CHAPTER NINETEEN

2487 Words
Matapos nilang umorder ng pagkain ay dumako sila sa isang bakanting lamesa malapit sa may pinto bitbit ang kani-kanilang tray. Ibinaba nila ang kanilang bag sa katabi nilang mga upuan at saka magkasabay nilang hinarap ang pagkain. "Matagal ka na ba diyan?" Tukoy ni Jez sa ospital na lumingon pa sa building na pinanggalingan nila. "Hindi. Mga dalawang buwan palang." "Hanggang kailan ang OJT mo?" "Hanggang next month pa siguro. Pero bago ang graduation namin, matatapos na ako." Sagot niya at sumubo ng pagkain. "Di maganda. Magkakasabay siguro tayo madalas sa pagkain." Ani nito na ngumiti sa kanya. "Diyan na ako na-asign sa building katabi niyo." Ang tinutukoy nitong building sa tabi ng hospital ay ang branch ng energy office sa bayan na iyon. "Di nga? Kailan pa?" "Last week pa." "Galing naman. Graduating ka na rin di ba?" Sumubo ito ng pagkain. "Oo. Magkakasabay lang tayo kaya congrats sa ating dalawa." Nangiti siya sa huli nitong sinabi. "Congrats. Naabutan kita no?" "Kaya nga. Ang bilis mo e." Gagad nito sa biro niya. "Hindi naman. Mabagal ka lang talaga." Aniya sabay tawa. Katulad niya ay tumawa rin ito sabay hirit. "Pero hulaan mo kung sinong mas mabagal?" Kumunot siya ng noo. "Sino?" "Sino pa? E di si Luis. Mantakin mo at first year ulit siya ngayon. Law school nga lang. Pero tayo graduating na." Unti-unting nawala ang tawa niya ng marinig ang pangalan na iyon na nagdulot ng mumunting kurot sa kanyang puso. Upang itago iyon ay dinampot niya ang baso ng tubig at uminom. Nng mailapag iyon ay pasimple siyang sumubo ng pagkain. "Mabuti at napagsasabay mo na yung trabaho at yung pagpasok mo sa school ano?" Pag-iiba niya ng usapan. "Oo. Kaya naman." "Bakit hindi ka pala doon sa San Isidro nagpa-asign para malapit ka lang sa pamilya mo?" Nagkibit-balikat lang ito. "Wala e. Utos ng boss. Pag hindi nasunod ay baka kung ano pang gawin sa akin." "Salbahe ang boss mo?" Nanlaki ang matang tanong niya. "Ano bang pangalan niyan at ng maireklamo natin." Natawa ito sa sinabi niya at uminom. "Kalma ka lang diyan. Hindi masama ang boss ko sa opisina. Iba ang tinutukoy ko." "Iilan ba ang trabaho mo?" Muli itong nagkibit-balikat at nilinga ang kanyang pinggan. "Huwag mo ng alalahanin.Wala lang 'yun. Kain ka lang ng kain ha. Akong bahala." Pag-iiba nito ng usapan nila. Hindi nalang niya inungkat muli ang nabanggit nito kanina tungkol sa boss nito. Sa pagitan ng kanilang pagkain ay ang walang sawa nilang kwentuhan na minsan ay sinasabayan pa ng mas malakas na tawanan na biglang naputol ng mapadako ulit kay Luis ang usapan nila. "Umuwi pala si Luis noong nakaraang bakasyon, hindi ka ba nakauwi noon?" Muli ay parang may kung anong kumudlit sa puso niya ng marinig ang pangalang iyon na itinago niya sa isang mabining ngiti. "Hindi. Marami kasing ginagawa 'nun sa convenience store." "Kaya pala wala ka doon nang magpunta ako. Umuwi din yung kaibigan mong si Carla, sayang at hindi kayo nagkita." Ang kaninang kurot sa puso ay lalong nadagdagan pa nang marinig ang pangalan ng kaibigan. Ayaw niyang pag-isipan ng masama ang kaibigan niya pero hindi niya maalis sa sarili ang pakiramdam ng niloko lalo na at hindi manlang ito nakikipag-usap sa kanya, tuloy ay mas lalong sumasama ang loob niya. "Maganda yung kaibigan mo. Nakita ko din siya, isang beses." Nahihiyang dugtong ng kaharap. Tinitigan niya ito. "Crush mo 'no?" Sa halip na itanggi nito iyon ay tumango ito pero hindi nagsalita kaya pinanliitan niya ito ng mga mata. "Umamin ka. Kaya ka ba nakipag-kaibigan sa akin para makalapit ka kay Carla?" "Hoy sobra naman 'yun. Di naman ako user." "Totoo?" Tila nagtatampong wika niya. "Oo. Kaibigan ka ni Luis kaya siyempre kaibigan na rin kita." Tumahimik siya at huminga ng malalim bago ito naaawang tiningnan. "Kaso mukhang wala ka ng pag-asa. Bali-balita kasi na mag-nobyo na ang dalawang iyon." "Talaga?" Nagulat ito sa sinabi niya. "Wala namang binaggit si Luis sa akin noong nagkita kami at hindi ko rin napansin na sobrang malapit si Carla kay Luis." Uminom ito ng tubig at sumandal sa upuan. "Sa tingin ko ay namali ka ng balita." "Ewan ko lang." Balewala niyang sabi at tumingin sa ibang direksyon. Imposible namang magsinungaling si Ate Anita at si Ate Mercy sa kanya. "Magkagalit ba kayo ni Carla?" Walang ano-ano'y tanong nito na nagpalingon muli sa kanya. "Hindi naman. Kaso tumigil siya sa pagsulat sa akin noong second year kami kaya hindi ko na rin siya sinulatan." "Bakit hindi mo siya sulatan muli? Ang sabi kasi ni Luis ay mukhang nagka-problema daw sa finances ang pamilya nila kaya kinailangan rin mag-trabaho ni Carla sa Maynila noong mga nakaraang taon. Baka dahil doon." Habang nagsasalita si Jez ay nanatili lang siyang nakatitig dito. Unti-unting tumitino sa isipan niya ang mga sinasabi nito na naging dahilan ng pag-iisip niya ng malalim. Paano kung nagka-problema pala talaga ang kaibigan niya samantalang siya ay pinag-iisipan ito ng kung ano-ano? Iniyakan niya ang balitang katipan ito ni Luis pero iba naman ang sinasabi ni Jez sa kanya. Paano nga kung mali siya? ..... Kinahapunan pagkagising ni Dianne ay dumako muna siya sa bintana ng kanyang dormitoryo at ilang minutong tumambay roon habang nakaupo sa pasimano na nahaharangan ng katamtamang laki ng bakal. Hanggang sa kanyang pagtulog kanina ay hindi niya makalimutan ang mga sinabi ni Jez tungkol kay Carla at anito'y problemang pinansiyal na pinagdaanan ng kaibigan niya. Kung mayroon lang sanang paraan upang makausap ito maliban sa sulat ay kakausapin niya ito upang malaman ang kalagayan nito sa Maynila. Wala naman itong numero ng telepono na ibinigay sa kanya kaya wala siyang ibang maisip na paraan upang kontakin ito kung hindi sa sulat lang din na kung saan ay hindi rin naman ito sumasagot. Mula sa kanyang pagkakaupo ay isa-isa niyang tiningnan ang mga dumadaan. Nagbabakasakali siyang sa pagdaan ng minuto ay may maisip siyang paraan upang makausap ang kaibigan ngunit lumipas na ang halos kinse minutos ay wala pa rin siyang maisip. Sa huli ay tumayo siya at nagtungo sa kanilang information upang makigamit ng telepono. I-dinial niya ang numero sa bahay ng mga Ignacio. "Hello." Bati ng sumagot sa kabilang linya. Nakilala niya ito at masaya itong binati. "Aling Celing!" Excited niyang tawag sa pangalan ng matanda. "Kumusta po kayo diyan?" "Dianne? Ikaw ba ito?" "Opo. Ako nga ho. Hindi niyo ba ako mabosesan?" Natatawa niyang tanong. "Ikaw pala, bata ka. Siyempre kilala ko ang boses mo. Sinigurado ko lang." Sagot nito. "Maayos naman kaming lahat dito. Ikaw ba?" "Maayos din po ako Aling Celing. Sina Mayor at Ma'am Agnes po, kumusta?" Saglit na tumahimik si Aling Celing bago sumagot. "Okay lang naman sila. Pero itong si Mayor, medyo naha-high blood yata. Sumasakit lagi ang ulo lalo na nitong mga huling araw e. Medyo matagal-tagal na rin niyang iniinda iyon." Bumangon ang kaba sa dibdib niya. Ilang buwan na siyang hindi nakakauwi sa San Isidro kaya hindi niya alam na may iniinda palang problema sa kalusugan ang matandang Ignacio. "Nasaan po siya ngayon?" "Nandoon sa opisina niya. Pumapasok lang naman 'yun lagi." "Si Ma'am Agnes po?" Pinagpalitan niya ang paa sa pagsipa sa kalapit ng poste ng pader. "May inaasikaso rin." "Hanggang ngayon po ba ay hindi nagbabago ang sakit na nararamdaman ni Mayor?" "Wala na siyang binanggit kanina pero parang matamlay e." Nag-alala siya sa narinig. "Hindi pa ho ba nagpapatingin sa doktor?" "Hindi pa yata." "Sige ho. Uuwi po ako ngayong sabado para masamahan ko ho siya sa doktor. Huwag muna kayong mag-karne Aling Celing at kung maari ay magpahinga ho muna kamo siya." "Sige. Sasabihin ko. Mag-iingat ka diyan at pati sa pagbiyahe mo." "Opo, Aling Celing. Pakumusta po pala kay Ate Mercy. Parang di ko siya narinig ngayon." "Inutusan ko sa palengke. Maya-maya pa 'yun darating." "Ganoon ho pala. Kaya pala walang sumingit." Napahagikhik siya na sinabayan ng kausap. "Oo. Bayaan mo at babalitaan ko nalang." "Sige po. Salamat Aling Celing. Ingat kayo." "Ikaw din." Nang maibaba niya ang telepono ay bumalik siya sa taas at naghanda na sa pagpasok sa kanyang OJT. Saka nalang niya iisipin ang pakikipag-komunikasyon kay Carla kapag nasigurado na niya ang kalagayan ni Mayor. ..... Pagkababa niya sa bus ay matuling nilakad ni Dianne ang daan patungo sa bahay ng mga Ignacio. Pagkalabas na pagkalabas niya ng ospital nang umagang iyon ay dumiritso na siya kaagad sa sakayan ng bus na patungo ng San Isidro kaya maaga-aga pa rin siyang nakarating sa patutunguhan. Halos alas-sais palang iyon ng umaga kaya mangilan-ngilan pa lamang ang nakakasalubong niya sa daan. Dahil araw rin ng sabado at walang pasok sa eskwela ay iilang bahay pa lamang ang nakita niyang bukas ang pintuan na ang ilang tao ay nagsisipaglinis ng kani-kanilang bakuran. Malayo pa ay natanaw na niya si Aling Celing na nasa labas ng gate at nagwawalis ng mga tuyong dahon ng puno ng kaimito na nagsilaglagan sa tapat ng malaking bahay. Hindi niya ito tinawag bagkus ay tahimik niya itong nilapitan at kaagad na yinakap mula sa likuran sa gulat ng matanda. "Sino ba itong diyasking ito? Ikaw na ba 'yan, Dianne?" "Hulaan niyo po." Ibinaon niya ang mukha sa may leeg nito. Nasanay na siya sa pamilyar na amoy ni Aling Celing na sa pagdaan ng panahong hindi niya ito nakakasama ay hinanap-hanap niya. "Diyaske ito. Wala pa nga akong ligo ay niyakap mo ako kaagad." Nakangiti siyang bumitaw rito at humarap. "Ang bango niyo nga ho kahit wala pa kayong ligo e. Huwag niyong sabihing may pinag-papabanguhan kayo dito sa mga kapitbahay?" Biro niyang turan na ikinatawa nito. "Tumigil ka nga. Kalokohan mo talaga." "Sigurado kayo?" Sa halip na sumagot ay hinila siya nito papasok ng gate at saka nito iyon isinara. Magkasunod silang pumasok sa medyo maliwanag ng kabahayan at dinala siya sa may kusina kung saan ay nadatnan naman nila si Ate Mercy na nagluluto. Tuwang-tuwa rin itong sumalubong sa kanya. Pagkatapos ng batian nilang tatlo ay sabay-sabay silang kumain habang manaka-naka siyang nagtatanong tungkol sa mag-asawa lalo na kay Mayor na noon ay hindi pa bumababa para sa almusal. "Nagpatingin ho ba sa doktor nitong nakaraang araw?" "Ay sus. Kung siya lang ang aasahan mong pumunta sa ospital ay hindi iyon tutungo. Allergy sa ospital ang taong iyon." Agarang sagot ni Aling Celing. "E gamot ho, may iniinom ho ba?" Umiling ito. Bilang katiwala sa bahay na iyon ay pihadong alam nito kung may gamot bang iniinom ang amo nito. "Kahit may gamot 'yun ay hindi iyon iinom ng ganun-ganun lang. Matigas ang ulo ng taong iyon." "Nana naman. Ang nega niyo." Singit ni Ate Mercy na kanina pa patingin-tingin lang sa kanila. "Bakit hindi ba? Paracetamol nga lang ay hirap pa tayong painumin iyon kapag nagkaka-lagnat siya, para pa kaya sa ibang sakit?" "Sabagay." Sang-ayon nalang nito sa pagitan ng pagsubo ng pagkain. "Nabanggit niyo ho ba sa kanya iyong sinabi ko na sasamahan ko siya sa doktor ngayon?" Tumango ito. "Sinabi ko iyong ibinilin mo pero wala naman siyang sinabi." Tiningnan niya ang itaas ng hagdanan. Gusto na niyang katukin ang kwarto ng mag-asawa pero nag-aalala din siyang mahimbing pa ang tulog ng mga ito. Ayaw naman niyang sirain ang umaga ng dalawa dahil sa pag-aalala niya. Pagkatapos nilang kumain ay pumasok muna siya sa kanilang silid at nagbihis siya ng damit. Hihintayin nalang niyang magising ang dalawa at saka niya aayain si Mayor na magpa-konsulta. Makalipas nga ang ilang minuto ay lumabas muli si Dianne sa silid ng marinig niyang umingay sa may kusina, indikasyon na bumaba na ang mag-asawa at kasalukuyan ng nag-a-agahan. "Magandang umaga ho." Bati niya sa mga ito na agad naglingunan ng marinig siya. "Dianne!" Tumayo si Misis Ignacio at sinalubong siya ng yakap. "Mabuti at umuwi ka muna dito. Kumusta?" Sinipat nito ang mukha niya hanggang pababa pagkatapos nitong humiwalay at pagkatapos ay ngumiti ng matamis. "Belated happy birthday nga pala, hija. Dalaga ka na talaga. Hindi ka na namin nabati noong mismong birthday mo." "Salamat po, Ma'am Agnes. Huwag niyo ho akong alalahanin. Maayos ho ang lagay ko doon. Pumapasok na nga ho ako sa ospital para sa training ko e." Nakangiti niyang tugon pero agad ding napawi ng tumingin siya kay Mayor. "May narinig po ako kay Aling Celing kaya ako umuwi ngayon." Isang buntunghininga ang pinakawalan ng ginang nang sundan ng tingin ang asawa. Si Mayor nama'y bahagyang tumaas lang ang kilay sa kanilang dalawa habang sige ang kain. "Huwag mo ng simulan, Dianne. Napakatigas ng ulo ng taong iyan." "Mayor..." Tawag niya sa ginoo at lumapit sa lamesa kasunod ni Misis Ignacio. "Magpatingin na ho kayo sa doktor. Sasamahan ko ho kayo." "Ngayong umaga ba tayo?" Napamulagat ng tingin si Misis Ignacio ganoon din sina Aling Celing at Ate Mercy na nasa kusina at naghuhugas ng mga ginamit sa pagluluto ng almusal. Siya din ay napatitig sa ginoo dahil sa sinabi nito. "Bakit ganyan ang tingin niyo sa akin?" "Talaga po? Magpapatingin na kayo sa doktor?" Di-makapaniwalang tanong niya. "Oo." "E bakit di pa kayo nagpatingin noong nakaraan? Noong kailan pa daw ho masama ang pakiramdam niyo a." "Mas mapapanatag akong magpatingin ngayon dahil may makakasama akong nurse." Biro nito. "Mayor naman. Dapat inagapan niyo ho iyan." Umiling-iling ito. "Huwag nga kayong praning. Hindi pa nga natin alam kung ano ito e. Mamaya ay nahipan lang pala ako ng masamang hangin tapos kung ano-ano na ang inisip niyo." Tiningnan siya ni Misis Ignacio ng nakataas ang kilay at makahulugang tingin na parang sinasabing 'kita mo na?' na sinagot niya ng mahinang pag-tango pagkuwa'y binalingan nito ang esposo. "Oo na, sige. Basta, ngayong araw ay kailangan mo ng magpatingin ha. Isipin mo ang anak mo kapag nalaman niya na may sakit ka kaya ngayon pa lang importanteng maagapan na natin ang dahilan ng madalas na p*******t ng ulo mo." Inabot ni Mayor ang noo ng ginang at kinintalan iyon ng magaang halik. "Oo. Ngayong umaga mismo." Binalingan naman siya nito. "Maupo ka muna, Dianne. Saluhan mo kami." "Tapos na po ako. Salamat po." Ngiti niya. Natutuwa siya sa sweetness ng mag-asawa na tila hindi kumukupas sa kabila ng pagbilang ng mga taon. Noon pa ma'y nakikita na niya kung gaano ka supportive ni Misis Ignacio sa asawa nito habang si Mayor naman ay kita ang pagiging protective at thoughtful sa ginang. "Maghahanda lang po ako para makaalis ho tayo kaagad pagkatapos niyong kumain." "Matulog ka na muna. Galing ka ba ng ospital?" Baling ng ginang. "Oho pero okay lang po ako. Mamaya nalang po ako matutulog pagdating para dire-diretso." "Naabala ka pa tuloy, Dianne." Salo ng ginoo. "Sa halip na itutulog mo ay aalis ka pa tuloy para samahan ako." "Mayor, okay lang po. Basta kayo, anumang oras." "Salamat, hija." "Walang anuman po. Maghahanda lang po ako." "Sige." Dumiritso siya sa kwarto at saglit na nahiga bago nagpasyang maligo at magbihis. Maya-maya lamang ay alam niyang tatawagin siya ng mag-asawa upang umalis na. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD