CHAPTER FIVE

3152 Words
Nang mga sumunod na araw ay naging madali na para kay Dianne ang lahat. Araw-araw ay alam na niya ang mga nakatukang gawain para sa kanya. Lahat ay magagaang trabaho katulad ng unang sinabi ni Aling Celing pagdating niya at paminsan-minsan ay isinasama siya ni Misis Ignacio sa mga pinupuntahan nitong ampunan upang magdala ng kung anu-anong pagkain at mga gamit pambata. Si Luis naman ay mas naging abala sa pag-rereview para sa entrance exam nito, ilang araw na lang kasi ay luluwas na ito ng maynila para doon mag-take ng exam. Ayon kay Aling Celing ay gusto raw na maging abogado ng binatilyo pagdating ng araw kaya todo ang pag-aaral nito. Hindi naman iyon kataka-taka para sa binatilyo dahil ito ang valedictorian sa batch nito na isa sa dahilan kaya siya lihim na humahanga rito. Dahil sa angkin nitong talino. Hindi na niya ito nakitang nagpunta ng harden noong mga sumunod na gabi. Marahil katulad niya ay umiiwas din ito na mag pang-abot sila dahil sa hindi magandang pag-uusap nila noong una silang nagkita roon at dala na rin marahil sa inaabot na ito ng dis-oras ng gabi sa pagrereview base sa nakabukas na ilaw sa may library kapag dadaan siya papasok ng bahay pagkakatapos niyang tumambay sa harden. Minsan na lang din niya itong makita sa bahay at maging sa eskwelahan naman ay ganoon din. Hinuha niya ay marami itong ginagawa bilang president ng student council tapos graduating student pa ito at malapit na rin ang academic exam nila. Tuwing naghahatid lang siya ng pagkain nito sa library, doon lang niya ito nakikita pero ang kinaganda niyon ay marunong ng magpasalamat ang binatilyo sa paghahatid niya ng pagkain nito na sinusuklian niya lang ng tipid na ngiti. "Excuse me ma'am, pwede ho bang lumabas?" Tanong niya sa guro nila habang nagka-klase. Kailangan niyang bumili ng gamot dahil kanina pang umaga sumasakit ang tiyan niya. Hindi niya iyon alintana kanina dahil akala niya ay mawawala rin agad pero pangalawang subject na nila ay ganoon pa rin ang nararamdaman niya at mas lalo pa yatang lumala. "Sige, bilisan mo lang." Anang kanyang guro. "Samahan na kita Dianne." Presenta ni Carla. Napansin na rin siya nito na namimilipit na sa sakit. "Ayos lang ako. Dito ka nalang tapos sabihin mo nalang kung anong itinuro ni ma'am." "Sigurado kang kaya mo?" Tinanguan niya ang kaibigan at lumabas na ng classroom. Gusto sana niyang lumabas ng paaralan upang doon bumili dahil mas mura doon kaysa sa canteen kaso hindi naman siya papayagan ng gwardiya na lumabas dahil oras pa ng klase kaya sa canteen nalang siya pumunta. Painot-inot siyang naglakad papuntang canteen na siguro ay mga limampung metro ang layo. Pagkarating doon ay ilang estudyante ang naabutan niya at ang isang grupo ng mga estudynte na minsan ng nang-bully sa kanya. Hindi niya pinansin ang mga ito na naka-upo sa mesa sa isang sulok at nag tuloy-tuloy lang siya papunta sa may cashier. Nadinig niya ang mga ito na nagtatawanan at panigurado na siya ang sentro sa tawanang iyon. Ano kaya ang problema ng mga ito sa kanya? Isip-isip niya. Wala naman siyang natatandaan na nagawang masama sa mga ito. Nang matapos bumili ay nagmamadali siyang lumakad palabas. "Hoy, Dianne! Daan ka nga dito!" Rinig niyang tawag ng pinaka-lider ng mga ito sa kanya nang makita siyang palabas na ng canteen. Hindi niya ito pinansin at nagtuloy-tuloy lang sa paglakad. "Hindi ka pinansin, Lily." Narinig niyang kantiyaw ng iba nitong kasama sa tumawag sa kanya. "Nakakahiya 'yun para sa iyo, ang dami pa namang nakakarinig o." Mga walang magawa talaga. Ang grupong ito lagi ang madalas ma-guidance dito sa eskwelahan nila dahil sa dami ng pinag-tri-tripan kahit walang dahilan at isa na nga siya roon. Lumapit sa kanya ang tinawag nila kaninang Lily. "Hoy, di ba sabi ko sa'yo lumapit ka sa amin doon." Itinuro nito sa kanya ang mga kaibigan nito na naka-kumpol sa isang mesa. "Pasensya ka na, hindi ko narinig e." Pagdadahilan niya. Pakiusap huwag naman sana siyang asarin ng mga ito ngayon masakit ang tiyan niya. Aniya sa sarili. "Uutusan lang naman kita e, halika." Kunwari ay mabait na sabi nito. Hinawakan nito ang isa niyang braso. Pagkarating sa mesa ay nagtawanan ng mga kaibigan nito. "Anong balak mong gawin diyan?" Tanong ng isang babae kay Lily. "Maghintay ka lang pwede?" Pagtataray nito pagkuwa'y lumingon ulit sa kanya. "Pwede mo ba akong ibili ng softdrink?" Malumanay nitong wika. Hindi siya sumagot pero tumango siya bilang pag-sang-ayon dito. Pero maya-maya ay naalala niyang hingin dito ang pambayad sa bibilhin niya. "Di ba sabi mo ibibili mo ko ng softdrink? Akala ko pa naman sagot mo na 'yun." Anito at kumuha sa bulsa nito ng barya para ibigay sa kanya, pero sa halip na ilagay nito sa kamay niya ang pera ay ini-itsa nito iyon sa ere at kumalat sa sahig. Di niya namamalayan marami na palang mga estudyante ang nakatingin sa gawi nila. "Ano bang ginawa mo?" Tanong niya dito. "Wala akong ginawa. Ikaw itong nagkalat ng pera ko tapos tatanungin mo ako. Damputin mo 'yan." Utos nito sa kanya. Ayaw niya sanang gawin ang inuutos nito pero alam niyang hindi siya titigilan ng mga ito. Huminga siya ng malalim at isinapo sa tiyan ang isang kamay dahil naramdaman niyang kumirot iyon. Uupo na sana siya para pulutin ang mga barya ng may sumigaw sa likuran niya. "Tumayo ka lang." Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses. Alam niyang boses yun ni Luis pero nasorpresa pa rin siya ng makita itong madilim ang mukhang papasok ng canteen. Kahit papaano ay nakaramdam siya ng kapanatagan dahil alam niyang may tutulong sa kanya pero di niya maiwasang mahiya dahil isa siya sa pinagtitinginan ng mga estudyanteng naroroon. Para siyang tuod na tumayo doon. "Kayo!" Turo nito sa lahat ng mga estudyanteng nagkukumpulan sa mesa at kasama ni Lily. "I.D niyo." Inilahad nito ang palad sa mga estudyante. Nang walang magkusa para magbigay ng I.D ay isa-isa nitong kinuha ang mga iyon sa I.D. holder. "Asahan niyong ipapatawag kayo ng guidance councilor. Puro kayo pam-bu-bully, hindi na kayo pumapasok sa mga klase niyo." Maawtoridad nitong sabi na walang isa man sa grupo ang nakaalma. Hindi niya maiwasang humanga rito lalo. Bilang Student Council President ay may kapangyarihan itong magpatupad ng katahimikan sa loob ng paaralan nila at nagagawa nito ang tungkuling iyon ng puno ng awtoridad. Natulala siya sa pagkakatingin dito habang kinakastigo nito ang grupo. "Sumunod ka sa akin." Naka-kunot ang noong utos nito sa kanya na sinunod naman niya agad pagkatalikod nito. Wala itong sinabi sa kanya habang naglalakad sila hanggang sa narating nila ang opisina ng guidance councilor. Maayos nitong ipinaliwang sa guro kung ano ang nangyari at pagkatapos nitong maibigay ang mga nakumpiskang I.D ay lumakad na sila papunta sa classroom niya. "Anong ginagawa mo dito sa labas sa oras na ito. May klase ka 'di ba?" Maya-maya ay tanong nito. Hindi pa rin nawawala ang pagkunot nito ng noo. "Bumili lang ako ng gamot sa canteen, masakit kasi ang tiyan ko e." Nakatungo niyang sagot. "Pwede ba, matuto ka namang magsalita ng nakatingin sa mata ng kausap mo." Pagalit nitong sabi. "Kaya ka kinakaya-kaya ng mga yun e." Hindi niya alam kung dahil sa masakit niyang tiyan o dahil sa pinagalitan siya nito kaya bigla siyang napaiyak. Hindi naman niya ginustong maging talunan lagi a. Tinakpan niya ang mukha niya gamit ang palad. Ilang sandali itong natigilan. "Pasensya na. Di ko sinasadyang pagalitan ka." Anito pero ng hindi siya kumibo ay hinawakan siya nito sa balikat. Sinilip nito ang mukha niya. "Tama na, gusto ko lang na matuto kang lumaban. Paano na lang kung wala ako doon kanina, siguradong pagtatawanan ka lang nila." Hindi niya tinanggal sa pagkakatakip ang mukha niya, mas lalo kasi siyang napaiyak sa sinabi nito. Heto at pinapagalitan siya nito ngayon samantalang ngayon lang siya nito kinausap. Nagulat siya ng bigla nalang siya nitong hinila payakap rito. Naramdaman niya ang paghaplos nito sa likod niya. Lalo niyang naramdaman ang pagtulo ng mga luha niya dahil sa emosyong lumukob sa kanya. Naaawa siya sa kanyang sarili at ngayon ay pakiramdam niya ay mas lalo pa siyang kaawa-awa sa paningin ng binatilyo. "Shhhhh. Tama na. Promise di na ako magagalit ulit sa'yo." Patuloy na pang-aalo nito sa kanya. Nang bumitaw ito ay tinulungan siya nitong magpunas ng luha. Hindi niya alam ang kanyang sasabihin dito kaya sa huli ay nanahimik nalang siya. "Huwag ka ng umiyak. Halika na, ihahatid kita sa room mo." Hinila siya nito papunta sa classroom niya ng mapunasan siya nito gamit ang panyo. Nagpatangay siya rito. Sa sakit ng tiyan na nararamdaman niya ay wala ring silbi ang kumontra. Bahagya niyang hinaklit mula rito ang braso ng malapit na sila sa pupuntahan. "Pasensya ka na, di ko naman sinasadyang umiyak e. Sumakit kasi lalo ang tiyan ko e." Dahilan niya rito dahil ang totoo hindi niya alam ang dapat sabihin. Nahihiya siya sa nangyari kanina dagdagan pa na yinakap siya nito. Napatungo siya ulit ng maalala iyon. Saglit itong nanahimik bago ito sumagot. "Ayan na ang classroom mo, pumasok ka na." Turo nito. "Inumin mo yung gamot mo para mawala na yung sakit ng tiyan mo mamayang uwian." Bilin nito. Tumango nalang siya pagkatapos ay nagmamadaling pumasok sa classroom niya at tinungo ang upuan. Mabuti nalang at nakatalikod ang guro nila sa gawi niya kaya hindi siya natanong kung bakit nagtagal siya. Ang kaibigan niya na hindi nakatiis na nagtanong ay umusog at dumikit sa upuan niya pero sinabi niya lang rito na mahaba ang pila sa canteen kaya siya atrasado. Base sa tingin nito ay alam niyang hindi ito naniwala sa kanya pero hindi na rin ito nagtanong pa. Sa susunod nalang niya dito sasabihin ang lahat dahil masakit talaga ang tiyan niya at wala siyang lakas na mag-kwento. Tumungo nalang siya sa mesa pagkatapos niyang mainom ang gamot na binili niya. Pagkadating ng uwian ay nagpahuli sila ni Carla sa room dahil iniwasan nilang makipagsik-sikan sa paglabas. Inalalayan siya nitong tumayo dahil di pa rin natatanggal ang sakit ng tiyan niya pero kahit papaano ay medyo kalmado na iyon 'di tulad kanina. "Kaya mo na bang umuwi Dianne?" Nag-aalala nitong tanong. "Oo naman, ako pa." Nginitian niya ito. "Ikwento mo sa 'kin lahat kapag okey ka na ha. Alam kong di ka nagsasabi ng totoo kanina." Sinasabi na nga ba niya e. Hindi ito naniwala sa sinabi niya kanina. Pagkalabas nila ay nakita niyang nasa harap ng room nila si Luis. Akala niya may pinuntahan lang ito sa building nila kaya mabagal na nilagpasan lang nila ito ni Carla. "Sumabay ka na sa akin, Dianne." Narinig niyang malakas nitong sabi. Lumingon siya dito. "Ako?" Turo niya sa sarili. "Oo. Bakit may iba pa bang Dianne dito?" Kunot noong tanong nito. "Pasensya na, pero kasabay ko ang kaibigan ko. Si Carla pala." Pakilala niya sa kaibigan. "Naku bestfriend, okey lang ako. Sumabay ka na kay President para may makasabay ka hanggang bahay. Ingat kayo ha." Nahimigan niya ang panunukso sa boses ng kaibigan niya sabay bitaw sa kanya. "Ingat ka din. Mauuna na kami." Paalam ni Luis sa kaibigan niya na sinamahan pa nito ng matipid na ngiti. Hindi siya tuminag sa pagkakatayo. Hindi niya alam kung susunod ba siya kay Luis o hindi. "Ano, hindi ka pa uuwi?" Masungit na tanong ni Luis ng malingunan siya nitong alumpihit. Naghihingi ng tulong ang tingin na iginawad niya kay Carla na sa halip na pigilan siya ay suminyas tuloy na sumunod na siya kay Luis. Wala na siyang nagawa kung hindi ang sumunod nalang sa binatilyo ng tumalikod na ito paalis. Kumayaw nalang siya sa kaibigan ng malingunan niya itong nakatingin pa rin sa kanila. Nang maramdaman marahil ni Luis na hindi siya makaagapay rito ay binagalan nito ang lakad. Manaka-naka itong tumitingin sa kanya at kapag napapansin nitong masyado na itong malayo sa kanya ay binabagan muli nito ang lakad ganoon pa man ay nanatili ang distansya nila sa isa't-isa. Habang naglalakad sila ay tahimik na naman ito. Siya man ay hindi rin nagsalita dahil hindi naman niya alam ang sasabihin. Kung kanina ay yinakap siya nito dahil sa awa ngayon naman ay tila galit sa kanya ang binatilyo sa tuwing titingin ito sa kanya. Hanggang sa narating nalang nila ang bahay ng mga ito ay hindi siya nito muling kinausap. Kinagabihan ay naisipan niyang pumunta ng harden pagkatapos niya sa lahat ng kanyang gawain. Gusto niyang ma-relax naman ang pakiramdam niya sa dami ng nangyari kanina at higit sa lahat ay maayos na ang pakiramdam niya. Pero bago siya dumiritso roon ay tumungo muna siya ng salas upang patayin ang mga bukas pang ilaw doon tutal ay wala na rin namang gumagamit kaya sayang lang sa kuryente. Eksaktong palabas na siya ng salas ng bigla siyang mabangga ng kung sino. Mabuti nalang at agad siyang nahawakan niyon sa braso kaya hindi siya tuluyang nabagsak sa sahig. "Bakit ba napaka-accident prone mo?" Si Luis pala iyon na bumaba ng hagdanan. Kimkim ang kamao na itinungo niya ang ulo. Kahit malamlam ang liwanag sa bahaging iyon ay alam niyang makikita pa rin nito ang reaksyon niya. Hindi niya naman ginustong mabangga at saka ito lagi ang bumabangga sa kanya kaya bakit ito pa ang may ganang magsabi sa kanya. Ganoon paman ay hindi siya sumagot sa sinabi nito. Tumayo nalang siya ng maayos at pumihit na para pumunta ng garden. Akala niya ay hindi na ito susunod pero nasa likuran niya ito pagdating niya ng harden. Nanatili siyang nakatayo at hawak ang isang braso sa harapan niya. "Dianne." Narinig niyang tawag nito. Kagat ang labing nilingon niya ito. "Magsalita ka nga." Anong sasabihin niya? Nanatili sa isip niya ang mga salitang iyon habang nakatingin dito. "Bakit ba ayaw mong magsalita, ha? Pwede ka namang sumagot. Mangatwiran ka kung sa tingin mo ay tama ka." Titig na titig ito sa kanya habang nagsasalita na akala mo ay pagod na sa kakasabi sa kanya. O awa ba ang nakikita niya sa mga mata nito? Tinawanan niya ang sarili sa narinig Kelan nga ba siya natutung lumaban? Isang beses palang siya sumagot ng hindi maganda sa isang taong masama sa kanya at iyon ay sa madrasta niya. Naiinis siya sa sarili niya. Gustuhin man niyang lumaban pero nanginginig ang kalamnan niya at hanggang sa hindi na siya makapag-salita. "Ano bang ikinatatakot mo kapag lumaban ka?" Lumapit ito sa kinatatayuan niya. Ano to, tinuturuan siyang lumaban pagkatapos siyang insultuhin nito? "Dianne." Muli ay untag nito sa kanya. Umiwas siya dito ng tingin. "Tingnan mo yang ginagawa mo, umiiwas ka. Hindi ka matututong lumaban kung lagi kang umiiwas." Alam niyang sa uri ng pagsasalita nito ay para siyang bata na pinagagalitan dahil pumapayag lang siyang api-apihin ng kung sino at parang pinayagan pa niya ang pang-aaping iyon. Bigla siyang nakaramdam dito ng inis. Ano ba ang pakialam nito sa kanya? Hindi ba nito alam na mas lalo siya nitong iniinsulto sa ginagawa nito? "Pasensya ka na kung pinagsasabihan kita. Hindi ko alam kung anong pinagdaanan mo pero gusto kung malaman mo na pwede mo akong maging kaibigan." Tumingin siya rito. Totoo ba yung narinig niya? Ito magiging kaibigan niya? "O kung mas makaka-gaan sa'yo, pwede mo akong ituring na kuya. Parang nakakatandang kaibigan." Bigla nitong dugtong. Napatitig siya sa sinabi nito. Nagbibiro ba ito? Ni hindi nga sila nag-uusap tapos ituring daw niya itong kuya? Sabagay katulad ng sinabi nito ay nakakatandang kaibigan. "Magiging kuya kita?" Nawe-weirduhan siya rito. Tumango ito. "Kung gusto mo?" Tumango-tango siya. Kuya. Parang katulad sa mga orphanage na pinupuntahan nila na kung saan ay kilala si Luis bilang kuya ng mga batang nakakausap niya. Siguro ay pakiramdam ni Luis ay isa siya sa mga batang kailangan ng tulong nito kaya ito nag-presentang maging kuya niya. Tumango-tango siya. "Sige. Kaibigan." "Talaga?" Nakatawang tugon nito. "Pero hindi kita tatawaging 'Kuya.'" Aniya rito at tumungo. "Bakit naman?" "Kasi nakakahiya." "Asus. Ano ka ba? Ang daming tumatawag sa akin ng kuya. Sa Orphanage. Sa school. Kaya bakit ka mahihiya?" Ipinatong nito ang kamay sa ulo niya at kunwaring ginulo ang buhok niya. "Simula ngayon kuya na ang itatawag mo sa akin ha? Mas matanda ako sayo." Deklara nito. "Teka, p-pero..." Natilihan siya sa sinabi nito. "Bakit? Dahil hindi tayo totoong magkapatid?" Natawa ito ng tumango siya. "Kahit hindi mo ko kapatid pwede mo akong tawaging kuya, okey? Alam kong ikakatuwa din 'yun nina mama." Ito ang crush niya tapos tatawagin niyang kuya? Mabigat ang loob na tumango na lang siya. "Sige na nga." "Kuya." Utos nito. Agad-agad? Nagdadalawang isip siya kung susundin ba ito. Una ay hindi siya sanay. Pangalawa ay nakakahiya sa magulang nito at sa mga kasama nila sa bahay. Kay Aling Celing, si ate Mercy na noong nakaraang araw ay nakilala na niya, at si ate Anita na dalawang beses na niyang nakita at nakasama. "Huwag ka ng mahiya. Isipin mo nalang 'yung mga bata sa ampunan. Lahat sila kuya ang tawag sa akin." Tama nga siya. Parang bata sa orphanage ang turing nito sa kanya pero kahit paano ay nabawasan ang pag-aalinlangan niya dahil may puso ito para sa mga katulad niyang pobre sa kabila ng masungit nitong pinapakita sa ibang tao. "Kuya." Medyo napangiwi siya sa pagsambit sa mga salitang halos ayaw lumabas sa bibig niya habang nakatingin sa malayo. "E di mas okey. Ngayon pwede mo ng sabihin sa akin ang lahat ng hindi ka naiilang. Kung gusto mo naman ng tulong, pwede mo akong lapitan kahit anong oras, kahit saan pa man pwede mo akong tawagin, okey?" Naiilang siyang lumingon dito. "Okey." "Simula ngayon, matuto kang ipagtanggol ang sarili mo ha. Lagi kitang babantayan sa school at kapag nakita kong nagpapa-api ka, hindi na kita kakausapin." Banta nito. "Sige, susubukan ko." Huminga siya ng malalim. "Huwag mong subukan. Gawin mo din." Tumango siya sa sinabi nito kahit hindi siya kumbinsidong magagawa nga iyon. Ang gusto niya lang ay matapos na ang usapan nila dahil bumabangon na naman muli ang pagkailang niya rito. "Magsanay ka. Pwede kang mag-practice kasama ako." Alok nito na ginaya siya sa pagtingin sa malayo. Tumingin lang siya dito. Hindi naman niya ito lubusang maintindihan e pagkuwa'y humarap ito sa kanya. "Tutulungan kita. Isa sa mga araw na ito ay matututo ka rin lumaban. Hindi naman suntukan e, yung tamang pangangatwiran lang basta makinig ka sa akin." Ginulo na naman nito ang buhok niya pagkuwan ay pumasok sa loob ng bahay. Hindi muna siya pumasok. Ninanamnam pa niya ang mga sinabi nito. Posible pala na mapalapit ka sa taong dati ay hinahangaan mo lang mula sa malayo. Napangiti siya sa kanyang sarili habang nakatingala sa langit pero hindi niya pa rin maiwasang hindi mapangiwi kapag naiisip na kuya na ang kailangan niyang itawag rito. Simula noon ay hindi na siya ulit sinubukang guluhin ng grupo nila Lily dahil sa maagap na pagbabantay ni Luis sa kanya sa eskwelahan nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD