Lumipas pa ang ilang araw bago tuluyang nakatawag si Dianne sa numerong ibinigay ni Luis sa kanya. Iyon ay matapos siyang bumili ng mumurahing cellphone at magpatulong sa isang kaklase kung papaano iyon gamitin.
Kabado niyang i-dinial ang numero ng kaibigan na hindi naman naglaon ay sumagot din kaagad sa kabilang linya at sa unang pagsabi niya pa lamang ng hello ay kaagad na nitong nakilala ang boses niya.
"Dianne?!" Ang nagulat na sambit nito sa pangalan niya.
"Ako nga, Carla. Kumusta ka na?"
"Dianne..." Muli nitong sambit pagkatapos ay bumunghalit na ito ng iyak na sinabayan niya rin. Sa gitna ng kanilang iyakan ay ang paisa-isa nitong pagku-kwento tungkol sa pinag-daanan nitong suliranin sa Maynila partikular na ang problemang pinansiyal na naging dahilan upang pumasok ito ng part-time job habang ito ay nag-aaral katulad niya noong high school. Ang kaibahan nga lang ay wala siya doon upang tulungan ito katulad ng ginawa nito sa kanya noong mga panahong kailangan niya ng kasama.
"Patawarin mo ako Dianne kung di kita nasabihan sa problema ko. Gusto ko rin namang sumulat sa'yo kaso nga lang ay ayoko namang ng dahil sa akin ay maapektuhan pa yung pag-aaral mo."
"Carla naman. Kaibigan mo ako. Pwede mong sabihin ang lahat sa akin lalo na kung nahihirapan ka na. Para ano pa at naging kaibigan mo ako?"
"Alam ko. Bayaan mo at okay naman na ang sitwasyon ko. May trabaho na ulit ang Papa kaya kahit paano ay may nakakatulong na ulit ang Mama sa mga gastusin namin."
"Kumusta ang eskwela mo?" Puno ng pag-aalalang tanong niya.
"Huwag kang mag-alala at maayos naman. Talagang sa gastusin lang kami nagka-problema. Ikaw naman ang kumusta?" Sumisinghot ng ilong na tanong nito sa kanya.
"Maayos ang kalagayan ko. Dito pa rin ako sa kabilang bayan katulad ng isinusulat ko sa'yo. Paminsan-minsan ay umuuwi ako ng San Isidro para dalawin sila pero madalas ay sa telepono lang ang komunikasyon ko sa kanila."
"E si Luis, nagkakausap ba kayo?"
Kahit wala ito sa harap niya ay umiling-iling siya. "Noong nakaraang linggo ko lang siya nakausap muli pagkatapos ng limang taon. Sa kanya ko nakuha itong numero mo."
"Ano?" Gulat nitong tanong. "Hindi kayo nag-uusap?"
"Oo."
"Kahit sulat?"
"Oo."
"Ganoon?" Ilang sandali itong nanahimik sa kabilang linya na parang may iniisip bago ito muling nagsalita. "Akala ko ay sumusulat siya."
"Hindi." Balewala niyang wika. "Pero hayaan mo siya. Ang mahalaga ay nagkausap na tayo ngayon."
Kahit hindi niya kasama ang kaibigan ay alam niyang ngumiti ito sa sinabi niya. Sa mga oras na iyon ay ito ang tanging mahalaga sa kanya.
"Dianne..." Banggit ni Carla sa pangalan niya.
"Uh?"
"May sasabihin sana ako?"
"Uh? Ano 'yun?"
"May nagtanong kasi sa akin na dati nating kaklase noong high school kung kami daw ni Luis?" Tumahip ang dibdib niya pagkarinig niyon. Ngayon na yata niya maku-kumpirma ang balita tungkol sa mga ito. Hindi nga siya nagkamali sa kanyang hinuha pero nakahinga siya ng maluwag ng marinig ang sunod nitong sinabi. "Hindi iyon totoo Dianne ha. Baka lang kasi nakaabot sa'yo ang ganoong balita. Kahit nagkakausap kami ni Luis sa eskwela ay hindi siya kailanman nagpakita ng pagkagusto sa akin."
Pilit niyang binura ang gumuguhit na ngiti sa labi nang marinig iyon. Wala namang dahilan upang ngumiti siya e. Ang kumpirmasyong iyon ay walang kinalaman sa kanya.
"Hindi mo naman kailangang sabihin sa akin iyon. E ano kung totoo iyong balita o hindi?" Pagtatakip niya sa sariling damdamin. Hindi nalang niya sasabihin sa kaibigan na iniyakan niya ang balitang iyon nang una niyang marinig at ilang gabi namang hindi siya niyon pinatulog ng maayos pagkatapos.
Humugot ito ng malalim na paghinga. "Siguro nga. Lalo at masaya ka naman yata kay Jez?" May halong pag-aalangan ang huli nitong sinabi.
Kumunot ang noo niya. Paanong napasok na naman si Jez sa usapan nilang iyon ng kaibigan?
"Kami ni Jez? Masaya ako sa kanya? Anong ibig mong sabihin?" Nagugulumihan niyang tanong.
Natawa ito sa tanong niya. "Na boyfriend mo siya. Ano pa ba?"
"Ano?" Natatawa niyang tanong. "Si Jez? Saan mo naman nabalitaan 'yan?"
"Sa social media account niya. Marami siyang post ng pictures niyong dalawa."
Unti-unting niyang naalala ang mga pagkakataong kasama niya si Jez na kung saan ay panay ang kuha nito ng litrato katulad na lamang noong inaya siya nito sa sentro upang mamasyal. Iyon marahil ang mga litratong sinasabi ng kaibigan at ni Luis pero hindi niya alam ang ibig sabihin ng tinutukoy nitong post.
"Hindi kami magkatipan kung 'yun ang nais mong malaman, Carla. Nag-uusap kami dahil siya lang ang kakilala kong galing ng San Isidro na kumakausap sa akin." Paliwanag niya. "Kaibigan ko siya at para sa kaalaman mo, iba ang gusto niya." Dagdag niya ng may panunudyo ng maalala bagaman at hindi direktang inamin ni Jez na may crush ito sa kaibigan niya. Naisip niya tuloy paano kung maging tulay siya sa dalawa ngayong nalaman niyang wala naman palang namamagitan kina Luis at Carla.
"Hindi mo rin naman kailangang ipaliwanag sa akin iyan. Masaya ako kung saan ka masaya." Rinig niya ang totoong saya sa boses ng kaibigan ng sabihin iyon. Alam niyang iyon ang muling simula ng pagkakausap nila.
Ilang sandali pa ang lumipas bago sila nagpasyang magpaalam sa isa't-isa. Pero bago sila tuluyang nagpaalam ay nangako muna silang magtatawagan muli. Noon din ay natapos ang ilang taong tampo niya sa kaibigan na saglit lamang nabura nang magkausap na sila.
.....
Matuling lumipas ang panahon at tuluyan ng naka-gradweyt si Dianne sa kolehiyo kasabay si Carla na nagtapos ng Bachelor's of Pharmacy at si Jez na nagtapos naman ng kursong Electrical Engineering bagama't sa magkakaibang paaralan sila nagtapos.
Tuloy-tuloy na ang komunikasyon nila ni Carla na noon ay nagsimula agad ng trabaho nang makapasok ito sa isang kilalang pharmaceutical company samantalang siya nama'y nagtuloy-tuloy ng trabaho sa hospital na pinag-OJT-ihan niya nang ma-absorb siya.
Patuloy rin ang pag-uusap nila ni Jez kahit na sinabihan siya dati ni Luis na huwag siyang makipag-usap dito. Sa isip niya'y hindi naman iyon malalaman ng huli lalo at hindi naman na sila nag-usap muli pagkatapos niyang kunin rito ang numero ni Carla.
Naging kapansin-pansin na rin ang palagiang pagtatanong ni Jez tungkol kay Carla nang malaman nito na nag-uusap na silang magkaibigan. Panay naman ang tudyo niya rito at inudyukan itong tawagan si Carla at binigyan niya pa ito ng numero ng kaibigan pero lumipas na ang ilang buwan ay nanatiling tikom ang bibig ni Jez sa kung nagkausap na ba ang mga ito at sa huli ay makumpirma niya kay Carla na hindi pa rin pala ito tumatawag dito.
Lumipas pa ang tatlong taon at nagtapos naman si Luis sa law school na dinaluhan ng magulang nito pero kasabay niyon ay ang kapansin-pansing pagbabago sa katawan ni Mayor Ignacio na kamakailan lang tuluyang nagpakita ng malalang sintomas na maaring magdulot dito ng stroke kapag napabayaan.
Kaysa noong mga nakaraang buwan ay mas naging madalas na ang kanyang pag-uwi upang tutukan ang kalusugan nito na patuloy pa rin sa pagsisilbi sa bayan. Dahil sa kalusugan ni Mayor ay ipinaalam siya sa mag-asawang Ignacio ang balak na sa San Isidro Municipal Hospital nalang magtrabaho upang mas malapit siya sa mga ito pero pinigilan iyon ng dalawa.
Ani ng mga ito ay masasayang ang oportunidad ng pagta-trabaho niya sa moderno at malaking hospital sa katabing bayan kung aalis siya at lilipat ng San Isidro na kung saan ay maliit na hospital lamang ang mayroon kaya dinalasan nalang niya ang pag-uwi upang kahit papaano ay mabantayan ang kalusugan ni Mayor at maalalayan ito.
Katulad ngayon, kakalabas niya lang ng hospital at bibiyahe siya kaagad papunta sa San Isidro. Araw kasi iyon ng regular check-up ni Mayor at palagi ay umuungot ito na samahan niya sa tuwing ito ay pupunta ng ospital na pinagbibigyan naman niya.
Pagkatapos ng kanyang duty ay kaagad niyang tinungo ang nurse's private room kung saan naroon ang locker nila. Habang binibihisan ang uniporme ay tumunog ang cellphone niyang ilang taon na rin niyang ginagamit. Tiningnan niya iyon at napakunot ng noo ng makitang tawag iyon mula kay Ate Mercy na katulad niya'y may cellphone na rin na keypad. Hindi ugali ng mga kasama niya na tawagan siya kung hindi iyon emergency. Kinakabahang dinampot niya iyon at sinagot.
"Ate Mercy, may problema po ba?
"Dianne, matagal ka pa ba? Pumarito ka na..si Mayor." Aligagang kwento nito habang nagmamadali at sa background ay naririnig niya ang mando ni Aling Celing.
"Bakit po?" Minadali niya ang pagbibihis at kaagad na iniligpit ang mga gamit. "Ano pong nangyari Ate Mercy?"
"Bigla na namang sumakit ang ulo niya. Nagising siyang masakit ang ulo. Hindi namin alam ang gagawin namin."
Tinakbo na niya palabas ang hospital. "Tatawagan ko po ang doktor niya. Nandiyan po ba si kuya Diego?" Tukoy niya sa bagong driver ni Mayor na noong kailan niya lang nakita.
"Wala.
"Tawagan niyo ho at dalhin niyo kaagad sa hospital." Ang tinutukoy niyang hospital ay ang pribadong hospital sa probinsya nila na kung saan ay nagta-trabaho ang pribado nitong doktor. Iyon ang masasabing pinakamaganda, progresibo at pinaka-modernong hospital sa buong probinsya na sumasakop sa San Isidro. "Doon na ako pupunta ngayon. Doon nalang tayo magkita. Tawagan niyo ho ako kapag nasa biyahe na kayo."
"O sige, Dianne."
Pagkapatay niya ng cellphone ay tamang-tama naman na papalabas na siya sa exit ng hospital. Kaagad niyang tinawagan ang numero ng doktor at sinabi rito ang nangyari pagkatapos ay dumako na siya sa sakayan ng bus papunta sa hospital na pagdadalhan kay Mayor.
Dahil maaga pa noon ay mangilan-ngilan lamang ang bus na dumadaan na may ruta patungo sa hospital ng Saint Anthony. Naghintay pa siya ng ilang minuto pa pero mas dumalang pa lalo ang mga dumadaang utility vehicles.
Nagpabaling-baling siya ng tingin upang humanap ng habal-habal. Marami naman niyon sa probinsya nila iyon nga lang ay di hamak na mas mahal ang bayad kaysa sa mga sasakyang pampubliko. Nang may dumating na motor ay kaagad na pumara iyon kahit hindi pa siya nagpapapara kaya bahagya siyang napaatras. Kung hindi nagtatanggal ng helmet ang driver ng motor ay hindi pa siya mapapanatag.
"Saan ka ba pupunta? Halika. Sumakay ka na." Malakas ng boses na aya ni Jez sa kanya.
"Sa Saint Anthony ako. Wala kasing dumadaan na bus ngayon papunta roon e."
Kumunot ang noo nito. "Sinong nasa hospital?"
"Si Mayor. Nagising ngayong umaga dahil sa sakit ng ulo. Ipinapatakbo ko sa Saint Anthony kaya doon na ako pupunta."
"Halika na." Muli ay aya nito sabay hubad ng helmet at iniabot sa kanya. "Wala akong ibang dala kaya ito na muna ang gamitin mo."
"Hindi ka ba malalayo sa pupuntahan mo? Pwede naman akong mag-abang nalang dito e." Nag-aalala niyang tanong.
"Ayos lang. Halika na. Mag-aalala din pihado ang Itay kapag nalaman ang balita kaya mas maigi na naroon ako."
"Paano ka? Wala kang helmet na suot?"
Bahagya itong ngumiti. "Wala namang problema sa akin iyon e. Ang mahalaga ay ligtas ka. Mamaya ay mapagalitan pa ako ni boss e."
Hindi na niya binigyang pansin ang huli nitong sinabi. Hinawakan niya ang helmet na inaabot nito sa kanya at mabilis niyang isinuot iyon sa kanyang ulo. Wala siyang dapat aksayahin na oras kaya sumakay siya kaagad sa likuran ng motorsiklo. Nang masigurado ni Jez na okay na siya ay pinatakbo na nito ang motor. Mabilis ngunit sigurado sa bawat tahak nito.
.....
Pagkarating sa entrance ng ospital ay agad-agad siyang bumaba at matapos alisin ang helmet at maibigay iyon kay Jez ay pumasok kaagad siya sa loob. Nagsabi nalang ito na susunod sa kanya.
Dumiritso siya sa information at nagtanong kung dumating na ba doon si Mayor Ignacio.
Saglit na tumingin ang staff sa kaharap nitong computer at pagkatapos ay umiling-iling sa kanya. "Wala naman po, Ma'am."
Kinuha niya ang kanyang cellphone sa kanyang bulsa at tiningnan kung may tawag mula kay Ate Mercy ngunit wala. I-dinial niya ang numero ng kasama at nang mag-ring iyon ay kaagad itong tinanong.
"Ate, nasaan na po kayo?"
"Aw Dianne, pasensya na di kita natawagan agad. Narito pa kami sa bahay. Ayaw namang umalis ni Mayor e. Maayos na daw kasi ang pakiramdam niya kaya ayaw ng umalis. Narito na nga si Diego kanina pa."
"Ganoon ho ba?" Medyo nakahingang wika niya. "Mabuti naman at om-okey ang pakiramdam niya. Narito na ako sa hospital ngayon. Akala ko narito na kayo."
"Ayaw umalis e. Nasa taas nga rin si Ma'am Agnes at kinukumbinsi pa rin si Mayor. Aywan ko lang kung mapapayag niya."
"Regular check-up din niya sana ngayon e pero di bale. Kakausapin ko nalang muna si Doc."
"O sige. Pupunta ka ba dito?"
"Oho. Pagkatapos ko ho rito."
"O sige. Mag-iingat ka."
"Opo. Salamat po ate Mercy." Pagkapatay niya ng tawag ay eksakto namang humihingal na dumating si Jez. Sinabi niya rito ang nangyaring pag-tanggi ni Mayor na madala sa ospital kaya kakausapin muna niya ang doktor upang matanong ito sa dapat nilang gawin. Nag-presenta itong sumama kaya magkasunod nilang tinungo ang opisina ng pribadong doctor.
"Doc. Good morning po." Bati niyang bungad pagkabukas ng pintuan sa medyo may katandaan ng lalaki sa loob ng silid. Kilala na siya nito dahil sa ilang beses nilang pagkikita sa tuwing sinasamahan niya si Mayor Ignacio sa mga check-up nito. Bagama't medyo payat ito ay kita namang maliksi ang lalaki ng tumayo ito at sinalubong sila.
"Dianne, halika muna. Hintayin mo nalang ako at naghahanda na ako sa pagpunta sa San Isidro. Magsabay na tayo."
"Alam na ho ninyo ang nangyari? Mag-i-imporma palang ho sana ako." Medyo nagulat niyang tanong rito.
"Aba'y oo. Tinawagan ako nung anak ni Mayor, si Luis ba, kaya heto at pupuntahan ko nalang dun sa bahay ninyo. Medyo matigas talaga ang ulo ng taong iyon e." Umiling ito at tumingin sa gawi ni Jez at sinilip ito sa ilalim ng antipara nito.
"Ito ba si Luis? Aba'y akala ko nasa Manila ka?"
"Naku hindi ho. Si Jez po ito, kaibigan ko ho. Ihinatid niya lang po ako dito dahil walang masakyang bus doon sa labasan."
Tumaas ang kilay nito sa pagkakatitig sa kasama niya pagkuwa'y bumaling sa kanya. "Ganoon ba?"
"Oho." Aniya at pilit na nginitian si Jez na tinanguan lang siya. "Paano ho, sabay na ho tayo sa paglabas dito?"
"Oo sige. Sabay na rin tayo sa sasakyan ko. Iisa lang naman ang pupuntahan natin e."
"Ah..." Napakamot si Jez ng ulo ng magsalita ito. "Ako na po ng maghahatid kay Dianne. Doon din naman ho ang punta ko e."
Saglit lang itong tiningnan ng doktor at pagkatapos ay muling itong tumingin sa kanya. "O sige. Ikaw ang bahala. Mag-iingat ka."
"Opo. Kayo din po, ingat kayo. Kita nalang po tayo doon."
"Sige."
Tahimik silang lumabas ni Jez ng kwarto at nang makalabas ay sabay pa silang nagkatinginan. Walang sabi-sabing ngumisi ito sa kanya at nang-aasar na nag-wika. "May gusto ba sa'yo iyon?"
"Sira ka ba? Mas matanda pa iyon sa Itay ko kung nabubuhay pa." Tawa niya. "May anak daw siyang irereto niya sa akin. Hindi siya."
"Talaga? Aw patay ang boss ko nito."
Naipilig niya ang ulo pagkarinig ulit ng salitang boss. Parati kasi nitong nababanggit iyon. "Umamin ka nga sa akin, sino ba ang boss mo?"
"Bakit gusto mong malaman?"
"Lagi mo kasing binabanggit, 'magagalit ang boss mo, ngayon naman patay ang boss mo'. Sino ba siya?"
"Yun? Huwag mo ng alamin. Pinakamasamang boss 'yun sa balat ng lupa."
Siningkitan niya ito ng tingin at nang ngumisi ito ay napa-iling nalang siya at pinaspasan ang lakad palayo rito.
.....