Habang pauwi ay mabagal na naglalakad si Dianne. Nakasunod siya kay Luis habang si Carla naman ay kakahiwalay lang ng daan sa kanila pagdating nila sa Municipal hall. Ramdam pa niya ang matinding antok na miminsan ay nagiging dahilan pa ng bahagya niyang pagkaka-tisod. Mabuti na nga lang at kahit paano ay kabisado niya ang nilalakaran kaya kahit napapapikit ay hindi siya tuluyang natutumba.
"Ayos ka lang ba diyan?" Narinig niyang tanong ni Luis na tumigil at lumingon sa kanya nang maapakan niya ang isang di-kalakihang bato na naging dahilan din upang mapatigil siya.
Sinipa niya yung bato at pinakiramdaman ang paa. "Ok lang." Aniya sabay lakad muli palapit rito.
Pagtapat niya rito ay nagpanabay na silang lumakad muli.
"Ako na ang magdadala niyan."
Itinaas niya ang dalang plastic bag. "Ito?"
"Oo."
Balewalang iniabot niya iyon dito. Pag-abot nito sa plastic bag ay noon niya napansin ang pamumula ng palad nito. "Anong nangyari diyan?" Inginuso niya iyon.
Sinundan nito ang tingin niya. "Wala."
"Kahit meron?"
"Wala nga. Makulit ka na naman." Sa tono nitong tila nauubusan ng pasensya. Nitong nakaraan ay napapansin niyang parang aburido ito palagi at hindi niya alam kung siya ba ang dahilan niyon. Tumingin siya rito. Siya nga kaya? Kinaiinisan ba siya nito?
"Okey." Mahinang sambit niya nalang at di na muling kumibo hanggang sa nakarating sila sa harap ng gate. Ito ang nagbukas ng gate at nang makapasok siya ay ito na rin ang nagsara.
Magkasunod silang pumasok ng bahay at pagtapat ni Luis sa hagdanan ay inabot nito ang bitbit na plastic bag. Kinuha niya ang isa at ang isa ay iniwan niya rito.
"Kina Misis Ignacio 'yan at kay Mayor. Pabigay nalang."
Itinaas nito ang plastic bag at nakakunot ang noong sinipat ang laman niyon pagkatapos ay nakataas ang isang kilay na nagtanong. "Hindi ako pwede nito?"
"Pasalubong 'yan." Kumpirma niya. "Ikaw na nga ang umalis tapos ikaw pa ang kakain ng pasalubong."
Nag-isang linya ang labi nito saka tumalikod sa kanya. Siya naman ay dumiritso na sa kusina kung saan naman niya dinatnan sina Aling Celing at Ate Mercy na nagbabalat ng papaya.
"Dianne, andito ka na." Si Ate Mercy ang unang nakapansin sa kanya. "Kumusta ang lakad? Asan si Luis?" Tumingin pa ito sa likuran niya.
"Umakyat na po siya pagkarating namin."
"Ahh. Halika." Lumakad siya palapit sa lamesa. "O kumusta nga yung lakad niyo?"
"Ayos lang naman po." Aniya na nangiti nang maalala ang kinain nila. "Masarap po yung pagkain."
Nagliwanag ang mukha ng dalawa sa narinig pagkuwa'y parehong tumigil sa ginagawa at hinila siya ni Aling Celing upang dumulog sa mesa. "Talaga ba? Halika. Maupo ka muna. Anong kinain niyo?"
Nangingiting nag-isip siya. "Manok po. Fried chicken tapos may spaghetti at tsaka burger. Grabe ang sarap po talaga at tsaka ang bango."
"Talaga? Ganyan kasarap?" Tukoy ni Ate Mercy sa ngiti niya. Tumango-tango siya dito na hindi nawala ang ngiti sa bibig.
"E, yung dalawa, anong kinain nila?"
"Sina Kuya Luis po at Carla?" Pagka-klaro niya sa tanong ni Aling Celing. Tumango naman ito. "Ganoon din ho. At tsaka may pie pa po. Grabe talaga ang sarap." Tila nangangarap niyang wika. "Ang usapan po namin pare-pareho kami ng kakainin para walang hingian."
"Oo nga ano. Maganda iyong ganoon, Nana Celing." Segunda ni ate Mercy. Si Aling Celing naman ay tumango-tango dito.
"Tapos, sabay-sabay kayong umuwi?" Si Aling Celing naman ang nagtanong.
"Opo. Diyan si Carla humiwalay sa amin sa may Municipal hall."
"Ah. E ano ba iyang plastic na hawak-hawak mo?" Anito uli. Noon niya lang din nabigyan ng pansin ang hawak pa rin na plastic na kinalalagyan ng pasalubong niya sa mga ito.
"Pasalubong ko nga ho pala. Galing po ito sa kabilang bayan." Inilahad niya iyon kay Aling Celing pero dahil si Ate Mercy ang malapit sa kanya ay ito ang kumuha niyon at nagbukas ng supot.
"Nana Celing, puto at tsaka suman." Excited nitong pagbabalita sa kasama at inilabas ang ilang pirasong puto na nakalagay sa isang transparent na supot at ang isang bungkos ng suman na siguro ay anim na piraso. "Ang sarap nito Dianne a. Sa amin ito?"
"Oho. Pasensya na ho a, wala pa kasi akong pambili ng Jollibee kaya hindi iyon ang naipasalubong ko sa inyo."
Bahagya siyang hinampas ni Aling Celing sa kanyang braso. "Ay isus itong batang ito kung ano ang pinag-i-iisip. Masaya kami diyan sa pasalubong mo, 'di ba Mercy?"
"Opo naman." Tumango-tango ito. "Kaso masarap din yata yung Jollibee na sinasabi mo, Dianne."
Bigla rin itong hinampas ni Aling Celing sa balikat na ikinatawa nilang dalawa ni Ate Mercy. "E di pumunta ka doon at bumili ka. Inilibre nga lang ni Luis yung bata e."
"Ito naman si Nana, para nagbibiro lang e." Hinaplos nito ang nasaktang balikat.
Isang irap ang isinagot rito ni Aling Celing bago ito bumaling sa kanya. "Huwag mong pag-iintindihin itong si Mercy. Bayaan mong ang nobyo niya ang mang-libre sa kanya." Kumuha ito ng suman at kumain niyon.
"Nobyo? Aling Celing wala akong nobyo." Tanggi nito at kumuha rin ng suman. Siya man ay hindi rin makapaniwalang wala itong nobyo at lalong wala pang asawa dahil sa edad nitong mahigit trenta na siguro.
"E ano yung lalaki diyan sa may labasan? Palagi kang itinatanong noon sa akin."
"Aba e hindi ko rin alam, Nana."
Sinamaan ito ng tingin ni Aling Celing samantalang siya'y nakamasid lang sa mga ito at hindi alam kung magsasalita ba o mananatiling tahimik sa kinauupuan niya. "Ku. Alam kung nililigawan ka noon. Sagutin mo at ng magka-asawa ka na at ng hindi ka tumandang dalaga."
"Anong masama sa pagiging matandang dalaga, Nana? Kayo nga e. Sesentahin na kayo, hindi naman kayo nag-asawa."
"Gusto mong matulad sa akin na walang pamilyang inuuwian?" Anito kay Ate Mercy pagkatapos ay tumingin sa gawi niya. "Hindi maganda ang walang pamilya. O, hala Dianne. Pumasok ka muna sa kwarto at magpahinga ka muna. Mamaya ka na lumabas at kakausapin ko pa itong isang ito."
Tumingin lang siya rito. "Sige na." Untag nito nang hindi siya tuminag sa kanyang kinauupuan.
Nagmadali siyang tumayo. "Sige ho." Tumalikod siya at nagmamadaling tinungo ang silid nilang tatlo. Hindi niya alam kung bakit kailangang kausapn ni Aling Celing si Ate Mercy tungkol sa sinabi nito. Para sa kanya ay wala namang masama kung gusto ng babae ang maging matandang dalaga.
Pagpasok niya sa silid ay agad siyang nagbihis at nahiga sa kanyang higaan at dahil sa sobrang pagod ay ilang segundo lang ang lumipas ay agad na rin siyang nakatulog.
Nang marinig ni Aling Celing ang pagsarado ng pinto na pinasukan ni Dianne ay saka niya binalingan ng tingin ang katabi na noon ay sige pa rin ng kain. "Ikaw, kung anu-ano ang sinasabi mo sa harap ni Dianne. Baka mamaya maisip din noon na hindi na mag-asawa pagtanda niya."
"Nana, huwag niyong alalahanin si Dianne. Hindi iyon tatandang dalaga katulad natin." Pabalewalang sagot nito. Noon ay ang nakasupot na puto naman ang binuksan nito.
"At paano ka nakakasigurado diyan, aber? Nakita mo ba siya kanina noong sinabi mong walang masama sa pagiging matandang dalaga? Tumango yung bata. Paano kapag ganoon nga ang nangyari, e di lahat na tayo dito matandang dalaga na?"
"Wala naman po talagang masama, Nana. Pero iyang si Dianne, hindi iyan tatandang dalaga. Malabo."
Kumunot ang noo ni Aling Celing sa pagkakatitig sa kausap. "Paano mo nasabi?"
"Di ho ba kayo ang nakapansin sa tinginan niyang dalawa. Napansin ko na rin ho. Nakita ko na, kaya sa tingin ko ay malabong mangyari ang iniisip niyo."
"Hindi nga? Nakita mo na rin?"
"Oho at nararamdaman ko." Tumawa ito ng bahagya. "Kaya huwag ninyong alalahanin si Dianne, Nana."
Sandaling nagliwanag ang mukha ng Ale pero maya-maya ay muli rin iyong nalukot. "Paano kung mali tayo ng hinuha. Alalahanin mo iyong isa. Paano kung iyon ang gusto pala nitong si Luis.
Nanahimik si Ate Mercy pagkuwa'y napatitig sa kausap. "Oo nga ano."
"Kita mo na? Di hindi ka rin sigurado."
"Pero iba ho talaga iyong nakikita ko dito sa dalawa e."
Bumalik si Aling Celing sa pagbabalat nito ng papaya na siyang nadatnan ni Dianne kanina. "Husto na. Basta huwag kang magsasalita tungkol sa mga matandang dalaga na iyan ha. Mamaya ay hindi rin maisipan ni Dianne ang mag-asawa. At ikaw, sagutin mo na iyang si Ramon diyan sa labasan. Itinatanggi mo pa e alam ko naman na nagkakagustuhan talaga kayo."
"Nana Celing! Kung ano-ano ang iniisip niyo!"
Sinamaan lang ito ni Nana Celing ng tingin at pagkatapos ay sa ginagawa na itinuon ang paningin. Ito rin naman ay kinuha ang kutsilyong gamit nito kanina at tumulong sa ginagawa ng matanda.
Tahimik na naglalakad papasok ng room nila si Dianne galing sa c.r. ng bigla nalang siya kalabitin ng kung sino sa likod niya. Recess nila noon at nasa labas ang karamihan ng mga kaklase niya kaya akala niya ay isa sa mga iyon ang kumalabit sa kanya. Nilingon niya iyon at tumaas ang dalawang kilay niya ng makita si Luis.
"Bakit?" Nagtatakang tanong niya. Nitong mga nakaraang araw kasi ay hindi na ito madalas na pumupunta sa classroom nila para makisabay sa kanila ni Carla sa pagkain kapag recess na ipinagtataka niya rin. Nangyari lamang iyon pagkatapos nilang pumunta sa kabilang bayan at wala rin naman itong binabanggit na dahilan.
"Kumain ka na?"
Mahina siyang umiling.
"Kain tayo sa canteen?"
Tumingin siya sa loob ng room nila kung saan naroon si Carla. "Teka lang. Sabihan ko si Carla." Dumiritso na siyang pumasok sa room kaya di na niya napansin ang akmang paghawak sa kanya ni Luis na agad din namang tumigil at sumunod nalang ng tingin sa kanya.
Sinalubong siya ni Carla na noon ay hinihintay lang siyang makabalik dahil usapan rin nilang pupunta sila ng canteen upang bumili ng pagkain pagkabalik niya galing ng c.r.
"Halika ka na?" Agad nitong tanong sa kanya.
"Oo. Nandiyan din si Kuya Luis sa labas. Hinihintay tayo."
Nagliwanag ang mukha ni Carla sa narinig. "Talaga?" Sumilip ito sa may pinto ng silid at ng makita ang binatilyo roon ay kumaway ito. "Oo nga. Halika na." Hinila siya ni Carla palabas. "Hi. Pres. Kumusta? Ngayon ka lang ulit namin makakasabay a."
"Oo nga e. Medyo marami lang ginagawa nitong nakaraan." Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa. "Para sa exam." Dugtong nito.
"Ahhh." Nakaawang ang bibig na magkasabay nilang wika ni Carla. Kaya pala hindi ito sumasabay sa kanila ng kain tuwing recess at minsan naman ay hindi rin ito nakakasabay sa kanya sa pagpasok at pag-uwi at simula nga nang pumunta sila sa kabilang bayan ay hindi na rin sila nagpapang-abot sa harden sa tuwing pumupunta siya.
"Huwag niyong sabihing hindi pa kayo nagre-review para sa test niyo?" Sumimangot ito sa kanilang dalawa nang hindi sila sumagot. "Sabi na nga ba e."
"Next week pa naman 'yun e." Pangangatwiran niya na sinagot ng binatilyo ng pag-iling ng ulo nito. "Kain muna tayo. Mamaya mag-review na kayo."
"Opo." Muli ay sabay nilang wika ni Carla. Pinauna sila nito sa paglalakad hanggang sa nakarating sila sa canteen na nasa kabilang building. Pagkapasok nila ay dumiritso silang tatlo sa cashier. Mula sa kanyang bulsa ay inilabas niya ang bente pesos niyang nakalaan para sa pagkain niya.
"Ako na ang magbabayad." Imporma ni Luis mula sa likuran nila. "Anong sa inyo?"
"Pres. kaya na namin. Ikaw nalang lagi ang nagbabayad ng pagkain namin e." Lingon ni Carla dito.
Lumingon din siya rito. "Ako na rin ang magbabayad sa akin."
"Ang kulit niyong dalawa, ako na nga e." Sumiksik ito sa gitna nila ni Carla. "Doon na kayo sa upuan, ako na ang bibili. Ano ba ang gusto niyo?"
"Sige. Sandwich lang sa aming dalawa at saka ice water." Si Carla ang sumagot rito pagkatapos ay pumunta na sila sa kalapit na lamesa at doon ay tahimik silang nakamata ni Carla habang hinihintay nila si Luis na makalapit sa kanila. Hindi naman nagtagal ay nakita nilang palapit na nga ito at may dalang isang tray. Inilapag nito ang laman niyon sa harapan nila at pagkatapos ay saka ito naupo.
Tahimik sila ni Carla habang kumakain hindi katuld noong mga nakaraan na kung saan ay parati itong maingay at maraming tanong kay Luis. Ngayon ay nanatili itong tahimik katulad niya at marahil ay nagtataka rin ito kung bakit hindi na sumasabay sa kanila ang binatilyo.
"Ang tahimik niyo yatang dalawa." Puna ni Luis sa kanila.
Tumingin si Carla sa kanya pagkuwan ay bumaling kay Luis. "Hindi ah. Ganito talaga kami."
Nangiti si Luis sa sinabi nito pero hindi na rin nagsalita. Itinutok nito ang pansin sa mga estudyanteng naroon habang kumakain na tila wala sila ni Carla sa harapan nito. Nang mapansin niya iyon ay ibinaling na rin niya sa iba ang tingin habang nagmamadaling inuubos ang pagkaing hawak at pagkatapos ay isinunod na inubos ang ice tubig na nakalagay sa plastic cup. Hindi niya alam kung anong mayroon pero alam niyang may nabago sa pakikitungo nito sa kanila ni Carla. Parang ayaw nitong kasama sila? Ganoon nga kaya? Pero bakit nag-aya pa itong kumain?
Mabigat ang loob na naghintay siya sa kaibigan. Nang magsabay na natapos ang dalawa ay agad siyang tumayo at nagpaalam sa mga ito at mag-isa siyang naglakad papunta sa classroom nila ni Carla.
Tumunog na ang bell na nagsasaad na tapos na ang recess ay wala pa rin ang kaibigan niya. Tapos na iyon kumain nang magpaalam siya sa mga ito doon sa canteen pero ilang minuto na ang lumipas ay wala pa rin ito. Luminga siya sa may pintuan nang pumasok roon ang teacher nila at sa likod nito ay naka-sunod ang nakangiting si Carla. Humahangos itong umupo sa tabi niya.
"Hindi mo kami hinintay." Anito sabay abot ng isang cornetto sa kanya. "Pinapabigay ni Pres."
Inabot niya iyon. "Nasaan ang iyo?"
"Ubos na. Kinain namin yung sa amin doon sa canteen. Ang kulit ni Pres. Ang daming tanong." Balewalang tugon nito na nagpabigat lalo sa nararamdaman niya. Diyata't gusto lang ni Luis na si Carla lang ang kasama kaya hindi ito kumikibo noong naroon siya. Hinintay lang yata nito na makaalis siya.
"Sige na, kainin mo na yan habang 'di pa tayo nagsisimula. Baka matunaw pa." Untag ni Carla sa kanya nang ilapag niya ang nasabing sorbetes sa patungan ng kanyang upuan. "Nandoon pa naman si Ma'am sa upuan niya e."
Sinunod niya ang kaibigan. Walang kibong kinain niya iyon kahit parang wala naman siyang malasahan.
Hanggang pagdating ng uwian ay hindi na naalis sa isipan ni Dianne ang nangyari noong umaga. Hindi man niya gustong isipin na siya ang dahilan kung bakit naging tahimik si Luis noong mga nakaraang araw ay iyon naman ang umuukilkil sa utak niya. Ang pagkausap nito kay Carla noong wala na siya sa canteen ang nagpatibay sa kanyang hinala.
Hindi niya maiwasang huminga ng malalim habang inililigpit ang mga gamit at naghahanda para sa uwian noong hapong iyon. Kung ganoon ay panggulo lang ba ang tingin nito sa presenya niya kapag kasama nila si Carla?
Pinagdikit niya ang mga labi at hinintay lang na mag-anunsiyo ang guro nila na tapos na ang klase nang hapong iyon pagkatapos ay maagap siyang nagpaalam kay Carla na mauuna na siyang lumabas at umuwi.
Pagdating niya sa bahay ay dumiritso siya sa silid sa pagtataka nina Aling Celing at Ate Mercy na noon ay nadaanan niya sa may kusina. Dati-rati kasi ay dumidiritso siya bati at nakikipag-kwentuhan muna sa mga ito at saka lang papasok ng silid kapag sinita na. Gayunpaman, kahit mabigat ang dibdib dahil sa naisip niya ay agaran pa rin siyang nagbihis ng pambahay at lumabas ng silid upang tumulong sa mga kasama. Kung anuman ang nararamdaman niya ay matatanggal din siguro iyon kapag huminga lang siya ng malalim na siya namang ginawa niya bago siya nagpakita sa dalawa. Nakangiting mukha na ang muling iniharap niya sa mga ito na nagpataas naman ng kilay ng dalawa.
"Ano po ang ihahanda natin, Aling Celing?" Tanong niya sa matanda na noon ay hindi pa rin humuhuma. "Aling Celing." Muling tawag niya.
"Ay oo." Sagot nito sabay tango.
Natawa siya rito. "Alig Celing naman e. Itinatanong ko po kung anong lulutuin niyo."
Noon ito tila nahimasmasan sabay lingon kay Mercy na katabi lang nito. "Oo nga, iyon nga ang ibig kung sabihin. Ah. Adobong baboy na may saging at ginisang monggo."
"Sige ho. Ano ho ang gagawin ko? May dahon na po ba kayo ng ampalaya?"
"Nasa loob pa ng ref."Tugon nito sabay lingon muli kay Mercy na nananahimik sa tabi nito at nakatingin sa kanya. "Mercy kuhanin mo nga yung dahon ng amplaya."
"Ako na ho." Tumalima siya kaagad at tinungo ang ref. Pagbalik niya sa lamesa ay dumulog siya kaagad doon at pinilian ang mga dahon niyon. Hinayaan siya ng dalawa na patingin-tingin lang sa kanya pero maya-maya ay nagtanong rin ang mga ito nang hindi makatiis.
"Hindi mo ba kasama si Luis sa pag-uwi?" Patay-malisyang tanong ni Ate Mercy na abala sa ginagawa nitong paghihiwa ng patatas at saging na isasahog sa adobo.
"Hindi ho." Sagot niyang hindi tumitingin rito. Sa hinuha niya ay mag-kasama ito at ang kaibigan niya sa mga sandaling iyon dahil hindi pa rin ito dumarating sa bahay.
Ang nag-aalalang si Aling Celing naman ang sunod na nagsalita. "Saan ba iyon nagpunta? Hindi ko pa nakikitang pumasok ah."
Ilang sandali muna ang lumipas bago siya sumagot rito. Iyon ay nang makitang nakatingin sa kanya ang dalawa. "Hindi ko rin po alam. Umalis ako kaagad pagkatapos noong huli naming subject. Mag-aaral ho kasi ako para sa test." Pagdadahilan niya.
"Ah. Mag-aaral naman pala, Nana." Sang-ayon ni Ate Mercy na muling itinuon sa ginagawa ang tingin.
"Hala sige. Baka may iba lang na ginawa ang batang iyon." Sagot nito pero maya-maya ay tumayo rin. "Naku, ako naman ang malalagot sa mama niya kapag nauna pang dumating iyon kaysa sa kanya."
Bigla siyang nakonsensya sa pag-iwan sa binatilyo ng hindi manlang nagpapaalam rito. Tuloy pati ang dalawang kasama niya ay nag-aalala na dahil ilang minuto na itong naantala sa oras ng dating nito."Parating na rin siguro iyon, Aling Celing. Huwag ho kayong mag-alala."
Tahimik na umupo ang ale sa harap niya pero sige din naman ang tingin sa orasan sa harapan ng lamesa. Noon niya lihim na ipinagdasal na sana nga ay dumating na ito at ng sa ganoon ay mawala na ang pag-aalala ng matanda sa alaga nito. Ilang minuto pa ang lumipas nang bumukas ang pintuan na naging dahilan ng pagtitinginan nilang tatlo. Nagmamadali silang tumayo at sumilip roon na kung saan ay iniluwa ang humahangos na binatilyo na agad na tumungo sa kusina kung saan sila nakatayo sa b****a ng pinto.
Agad siyang nagtago sa likuran ni Ate Mercy nang makita ang mukha ng binatilyo.
"Nana, si Dianne? Andito na ho ba?" Nasa mukha nito ang pag-aalala habang nakatingin sa kaharap. Sa noo nito ay may buo-buong pawis na tumutulo papunta sa uniporming suot.
"Oo. Nandito na." Luminga ito sa likod nito na sinundan naman ni Luis. Bahagya niyang itinaas ang kamay nang makita siya nito mula sa pagkakatago sa likuran ni Ate Mercy.
Nakita niya ang paghugot ni Luis ng malalim na paghinga nang makita siya at ang pagbagsak ng mga balikat nito. Pagkatapos ng ilang sandali ay walang salitang umikot ito pabalik sa may sala at umakyat ng hagdanan papunta sa kwarto nito.
Naguguluhang nagkatinginan sina Aling Celing at Ate Mercy bago bumalik ang mga ito sa kanilang ginagawa. Siya ma'y naguguluhang bumalik sa inuupuan kanina at itinuloy ang paghihimay ng dahon ng ampalaya. Iniisip niya kung ano ang nangyari rito.