Mabilis na lumipas ang mga araw hanggang sa hindi na niya namamalayan na buwan na pala ang dumaan. Sa mga araw na iyon ay kapansin-pansin na halos di na halos sila mapaghiwalay ni Luis. Kapag may eskwela ay sabay sila ni Luis na pumapasok at umuuwi galing eskwela. Sa tuwing recess naman ay sabay-sabay rin silang tatlo kasama si Carla na kumakain sa loob ng room o sa kantina na kinasanayan na ng mga kamag-aral nila lalo na ng mga kaklase ng binatilyo na ang ilan ay minsan na rin niyang nakausap. Sabihin pa'y kahit paano ay medyo nadagdagan ang mga kakilala niya.
Sa umagang iyon ay maaga siyang gumayak kahit araw iyon ng sabado dahil nagpasya si Luis na ilibre sila ni Carla sa Jollibee katulad ng pangako nito kahit na hindi pa naman lumalabas ang anunsyo na pasado ito sa entrance exam nito sa unibersidad sa Maynila.
Noong una ay malakas siyang tumaggi sa plano ng mga ito dahil sa kabilang bayan pa ang lugar na dadayuhin nila at iyon ang kauna-unahang beses makakapunta siya roon pero sa ilang araw na pamimilit ng dalawa ay napapayag din siya. Sa huli ay napag-kasunduan nilang alas-otso sila magkikita-kita sa harap ng kanilang Municipal hall kung saan naman ay ilang metro nalang ang layo ng bus stop na pag-aabangan nila ng masasakyan papunta sa kabilang bayan.
Bago siya tuluyang pumayag sa plano nina Luis at Carla ay nagpaalam muna siya kina Aling Celing at Ate Mercy na agad namang sinang-ayunan ng dalawa. Ayon sa mga ito ay wala namang problema basta magsabi lang siya sa amo nila na ginawa naman niya kaagad. Agad din namang pumayag si Misis Ignacio lalo na at nauna na palang magpaalam rito si Luis.
Palibhasa ay kakaunti lamang ang pinagpipiliang damit ay mabilis siyang nakatapos sa paghahanda. Isang kulay asul na blouse na hanggang sa taas ng siko ang isinuot niya na pinarisan niya ng pantalong kulay itim at ng nag-iisa niyang flat na sandal na huli pa niyang naisuot noong nakaraang taon.
Dinampot niya ang brown na sling bag na ipinahiram sa kanya ni Ate Mercy bago siya tumayo at tinungo ang pinto at doon ay ilang minuto ring nakatingin lang sa labas. Alas siyete kwarenta nang lumabas siya ng silid at nagtungo sa kusina. Napagpasiyahan niyang doon nalang siya maghihintay kay Luis bago sila lumakad papuntang Municipal Hall pero tama namang pagdating niya sa kusina ay natanaw niyang bumababa si Luis sa hagdan. Nakasuot ito ng puting t-shirt na may print ng paborito nitong cartoon movie sa harap na tinernuhan nito ng kulay blue na pantalon at puti rin na rubber shoes. Bigla siyang nanliit sa suot niya pero nang ngitian siya nito pagkakita sa kanya ay dumiritso nalang siya sa salas at sinalubong ito.
"Alis na tayo?" Anito.
"Sige. Magpapaalam lang ako kina Aling Celing." Paalam niya saka mabilis na pumuslit pabalik ng kusina. Agad siyang nagpaalam sa dalawa na noon ay abala sa paglilinis.
"Basta mag-iingat kayo, ha." Ani Aling Celing na lumapit sa kanya habang nagpupunas ng kamay sa suot nitong apron. "Dianne, huwag kang hihiwalay sa mga kasama mo."
"Opo."
"Nasaan na si Luis?" Tanong nito na sinisipat ang suot niya.
"Nandoon ho sa salas."
Tumango-tango ito at noon naman sumulpot si Ate Mercy sa tabi nito dala ang walis tambo at dust pan.
"May dala ka bang pera, Dianne? Baka maligaw ka doon ha."
Natawa siya sa sinabi nito. Sa totoo lang ay iyon din ang inaalala niya. "Meron ho Ate Mercy. Nagdala ako."
"O sige. Basta tandaan mo ang daan. Yung bus tingnan mo ang sulat sa harap tapos kapag naligaw ka magtanong-tanong ka kung saan ang sakayan pabalik dito sa San Ignacio."
"Opo, Ate."
"Huwag kayong mag-alala Nana Celing, Ate Mercy. Nandito na po kami ulit ng mga bandang hapon." Biglang sulpot ni Luis sa may likuran niya.
Dito natuon ang pansin ng dalawa. "O sige. Mag-iingat kayong dalawa. Pag-ingatan mo yung mga kasama mo Luis." Habilin ni Aling Celing sa binatilyo.
"Opo, Nana."
Pagkatapos niyang kumaway sa dalawang kasama ay magkasunod sila ni Luis na lumabas ng bahay. Doon ay nadaanan nila si Misis Ignacio na nakaupo sa garden seat at nagbabasa ng diyaryo.
"Alis na po kami 'Ma." Paalam ni Luis na humalik sa ina habang siya'y nakamata lang sa mga ito.
"O sige. Mag-iingat kayo ha. Huwag mong pababayaan si Dianne at saka yung kasama niyo."
"Opo, Ma." Magalang nitong sagot bago tumalikod sa ina. Siya nama'y bahagyang yumuko sa ginang na ginantihan nito ng isang ngiti bago sila lumakad palabas ng bahay.
Mabilis silang naglakad papunta sa Municipal Hall kung saan naman nila nadatnan si Carla na nakatayo sa lilim ng isang puno. Muli ay hindi niya maiwasang manliit sa kanyang suot ng makita ang kaibigan. Mas lalo itong pumuti sa suot na floral pattern blouse nito na pinarisan ng asul na paldang maong na hanggang tuhod ang haba.
"Hi, Dianne. Hi, Pres." Nakangiting bati nito sa kanilang dalawa na sinabayan pa ng kaway kahit mga apat na dipa pa ang layo nila dito na ginantihan din naman niya ng kaway at tipid na ngiti. Nang makalapit sila rito ay tumabi siya rito na agad namang umabrisiyete sa kanya.
"Hi, Carla. Kanina ka pa?" Tanong ni Luis.
"Hindi. Halos kakarating ko lang din."
"Okey. So, alis na tayo?" Sabay silang tumango na magkaibigan.
Nagpatiuna si Luis sa paglalakad habang sila ni Carla ay nakasunod lang dito. Pagkarating nila sa bus stop ay tama namang pumara ang isang bus kaya agad silang nakasakay. Magkatabi sila ni Carla na naupo sa isang dalawahang upuan samantalang si Luis ay mag-isa sa may bandang likod nila. Habang daan ay di niya maiwasang mamangha sa kanilang nadadaaan. Oo at halos karamihan sa mga iyon ay bukirin pero iyon ang unang pagkakataon na nakalabas siya sa bayan nila. Iyon rin ang unang pagkakataon na nakasakay siya at unang pagkakataon na makakarating sa ibang lugar maliban sa kinalakihan niya.
Pagkarating nila sa pupuntahan ay hindi muna sila dumiritso sa pakay na kainan dahil medyo maaga pa naman. Naglibot-libot muna sila sa kalapit na pasyalan at umikot-ikot sa lugar na iyon. Hindi nalalayo ang hitsura ng bayan na iyon sa bayan nila, ang kaibahan nga lang ay mas progresibo na iyon na hindi maikakaila sa naglipanang malalaking tindahan ng sapatos, damit, at kung anu-ano pa, hindi katulad sa bayan nila na hindi ganoon kadami ang malalaking establisyemento. Nang mapagod silang tatlo ay saka sila nagpasyang dumako sa fast food na dinayo pa nila.
"Pres. kailan ang alis mo kung sakali?" Tanong ni Carla pagkaupo nila sa pang-apatang upuan. Tapos na silang umorder ng pagkain nila at nahihintay nalang silang maihatid ang mga iyon sa kanilang lamesa. Magkatabi sila ni Carla habang si Luis ay sa harap ng kaibigan umupo.
"Pagkatapos lang ng graduation."
"Ilang buwan nalang pala ano?"
"Oo nga e." Tumingin sa paligid ang binatilyo. Siya na nagmamasid lang sa dalawa ang pinuna naman nito. "Bakit ang tahimik mo?"
"Wala." Umiling-iling siya. "Wala naman akong sasabihin e."
"Mula kanina hanggang ngayon tahimik ka na. Di ba maayos ang pakiramdam mo?"
"Hindi. Okey lang ako." Totoong hindi niya alam ang sasabihin niya. Pakiramdam niya ay out of place siya palagi kapag ang dalawa ang kasama at hindi siya nababagay sa mundong ginagalawan ng mga ito. Gustuhin man niyang sumali sa usapan ng mga ito ay walang salitang gustong lumabas sa bibig niya. Ang gusto niya nalang ay manahimik habang ang mga ito ay nag-uusap sa harapan niya.
Inabot ni Carla ang noo niya at sinalat iyon pagkatapos ay kunot ang noong tumitig sa kanya. "Di ka naman mainit. Umamin ka, may iba bang masakit sayo? Kanina ko pa nga napapansin na tahimik ka."
Ngumiti siya at inalis niya ang kamay ni Carla na nakadantay sa kanya at magaang tinapik iyon. "Sabi ko nga okey lang ako. Kayong dalawa itong OA e. Gusto ko lang manahimik at makinig lang sa inyo."
"Ayan nagsalita na rin." Nakitawang tugon ni Luis. "Alam ko na, baka gutom na 'yan."
"Ay baka nga." Dagdag naman ng kaibigan niya na natawa rin. "Matakaw pa naman to Pres."
"Alam ko. Yan ang umuubos sa kanin namin e."
Nanlaki ang mata niya sa sinabi ni Luis. "Hala. Grabe ka naman. Hindi naman ako ganun katakaw. Hanggang tatlong kuha lang ako ng kanin."
"Ay Pres, tatlo lang ha. Hindi pa matatawag na matakaw yan." Panggagatong ng kaibigan na ikinatawa na nilang tatlo. Tuloy-Tuloy sa pang-aasar ang mga ito hanggang sa dumating ang pagkain nila.
"Ayan na. Ang bango." Bulalas ni Carla ng makita ang mga pagkain sa tray. Siya may biglang natakaw ng mapuno ang ilong ng amoy ng mga pagkaing yaon na isa-isang inilalatag ng dalawang crew sa harapan nila. Pare-parehas sila ng inorder. Tig-iisang chicken, spaghetti, cheese burger, mango pie, softrdrink, at pinaka-importante sa lahat ay ang extra rice. Tig-isa sila ni Carla samantalang dalawa naman kay Luis. Iyon ang napagkasunduan nila para anila'y walang hingian.
"O pano, kalimutan na muna ha." Pabirong wika ni Luis sabay bukas ng isang extra rice nito na ihinalo sa kaning nasa plato na. Ginaya niya ang ginawa nito.
"Sige. Kain na." Ani naman ni Carla.
Dahil unang beses sa ganoong kainan ay nagmasid siya sa dalawang kasama kung paano kumain ang mga ito. Nang sumubo si Carla ng kapirasong manok ay ginaya niya ito at ganoon nalang ang pagka-sorpresa niya ng malasahan iyon. Ibang-iba ang lasa niyon sa niluluto minsan ni Aling Celing na pritong manok at talaga namang napakasarap. Sinunod-sunod niya ang subo ng kanin at ulam na minsan ay sinasabayan niya pa ng spaghetti. Dahil sa maganang pagkain ay hindi na niya namamalayan ang ngitian ng dalawang kasama habang nakatingin sa kanya.
Dahil sa mabilis na pagkain ay hindi na niya namalayan na paubos na pala ang kanin niya kaya pinilit niyang unti-untiin iyon dahil malaki pa ang ulam niya. Noon siya nagsisi na hindi pa dalawang extra rice ang pinabili niya kay Luis. Nasa huling subo na siya ng kanin niya ng ilagay ni Luis ang huling extra rice nito sa pinggan niya na ikinatingin niya rito.
"Di pala matakaw ha." Nang-aasar na sabi nito na agad niyang inungusan.
"Okey naman na ako sa kanin ko, ah." Taggi niya pero hindi na siya nito pinansin kaya si Carla ang binalingan niya. "Hati tayo." Alok niya rito.
"Ayoko na. Puno na ang tiyan ko tapos may spaghetti pa ako at burger, tapos may pie pa. Kaya mo na yan."
Ngumiti siya sa sagot nito at muling humarap sa pagkain. Muli ay magana siyang kumain hanggang sa maubos lahat ng nasa harapan niya. Nang matapos siya'y tamang-tama rin na tapos na ang dalawang kasama.
"Gusto mo pa?" Ani ni Luis.
Sinapo niya ang tiyan. "Ayaw na. Sobrang puno na ng tiyan ko." Narinig niyang tumawa si Carla sa tabi niya na noon ay nakahawak rin sa tiyan nito.
"Grabe. Sobrang sarap no?" Anito sa kanya na tinanguan niya lang. Tumingin ito kay Luis. "Salamat Pres. Salamat sa panglilibre. Kapag naging abogado ka na, kain ulit tayo dito ha?"
"Libre niyo na?" Patanong na sagot nito na nagpabalik-balik ang tingin sa dalawang kaharap.
"Sige ba." Malakas ang loob na sagot ni Carla.
"Ikaw? Ililibre mo rin ako?" Sa kanya na nabaling ang tingin nito.
"Abogado ka na nun tapos magpapalibre ka sa akin?" Pilosopo niyang sagot.
"Oo naman. Masarap nga ang libre 'di ba? Kaya magpapalibre ako sa inyo."
"Kapag yumaman ako." Aniya na ikinatawa nito.
"Ang kuripot mo." Anito pagkatapos ay tumingin kay Carla. "O paano? Saan tayo ngayon?"
Sa kanya naman tumingin si Carla. "Saan tayo, Dianne?"
Umiling siya. "Hindi ko alam. Ngayon lang ako nakapunta dito e."
"Wala din akong alam, Pres., e. Lakad-lakad nalang tayo diyan sa malapit o di kaya sa seaside. Alam ko malapit na dito yung dagat di ba?"
Tumango ito. "Okay. Seaside tayo. Ready na kayo?"
Bilang sagot ay isenenyas ni Carla ang isang kamay at tumuro sa kalapit na C.R. Sabay-sabay sila nitong tumayo at nagtungo roon. Napagkasunduan nalang nilang mag-antayan sa labas ng kainin pagkatapos nila.
Paglabas nila ng restaurant ay nadatnan na nila roon si Luis na nakasandal sa pader at tila naiinip na sa pagkakatayo nito. Nang makita sila'y nagpatiuna na itong maglakad habang sila ni Carla ay mabagal na nakasunod rito na dahil sa sobrang kabusugan ay hindi makapag-madali sa paglalakad. Sinundan nila ito hanggang sa makarating sila sa sinasabi ni Carla na seaside.
Nanlaki ang matang hindi siya makapaniwala nang makita ang lugar dahil sa sobrang ganda niyon bagama't hindi sila pwedeng makalapit sa mismong gilid ng tubig dahil sa railing. Puti ang buhangin at kitang-kita nila ang ilalim ng dagat. Nakatulong rin na marami ang puno nakahilera sa gilid ng railing kaya kahit katanghaliang tapat ay pwedeng-pwede silang manatili roon.
Luminga-linga siya sa paligid at nakita niyang maliban sa kanila ay may iilang tao rin na nasa seaside sa mga sandaling iyon na katulad nila'y mga nakatanaw rin sa kumikislap na tubig na hindi niya malaman kung saan nagtatapos dahil sa sobrang laki. Maliban sa lupang inaapakan nila ay puro karagatan na ang nasa harapan nila.
"Ang ganda no." Walang anu-ano'y wika ni Carla. Nakapangalumbaba itong nakatanaw sa malayo. "Pangalawang beses ko na dito pero nagagandahan pa rin ako sa lugar na ito." Luminga ito sa kanya. "Ngayon ka lang ba dito?"
Tumango siya rito at pagkatapos ay kay Luis naman na nasa kanan nito ito luminga. "Ikaw, Pres.?
"Maraming beses na rin." Sagot ng binatilyo na hindi luminga sa kausap.
Tumango-tango si Carla pagkatapos ay ginaya sila ni Luis na parehong sa malayo nakatingin. Nababasag lamang ang katahimikan nila sa paminsan-minsang pagtatanong ni Carla sa kanila ni Luis tungkol sa kung anu-anong bagay pagkatapos ay muli silang babalik sa katahimikan. Nanatili sila sa pagkakatayo roon at nagmamasid sa paligid nila hanggang sa hindi na niya halos namalayan ang oras. Nakita niya ang unti-unting paggalaw ng araw hanggang sa mapunta iyon sa harapan nila na naging dahilan upang magpasya silang umalis na roon.
Sa isang di-kalayuang maliit na tindahan ng sorbetes nag-aya si Luis. Dahil wala silang dalang payong at tirik pa ang araw ay patakbo nilang tinawid ang kalsada at agad na pumasok sa tindahan. Parang karinderya ang style ng tindahan na iyon na kung saan ay may tatlong pabilog na lamesa sa loob na may tig-aapat na upuan pero sa halip na kanin at ulam ay puro sorbetes ang kanilang tinitinda na pawang nakalagay sa lagayan ng dirty ice cream.
Sabay-sabay silang sumilip sa lagayan ng sorbetes kung anong flavor ang pipiliin nila. Anim na flavor ang meron doon at natatakam siyang tikman lahat ng mga iyon.
"Anong sayo Carla?" Tanong ni Luis.
"Manga at saka cheese."
Luminga ang binatilyo sa nagbabantay na ale. "Ate, sige nga po. Isang serve ng manga at cheese at dalawang serve ng lahat ng flavor."
Tiningnan niya ito. "Lahat ng flavor sa akin?"
"Oo. Sa akin din. Tikman natin lahat." Itinaas-taas nito ang dalawang kilay sa kanya.
Lihim siyang natuwa sa narinig. Magtatampo na sana siya rito dahil hindi manlang siya nito tinanong kung anong gusto niya pero mabuti nalang at mukhang nabasa nito ang isip niya.
"O sige. Upo muna kayo. Ihahatid ko nalang sa lamesa niyo." Sabi ng ale sabay turo ng ulo nito sa loob ng tindahan.
Sumunod sila at magkakasunod na pumasok sa loob ng tindahan. Sa lamesang malapit sa pinto sila umupo at pagkatapos lang ng ilang minuto ay dumating ang ale bitbit ang tray na may nakapatong na tatlong baso ng sorbetes at kutsara.
Tahimik silang kumain at maliban sa miminsang tanungan kung masarap ang bawat flovor na nakakain nila ay wala ng ibang salitang namagitan sa kanila hanggang sa naubos nila ang laman ng kanya-kanyang baso. Pagkatapos nilang kumain ay saglit muna silang tumambay roon bago sila nagpasyang umalis na at umuwi matapos magbayad ni Luis sa bantay na Ale.
Mula roon sa tindahan ay ilang metro pa ang nilakad nila para marating ang sakayan pabalik sa San Ignacio. Bago sila dumating sa terminal ng bus ay nadaanan muna nila ang isang tindahan ng mga pasalubong na pagkain. Kahit alam niyang halos katulad lamang iyon sa mga nabibiling pagkain sa bayan nila ay nagpasya pa rin siyang bumili gamit ang baon na pera para sa pasalubong kina Aling Celing at Ate Mercy ganoon din para sa magulang ni Luis.
Si Carla ay sumama sa kanya sa loob ng tindahan habang si Luis ay nagpaiwan sa labas ng pinto. Paglabas nila ay may kanya-kanya na silang bitbit ni Carla na plastic bag.
"Sige na, akyat na kayo sa bus. Magbabayad lang ako." Salubong ng binata sa kanila sabay turo sa bus na sasakyan nila. Tumalima sila ni Carla.
Katulad noong umaga ay pang dalawahang upuan ang inukopa nila ni Carla pangatlo sa likuran ng driver at katulad rin noong umaga ay siya ang umupo sa may gilid ng bintana. Hindi naglaon ay pumanhik na si Luis at dahil wala pa namang gaanong sakay at bakante pa ang upuan sa likod nila ay doon na ito pumuwesto.
Hindi pa umiinit ang inuupuan niya nang makaramdam siya ng antok. Nanghihinayang siya kung matutulog siya dahil gusto niyang makita ang lugar habang pauwi sila kaya pinilit niyang idinilat ang mga mata niya at inabala ang sarili sa pagtanaw sa labas ng bintana. Nililis pa niya ang kurtinang nakatakip roon upang mas makita ang dadaanan nila.
Halos bente minutos pa silang naghintay bago niya naramdamang kumilos ang sinasakyang bus. Lumingon siya sa katabing si Carla upang sana makipaghuntahan rito ngunit nakita niyang nakasandal na ito sa upuan at nakapikit na. Luminga din siya sa kay Luis na nasa likuran lang ng upuan nila, katulad ni Carla ay nakapikit na rin ito.
Umingos siya at pinag-krus ang dalawang braso sa kanyang harapan at itinutok ang paningin sa labas ng bintana ngunit dahil sa pagod ay unti-unti rin niyang nararamdaman ang pagbigat ng talukap ng mga mata niya. Nang lumaon ay hindi na niya kinaya ang antok at nakatulog na siyang nakasandal sa gilid ng bintana. Hindi na niya napansin ang kamay na sumapo sa kanyang ulo hanggang sa nakarating sila sa bayan nila.