Mahigit alas siyete y media nang tawagin si Dianne ni Aling Celing doon sa kanilang silid kung saan siya pilit na nagbabasa ng kanyang kwaderno kahit na wala naman talaga siyang naiintindihan. Nagre-review siya para sa kanilang nalalapit na pagsusulit pero kanina pa lumilipad ang isip niya at hindi niya alam kung paano niya iintindihin ang mga nababasa roon lalo na ang science at mathematics. Simula kanina, pagkatapos niyang tumulong sa pagluluto ni Aling Celing ay pumasok na siya sa silid nila at hindi na muling lumalabas.
"Dianne, di ka pa ba kakain?" Kumatok ang matanda sa dahon ng pinto pagkatapos ay sumilip ang ulo sa siwang niyon. Mula sa pagkakadapa sa kanyang tulugan ay iningat niya ang ulo upang makita ito.
"Hindi pa ho ako tapos e."
Tuluyan nitong binuksan ang pintuan at pumasok roon. Lumakad ito palapit at umupo sa higaan niya. "Ano ba 'yang binabasa mo?"
Itinaas niya ng bahagya ang isa niyang notebook sabay kamot sa ulo. "Aralin ho. Malapit na ang test namin e."
"Ayan pala. Kaya pala hindi rin maistorbo si Luis sa library. Hindi pa rin kumain iyong isang iyon."
Umupo siya sa kanyang higaan. "Talaga ho?"
"Oo. Pinuntahan ko kanina, nakasubsob yung mukha sa libro e."
Natawa siya sa sinabi ni Aling Celing na imwenestra sa kanya sa eksaheradong paraan kung paanong pagbabasa ang ginagawa ni Luis.
"Grabe naman po 'yan, Aling Celing."
"Totoo ang sinasabi ko." Seryosong wika nito. "Ganyan talaga siya magbasa ng libro. Kung ako sayo gayahin mo yung batang yun, 'di ba ang talino?"
"Tama naman kayo doon kaso kahit kainin ko pa 'tong lahat alam ko pong hindi ako tatalino." Tawa niyang biro sabay turo sa mga libro sa harap niya sa matanda na humagalpak rin ng tawa.
"Itong batang ito. Tigilan mo nga iyan."
"Totoo ho iyon."
Nang humupa ang tawanan nilang dalawa ay bahagya siyang tinampal ng matanda sa palad. "Hala, lumabas ka muna para kumain. Kung anu-ano ang iniisip mo." Tumayo na ito at tiningnan ang orasan nito na nakapatong sa lamesa sa gilid ng kama nito. "Tingnan mo ang oras, lagpas alas-siyete na."
"Sige ho, Aling Celing. Lalabas na po ako."
"Sige." Lumabas ito ng silid at nang mapag-isa na siya ay saglit siyang humiga bago tuluyang bumangon at tumayo. Patamad siyang lumabas ng silid at tinungo ang kusina. Pagdating doon ay nadatnan niyang naghuhugas sa may lababo si Ate Mercy habang si Aling Celing naman ay nasa may sala at nanonood ng telebisyon.
"O Dianne, tapos ka na sa binabasa mo?" Lingon ni Ate Mercy sa kanya.
Umingos siya. "Di pa nga ho e." Nilagpasan niya ang malaking lamesa at lumapit sa kinatatayuan ni ate Mercy kung saan nakapwesto ang lagayan ng mga pinggan. Kumuha siya ng isa roon at dinala iyon sa lamesa at umupo.
"Mas maigi pa yan na kumain ka muna ng hapunan bago mo tapusin ang binabasa mo." Ani nito habang isinasalansan ang mga bagong hugas na pinggan sa lagayan.
"Kaya nga ho, e."
Mula sa lagayan ng ulam at kanin na tinatakpan sa lamesa ay naglagay siya sa kanyang pinggan habang sa isang maliit na mangkok ay kumuha naman siya ng ginisang monggo at tahimik na nagsimulang kumain.
"Makanood nga din muna ako ng palabas. Doon muna ako kay Nana celing, ha." Paalam ni Ate Mercy pagkatapos nitong maghugas ng mga pinggan at iba pang ginamit ni Aling Celing sa pagluluto kanina.
"Sige lang, Ate."
Magana siyang sumubo. Sa kakabasa niya ng kanyang mga kwaderno ay hindi na niya naramdaman na kumakalam na pala ang kanyang sikmura. Hindi na rin niya namalayan na gabi na pala dahil pagpasok niya kanina ay lagpas alas singko pa lamang iyon ng hapon.
Habang kumakain ay patingin-tingin siya sa hagdan sa pag-aalalang makitang pababa roon si Luis. Hindi sa hinihintay niyang magkita sila, ang totoo ay ang kabaliktaran niyon ang gusto niya dahil sa nakita niyang hilatsa ng mukha nito kanina ay may pakiramdam siyang galit ito sa kanya. Ang tanong lang ay kung bakit? Siya nga ang dapat na sumama ang loob rito dahil sa ginawa nito kanina at kahit noong mga nakaraang araw man na sa tuwing kasama nila si Carla ay hindi siya halos kausapin nito tapos ngayon na binigyan niya ang mga ito ng pagkakataong magkasama ng wala siya ay magagalit ito sa kanya?
Pinuno niya ang bibig ng pagkain at ng malunok iyon ay sinunod-sunod na niya ang subo. Bibilisan nalang niya ang kanyang pagkain upang hindi sila nito magpang-abot doon sa kusina. Hindi niya alam kung kakausapin ba siya nito o pagagalitan siya kapag nagkita muli sila sa araw na iyon at kung mangyari man na magkita nga sila ay hindi siya handa para sa huli.
Nang maisubo ang huling kutsara ng pagkain na nasa pinggan ay agad siyang tumayo at binitbit ang pinggan at mangkok sa lababo upang mahugasan iyon pagkatapos ay nagmadali siyang lumakad pabalik sa silid.
"Dianne!" Napabalik siya sa b****a ng pasilyo nang marinig ang tinig ni Aling Celing. "Tapos ka na kumain?" Takang dugtong nito pagkakita sa kanya.
"Opo."
"Teka lang. May gagawin ka pa ba?"
Nilingon niya ang tutunguhing silid. "Opo. Di pa ho ako tapos mag-review."
Tumayo ito at iniwan ang panonood at ang katabing si Ate Mercy para lumapit sa kanya. "Halika muna." Marahan siya nitong hinila pabalik sa kusina. "Hatiran mo muna ng hapunan si Luis. Anong oras na kasi, di pa rin lumalabas yung batang iyon. Baka lumabas ang mama niya at magtanong."
"Baka ayaw pa ho niya. Hayaan niyo nalang muna." Tanggi niya rito gayunpaman ay iniwasan niyang ipahalata sa matanda na umiiwas talaga siya sa binatilyo.
Umiiling-iling si Aling Celing at kumuha na ng pinggan at mangkok habang siya'y nakamata dito na hindi na alam ang gagawin. "Saglit lang naman ito. Sige na. Tatapusin namin ni Mercy yung pinapanood naming palabas. Pagkahatid mo e di labas ka na agad."
"Pero, ano ho kasi..." Kumakamot sa ulong wika niya.
Mula sa pagkakatalikod at pagsasandok ng pagkain ay gumawi sa kanya ang tingin ni Aling Celing. "Ano 'yun?"
"Kasi di ba ho, nagre-review siya? Baka mapagalitan ho ako."
"Ku, itong bata naman na ito." Muling ibinalik ng matanda sa ginagawa ang pansin. "Akala ko kung ano na."
Wala siyang nagawa kung hindi ang magkamot ng ulo habang tinatapos ni Aling Celing ang paghahanda ng dadalhin niyang pagkain kay Luis. Tinawag siya nito palapit rito nang mailagay na nito sa tray ang mga pagkain at ang isang basong tubig. "Ayan ha. Mag-iingat ka. Labas ka nalang kaagad ng library kapag naibigay mo na yan sa kanya."
Iniabot nito sa kanya ang tray na alangan naman niyang tinanggap. "Aling Celing naman e."
Ngiti ang isinagot nito sa kanya. "Sige na. Habang mainit pa itong pagkain."
Alangang sumunod siya dito at tinungo ang library na nasakaliwang bahagi lang naman ng salas. Nadaanan pa niyang tutok na tutok sa pinapanood si Ate Mercy habang nakasandal sa mahabang upuan. Pumasok siya sa pasilyo pero habang papalapit siya sa dulong silid ay bumagal naman ang lakad niya. Ilang minuto siyang atras-abante sa labas ng silid bago siya kumatok sa pintuan roon na sinundan niya ng pagbubukas niyon kahit wala pa man siyang naririnig na sagot mula sa loob.
Seryosong mukha ni Luis ang nabungaran niya na agad niyang iniwasan ng tingin. Dahan-dahan siyang lumapit sa lamesa at buong ingat na ipinatong roon ang tray na bitbit niya. "Kainin mo raw bago pa lumamig sabi ni Aling Celing."
Wala siyang narinig na sagot mula rito pero sa sulok ng mga mata niya ay nakita niyang nakatingin ito sa kanya na naging dahilan upang kabahan siya gayunpaman ay buong ingat siyang hindi tumingin rito habang inaalis sa tray ang mga pagkain.
"Galit ka sa akin?" Biglang tanong nito. Bumaling siya dito ng tingin at ikinunot ang noo.
"Hindi." Kaila niya at binilisan ang ginagawa. Itinabi niya ang tray sa isang upuan at naghandang umalis na.
Tumaas ang kilay nito. "Bakit di ka makatingin?"
Kunwaring hindi niya alam ang sinasabi nito saka siya tumingin dito ng diretso. "Hindi a."
"Mag-sorry ka sa akin." May himig ng tampo ang boses ni Luis nang sabihin iyon.
"Bakit?" Takang tanong niya.
"Basta. Tutulungan kita sa pagre-review mo kapag nag-sorry ka."
"Ayoko nga." Tanggi niya sabay iling. "Wala naman akong ginawa e."
Inilapag ni Luis ang hawak nitong libro at dumi-kwatro. "Sige kung ayaw mong sorry. Di ko kakainin yang dala mong pagkain. Tingnan natin kung di ka pagalitan ni Nana."
Sinimangutan niya ito at tumalikod papunta sa pinto. "E di 'wag, sino bang magugutom?"
"Dianne!" Bubuksan na sana niya ang pinto ng biglang sumigaw si Luis mula sa may lamesa na nagpatigil sa kanya. Pagtingin niya rito ay nakatayo na ito.
"Ano!?" Ganting sigaw niya na nagpalaki ng mata nito.
"Dianne!"
Ilang beses siyang huminga ng malalim para payapain ang sarili bago siya pumihit paharap rito. "Kuya Luis, bakit?" Tila pagod na pinag-diinan niya ang pagtawag sa pangalan nito.
"Mag-sorry ka, sabi ko." Mas mababa na ang tinig nito kaysa kanina pero naroon pa rin ang bigat niyon kaya muli siyang bumuntunghininga. Alam niyang hindi siya mananalo rito sa patigasan kaya kahit masama ang loob ay ginawa nalang niya ang nais nito. Matatagalan lang siya lalo roon kung hindi niya susundin ang gusto nito.
"Sige na. Sorry na." Labas sa ilong na wika niya.
"Iyong sinsero. Hindi ganyan." Muli itong naupo sa upuan pero hindi inaalis ang pagkakatingin sa kanya.
Kumamot siya sa ulo at lumapit sa lamesa. Ngani-ngani niyang damputin ang inilapag nitong libro at ibato iyon rito kung hindi niya lang naiisip na anak ito ng mga amo niya at higit sa lahat ay wala siyang ibang mapupuntahan kapag napalayas siya sa bahay na iyon. "Sige na. Sorry na." Sa pagkakataong iyon ay nilagyan niya ng emosyon ang sinabi niya kahit hindi naman talaga niya alam ang kasalanan niya rito.
Tumitig lang ito sa kanya pagkatapos niyang sabihin iyon.
"Ano pwede na akong lumabas?" Pukaw niya rito.
Ikiniling nito ang ulo na akala mo ay pinag-iisipan ang sinabi niya. "Sige pwede na. Medyo kulang lang."
Inirapan niya ito at dire-diretsong nagmartsa palabas ng silid. Pagdating niya sa may b****a ng pasilyo ay nadatnan niyang nagkukumahog ang dalawang kasama na makabalik sa sofang kinauupuan ng mga ito kanina at dahil naiinis siya kay Luis ay hindi niya nalang inusisa ang mga ito at diretso niyang tinungo ang silid nilang tatlo.
Nang sumunod na araw pagdating ng uwian ay nadatnan nila ni Carla si Luis sa labas ng room nila. Nakatalikod itong sukbit na ang backpack at nakapangalumbaba sa railing sa gilid ng pasilyo.
"Pres!" Agad na tawag ng pansin ni Carla rito na agad namang nagpalingon sa binatilyo. "Kanina ka pa?"
"Hindi. Kakarating ko lang." Anito sabay lapit sa kanila. "Handa na kayong dalawa?"
Napakunot siya ng noo sa pagkakatingin sa mga ito. Wala siyang ideya kung saan niya kailangang maghanda at lalong wala siyang ideya sa kung anong plano ng dalawang kaharap. Paglingon ni Luis sa kanya at napansin nitong kunot ang noo niya ay bahagya siya nitong tinampal sa noo na nagpabalik sa huwisyo niya. "Di ka nakinig sa pinag-usapan kanina? Di ba sabi ko magre-review tayo sa bahay?"
"Nakinig ako a." Tanggi niya sabay talikod sa mga ito at naunang naglakad. Gumaan ang pakiramdam niya ng malamang kasama siya sa plinano ng mga ito hindi katulad kahapon at nang mga nakaraang araw na tila kalabisan ang presenya niya sa dalawa. Kaninang umaga ay balik ulit sila ni Luis sa dating gawi na kung saan ay sabay silang pumasok sa eskwelahan kahit hindi sila gaanong nagkikibuan at noong recess naman ay sabay-sabay silang tatlong kumain ulit sa kantina na tila walang iringang nangyari sa kanilang dalawa noong gabi.
Pagkarating nila sa bahay ay saglit muna siyang nagpaalam kina Aling Celing at Ate Mercy na doon muna siya sa library kasama ang kaibigang si Carla at si Luis. Pagkatapos ay dumiritso na silang tatlo sa library na kung saan ay magkatapat silang magkaibigan na naupo sa pahabang mesa habang si Luis ay sa pinaka-kabisera niyon pumuwesto. Inilabas nilang dalawa ni Carla ang mga dala nilang notebook at libro mula sa bag nila at inilapag iyon sa kanilang harapan.
"Magbasa na kayo." Utos ni Luis nang makitang nakatingin sila rito.
"Akala ko tuturuan mo kami." Aniya rito. "Dapat doon nalang ako sa silid namin nina Aling Celing nagbasa."
Mahina siyang pinitik sa noo nito. "Sumasagot ka talaga ha. Ano babasahan ko kayo? Siyempre magbasa kayo tapos kapag mayroon kayong hindi alam itanong niyo sa akin para matulungan ko kayo."
Inirapan niya ito.
"May listahan ako ng mga lesson namin na di ko gaanong maintindihan." Sagot ni Carla na natatawa at mula sa bag nito ay inilabas nito ang isang maliit na notebook. "Ikaw Dianne, meron kang listahan?"
"Wala." Aniya sabay patong ng dalawang kamay sa mga notebook at librong inilabas kanina at tumingin kay Luis. Ang totoo ay maraming-marami siyang hindi naiintindihan sa leksyon nila kaya kung isusulat niya ang mga iyon ay baka maubos ang pahina ng notebook niya lalo na sa science at mathematics. Ayaw niya lang ma-disappoint lalo sa kanya ang binatilyo kaya di niya iyon masabi sa mga ito.
Noon naman tumingin si Luis sa kanya. "Basa na. Kung di mo maintindihan, magtanong ka, ha."
"Sige ho." Katulad ng sinabi nito ay kinuha niya ang libro sa english at nagbasa pero sa sulok ng mga mata niya ay nakasunod siya ng tingin rito na noon ay matamang nakatingin sa maliit na notebook na iniabot ni Carla. Pagkatapos ay kinuha nito ang libro ng kaibigan at hinanap mula roon ang araling nakasaad sa listahan at nagsulat sa isang papel. Sumandal siya sa kanyang upuan. Natapos niya ang isang pahinang walang maintindihan.
Mula sa pagkakayuko ay nag-angat ng tingin si Luis. "May tanong?"
Umiling siya. "Ayos lang ako."
Tahimik itong bumalik sa sinusulat at siya nama'y inilipat ang pahina ng librong binabasa. Pagtingin niya sa kaibigan ay subsob na rin ito sa notebook na binabasa nito. Sinikap niyang ituon ang buong atensyon sa kanyang libro kaya nawala sa mga ito ang pokus niya. Nang may makita siyang di maintindihan sa binabasa ay isinulat niya iyon sa isa niyang notebook na nasa gilid at ipinagpatuloy ang ginagawa hanggang sa hindi na na niya namalayang oras na pala ang lumipas.
Mula sa kinauupuan ay tumayo ang kaibigan at binista ang orasan sa mesang ginagamit ng papa ni Luis kapag nasa library ito.
"Kailangan ko ng umalis Pres. Gagabihin na ako sa daan." Anito ng makita ang orasan.
"O sige. Ihahatid na kita doon sa may Municipal hall." Presinta ni Luis na tumayo rin sa kinauupuan.
"Okey lang. Huwag na. Medyo may araw pa naman."
"Halika na. Ihahatid na kita."
Nakasunod siya sa mga ito na hindi alam kung tatayo na rin ba siya o mananatling nakaupo roon. Sa huli ay pinili niya ang huli at nagdesisyong saka na lang siya aalis roon kapag wala na ang dalawa.
"Dianne, mauna na ako ha. Kita nalang tayo sa school bukas." Paalam ni Carla habang inililigpit ang mga gamit na nagkalat sa lamesa.
"Sige. Sige. Ihatid kita sa baba."
"Huwag na." Matigas na tanggi ni Luis. "Magbasa ka na lang diyan."
Ngumito si Carla at isinukbit ang bag. "Oo. Huwag na. Salamat. Dito na ako."
Nginitian niya rin ito. "Sige ingat. Kita tayo bukas."
Magkasunod na lumabas ang dalawa sa pinto at naiwan siyang hindi alam kung anong gagawin. Magbabasa pa ba siya roon na mag-isa lang siya? Iginala niya ang paningin sa paligid. Malaki ang silid na iyon na sa kabuuan ay may dalawang lamesa na ang isa ay siyang ginagamit ng magulang ni Luis sa tuwing nasa library ang mga ito at ang isa naman ang siyang ginagamit ng binatilyo. Lahat ng istanteng naroon ay puno ng libro at sa may likuran niya ay may malaking bintana na natatakpan ng malaking dark green na kurtina na nagbibigay ng nakakatakot na aura sa silid na iyon.
Iniligpit niya ang mga gamit niya at isinilid iyon sa kanyang bag. Doon na lang siya magbabasa sa silid nila. Pagkatayo ay agad siyang kumaripas ng takbo palabas ng silid ng malingunan ang paggalaw ng kurtina sa may likuran niya.
"Anong nangyari sa'yo? Di ba sabi ko magbasa ka?" Bungad ni Luis pagkabukas niya ng pinto ng silid nila. Tantiya niya ay kakarating lang nito galing sa paghahatid sa kaibigan niya.
"Nagbabasa naman ako." Aniya rito. Binuksan niya ang silid at itinuro rito ang nagkalat niyang mga libro at notebook na nakapatong sa higaan niya. "Hindi pa nga ako nagbibihis e."
"Sabi ko doon ka sa library."
"Wala kang sinabi kaya. Ang sabi mo lang magbasa ako. Nagbabasa ako."
Napailing ito ng ulo sa paliwanang niya. "Ang tigas ng ulo mo."
Sinimangutan niya ito. "Bakit kayo nandito?" Tanong niya na sinagot lang din nito ng tanong.
"Anong subject yung nahihirapan ka?"
Nag-isip siya. "Lahat."
"Yung pinakamahirap."
"Math at saka Science."
Inilahad nito ang isang kamay. "Akin na muna yung notebook at libro mo sa dalawang yun. Gagawan kita ng mga sample questionnaire at solution."
Bigla siyang nahiya rito. Kahapon lang ay galit ito sa kanya tapos ngayon ay tutulungan siya nitong maghanda para sa test niya. "Huwag na. Kaya ko namang aralin e." Mas nanaisin pa niyang kay Carla na lang magtanong kaysa rito.
"Akin na."
"Huwag na nga."
Namaywang ito at kinunutan siya ng noo. "Ang tigas ng ulo mo." Anito sabay pasok at tumungo sa higaan niya. Mula roon ay kinuha nito ang dalawang libro at notebook na hinihingi nito sa kanya pagkatapos ay mabilis na lumabas ng silid. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa mawala ito sa paningin niya saka mahinang umiling. Sa tingin niya ay mas matigas ang ulo nito sa kanilang dalawa.
Katulad ng sinabi ni Luis noong kinuha nito ang libro niya sa Math at Science ay ginawan nga siya nito ng mga sample questionnaire at solutions na ibinigay nito sa kanya kaagad kinabukasan habang naglalakad sila papasok ng paaralan na siya namang ni-rebyu niya hanggang sa dumating ang araw ng test nila. Hindi siya tiwala sa sarili na matututunan niya ang mga iyon kahit paulit-ulit niyang tiningnan, binasa, at sinubukan sagutan gamit ang ibang mga numero ngunit laking tuwa niya ng lumabas ang resulta ng test nila.
Kung ikukumpara sa grado ni Carla ay napakababa ng nakuha niya pero kung ikukumpara sa mga nakaraan niyang test sa dalawang subject ay di hamak na mas maganda ang gradong nakuha niya sa pagkakataong iyon lalo na at hindi naman talaga siya magaling sa computations.
"Congrats, Dianne. Ang ganda ng ngiti a." Bati ni Carla sa kanya habang hinihintay nila ang susunod nilang guro. Ang mga kaklase nila bagama't mga nakaupo sa kani-kanilang mga upuan ay katulad rin nilang may kanya-kanyang kausap habang ang iba ay nagsisigawan pa. Kakatapos lamang nila ng Math at Science noong umagang iyon na kung saan ay parehong mas magandang grado ang nakuha niya.
"Oo nga e. Hindi ko akalain. Pero iyong grades mo ang totoong malaki. Congrats." Tuwang bati niya rin dito. Nasa ninety-six yata ang nakuha nito sa Science habang sa Math naman ay ninety-five.
"Asus. Ganoon pa rin naman sila. Tumaas pala ng isang puntos." Nakangiti nitong tugon.
Kung siya siguro ang may ganoon kalaking grado ay baka nagtatalong na siya sa tuwa. "Di ka masaya sa grades mo?"
"Ano?" Pasigaw nitong tanong. Mas umingay na kasi sa paligid nila kaya hindi na sila magkarinigan kahit magkatabi na ang upuan nila.
"Sabi ko, di ka ba masaya sa grades mo?!"
"Masaya ako a."
"Parang hindi. Ako nga na eighty-five at eighty-seven lang ang nakuha masaya na e."
"Ano ka ba? Masaya ako lalo na para sayo." Tumahimik ito at tumanaw sa labas ng bintana. "Mayabang ba ako kapag sinabi ko na parang nakasanayan ko na lang?" Nasa boses nito ang pag-aalala sa isasagot niya.
"Hindi no." Ngumiti siya sa tanong nito at hinawakan ito sa magkabilang pisngi na siya namang ayaw na ayaw nito. "Magaling ka kasi talaga."
"Dianne!" Tumayo siya upang makalayo rito at tumakbo palabas ng pinto ng silid na kung saan naman ay hindi niya napansing may paparating. Bumunggo siya roon at agad na napaatras sapo ang ilong na bumangga. Pag-angat niya ng paningin ay mukha ni Luis ang tumambad sa kanya kasama ang tatlong iba pa na nakilala niyang miyembro rin ng student council. Namumula ito sa inis at masama ang tingin na ipinukol sa kanya pagkatapos ay nilagpasan siya nito ng lakad.
"Silence!" Sigaw nito sa klase nila na pagpalingon rin sa kanya. Nalingunan niya ang kaibigang si Carla na nasa gitna ng silid at anyong tumatakbo na napatigil lang dahil sa sigaw ng binatilyo. "Hindi ba kayo nahihiya? May klase sa ibang room pero ang ingay niyo ang naririnig. Sinong Presidente ninyo?"
Dahan-dahang nagtaas ng kamay ang isa nilang kaklaseng binatilyo rin. "Hindi mo ba sila sinasaway?" Ma-awtoridad nitong tanong at inilibot ang tingin sa kanilang lahat partikular sa kanya na pinag-iwanan nito ng masamang tingin. Kinabahan siya sa tingin nito. Noon niya lang ito nakitang namula dahil sa galit. "May nagsisigawan. May nagbabatuhan. May naghahabulan sa mga kaklase mo!"
"Pasensya na ho, President." Mahinang sagot ng presidente nila.
"Wala pa ba kayong guro?"
"Wala pa ho."
"Sawayin mo ang mga kaklase mo. Kapag nakaistorbo kayo muli ng klase ipa-pa-guidance ko kayo lahat."
"Opo, Pres. Pasensya na po."
"Go back to your seats. Walang mag-iingay dahil may klase sa magkabilaang room. Naiintindihan?"
"Opo!" Sabay-sabay na sagot ng buong klase nila. Mabilis siyang lumakad pabalik sa upuan niya ganoon din si Carla na hinila siya pagkarating niya sa kinatatayuan nito habang si Luis ay nakamata lang sa kanila hanggang sa silang lahat ay nakabalik na sa kani-kanilang upuan. Nang masiguradong lahat sila ay nakaupo na ay saka lang ang mga ito umalis sa pinto ng silid nila.