"Dianne." Tawag sa kanya ni aling Celing mula sa labas ng pinto sabay bukas niyon. "Ineng, andiyan na si Misis Ignacio. Kakausapin ka na daw."
Tamang-tama ang dating nito. Nakapag-bihis na siya ng mayos-ayos na damit. Tiningnan niya ang sarili. Isang kulay itim na jogging pants na pinarisan niya ng green t-shirt ang suot niya. Pwede na siguro iyon.
"Sige ho, ito nakabihis na ho ako." Aniya rito bagama't hindi maitago ang pag-aalala.
"Huwag kang mag-alala, mababait ng mga amo natin. Gusto ka lang makita ni Misis Ignacio at makausap saglit."
"Salamat naman po kung ganoon."
"Oo. Kaya huwag ka ng mag-iisip ng kung ano-ano."
"Ganoon ho ba?"
Tumango ang nangingiting si aling Celing. "Halika na, sumunod ka sa akin."
Iginiya siya nito palabas ng silid. Mula sa kwartong pinanggalingan nila ay binagtas nila hanggang sa kusina at mula doon ay dumiritso sila pakanan hanggang sa humantong sila sa salas ng bahay. Sa pinakagitna ng salas ay may korteng U na mahabang sofa na sa tingin niya ay kay lambot upuan. Kung hindi nga lang nakatingin si Aling Celing sa kanya ngayon ay baka umupo na siya roon.
Namangha siya sa nakita niya na sa tingin niya ay mga nabuhay na imahe mula sa telebisyon nila Aling Nemfa kapag nakakanood siya sa karinderya nito sa araw ng sabado at linggo.
Magagara ang mga kagamitang nakikita niya. Kahit na ang mga kurtina ay hindi maikakailang magagandang klase dahil makakapal ang mga iyon at magaganda ang disenyo ganoon rin ang maliliit na unan na nasa upuan ay kakaiba pero magaganda rin ang istilo.
Mayroon din siyang nakitang malaking telebisyon sa harapang bahagi ng sofa na nakapatong sa isang kulay dark brown na cabinet at sa tabi naman ng isang bintana ay mayroong isang computer set pero ang nagpamangha sa kanya lalo ay nang makita ang isang piano sa tabi nito na napapatungan ng mga naka-frame na larawan. Ilan bahay nga lang ba ang mayroon ng mga ganitong kagamitan dito sa bayan nila? Malamang hindi ganoon karami pero ang sigurado siya ay mayaman nga ang magiging mga amo niya.
Maaliwalas at malaki ang buong salas, marahil ay dahil sa malalaking bintana na kinabitan ng malalaking kurtina habang sa gitna ng salas ay may hagdanan paakyat. Kulay puti din ang pintura katulad sa labas pero dito kulay crema ang shade. Hinawakan niya ang isang lamesang pinapatungan ng malaking flower base, kahit kaunting alikabok ay wala siyang nakapa. Lalapitan na sana niya ang mga larawan sa ibabaw ng piano ng bigla siyang tinawag ni aling Celing.
"Dianne, halika na." Lumapit siya dito kaagad.
May pasilyo papasok sa gawing kaliwa ng salas na siya nilang tinumbok. Dalawang pinto ang dinaanan nila bago nila narating ang silid sa dulo. Ang silid na nasa dulong bahagi ng pasilyo ang kinatok ni Aling Celing.
"Pasok kayo." Nadinig niyang sabi ng nasa loob.
Pagkapasok ay nakita niya ang isang eleganteng babae na sa palagay niya ay mga kwarenta anyos lang ang gulang na naka-upo sa harap ng isang mesa. Akala niya silid-tulugan iyong pinasok nila iyon pala ay isa iyong library. Puno ng libro ang buong silid na ang iba ay nakasalansan sa mga cabinet. Napangiti siya. Gusto niya rin kasing magkaroon ng ganoon sa sarili niyang bahay.
"Siya ba, aling Celing?" Tukoy ng babae sa kanya na ngumiti ng matamis.
"A, opo ma'am. Siya nga. Siya si Dianne."
"Magandang hapon po ma'am, ako po si Dianne." Nakangiti niya ring bati sa babae. Hindi niya alam kung ano ang gagawin sa harap nito, kung lalapit ba siya rito o yuyukod. Sa huli ay nanatili nalang siya sa kinatatayuan niya at pinagmasdan ang ginang. Maganda ito sa ayos nitong nakapusod na buhok kaya kitang-kita ang magandang hugis ng mukha ng ginang at ang matangos nitong ilong. Sa hinuha niya ay iyon ang tinatawag ng ilan na mestisa at maliban pa roon ay mukha pa itong mabait.
"Ako naman si Agnes Ignacio. Ikinatutuwa kong makilala ka Dianne. Naikwento ka na sa amin ni aling Celing, iyong tungkol sa tirahan mo." Saglit itong tumigil at tila naaawang tumitig sa kanya. "Hayaan mo at tutulungan ka namin." Mahinahong sabi nito. Tumayo ito at lumapit sa kanya pagkuwa'y hinawakan siya sa balikat. Nagmukha siyang batang paslit ng tumapat dito dahil sa tangkad ng babae na nagmukha pang matangkad sa suot nitong asul na bestida na abot hanggang sa sakong nito.
"Salamat po ma'am." Naestatwa niyang wika. Ang magkabilaan niyang kamay ay nakahawak sa laylayan ng t-shirt niya.
"Wala kang dapat ipag-pasalamat sa akin, hija. Tungkulin ng pamilya ko ang tumulong sa lahat ng mga nangangailangan." Bumaling ito sa kasama niya. "Aling Celing kayo na ang bahala sa batang ito, ano ho? Mayroon pa kasi akong kailangang gawin e. Pupunta pa ako sa foundation."
"Sige po. Makakaasa kayong masusunod ang mga bilin niyo, ma'am." Ani aling Celing sabay baling sa kanya. "Halika na." Nagpatiuna na ito sa kanya sa paglabas.
Tipid siyang ngumiti muli sa babae at patingkayad na sumunod kay Aling Celing hanggang sa nakalabas siya ng silid. Muli ay nagpaling-linga siya dahil sa ganda ng mga nakikita niya.
Pagkarating nila ng kusina ay agad na naglabas ng mailuluto sa refrigerator si Aling Celing, mga gulay ang mga iyon at isda. Marahil ay para sa hapunan. Tiningnan niya ang orasan na nasa isang bahagi ng kusina. Lagpas alas-dos palang ng hapon.
"Magluluto na po kayo kaagad?"
Nangiti ang matanda sa tanong niya. "Maya-maya pa. Inilabas ko lang iyong mga isda para lumambot hanggang mamaya."
"Ahh." Inosente niyang tango rito habang nakatingin pa rin sa ginagawa nito.
"Alam kong pagod ka at hindi ka pa sanay dito kaya mag-pahinga ka muna Dianne." Pagtataboy sa kanya ng matanda. "Matulog ka muna."
"Ayos lang po ako, 'wag niyo po akong alalahanin." Tugon niya rito. "Ano po ba ang unang gagawin Aling Celing?"
"Ibinilin sa akin ni Misis Ignacio na hindi ka pwedeng gumawa ng mabibigat na trabaho kaya maggayat ka nalang ng gulay diyan." Itinuro nito ang mga gulay na nasa mesa. "Simula ngayon, wala kang gagawin na hindi mo kaya ha, ang nipis-nipis ng katawan mo baka magkasakit ka pa."
"Pero nandito ho ako para magtrabaho."
"Oo nga pero hindi mo ba alam na wala ka namang kailangan talagang gawin dito? Nandito ka dahil gusto kang tulungan ng mag-asawa sa pag-aaral mo at hindi upang pagtrabahuin dito." Anito na tila nagpapaliwanag sa isang batang paslit.
Hindi kaagad rumihistro sa utak niya ng sinabi nito. Hindi daw siya andito para magtrabaho? Anong gagawin lang pala niya dito?
"Ano lang po ang gagawin ko?"
"Kung ano-ano lang basta hindi yung mahihirap. Mababit lang talaga sila. Kahit yung anak nila ay napakabait din."
"May anak ho pala sila ma'am? Ilan ho? Bakit ho wala akong nakikita ngayon?"
"Isa lang. Naku ang batang iyon, di mo makikita 'yun dito kapag ganitong walang pasok. Doon sa ampunan iyon nag-lalagi. Nagpapakain ng mga bata."
Umupo siya sa harap ng mesa at sinimulan nang maggayat ng mga gulay. Mga anghel siguro ang may-ari ng bahay na ito, napaka-matulungin e. "Ang babait naman ho nila kung ganoon."
"Sinabi mo pa. Ang sabi nga ni Ma'am ay kahit mag dilig-dilig ka lang daw ng mga halaman niya."
"Ganoon po? E sino ho ang naglalaba rito at naglilinis ng bahay?" Naguguluhan niyang tanong.
"Si Mercy ang nag-lilinis rito at may pumupunta naman rito para maglaba, si Anita. Tatlong beses sa isang linggo 'yun kung pumunta dito. Si Mercy naman, nag day-off ngayon kaya di mo makikita. May aasikasuhin daw doon sa kanila. Sa kabilang bayan iyon nakatira."
Tumango-tango siya. "Kayo po, anong trabaho niyo rito?"
Natawa ito sa tanong niya. "Kung anu-ano lang Dianne. Ito nagluluto, nagpupunas ng mga gamit, namamalengke at namamahala dito sa bahay."
"Ako po anong gagawin ko dito?" Ulit niya.
"Sinabi ko naman sa'yo, wala kang eksaktong trabaho rito. Tinanggap ka ng pamilya para may mauwian ka, pero dahil mapilit ka, simula ngayon magiging assistantant na kita. Okey ba yun?" Sumenyas pa ito sa kanya gamit ang hinlalaking daliri.
Natawa siya sa sinabi nito. Sa tingin niya ay hindi siguro siya mahihirapang mag-adjust dito dahil mababait naman ang mga kasama niya.
Ginaya niya ang ginawa nito. "Okey na okey po."
Kinagabihan ay hindi agad nakatulog si Dianne. Namamahay yata siya dahil kanina pa siya pabaling-baling sa kanyang higaan pero hindi siya dinadalaw kahit kaunting antok manlang. Siguro ay dahil bago sa kanya ang lahat ng nasa paligid niya. Katulad nalang halimbawa ng kutson na kinahihigaan ngayon. hanggang kahapon ay manipis lang na kumot ang sapin niya sa kanyang likod sa pag-tulog niya doon sa pinaka-salas ng kanilang bahay pero ngayon ay sa kutson na siya nakahiga at sa loob pa ng isang kwarto. Noon ay wala din siyang kasama kapag matutulog na siya, pero ngayon ay nandiyan si aling Celing na kasama niya sa isang silid at mayroon pa silang ibang kasama sa loob ng bahay.
Umupo siya sa kanyang higaan at inaninag buong silid. Naghihilik na sa kama nito si Aling Celing kaya ayaw niyang makagawa ng ingay at baka magising pa ito. Tumayo siya sa higaan at maingat na lumabas ng silid. May isang malamlam na ilaw ang bukas sa dulo ng pasilyo na nagbibigay liwanag sa kusina at sa nilakaran niya. Kumuha siya ng baso sa salansanan at tinungo niya ang ref at naghanap ng maiinom na tubig. Nang makita ang pitsel ay nagsalin siya ng tubig sa dala niyang baso pagkatapos ay isinara rin iyon kaagad.
Habang umiinom ay sumandal siya sa may lalabo at pinakiramdaman ang katahimikan ng buong bahay. Lahat yata ay tulog na sa mga oras na iyon. Sabagay, mag-a-a-las nueve na pala ng gabi ayon sa relong nakasabit sa may harapan niya. Hindi iyon pangkaraniwan sa kanya dahil lagi siyang nakakatulog ng maaga.
Hindi pa niya nakaka-usap ang asawa at anak ni Misis Ignacio kaya hindi pa niya nakikilala ang mga ito paano kasi ay hindi siya pinalabas ng kusina ni aling Celing kanina habang kumakin ang buong pamilya. Anito ay ipapatawag nalang daw siya ng amo nilang lalaki sa ibang araw kapag sanay na siya sa bahay na siyempre ay ikinatuwa niya.
Nagpasya siyang pumunta ng harden pagkatapos niyang hugasan ang ininuman niyang baso at sa pagkakataong ito ay sa salas siya dumaan. Medyo madilim na sa may parte ng salas lalo na sa may pintuan pero aninag niya pa rin naman niya dahil sa liwanag na nanggagaling sa labas.
Nakita niya ang mga larawang nakasabit sa bahay, mga paintings siguro iyon ng buong pamilya. Pilit niyang inaninag ang mukha ng kasama ng ginang pero madilim na at hindi niya gaanong makita kaya binalewala na lang niya iyon at tumuloy na sa bakuran ng bahay. Sumalubong sa kanya ang lamig ng panggabing hangin na yumakap sa kanyang manipis na suot kaya humalukipkip siya. Sa labas ay tanging mga ilaw na lang na nanggagaling sa mga poste sa di kalayuan ang nakakapag-paliwanag sa buong bakuran ng bahay.
Huminga siya ng malalim at pinuno niya ang kanyang baga ng hangin. Napaka-sarap sa pakiramdam. Ngayon niya lang napagtanto na matagal na rin pala siyang di nakaka-hinga ng maluwag.
Sa isang bato sa gilid ng halaman siya umupo at pagkatapos ay tumingala siya sa langit. Masaya niyang pinagmasdan ang kalahating buwan at ang mga bituing nagkikislapan sa buong kalangitan. Noon niya lang napagtanto, nasa probinsya siya pero halos ngayon niya lang napagmasdan ang langit sa gabi. Napakaganda pala niyon bagay na hindi niya nakikita noong nasa sariling bahay pa niya siya.
Na-miss niya bigla ang sariling tahanan. Siguradong nagdidiwang na ngayon ang kanyang madrasta dahil wala na siya na alalahanin nito.
Inabot siya ng ilang oras sa panonood sa mga bituin ng mayroon siyang maaninag sa may bintana sa ikalawang palapag ng bahay na tila nag-mamasid sa kanya. Anino ng tao iyon na parang nakatingin sa dako niya pero dagli ring nawala. Kinilabutan siya. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa magkabilaan niyang braso. Sino naman kaya iyon at gising pa hanggang sa oras na iyon samantalang dis-oras na ng gabi?
Hindi naman kaya isang multo 'yun? Kinilabutan siya sa naisip niya pero pinayapa niya agad ang isip niya.
Baka naman si aling Celing lang, naisip niya, pero bakit hindi siya nito tinawag at saka bakit nasa ikalawang palapag samantalang nasa baba ang silid nila?
Napatakbo siya papasok ng bahay ng makarinig ng tahol ng aso. Panira naman. Ang ganda-ganda ng pakiramdam niya kanina pero napalitan 'yun ng nerbiyos lalo pa at inabutan niyang himbing na himbing na sa pagtulog si aling Celing sa loob ng inuukupa nilang silid.
Pagkahiga ay agad siyang nagtalukbong ng kumot dahil sa pandinig niya ay mas lalo pang lumakas ang tahol niyon.
Kinabukasan bago pumasok sa paaralan ay hindi niya naiwasang hindi banggitin kay aling Celing ang nangyari sa kanya noong nakaraang gabi. Natawa ito sa kanya ng banggitin niya na baka isang multo ang nakita niya.
"Ano bang multo ang sinasabi mong bata ka. Walang ganyan dito sa bahay na 'to at saka wala naman akong nararamdamang kakaiba dito."
"Pero nakita ko po talaga, nakatayo doon sa may bintana sa taas. Paharap ng harden. Akala ko nga kayo e." Paliwanag niya.
"Ku, itong batang ito. Ang aga kong nakatulog kagabi. Hindi na nga kita namalayan na lumabas e." Sagot nito habang abala sa pagluluto ng a-almusalin ng pamilya. "Pero teka, baka naman si Luis ang nakita mo."
Napakunot siya ng noo sa matanda. "Sino pong Luis?"
"Hindi mo pala siya kilala? Siya ang anak nila Misis Ignacio. Balita ko nga ay diyan din iyon nag-aaral sa pinapasukan mo." Balewala nitong banggit sa kanya. "O, 'di ba, hindi mayabang ang pamilya nila? Kahit mayor ang ama niya ay sa pampublikong paaralan pa rin siya pumasok."
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Si Luis Ignacio!
Si Luis Ignacio na anak ng mayor, si Luis Ignacio na presidente ng student council, at si Luis Ignacio na crush niya ay dito nakatira sa bahay na pinagta-trabahuan niya?
Napatungo siya mesa na animo ay nabagsakan ng langit. Bakit ba hindi niya agad naisip 'yun? Ignacio ang apelyido ng amo nilang babae at nakatira sa malaking bahay. Bakit ba hindi niya naisip na baka pamilya ng mayor itong napasukan niya? Lihim siyang napalatak sa sarili niya. Sabagay, malay naman niya na sa dami ng Ignacio sa bayan nila ay ang pamilya ng mga ito ang magiging amo niya.
Nag-aalalang nilapitan siya ni aling Celing. "Bakit Dianne, may masakit ba sa'yo?"
"Wala po." Umiiling na tugon niya. Ano ba ang pwede niyang sabihin dito?
"Hala sige, maghanda ka na para pumasok. Nadiligan mo na ba yung mga tanim ni Misis Ignacio?"
"Opo." Matamlay niyang sagot dito.
Hindi niya alam kung bakit siya tumamlay ng malaman niyang dito pala nakatira si Luis samantalang pagkakataon na niyang makita ito parati. Siguro ay dahil mas mararamdaman niya ang pagkakalayo ng estado nilang dalawa. Ito ang anak ng amo niya at siya ay kasambahay ng mga ito.
Nang ikwento niya kay Carla lahat ng nalaman niya ay hindi rin ito makapaniwala pero sa huli ay tinukso siya nito tungkol sa hinuha nitong may paghanga siya sa binatilyo na matigas niyang tinggihan. Sa huli ay pinayuhan nalang siya nito na magtiis nalang ng kaunting panahon dahil malapit na daw namang umalis papuntang Maynila si Luis upang doon mag-aral ng kolehiyo na kahit paano ay ikinaluwag ng dibdib niya kahit nalungkot siya sa balitang iyon.
Nang mga sumunod na araw ay hindi na naiwasan pa ni Dianne na makita ng malapitan si Luis. Araw iyon ng Linggo at ayon kay Aling Celing ay magpipirmi na daw ang binatilyo sa bahay upang mag-review para sa entrance examination nito sa isang kilalang unibersidad sa Maynila kaya naman ay siya ang inuutusan ni aling Celing na magdala ng meryenda nito sa library kung saan ito subsob sa pagbabasa ng kung anu-anong libro.
Noong una'y nagulat rin ito ng makita siya. Parang hindi ito makapaniwala na siya yung nabangga nito sa eskwelahan nila at binigyan nito ng pagkain at panyo. Naramdaman niyang napatitig ito sa kanya ng pumasok siya sa library kaya kabado siyang makagawa ng mali. Nakababa ang ulong pumasok siya sa silid na iyon at inilapag sa harap nito ang dalang tray ng pagkain at ng matapos ay kagyat din siyang lumabas na animo'y may iniiwasang nakakatakot sa loob. Iyon ang pagkakataong napatunayan niya na suplado talaga ito dahil hindi ito kumibo ni hindi manlang nagpasalamat sa pagdadala niya dito ng pagkain hanggang sa nakalabas siya ulit. Ipinagkibit-balikat niya ang bagay na iyon dahil mas okey iyon para sa kanya kaysa sungitan siya nito.
Ganoon na ang naging sistema nila. Kapag nasa bahay ang binatilyo ay siya ang tagahatid ng pagkain nito sa library pero walang salitang namamagitan sa kanila. Papasok siya ng library ng hindi tumitingin dito at maglalapag ng pagkain, pagkatapos ay lalabas agad siya ng silid.
Isang gabi ay lumabas muli si Dianne ng bahay pagkatapos nilang linisin ni Aling Celing ang kusina. Sabay sila nitong pumasok sa kwarto nila pero pagkatapos niyang magbihis ng pangtulog ay nagpaalam siya ritong pupunta muna siya sa harden. Nasa kani-kanilang silid na rin siguro ang mga amo nila dahil tahimik na ang buong kabahayan na noon ay naiilawan nalang ng malamlam na liwanag sa kusina.
Umupo siya sa batong dati niyang inupuan at masaya siyang tumingala sa langit. Maganda ang panahon noong gabing iyon na noong araw ay binadyaan ng makakapal na ulap, mabuti nalang at hindi iyon tumuloy hanggang sa nag-gabi kaya siya nakalabas sa harden at pinapanood ngayon ang mga nagkikislapang bituin.
Simula noong unang araw ay dito na siya sa bakuran nag-lalagi tuwing gabi bago siya matulog at hindi naman siya pinagbawalan ng kanilang amo bagkus ay hinahayaan siya ng mag-asawa. Binilinan nalang siya ng mga ito na huwag siyang lalabas ng gate.
Pinakiramdaman niya ang paligid. Tahimik na. Lagpas alas-ocho na rin noon kaya kahit sa mga kapitbahay ay wala ng ingay na maririnig at sa di-kalayuan ay ilang bahay nalang ang kinakitaan niya ng bukas na ilaw. Wala na rin mga taong dumadaan sa kalsada sa harapan nila ganoon pa man ay hindi iyon nagbigay ng takot sa kanya lalo na at nalaman niyang si Luis pala iyong naaninag niya sa bintana noong unang gabi niya.
Napangiti siya ng makita ang isang malaking bituin na mas kumikinang habang matagal niyang tinititigan. Pinabilog niya ang isang kamay at ginamit iyon bilang teleskopyo at ilang segundo ring pinaglipat-lipat sa mga bituin ang kanyang paningin. Natigil lamang iyon ng bigla siyang makarinig ng kaluskos na nagpalingon sa kanya. Sa gawing likod niya nanggaling ang ingay at ganoon nalang ang gulat niya ng makaaninag siya ng anino na bigla na lang lumitaw sa parteng iyon na naging dahilan para tumayo siya sa kanyang kinauupuan.
Muntik na siyang mapatalon ng masino ang taong iyon. Si Luis.
"Nagulat ba kita?" Tanong nito sa kanya sa seryosong boses.
"Kayo ho pala. May kailangan kayo?" Umayos siya ng tayo pero di niya naikubli ang panginginig ng boses niya. Akala niya kung ano na. Alam niyang maraming nakakatakot na kwento rito sa bayan nila tungkol sa mga aswang at iba pang lamang lupa at akala niya ay isa na ito sa mga iyon.
Lumakad ito palapit. Unang beses nitong lumapit sa kanya.
"Wala naman. Na-miss ko lang 'tong garden ni Mama. Simula kasi nung dumating ka, hindi na ako naka-tambay dito." Seryoso pa rin nitong sagot na ang dating sa kanya ay parang galit kahit hindi niya iyon narinig sa boses nito.
"Pasensya na ho." Ibinaba niya ang kanyang paningin para umiwas ng tingin dito. Kung ganoon ay hindi sinasadyang naagawan niya ito ng tambayan pagkarating niya dito sa bahay ng mga Ignacio.
Hindi ito sumagot sa sinabi niya bagkus ay lumakad ito palagpas sa kanyang kinatatayuan.
"Pasensya na ho talaga. Hindi ko po alam. Sige ho, mauuna na po akong pumasok sa loob." Tumalikod siya rito at nakakailang hakbang na rin bago niya ito narinig na nagsalita.
"Ayos lang 'yun. Walang problema sa akin."
Bahagya siyang napaismid sa sinabi nito. Ayos daw e kanina lang ay rinig niya sa boses nito ang negatibong damdamin kaugnay sa pagtambay niya sa harden ng mga ito.
"Sige po." Sa halip ay sagot niya rito.
"Pwede kang tumambay rito kung gusto mo." Muli ay dinig niyang sabi ng binatilyo. Bahagya niya itong nilingon.
"Salamat ho. Sa susunod nalang po siguro." Pagkatapos niyon ay tuloy-tuloy na siyang pumasok sa loob ng bahay hanggang sa silid na inuukopa nila Aling Celing na kung saan ay naabutan niyang mahimbing na ang tulog. Agad siyang humiga sa kanyang higaan at doon nalang nagmuni-muni hanggang sa dinapuan ng antok.