CHAPTER SIX

3379 Words
Pagkatapos noong gabi na nagka-usap sila ni Luis ay kahit papaano naging malapit na sila sa isat-isa at unti-unti ay nabawasan na rin ang pagkailang niya rito. Sa bahay ay nagkakausap na sila hindi lamang kapag nag papang-abot sila sa harden tuwing tatambay siya doon. Minsan ay sumasadya ito sa kusina para lang tanungin siya ng kung ano-ano at hindi naman iyon nalingid sa magulang nito. Masaya pa nga ang magulang ng binatilyo na nagkasundo sila at nang malaman ng mga ito ang ginawa ng mga bully sa school ay laking tuwa pa ng mga ito na tinulungan siya ni Luis at pinangako naman ng binatilyo sa kanilang lahat na hindi siya nito pababayan sa eskwela. Sa paaralan naman ay minsan-minsan rin silang nagkakausap. Minsan ay dadaan lang si Luis sa classroom niya at titingnan nito kung nasa loob siya. Biro nito'y inaantabayan lang siya nito at baka nagbubulakbol lang daw siya. Noong una ay hindi makapaniwala ang mga kaklase niya na magkakilala sila ni Luis lalo pa nang narinig siya ng mga ito na tinawag ang binatilyo na 'kuya'. Mabuti nalang at naroon si Carla at tinulungn siya nito na magpaliwang sa mga kaklase nila. Sa huli ay nalaman ng mga ito na maliban sa siya ay ulila na sa magulang ay kinailangan pa niyang mangatulong upang may mauwian lang at alam niyang naawa sa kanya ang karamihan sa mga kamag-aral nila ni Carla kahit ayaw niya. "Dianne may naghahanap sa'yo." Tawag sa kanya ng isa niyang kaklase na nasa pintuan. Recess nila noon kaya karamihan sa mga kaklase niya ay nakatayo kung saan-saan. Tinanguan niya iyon at sumilip siya sa labas. "Anong ginagawa mo dito?" Gulat niyang sabi pagkakita kay Luis. Kaswal nitong itinaas ang dalang supot. "Kain tayo. Nag-recess ka na?" Umiling siya. "Hindi pa." Iyon ang unang pagkakataon na pumunta ito sa room nila na may dalang pagkain. "Halika. Nasaan si Carla?" Anito. "Sa loob." Tinalikuran siya nito at pumasok sa loob ng classroom. Nakita niyang tinalunton nito ang upuan nila ni Carla na nasa may bandang gitna ng silid. "Hi, Pres!" Narinig niyang magiliw na bati ni Carla rito. "Dianne, halika na!" Tawag nito sa kanya ng makita siyang nakatingin lang sa mga ito mula sa labas. Si Luis ay sinenyasan din siyang pumasok na. Alanganin siyang lumakad papasok ng classroom nila at umupo sa tabi ng kaibigan habang si Luis ay sa upuang paharap sa kanila pumuwesto. "Wait, may nakalimutan pala ako." Tumayo si Luis mula sa pagkaka-upo. "Pupunta lang ako ng canteen saglit. Bibili lang ako ng inumin. Anong gusto mo Carla? Softdrink?" Tumango ang kaibigan niya. Tumahimik siya at hinayaan ang dalawa. Tumalikod ito at lumakad ng ilang hakbang pero dagli ring bumalik. "Ikaw, Dianne?" Tanong nito na parang sumagi lang sa isip na hindi pala siya nito tinanong. Ngumiti siya ng tipid. "Kahit ano." Saglit itong nag-isip pero hindi ito nagsalita at tuluyan ng umalis sa harap nila. Bumalik si Luis na may dalang tatlong styrofoam ng pasta maliban sa tatlong lata ng softdrinks na nakalagay sa plastic bag. Bumalik ito sa upuan nito kanina at sabay-sabay nilang tatlo na inilatag ang pagkain sa harapan nila. Tig-i-isa sila ng pasta, softdrink, at tuna sandwich na una nitong dala kanina. "Ok. Kain na tayo." Masiglang aya ni Luis sa kanilang dalawa ni Carla. "Ok." Magkapanabay nilang sagot at nagsimulang sumubo. "Siya nga pala, Pres. Kumusta ang application mo sa Maynila?" Si Carla ang unang nagbukas ng usapan habang magana silang kumakain. Ang iba nilang kaklase na napapadaan sa kinauupuan nila ay inaalok ni Luis lahat na magalang namang tinatanggihan ng mga ito. "Ayon. Next week na ang entrance exam." Parang balewalang sagot nito habang sige ang nguya sa tuna sandwich nito. "Siguradong pasado ka dun. Magaling ka e." Dugtong ng kaibigan niya. Ngumiti ito kay Carla. "Thank you. Parang ikaw lang ang bilib sa akin dito a." Lumingon ito sa kanya. Patay-malisya siyang tumingin sa dalawa. "Bakit kayo nakatingin sa akin?" Tanong niya sabay subo ng pasta. "Bakit? May iba pa ba kaming kausap dito?" Nanlolokong tukso ng binatilyo. "Tingin mo ba di ako papasa sa entrance exam ko?" Umiling siya. "Hindi a. Sigurado na maipapasa mo 'yun, may goodluck man o wala." "Ayun o." Bulalas nito. "Siyempre mahalaga sa akin ang goodluck niyong dalawa at huwag kayong mag-alala. Ipapasa ko talaga 'yun." "Sigurado proud sa'yo sila Mayor, ano?" Muling tanong ni Carla. "Oo. Siguro." Naiiling na wika ni Luis. "Bakit 'siguro?'" Bahagya itong natawa sa tanong ni Carla. "Wala naman. Sa tingin ko lang ay parang nagbago ang isip ni Mama na paaralin ako sa Manila. Ayaw na yata niyang umalis ako." "Ah. Siguro dahil mami-miss ka nila." "Baka nga." "Anong kurso ang kukunin mo, Pres?" Maya-maya ay muling tanong ni Carla. Siya ay nanatiling sa pagkain nakatuon ang pansin dahil sa tingin niya ay pang-matatalino lang ang ganoong usapin at hindi siya matalino para makisama sa usapan ng dalawa. Tumahimik si Luis ng ilang saglit bago ito sumagot. "Iniisip ko na kumuha ng Political Science sa Pre-law o di kaya ay Economics." "Wow. E di tuloy ka sa law pagkatapos mo kaagad ng four years." "Oo." "Wow. Ngayon palang, congrats na sayo, Pres. Goodluck." Maliksing sagot ni Carla na nagpangiti kay Luis. Tahimik niyang naikunot ang noo sa pinag-uusapan ng dalawa. Alam na ni Luis ang gusto nitong mangyari sa buhay nito pagkatapos ng apat na taon nitong pag-aaral habang siya ay ngayon palang narinig ang mga kursong pinag-uusapan ng dalawa. Inabot niya ang lata ng softdrink niya at sinubukan iyong buksan na maya-maya naman ay kinuha ni Luis mula sa pagkakahawak niya ng mapansin nitong hindi niya iyon mabuksan at pasimpleng ibinalik sa harapan niya. Isinunod nitong buksan ang lata ng softdrink ng kaibigan niya. "Okay. Salamat sa inyong dalawa. Hayaan niyo kapag nakapasa ako iti-treat ko kayo sa Jollibee." Anito na tinukoy ang ilang linggo pa lang na bukas na fast food chain sa kabilang bayan na naging usap-usapan dahil ayon sa mga tao ay sikat raw iyon sa Maynila at maging sa ibang bansa samantalang ilan sa mga tao sa kanilang lugar ay hindi pa iyon nasisilayan katulad na lamang niya. "Totoo?" Malapad ang ngiti ni Carla ng marinig ang sinabi ni Luis. "Siyempre." "Yehey." Tuwa itong lumingon sa kanya. "Dianne, narinig mo? Kakain daw tayo sa Jollibee." Tuwang-tuwang nitong dugtong na sinabayan niya lang ng tipid na ngiti dahil hindi naman niya alam kung ano ang ikaka-tuwa niya. Natapos sila sa pagkain na hindi na siya muling nagsalita. Pinapakiramdaman niya ang sarili. Mayroon parte sa kanya na hindi niya maintindihan. Lihim siyang naiinis sa nakikitang pagkakalapit ng dalawang kaibigan at nakikitang pag-aasikaso ni Luis kay Carla kapag magkakasama sila. Masaya siya na kaibigan niya ang dalawa, oo Masaya siyang makasama ang mga ito lagi at masaya siya kapag magkakasama sila pero may kirot rin siyang nararamdaman sa puso niya na pilit nalang niyang winawaksi dahil pakiramdam niya'y hindi niya iyon dapat maramdaman. Pagkatapos kumain ay nag kanya-kanya na sila. Umalis kaagad si Luis pagkarinig nila ng bell habang sila ni Carla ay umayos ng upo sa kanya-kanyang upuan at kanya-kanyang kuha ng notebook at nagbasa-basa dahil sa inaasahang quiz sa susunod nilang subject. Nang mga sumunod na araw ay kapansin-pansin ang madalas na pagpunta ni Luis sa classroom nila sa tuwing recess at uwian upang kumain kasama nilang dalawa ni Carla at magkasabay siya sa uwian kung tapos na ito sa mga gawain nito sa school. Lihim niyang ikinalulungkot iyon para sa binatilyo dahil alam niyang si Carla ang nais nitong makasama sa halip na siya katulad noong isang hapon na iyon. Magkasama silang naglalakad ni Luis pauwi pagkatapos humiwalay sa kanila si Carla na araw-araw dinadaanan ang ina sa pinagtuturuan nitong eskwelahan. "Mabigat ba 'yang bag mo?" Narinig niyang tanong ni Luis dalawang metro ang layo sa kanya habang nakatingin sa backpack niya. Umiling siya. "Hindi." Hindi kumbinsidong lumapit ito at pilit na kinuha ang sukbit niyang bag. "Oo nga. Magaan lang naman, pero bakit di maipinta 'yang mukha mo?" Nang-iinis nitong wika na itinaas-baba ang bag niya bago iyon isinuot sa sariling balikat. "Anong di-maipinta?" "Ayan. 'Yang mukha mo na di ko malaman kung galit ba o ano? May problema ka ba? May sakit ka ba?" Pinagsalikop niya sa kanyang likod ang dalawang palad. "Wala." "Anong wala?" "Oo nga, wala." "Sinungaling." Sinimangutan niya ito at inirapan. "Di ako nagsisinungaling." Malakas niyang sabi rito na ikinatawa nito. "Bakit defensive ka?" "Nakakainis ka e. Sabi ng wala e tapos ipinipilit mo na mayroon tapos ngayon sasabihin mo na defensive ako." Mas lalo siyang sumimangot dito. "O sige, hindi na." Lumapit ito at binunggo siya sa braso. "Iisipin ko nalang na may sumpong ka ngayon kaya ganyan ang hitsura mo." Dugtong nito sabay takbo palayo sa kanya. "Nakakainis ka!" Sigaw niya rito. "Luis!" Nang marinig ang huli niyang sinabi ay tumigil si Luis sa pagtakbo hanggang sa umabot siya rito. "Anong huli mong sinabi?" "Luis!" Sigaw niya rito na ipinanlaki ng mga mata nito. "Inulit mo pa talaga? Kukutusan kita." Birong-banta nito na inambahan siya sa ulo. "Sabi ko sa'yo, Kuya 'di ba?" "Ang kulit mo e." Inis niyang sagot rito at nakipag-paligsahan ng tingin dito. "Kuya. Ulitin mo pa yung tatawagin mo ako sa pangalan ko lang kukutusan talaga kita." Sinamaan siya nito ng tingin. "Sorry po." Nakaismid niyang sagot sabay lakad. Tahimik na humabol si Luis at nang maabutan siya ay pabiro siya nitong inakbayan at pagkatapos ay ginulo ang buhok niya bago ito muling tumakbo palayo sa kanya. Naiwan siyang naiinis dito at sinubukang suklayin ang buhok niya gamit ang dalawang kamay habang nagma-martsa pauwi. Mabilis na dumaan ang mga araw at hindi na niya namalayan na dumating na ang araw ng alis ni Luis papuntang Maynila. Noong nakaraang gabi ay naisipan nilang tumambay sa harden habang nag-aaral at kahit hindi sila nag-uusap ay alam niyang excited ito sa pag-alis nito kinabukasan pa-Maynila samantalang siya ay malungkot sa napipintong pag-alis nito. Ilang araw din silang hindi magkakasabay sa recess at ilang araw din siyang mag-isang lalakad pauwi. Maaga siyang gumising sa araw na iyon dahil tumulong siya kay Aling Celing sa paghahanda ng a-almusalin ng pamilya. Lahat ng mga ito ay luluwas ng Maynila bilang bakasyon na rin at uuwi lang pagkatapos ng entrance exam ni Luis at sabi ni Aling Celing ay mga tatlong araw lang naman daw mawawala ang mga ito gayunpaman kahit sandali lang itong mawawala ay pakiramdam niya wala ng pagsidlan ang kalungkutan niya. Pagkatapos nilang maghanda ay pumasok siya ulit ng silid. Naisip niyang mamaya nalang siya ulit lalabas pag-paalis na ang mga ito. Alas diyes pa naman ng umaga ang flight kaya lang kailangan alas-otso ay nasa airport na ang mga ito. Tiningnan niya ang orasan, alas singko palang naman ng umaga kaya may ilang oras pa siya upang matulog. Dahil inaantok pa ay hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya. Naalimpungatan lang siya ng may tumawag sa kanya mula sa labas. "Dianne, hinahanap ka ni Luis." Si aling Celing ang tumatawag sa kanya sa labas ng dahon ng pinto. Sumilip siya ulit sa orasan. Muntik na siyang mahulog sa hinihigaan niya ng makitang pasado alas-siyete na. Mabilis niyang tinungo ang pinto at binuksan iyon. "Asan po?" Bungad niya at kinusot ang mata. Parang biglang nawala ang antok niya. "Nasa kusina. Paalis na sila, bilisan mo." Agad siyang lumabas ng silid. Hindi na niya naalalang hindi pa pala siya nakakapag-mumog at nakakasuklay. Nakaupo ito sa may kusina paharap sa kanya. Napaka-gwapo nito sa suot nitong maong na pantalon, kulay blue na polo-shirt at rubber shoes na puti. Ngumiti ito ng maluwang pagkakita sa kanya. "Ay, sa wakas nagising ka na din." Tumayo ito sa harap niya. "Ginigising kita kanina pero parang mas sumarap pa yata lalo ang tulog mo." Napangiwi siya sa sinabi nito. "Sorry nakatulog ulit ako. Baka ma-late kayo." Hinging paumanhin niya. "Hindi. Alas siyete palang naman." Ginulo nito ang buhok niya. "Mami-miss kasi kita e, tatlong araw din tayong di magkikita." "Para tatlong araw lang." Balewalang tugon niya rito. Ayaw naman niyang ipahalata rito na nalulungkot siya. "Ibig sabihin ay di mo 'ko mami-miss?" Kunot-noong tanong nito na sinilip pa ang mukha niya. "Sus. Ano ba naman yung tatlong araw." Sinubukan niyang magbiro na ikinatulis ng nguso nito. "Kaya nga lang ay walang tutulong sa 'kin sa sa pag-aaral ko." Dugtong niya. "Ikaw talaga." Yinakap siya nito na ikinagulat niya. "Luis! Aalis na daw kayo." Pukaw sa kanila ni aling celing mula sa pinto ng kusina na saglit rin kumurap-kurap ng mata pagkakita sa kanilang dalawa na magkayakap. "Nasa garahe na sila Mayor." "Sige po." Bumitaw sa kanya si Luis at sumalubong sa matanda. "Mag-iingat po kayo dito." "Aba'y oo naman." Tumango rito si Luis at bago ito tuluyang lumabas roon ay muli itong lumingon sa kanya na noon ay patda pa rin sa kinatatayuan at pagkatapos ay magkakasunod silang lumakad papunta sa garahe. Nang makita sila ng mag-asawa ay pinagbilinan sila ng mga ito at makaraan lang ang ilang minuto ay umalis na rin ang pamilya. Pakiramdan niya ay biglang lumungkot ang buong kabahayan sa pag-alis ng mga Ignacio. Huminga siya ng malalim at inilibot ang tingin sa kabuuan ng bahay na iyon. Kunsabagay tatlong araw lang naman. Tatlong araw lang na hindi nila makakasama ang mga ito. Pero paano na kapag nag-kolehiyo na si Luis at sa Maynila na tumira? Bigla niyang inalala ang gagawin ng magulang nito. Paano kung magdesisyon din ang mag-asawa na sa Maynila na tumira? Paano na siya? Saan siya pupulutin? Ipinilig niya ang ulo at inalis sa isip ang bagay na iyon. Hangga't maaari ay ayaw niyang isipin ang mga ganoong bagay. Ano't-ano man ang magiging desisyon ng mga ito ay alam niyang ikokonsidera ng mga Ignacio ang kalagayan nilang mga kasambahay. Sa ngayon ang kailangan niya munang paghandaan ay ang kanyang parating na Exam. Tatlong araw ang matuling lumipas at hindi na niya namalayan ang araw ng uwi ng pamilya Ignacio. Nagulat nalang siya nang pagkarating niya galing ng eskwelahan ay nadatnan niya si Luis na natutulog sa mahabang sofa sa salas. Hindi nalang muna niya ito ginising pero noong kumakain na siya ng meryenda sa kusina ay nakangisi itong pumasok ng kusina at ibinigay sa kanya ang dala nitong pasalubong para sa kanya. Binuksan niya iyon kaagad at nagulat siya ng makitang kulay pink na teddy bear ang laman ng paper bag na inabot nito sa kanya. Maliit lamang iyon pero dahil iyon ang unang regalong natanggap niya mula rito ay nabaghan siya. "Nagustuhan mo?" Umupo ito sa upuang nasa harapan niya. "Oo." Ngiting-mgiting sagot niya pero ang tingin ay sa hawak na teddy bear nakapako. "Salamat." "Parang di mo ako na-miss, ah. Mas gusto mo pa yatang makita 'yang teddy bear kesa sa akin." Liningon niya ito. "Hindi ah. Siyempre na-miss din kita. Pero ngayon lang ako nakatanggap ng ganito." Excited niyang tugon at muling ibinalik sa teddy bear ang tingin. Nanahimik ito sa harap niya at nang tumingin siya dito ay bigla itong nagbawi ng tingin at mabilis na tumayo. Akala niya ay lalabas na ito ng kusina pero nagulat siya ng lumapit ito sa tabi niya at ginulo ang buhok niyang noon ay naka-pony tail. Agad niyang pinagpag ang kamay nito na ikinatawa lang nito at pagkuwan ay nagpaalam sa kanya upang tumungo sa silid nito at matulog dahil hindi daw ito nakatulog sa biyahe nila. Kunot ang noong sinundan nalang niya ito ng tingin hanggang sa tuluyan itong nakalabas ng kusina. Ibinaling ni Dianne ang paningin mula sa inaayos na bag patungo sa pintong noon ay may kung sinong katok ng katok na kanina ay ini-lock niya habang nagbibihis siya ng kanyang uniporme. "Teka lang." Sigaw niya. Hindi niya alam kung ano ang unang dadamputin dahil nagkalat sa sahig ang mga notebook niya at gumulong pa sa kung saan ang dalawang ballpen. "Dianne!" Mula sa pagkaka-tungo sa sahig ay iniangat niya ang ulo ng marinig si Ate Mercy. Pansamantala niyang binitawan ang bag at tumayo. Namamanhid ang mga paang tinungo niya ang pinto at binuksan iyon. "Ano ka ba? Kanina pa ako katok ng katok." Bungad nito pagkabukas niya at nagpatiunang pumasok. "Anong nangyari diyan?" Anito pagkakita sa nakakalat niyang kagamitan. "Nasira 'yung bag ko ate e." "Hala. Akin na patingin." Kinuha niya iyon mula sa sahig at inabot dito na agad naman nitong tiningnan. "Naku, Dianne. E sira na talaga to. Sira na yung zipper o." Ihinarap nito iyon sa kanya. "Napunit na yung pinagkakabitan e." "Kaya nga po e. Wala akong gagamitin." Sinimsim niya mula sa sahig ang mga gamit na nagkalat. Nalungkot siya para sa bag niya. Matagal niya rin iyong nagamit. Iyon ang huling bag na binili ng ama niya bago ito pumanaw. "Sige, dito ka nalang muna. Hanapin ko si Manang Celing." Nagmamadali itong nagtungo sa pinto. "Di ka pa ba mahuhuli?" Habol nito. "Malapit na nga ho, e." "Sige maghintay ka muna dito." "Salamat, Ate." Itinaas-baba nito ang dalawang kilay bago ito tuluyang lumabas ng silid nila. Umupo siya sa gilid ng higaan niya at muling kinuha ang bag. Sinubukan niyang pagdikitin ang zipper pero sumuko din siya agad dahil alam niyang hindi na talaga maibabalik iyon. Siguro ay panahon na rin para bumili siya total naman ay noong nakaraang araw lang ay nakuha na niya ang sahod niya sa pagta-trabaho sa bahay ng mga Ignacio. Lahat naman ay libre sa bahay na iyon kaya maliban sa iniisip na pag-iipon ay tanging gastusin lang sa eskwela ang paggagamitan niya niyon. Ang problema nga lang ay ang pagpasok niya sa araw na iyon. Di naman niya pwedeng bitbitin ang mga gamit niya papasok ng eskwela. May maipahiram kaya si Aling Celing sa kanya? Muli ay sunod-sunod na katok sa pinto ang narinig niya. Agad niyang tinakbo iyon sa pag-aakalang sina Aling Celing at Ate Mercy ang makikita pero nagulat siya nang mukha ni Luis ang bumungad sa kanya na noon ay sukbit na sa balikat ang sariling bag. Nakakunot na ang noo ng binatilyo nang mapagbuksan niya. "Ang tagal mo." Bahagya siyang ngumuso rito. "Nasira kasi ang bag ko. Hinihintay ko pa si Aling Celing baka may maipahiram siya sa akin." Tumingin siya sa likuran nito na sinundan naman nito ng tingin. "Nasaan si Nana Celing?" "Wala pa nga e. Sinundo ni Ate Mercy kaso di pa bumalik." "Mahuhuli tayo sa eskwela kapag nag-antay pa tayo." Kita sa mukha ni Luis ang pag-aalala. "Halika na." "Wala akong paglalagyan ng gamit ko." Iniabot nito sa kanya ang bag nito. "Dito mo nalang ilagay." "Paano ang gamit mo?" "E, di diyan din." "Tapos sa school?" Napakamot ito sa ulo. "Ang dami mo namang tanong. Kukunin ko sa school yung gamit ko para ikaw na ang magdala ng bag. Tapos mamayang uwian saka ko na ulit ilalagay dito sa bag ang gamit ko. Ano, Okey na ba?" Iniabot nito ang bag. Tumango-tango siya ng maisip ang gusto nitong mangyari at ng makita ang oras sa pambisig na relo ay dagli na rin pumayag. "Sige." Kinuha niya mula rito ang bag at agad na ipinasok roon ang mga gamit niya habang si Luis ay nanatiling nakamata lang sa labas ng pinto. Pagkatapos niya'y walang salitang nagpatiuna itong lumakad palayo roon na sinundan nalang niya. Palabas na sila ng pasilyo nang magkasunod na dumating sina Aling Celing at Ate Mercy na agad namang tumigil pagtapat nila. "Aling Celing, Ate Mercy, alis na po kami." Paalam niya sa dalawa na nagtataka at nakatingin sa bag na hawak niya. "Dito ko nalang po muna inilagay yung gamit ko, mali-late na po kami e." Dugtong niya na tinanguan lang ng dalawa. "Nana alis na po kami. Ang bagal kasi nito e." Muli ay nagtatakang tingin at di-maipintang mga ngiti ang iginawad ng dalawa sa kanila bago siya patulak na pinauna ni Luis palabas ng bahay. Pagdating sa labas ay inagaw ni Luis mula sa kanya ang sukbit na bag at nagpatiuna na ito sa paglalakad. Pagkatapos ng ilang minuto ay halos lakad -takbo na ang ginawa nilang dalawa upang makarating lang kaagad sa school habang hindi pa nag-uumpisa ang flag ceremony na maswerte namang naabutan nilang dalawa at katulad ng sinabi ni Luis bago sila umalis kanina ay kinuha nga nito ang gamit nito bago sila nag kanya-kanya pagkarating nila sa eskwela.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD