may parating silang bagong stocks. "Bakit ho? May problema ba?" "Naku, wala." Maagap na sagot ng kausap na kahit hindi niya nakikita ay alam niyang umiiling-iling sa mga sandaling iyon. "Nagkataon kasi na nagpasabi itong si Luis na uuwi daw siya para bakasyon sa susunod na linggo. Baka lang kako gusto mong makipag-kita. Kahit isang araw lang." Pagkarinig sa pangalan ni Luis ay agad niyang naramdaman ang tila pagtambol ng kung ano sa dibdib niya. Hindi niya maiwasang isipin ito at ang kaibigang si Carla na tuluyan ng nawalan ng komunikasyon sa kanya. Estranghero sa kanya ang damdaming iyon na kinailangan niya pang pukpukin ng bahagya ang tapat ng dibdib upang kumalma ang kanyang pakiramdam. Dahil sa pakiramdam na iyon ay alam na niya kung ano ang gagawin niya. "Medyo abala ho kami Aling Celing ngayong parating na linggo dahil may deliver po kami 'nun. Susubukan ko nalang hong magpaalam kung papayagan ako." Ayaw niya itong bigyan ng pag-asa na darating siya pero hindi rin naman niya tahasang mahindian ang matanda. "Naiintindihan ko." Sagot nito na puno ng pag-aalala ang tinig. "Hala sige. Magpahinga ka na. Huwag mong kakalimutang magdasal ha." "Opo, Aling Celing. Babawi nalang po ako sa inyo kapag hindi na po masyadong abala dito. Dadalhan ko po kayo ng pasalubong." Pilit niyang pinasaya ang boses sa huli niyang sinabi. "Naku. Itong batang ito. Magdala ka man ng pasalubong o hindi ay pwede kang umuwi kapag pinayagan ka rin naman." "Sige po. Salamat po, Aling Celing. Ingat kayo diyan. Pakumusta po kina Mayor at Misis Ignacio, pati po si Ate Mercy." "Oo. Makakarating. Ingat ka din." Pagkababa niya ng telepono ay nagpaalam na siya sa nagbabantay doon at umakyat na siya sa kanyang silid. Tatlong taon. Tatlong taong wala silang balita ni Luis sa isa't-isa at sa tingin niya ay hindi na maibabalik ang dati nilang pagkakaibigan kahit magkita man sila. Tatlong taong walang ni ho ni ha tapos ngayon ay biglang uuwi ito? Sa tingin niya nga ay baka mas lalo pa silang maging malayo sa isa't-isa dahil sa ilangan kung magkikita sila. Humiga siya sa kanyang kama at tumitig sa kisame. Sabagay, hindi naman siya ang dahilan ng pag-uwi nito kaya ano ba ang ipinagpuputok ng butsi niya? Umayos siya ng higa at ipinikit ang mga mata. Mas mabuti pang matulog nalang siya. Umusad ang mga araw na halos hindi tingnan ni Dianne ang kalendaryo dahil sa pag-aalala niyang baka bigla siyang magdesisyong umuwi sa malaking bahay upang sumalubong kay Luis. Sa bawat araw na dumadaan ay ibinubuhos niya ang oras sa kanyang trabaho. Bakasyon lang din sa eskwela ang panahon para sa kanya na kumita ng malaki-laki para sa iba pa niyang gastusin dahil bagama't binibigyan siya ng mag-asawang Ignacio ng allowance para sa pagkain at iba pa niyang bayarin ay gusto rin naman niyang kumita pa rin at makaipon. Hindi pa rin nawawala sa kanya ang hangarin na mabawi ang bahay ng magulang niya kaya ang kinikita niya sa pagta-trabaho roon ay inilalagak niya sa bangko pandagdag niya sa perang naipon dati sa pagta-trabaho sa bahay ng mga Ignacio. Malaki-laki pa ang kailangan niya at ang pagkakataong iyon na nakakapasok siya ng buo ang araw sa trabaho ay malaking bagay para sumahod ng malaki kaya pilit niyang iwinaglit sa isip ang San Isidro at mas isinubsob nalang ang panahon sa pagta-trabaho hanggang sa hindi na niya namalayan ang pagdaan ng mga araw. Dumating na naman ang pasukan at hanggang sa mga araw na iyon ay hindi pa siya umuuwi sa bayan nila. Iniwasan niya rin na makausap muna sina Aling Celing dahil sa pag-aalalang naroon pa si Luis at hindi pa nakakabalik ng Maynila. Nagpasya lang siyang umuwi sa bayan nila isang buwan pagkatapos magsimula ng eskwela. Noon ay naikwento sa kanya nina Aling Celing at Ate Mercy na hindi naman daw nagtagal doon si Luis. Halos wala pa daw isang linggo ang inilagi nito sa bayan at nagmamadaling bumalik muli ng Maynila. Sa pamamalagi doon ng noo'y binata na daw ani Aling Celing na alaga nito ay hindi naman daw nito nabanggit si Carla na karelasyon nito o kahit na sinong babae. Tanging mga kaibigan nitong lalaki lang ang nakita nilang kasa-kasama nito lalo na si Jez na ilang beses daw pumunta sa bahay ng mga Ignacio habang naroon si Luis pero hindi rin ikinaila sa kaniya ng dalawang kasama na umuwi rin daw noon si Carla ayon kay Ate Anita- na naglalabada rin sa bahay ng kaibigan niya- kasabay ng binata na nagdulot ng libo-libong kurot sa puso niya bagama't hindi nakumpirma ng mga ito ang relasyon ng dalawa. Ayon sa mga ito ay hindi naman daw nagsabay sa pagbalik ng Maynila ang dalawa. Naiwan daw si Carla at nagtagal pa ng isang linggo bago bumalik pero sa itinagal nitong iyon sa San Isidro ay hindi manlang ito nag-abalang magbigay ng mensahe para sa kanya na mas lalong nagpasama ng kanyang loob. Hindi rin niya maiwasang isipin na alam ni Jez ang pag-uwing iyon nina Luis at Carla at hindi lang binaggit sa kanya gayunpaman ay ipinagkibit-balikat nalang niya iyon dahil wala naman siyang maisip na dahilan upang itago iyon ni Jez sa kanya. Ipinagpatuloy ni Dianne ang pagta-trabaho niya sa convenience store hanggang sa natapos ang taon na iyon. Dalawang semestre bago siya matapos ng kolehiyo ay saka siya nag-resign sa trabaho dahil kailangan niya ng sumabak sa mga practicum at On the Job Trainings na kasama din sa grading system kaya hindi pwedeng hindi niya gawin. Sa pampublikong ospital siya sa bayan na iyon nakapasok para sa kanyang OJT kasama ang ilan niyang kaklase. Noon ay naranasan niyang mag-duty ng gabi tapos kinabukasan ay kailangan niyang pumasok agad sa eskwela niya para sa iba niyang subjects ganoon pa man ay hindi iyon nakabawas sa dedikasyon niyang makatapos ng kanyang pag-aaral. Sinipagan niya pa lalo dahil iyon ang ipinangako niya sa mag-asawang Ignacio at iyon din ang pangarap nila ng kanyang ama. Ngayon nga ay abot kamay na niya iyon dahil ilang buwan nalang ay magtatapos na siya. Sa huling taon niya sa kolehiyo ay mas naging madalang pa ang pagkikita nila ni Jez na noon ay nakapasok na ng trabaho habang siya naman ay halos sa ospital at sa eskwelahan na naglalagi kaya nagulat siya nang minsang magkita sila sa ospital. Nagkagulatan pa sila ng makilala ang isa't-isa. "Dito ka pala nag-o-OJT?" Bakas sa mukha nito ang saya ng mamukhaan siya. Nasa waiting lounge ito ng ospital at tila may hinihintay sa loob pero agad na tumayo pagkakita sa kanya. Kakahatid niya lang noon sa labas ng isang pasyente na pinayagan ng lumabas ng ospital. "Oo. Ikaw anong ginagawa mo dito?" Tulak-tulak pa rin ang wheelchair papasok na inupuan ng pasyente kanina ay wika niya. "Nadisgrasya yung kasama ko sa trabaho kaya ayun, dinala namin. Pero huwag kang mag-alala, galos lang naman." Dugtong nito ng makitang nawala ang pagkakangiti niya. "Nasaan siya?" "Nandoon sa loob. Tinatahi na ng doctor yung sugat." Turo nito sa isang kwarto sa di-kalayuan. Tumango siya. "Mabuti naman. Kumusta ka naman?" "Ayos lang ako." Tumingin ito sa paligid nila. "Matagal na tayong di nagkikita a. Libre ka ba? Kain tayo?" "Hindi e." Aniya saka tiningnan ang orasan. "Dalawang oras pa." Saglit itong nag-isip bago muling nagsalita. "Tama lang 'yun. Baka nakalabas na 'nun yung kasama ko, aantayin kita dito." "Hindi ka ba muna uuwi?" "Pagkatapos na nating mag-usap. Na-miss na kita e." Pabiro nitong wika na sinabayan pa ng kindat. "Ano yun?" Natatawa niyang tanong dito. "Kindat." Maloko pa rin nitong sagot. "Oo na, sige. Dito ako pupunta mamaya pag-out ko." "Hihintayin kita." Pagkatapos niyon ay nagpaalam na siyang babalik muna sa nurse station sa ikalawang palapag ng building at katulad nga ng kanilang napag-usapan ay pinuntahan niya ito sa waiting lounge pagkatapos ng duty niya saka sila pumunta sa isang kainan malapit sa ospital at doon ay kakain muna siya ng almusal bago siya pumasok sa eskwela.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD