Kinagabihan ng araw na iyon ay lumabas si Dianne sa harden upang doon ay magpaantok habang pinagmamasdan ang nagkikislapang tala sa langit. Kahit papaano ay gumaan-gaan na ang pakiramdam niya dahil sinigurado ng doktor na pinag-pakonsultahan nila ni Mayor noong umaga na maayos ang kalagayan ng ginoo bagama't hinihintay pa nila ang result ng ibang test nito. Iyon nga lang dahil may history ng alta-presyon sa pamilya nito ay hindi pa rin maalis sa kanya na isipin ang magiging resulta ng mga test na sa makalawa pa lalabas.
Dagdag pa sa isipin niya ay ang nalaman mula kay Jez tungkol sa kaibigang si Carla. Kung totoo iyon ay malaki ang pagkukulang na nagawa niya sa kanyang kaibigan. Siya na naturingang kaibigang matalik nito ay walang kaalam-alam sa sa hirap na pinagdadaanan nito sa Maynila samantalang ito ang naging sandalan niya noong mga panahong kailangang-kailangan niya ng tulong habang nasa poder siya dati ng madrasta.
Kipkip ang suot na jacket ay naupo siya sa malaking bato na nasa gilid ng hilera ng Rosas. Nasasamyo niya pa kasabay ng pang-gabing hangin ang mabangong amoy ng mga bulaklak na tila naging perpekto dahil sa magandang panahon. Hindi nga lang niya gaanong mabigyang halaga ang kapaligiran dahil sa iniisip niya.
Kahit papaano naman ay nakaisip na siya ng paraan para makausap ang kaibigan niya iyon nga lang ay medyo mahirap na paraan iyon para sa kanya.
Naisip niyang sulatan nalang ulit ito ngunit hindi siya sigurado kung sasagot ito sa kanya at maliban pa doon ay sigurado rin siyang aabutin pa ng siyam-siyam ang pagdating ng sulat niya rito kaya kung sakaling sasagot man ito ay ilang linggo muna ang lilipas bago niya iyon matanggap. Sa paghihintay pa lang ng sagot ay ibayong nerbiyos na ang pagdaraanan niya samantalang sa naisip niyang paraan ay isahan lang.
Isinuksok niya ang isang kamay sa bulsa ng suot na jacket at mula doon ay kinuha niya ang isang kapirasong papel na ibinigay ni Aling Celing sa kanya. May nakasulat iyon na numero ng telepono na may area code ng Maynila at sa ibabang bahagi ay may pangalan ni Luis. Pinakatitigan niya iyon at ilang beses na bumuntung-hininga habang inuulit-ulit sa isip ang pagbabasa sa numero. Noon pa lang ay kaya na niya siguro iyong makabisa sa tagal niyang pagtitig doon.
Hindi man siya siguradong gusto niyang makausap si Luis ay sigurado naman siyang nais niyang makausap si Carla at ang una lang ang paraan upang makausap niya ang kanyang kaibigan. Dito siya hihingi ng numero ni Carla at dahil iisa lang naman ang unibersidad ng mga ito ay pihadong nagkakausap ang mga ito.
Nakiusap siya kina Aling Celing at Ate Mercy noong hapon pagkagising niya na ang mga ito na ang tumawag sa batang amo nila pero tigas sa tanggi ang dalawa. Ayon sa mga ito'y mainam daw na siya na ang tumawag upang magkaayos din daw sila ni Luis kapag nagkausap sila na sinansala niya dahil hindi naman sila nagka-sira. Hindi lang sila nagkausap sa dahilang hindi rin niya alam. Ayaw rin naman niyang alamin pa iyon kapag nagkausap sila. Ang makausap ang kaibigan ang mahalaga sa kanya sa pagkakataong iyon.
Muli niyang ipinasok ang papel sa kanyang bulsa at tumingala. Hindi siya dinadalaw ng antok dahil ilang oras din siyang natulog noong araw pagkagaling nila ni Mayor sa ospital. Maliban pa roon ay iniisip-isip rin niya ang sasabihin niya kay Luis pagkasagot nito ng telepono. Kung paano bang bati ang gagawin niya rito. Babatiin niya ba ito na parang wala lang sa kanya ang halos limang taon nilang walang komunikasyon o babatiin niya ito na may kahalong panunumbat? Ipinilig niya ang ulo dahil hindi pa rin niya alam.
Pinagbuti niya ang pagtitig sa langit at bumilang siya ng mga bituin. Iyon ang ginawa niya upang makalimutan pansamantala si Luis na noo'y alam niyang malaki na ang espasyong inuukopa sa puso niya kung ang pagbabasihan ay ang kabang nararamdaman sa gagawin niya kinabukasan.
.....
"Sige na." Untag nina Ate Mercy at Aling Celing sa kaniya habang nakatanghod siya sa harapan ng telepono. Ayon sa mga ito ay tamang-tama raw ang tiyempo ng pagtawag niya dahil walang pasok si Luis kapag araw ng linggo sa eskwela kaya paniguradong nasa apartment nito ang binata at masasagot nito ang tawag niya.
Nang hindi siya tumalima ay si Ate Mercy na mismo ang nag-angat ng handset at nag-dial ng numero sa kabila ng protesta niya. "Hindi ka niyan matatapos kung di ka magda-dial ng numero." Paninita nito sa kanya. Pilit niyang inaagaw rito ang telepono pero sige naman ito ng iwas sa kanya sabay senyas na huwag siyang maingay. Nang maulinigan niyang nagri-ring iyon ay saka iyon ipinasa ni Ate Mercy sa kanya. Aligaga niya iyong tinanggap at nagdasal na sana ay walang sumagot sa kabilang linya.
Ilang ring pa ang hinintay niya at magpapasya na sana siya na ibaba ang handset nang biglang may nagsalita sa kabilang linya. Malaki at mababa ang boses ng lalaking sumagot at ibang-iba kaysa sa nakasanayan niya gayunpaman ay alam na alam niya pa rin kung sino ang nagmamay-ari niyon. Hello lang ang sinabi nito pero tila may bumara na sa lalamunan niya. Pinanlakihan naman siya ng tingin ng dalawang kasama nang marinig ng mga itong may nagsasalita na sa telepono.
"Hello. Sino ito?" Ulit ng nakasagot nang hindi siya magsalita kaagad.
"Hello." Aniya at pasimpleng hinawakan ang bandang dibdib dahil medyo napapabilis na ang pag-hinga niya. Sa isip niya'y gustong-gusto na niya itong tanungin at sumbatan ng walang tigil para sa limang taong hindi nito pakikipag-usap sa kanya pero pinigilan niya ang bibig dahil sino ba siya? Baka nga hindi na siya nito kilala at tanungin pa siya nito kung sinong Dianne siya.
"Yes. Sino ito?" Nahalata niya sa kausap ang pagmamadali at tila disgusto sa pakikipag-usap kaya mas lalo siyang kinabahan. Inisip nalang niya kung bakit niya ginawa ang tawag na iyon.
"Hello po. Si D-dianne po ito. Pwede ko ho bang makausap si Luis?" Nauutal niyang tanong. "Si Luis Ignacio ho."
Paghinga sa kabilang linya ang sunod niyang narinig bago ito nagsalita. "Dianne?"
Nakagat niya ang ibabang labi sa narinig. Sinasabi na nga ba niya e. Hindi na siya nito kilala. Humihingi ng saklolo ang tingin na ibinigay niya sa dalawang kaharap. Tumango-tango naman ang mga ito.
"O-opo. Si Dianne po ito. Iyong kasambahay ho ninyo dito sa San Isidro. Nakatira ho ako sa bahay ng magu..." Naputol ang sasabihin niya ng bigla itong sumingit sa kabilang linya.
"Stop talking." Masungit nitong saway sa kanya. "I know who you are. Ang dami-dami mong sinabi."
Kung kanina ay kabado siya dahil sa pag-aalalang hindi siya nito makilala, ngayon naman ay bumangon ang inis niya para dito sa paraan ng pakikipag-usap nito sa kanya. At pa-ingles ingles pa ito? Akala ba nito ay hindi siya nakakapag-salita ng ingles? Diyata at minamaliit siya nito.
"Alam mo naman pala e. Bakit nagtanong ka pa kung sino ako?" Hindi niya mapigilang mag-sungit rin dito. Sa kaunting segundo ay nakalimutan niya ang pakay kung bakit siya tumawag.
"Hey. Ikaw ang tumawag siyempre tatanungin kita kung sino ka. Anong akala mo sa akin manghuhula?" Umikot ang mga mata niya sa narinig. Kakaiba rin ang masamang naidulot ng Maynila dito. Pilosopo na, salbahe pa.
"Sinabi ko bang hulaan mo? Kaya nga ako nagpakilala 'di ba? Tapos inulit mo pa ang pagbanggit sa pangalan ko ng patanong na ang ibig sabihin ay tinatanong mo kung sino akong Dianne, di ba? Ikaw nga itong di pa nagpapakilala e. Di ko nga alam kung si Luis na ba itong kausap ko." Walang prinong pamimilosopo rin niya.
Nagtagpo ang kilay nina Aling Mercy at Aling Celing sa pagkakatingin sa kanya na hindi niya alam kung siya ba ang pinapatungkulan niyon o si Luis.
Humugot ito ng malalim na paghinga na rinig na rinig niya. Nag-alala tuloy siyang baka bigla siya nitong babaan ng telepono at hindi niya ito matanong tungkol kay Carla.
"Si Luis nga ito. Anong kailangan mo? Bakit ka tumawag?" Parang pigil na pigil itong pagalitan siya sa uri ng pananalita nito.
Kinalma naman niya ang sarili bago siya uli sumagot. Mahirap na. Baka nga bigla nitong ibagsak ang telepono kapag namali siya ng sagot dito. "Si Carla." Panimula niya. "May numero ka ba niya? Gusto ko sanang mang-hingi kung mayroon." Kataka-takang nabago niya kaagad ang boses sa kaunting sandali lamang na lihim niyang ihininga ng maluwag.
Payak itong tumawa sa sinabi niya. "At bakit mo naman naisip na mayroon akong numero niya? At kung mayroon man, bakit mo naisip na ibibigay ko iyon sa iyo?" Sarkastiko nitong wika.
Doon ay bumalik ulit sa inis ang nararamdaman niya. Pakiramdam pa nga niya ay umusok ang kanyang ilong sa sinabi nitong iyon. "Ang salbahe mo."
"Pwede mo siyang contact-in sa ibang paraan. May social media naman. Nasubukan mo na ba iyon?" Pambabalewala nito sa sinabi niya. Narinig na niya iyong social media pero hindi niya naisip na kontakin doon ang kaibigan dahil wala naman siyang cellphone. "Huwag mong sabihing gusto mo lang talaga akong makausap?"
"Luis." Nauubos na ang pasensyang tawag niya sa pangalan nito.
"Uh?"
Tinatawanan na ba siya nito?
"Naiinis na ako sa'yo. May number ka ba niya o wala?"
"Hep hep." Pigil nito sa kanya. "Galit ka sa akin dahil sa numero? Di sana ay kay Jez ka nalang nagtanong ng social media account ng kaibigan mo. Close naman kayo di ba?"
"Anong close? Si Jez?" Kunot ang noong paninigurado niya. Paanong nasama si Jez sa usapan nila?
"Oo. Siya nga. Marami kayong pictures na magkasama a. Bakit hindi ka sa kanya magpatulong?"
Bumuntung-hininga siya at naiinis na tinitigan ang telepono. Saan naman nito nakita ang mga litrato niyang kasama si Jez e siya nga ay hindi alam ang mga iyon? Naiiling na tumingin siya sa mga kasama. Mabuti pa nga siguro ay kay Jez siya nagpatulong. Hindi pa siguro nasayang ang oras niya.
"Mabuti pa nga siguro sa kanya na ako nagtanong. Naabala pa tuloy kita." Sarkastiko niyang sagot sa suhestiyon nito. "Sige na. Salamat sa pagsagot mo." Ibababa na sana niya ang telepono ng marinig ang pangalan niya.
"Dianne." Malumanay nitong tawag sa pangalan niya. Ganoon siya nito tawagin noon sa tuwing gusto nitong makipag-bati pagkatapos ng away nila. Kunot-noong ibinalik niya ang telepono sa kanyang tainga.
"Bakit?" Naiinis man ay bumaba rin ang boses niya upang mabigo lang sa sunod niyang narinig.
"Di ko narinig na tinawag mo akong kuya. Ano nakalimutan mo na?"
Tumaas ang kilay niya. Limang taon na hindi sila nag-usap tapos tatanungin siya nito kung nakalimot siya?
Siya?
Siya na nalungkot dahil sa pag-alis nito? Siya na lihim na iniyakan ang balitang naging katipan nito si Carla? Siya na lagi itong naiisip kahit saan man siya magpunta? Siya? Siya?
Nagpupuyos sa inis ang dibdib niya.
Nagbago na nga ito sa paglipas ng mga taon pero may nanatili pa rin sa ugali nito. Maliban sa pagiging pilosopo at salbahe nito ngayon, naroon pa rin ang pagiging demanding nito katulad ng dati.
"Ang salbahe mo kaya tapos gusto mo pang tawagin kitang kuya? Swerte mo." Sa isip-isip niya'y gusto niyang idugtong na 'ang tagal-tagal mong di ako kinausap tapos ngayon parang wala lang?' na siyempre pa ay hindi niya isinantinig.
"Dianne..!" Mas matigas na tawag nito sa pangalan niya. Binalewala niya iyon total naman ay malayo ito sa kanya. Hindi siya nito kayang pitikin sa noo mula sa kinaroroonan nito ngayon.
"Bakit ba?"
"Bakit hindi ka manlang tumawag sa akin sa loob ng ilang taon?" Biglang nitong tanong sa seryosong boses. Nawala ang kaninang sarkastiko at mapang-asar nitong tono na naging dahilan upang tumahip ang dibdib niya. Ano ba ang nais nitong palabasin? "Kahit isang beses lang?"
"Hindi ko alam ang numero mo." Tanging nasambit niya.
"Itinanong mo sana kay Nana. Bakit ngayon nakatawag ka naman?" Ayaw man niyang isipin pero nahimigan niya sa boses nito ang panunumbat na dapat sana ay sa kanya nagmula. Bakit siya ang tila masama samantalang hindi rin naman ito sumubok na kausapin siya?
"Bakit hindi ka sumulat man lang kung hindi mo alam ang numero ko?" Muli ay tanong nito.
Siya ba ang sinisisi nito kung bakit wala silang komunikasyon? Bakit siya? "Teka..." Aniyang naguguluhan. "Bakit tinatanong mo ako ng ganyan?"
Marahas na paghinga ang pinakawalan nito bago ito sumagot. "Sorry." Saglit itong tumigil at idinugtong. "Nabigla lang ako."
Hindi siya sumagot at pinakinggan lang ang susunod nitong sasabihin. Muli ay huminga ito ng malalim at pabiglang sinabi. "Huwag ka ng magtanong kay Jez. Ibibigay ko na ang numero ni Carla."
"Salamat." Tanging nasambit niya.
"Huwag ka na ring makipag-usap sa taong iyon." Pahabol nito. "Kung may kailangan ka ako na ang tawagan mo."
"Mabait naman si Jez a." Pagtatanggol niya sa kaibigan nito.
"Matalik kong kaibigan 'yung taong iyon kaya alam ko." Bumalik ito sa tono nito kanina na kinainisan niya. Mukhang gino-good time na naman siya nito. "Pero kahit ganoon ay 'wag ka pa ring makipag-usap dun."
Umirap siya. "Iwan ko sa'yo. Akin na yung number."
"Ibibigay ko bukas. Tumawag ka ulit."
"Ngayon na. Ngayon na ako tatawag kay Carla."
"Akin na ang cellphone number mo, i-message ko sa'yo."
"Wala akong cellphone." Nauubusan ng pasensiyang wika niya.
"Saglit lang. Ang demanding mo na a." Reklamo nito at saglit itong nawala sa linya. Pagbalik nito ay idinikta nito ang cellphone number ni Carla na isinulat niya sa papel na nasa lamesa. "Diyan mo siya tawagan."
Ang problema nalang ngayon ay kung paano niya makakausap ang kaibigan kung wala naman siyang cellphone na pwedeng gamitin sa pagtawag dito pero hindi na niya iyon isinantinig dito. Ang mahalaga ay may numero na siya nito.
"Huwag kang magkakamaling humiram ng cellphone ni Jez."
"Ewan ko sa'yo. Paano ako manghihiram dun e wala naman siya dito." Kahit hindi niya ito kaharap ay umirap siya. "Sige na."
"U-uh."
"Ba-bye."
Pagkababa niya ng telepono ay parehong nakatitig sina Aling Celing at Ate Mercy sa kanya na sabik na naghihintay sa sasabihin niya. Walang siyang nagawa kung hindi i-kwento sa mga ito ang lahat ng mga sinabi ni Luis na ikinatuwa ng dalawa at ipinagtaka naman niya.