Kinabukasan, maaga palang ay nasa paaralan na si Dianne habang ang kaibigan ay hindi pa niya nakikita. Ipinagkibit-balikat niya iyon dahil nasanay na siyang sa kanilang dalawa ay ito palagi ang atrasado sa pagpasok sa klase at mga lakad nila. Hindi nga niya alam kung bakit late ito palagi kumpara sa kanya samantalang may katulong naman ang mga ito na nag-aasikaso rito.
Tiningnan niya ang kanyang relo, alas siyete kwarenta y singko na. Kinse minutos na rin siyang nakaupo lang sa bench habang manaka-nakang inililibot ang pangin sa kabuuan ng school nila na noon ay mangilan-ngilang palang ang estudyante.
Humalukipkip siya upang supilin ang lamig ng pang-umagang hangin na nadagdagan pa lalo dahil nalililiman ng mga puno ang kinauupuan niya.
Mahala ang ipapakiusap niya sa kaibigan kaya mas inagahan niya ang kanyang pagpasok sa pag-aakalang maaga rin itong darating sa eskwela sa araw na iyon ngunit mukhang nagkamali siya. Makikiusap sana siya rito na samahan siya nito kinatanghalian na maghanap ng pwedeng mapasukang trabaho sa sentro ng bayan. Kahit anong trabaho ay papatusin niya basta iyong pwede pa rin siyang mag-aral.
Nakapag-isip na siya, hindi na niya tatapusin ang isang buwan na palugit sa kanila. Kailangan niyang makahanap ng mapapasukan habang maaga pa, at kapag meron na ay aalis siya agad sa bahay nila.
Naikuyom niya ang dalawang palad. Balang araw ay babawiin niya rin iyon. Ang kailangan niya lang ay makapagtapos ng pag-aaral, makapag-trabaho at mag-ipon ng pera para mabili ulit iyon sa bagong may-ari. Kahit abutin man siya ng ilang taon sa pag-iipon basta ang mahalaga sa huli ay mabawi niya.
Ilang beses siyang huminga ng malalim upang pigilan ang galit na unti-unting nagpapabigat sa dibdib niya gayundin ang luhang nararamdamang namumuo sa sulok ng kanyang mga mata. Kinurap-kurap niya ang mga mata. Nakita niyang dumarami na ang mga estudyanteng dumarating at pumupunta sa covered court pero ang hinihintay niya ay wala pa. Ilang minuto nalang at magsisimula na ang flag ceremony.
Paano kung hindi ito pumasok sa araw na iyon? Huminga siya ng malalim. Di bale siya nalang mag-isa ang lalakad mamaya.
"Dianne pumila na daw, magsisimula na." Tawag sa kanya ng isa niyang kaklase.
Nilingon niya ito. "Oo sige, papunta na." Binitbit na niya ang kanyang bag at nagsimula na siyang maglakad.
"Dianne, bilisan mo!" Dinig niyang sabi ng hinihingal na kaibigan mula sa likuran di-kalayuan sa kanya. Nakahabol ito. Napangiti siya paglingon dito.
"Akala ko di ka na papasok." Parang nabunutan ng tinik na saad niya.
Sumilay ang ngiti sa labi nito. "Pwede ba naman yun. Kailangan ako ng bestfriend ko."
Lumakad siya para salubungin ito. "Halika ka na nga, bilisan na natin." Hinila niya ito at sabay silang tumakbo papasok ng covered court.
Bago dumating sa pila nila ay dinaanan muna nila ang pila ng fourth year students. Luminga-linga siya, naalala niyang nasa bulsa pa niya ang panyong pinahiram ni Luis sa kanya kahapon. Isasauli na ba niya? Nalingunan niya itong may kausap na isang babaeng estudyante- si Angelika- kaklase nito na anak ng principal nila. Sa huli ay naisipan niyang saka nalang niya siguro ibabalik dito ang panyo nito. Di niya pa din naman iyon nalalabhan.
Binalewala niya ang bahagyang pangangasim ng pakiramdam dahil sa pagkikita sa binatilyong may kausap at katawanan sa umagang iyon. Binilisan nalang niya ang lakad habang karay-karay siya ng kaibigan niya.
"Bilisan na natin, andun na pala si Misis Rivas." Turo niya sa guro nila na noon ay nasa gilid na ng covered court papunta sa pila nila. Pinakaayaw nito sa umaga kapag may late sa klase nito at sa flag ceremony.
Kahit nagkakanda-bunggo sa ibang estudyante ay may binilisan pa nila ang lakad nila para maunahan lang ang guro na noon ay may kipkip na attendance book. Mahina man siya sa klase, sa attendance nalang siya bumabawi.
"O ano, saan na tayo pupunta ngayon?" Unang nagbasag ng katahimikan nila si Carla na kanina pa nananakit ang paa dahil sa kanilang paglalakad. Pareho nilang sukbit ang bag nila sa paglalakad galing eskwela. Ang mga noo nila ay parehong may mga butil ng pawis at ang mga pantaas nilang uniform ay parehong basa na rin dahil sa pawis.
Nasa sentro ng bayan na sila noon kung saan naroon ang mga establisemento sa lugar na iyon. Sinabi niya ang kanyang balak sa kaibigan pagkatapos pa lamang ng kanilang flag ceremony na magpapasama siya dito maghanap ng trabaho pagdating ng tanghali kung saan ay lunch break nila- na siyempre pa ay matigas nitong tinanggihan ngunit pagkatapos ng klase nila noong umagang iyon ay pumayag din naman ito- at ngayon nga ay nandito na sila sa harap ng hilera ng mga tindahan at nagtanong-tanong kung meron bang mga bakante na pwede niyang maaplayan.
"Itong linya nalang Carla, pagkatapos nito balik na ulit tayo sa school." Tukoy niya sa kaharap na hilira ng pinagtanungan nila kanina. Nagbabakasakali siyang makapag-aplay bilang tindera. Merong silang napagtanungan na tumatanggap ng tindera yun nga lang ang gusto ng mga ito ay full-time at hindi pwede ang mga estudyante dahil buong araw sa probinsya nila ang pasok sa paaralan.
"Kung wala nga lang tayo pasok ngayong hapon, okey lang sa akin na gumala-gala tayo dito." Ani Carla. "Bukas nalang kaya Dianne? Bukas ay sabado na naman e. Pwede tayong bumalik dito. Katanghalian pa naman tapos basa na tayo ng pawis."
"Sorry ha. Pati tuloy ikaw nadadamay sa sa problema ko."
"Wala naman sa akin ito e pero siyempre concern ako sa health nating dalawa. Pawis tayong papasok tapos pag natuyuan tayo ng pawis e di magkakasakit tayo, kaya sige na. Balik nalang tayo ulit bukas."
"May trabaho ako bukas sa karinderya ni aling Nemfa." Nanghihinayang niyang wika. " Sayang din 'yun panggastos ko."
"Sabi ko naman sayo e, sa bahay ka nalang tumira. Pwede ka pa rin namang maghanap ng mapapasukan kahit nasa amin ka na. At least secure na yung titirhan mo."
"Salamat, Carla. Nakakahiya na sa inyo masyado. Marami na kayong naitulong sa akin at ayoko naman na sagarin ang tulong niyo." Hinawakan niya ito sa braso. Grateful siya sa kaibigan niya. Dati pa kasi siya nitong inaalok na doon nalang daw siya sa bahay ng mga ito tumira -simula ng malaman ng pamilya nito na pinag-mamalupitan siya ng kanyang madrasta- pero tinanggihan niya ito. Tama na ang tulong at suporta na ibinibigay ng pamilya nito sa kanya.
"Basta kung kailangan mo kami andito lang kami, ha." Tinapik nito ang balikat niya.
"Salamat." Muli ay sambit niya.
Iyon lang naman lagi ang nasasambit niya sa kabutihan ng pamilya nito at ng mga taong nakakatulong sa kanya. Sa totoo lang ay hindi siya magsasawang magpasalamat sa kabutihan ng pamilya ni Carla. Sila ang tanging kumakanlong sa kanya sa panahong ito na hirap na hirap siya. Ngayon na tila hindi niya pa alam kung maliwanag ba ang darating na araw para sa kanya, ang mga ito ang tanging ilaw niya.
Hapong -hapo ang pakiramdam niya pagkatapos nilang mag-ikot ni Carla. Pakiramdam niya nawalan siya ng lakas sa paglalakad at alam niyang ang kaibigan ay ganoon rin. Nakikita niyang mabibigat na ang bagsak ng mga paa nito at tigmak rin ito sa pawis kaya di niya maiwasang maawa rito pero mabuti nalang at hindi ito maarte sa katawan.
Ganoon pa rin ang resulta, walang posibleng tumanggap sa kanya dahil estudyante siya. Hindi naman niya pwedeng iwanan ang kanyang pag-aaral para magkapagtrabaho dahil yung pag-aaral niya nga ang dahilan kaya gusto niyang mag-trabaho.
"Paano na yan Dianne, kailan tayo ulit maghahanap? Malabo ngayon e."
"Next week nalang ulit." Nanghihinayang niyang wika.
"Sige. Sasamahan nalang kita." Pinisil nito ang kamay niya. "Makakahanap rin tayo ng paraan."
"Sana nga."
Tiningnan nito ang orasang pambisig nito. "Dianne, malapit na palang mag ala-una, kain muna tayo." Yaya nito. Hindi sila kumain pagkalabas nila kanina ng school kaya marahil ay gutom na rin ito.
Luminga-linga sila para maghanap ng makakainan. Sa isang karinderya sa di-kalayuan sila nagpunta. Kaunti lamang ang tao roon pagdating nila kaya nakahanap sila kaagad ng mauupuan. Nahiya siya sa kaibigan kaya siya na ang nagbayad gamit ang naitatabi niyang pera para sa inorder nilang pagkain.
"Dianne, ano ka ba? Kailangan mo nga ng pera e tapos ikaw pa ang nagbayad."
"Hayaan mo na. Kinaray-karay kita rito e kaya hayaan mong kahit dito manlang ay mabawasan ang utang ko sa'yo."
"Nakakainis ka." Pakunwari nitong irap. "Anong utang ang sinasabi mo?"
Tipid niya itong nginitian. "Lahat." Aniya rito at kumain na. Si Carla ay ganoon din ang ginawa. Hanggang sa natapos sila ay wala silang kibuang dalawa na akala mo ay hindi magkakilala dahil sa sobrang gutom na nararamdaman ganoon pa man ay hindi niya pa rin maiwasang mag-isip sa sitwasyon niya. Halos lahat ng pinag-tanungan nila ni Carla ay iisa ang sagot sa kanya. Hindi sila tumatanggap ng estudyante.
Naisip niya si Aling Nimfa. Kung dito nalang kaya siya magtrabaho ng full time- maliban lang sa mga oras na may pasok siya sa eskwela. Pumayag kaya ito? Bukas susubukan niyang magtanong.
"Naku sinasabi ko na nga ba Dianne, hindi gagawa ng maganda iyang madrasta mo e. Tingnan mo ngayon pati yung bahay niyo ibinenta na." Galit na bulalas ni aling Nemfa. "Aba'y kalat na kalat na dito sa atin ang ginawa niyang madrasta mo. Kung hindi ba naman makapal ang mukha e. Nakatira na ng libre tapos siya pa ang may lakas ng loob na magbenta ng tinirahan niya."
Hindi siya nakasagot sa pagkakaupo. Kakarating niya lang noon sa karinderya ng matanda at inaya kaagad siya nitong maupo muna at doon nga ay tinanong siya nito kung totoong ibenenta ng madrasta niya ang bahay nila. Totoo naman lahat ng sinabi nito, matagal na nitong kilala ang pamilya niya. Simula nga ng mamatay ang kanyang ama dalawang taon na ang nakakalipas ay kinuha na siya nitong tindera sa araw ng sabado at linggo para may maipang tustos daw siya sa sarili niya. Dati na siya nitong sinabihan na posible nga daw gawin iyon ng madrasta niya pero hindi naman alam kung ano ang gagawin niya kaya hindi niya iyon pinansin.
"Kung dati mo pa ginawa iyang ginawa niya, iyong pagbebenta ng bahay niyo- di sana nagka-pera ka pa. Ano ngayon, binigyan ka ba?" tanong nito.
"Wala ho siyang binibigay sa akin Aling Nemfa."
"Gusto niyang makuha yung parte niya e ikaw naman itong hindi niya binigyan. Masabihan nga yang babaeng yan." Nanggigigil nitong saad. "Paano ka na ngayon niyan?"
"Yan nga ho ang gusto kong sabihin sa inyo e, kung pwede ho sanang kunin niyo nalang akong katu-katulong sa bahay niyo at pag sabado at linggo dito pa rin ako sa tindahan niyo." Nakikiusap niyang wika rito.
Umupo ito sa tabi niya at hinawakan siya sa kamay. "Dianne alam mo namang para narin kitang anak pero alam mo naman din ang kalagayan namin hindi ba?"
Napatungo siya sa sinabi nito, kung ganoon hindi posible ang naisip niya.
Hindi naman din kaila sa kanya ang sinasabi nito. Halos sa karinderya din nito nanggagaling lahat ng kailangan ng buong pamilya at mayroon na itong isang kolehiyong anak na nag-aaral sa bayan nila.
Ngumiti siya dito. Ayaw niya namang bumigat ang pakiramdam ni aling Nemfa dahil lang sa kanya. "Naiintindihan ko po kayo. Huwag niyo nalang po akong isipin, makakahanap din po ako ng mapapasukan."
"Napakabait mong bata Dianne." Ani nito. "Ang kapatid ko sana, naghahanap daw ng isa pang kasambahay yung mga amo niya. Kaso hindi naman pwede sa'yo 'yun kasi 'yung pag-aaral mo."
Nanlaki ang mata niya sa unang sinabi nito. "Talaga po? Naku aling Nemfa, baka pwede niyo naman hong kausapin yung kapatid niyo. Okey lang po sa akin ang maging kasambahay basta mag-aaral pa rin ho ako."
"Sigurado ka?" Hindi kumbinsidong tanong sa kanya.
Tumango siya. "Opo. Siguradong sigurado ho ako." Matamis ang ngiting iginawad niya sa matanda upang maalis rito ang pag-aalala sa kanya.
"O sige, bukas pupunta yung kapatid ko dito. Sabihin natin ang plano mo. Mabait daw 'yung mga amo niya e."
"Sige po. Salamat."
Dumaan ang oras na masaya siya sa pag e-estima sa mga parokyano sa karinderya ni Aling Nemfa.
Sana lang talaga matanggap siya. Kaya naman niya kahit anong gawaing bahay e at pag-iigihan pa niya basta pumayag lang ang mga ito na ipagpa-tuloy niya ang kanyang pag-aaral.
Ngamamadaling pumasok si Dianne sa eskwelahan kinalunesan ng madatnan na roon ang kaibigan. Kinawayan niya ito pagkakita nito sa kanya. Kakarating niya lang ng school nang makita niyang nakaabang sa may gate si Carla. Parang himala yata na nauna ito kaysa sa kanya sa paaralan.
"O kumusta? Mukhang ngayon ka lang nahuli dito sa school natin a." Bati ni Carla.
"Asus. Nauna ka lang ng kaunti sa akin e." Buska niya. "Anong meron?"
Inirapan siya nito. "Syempre pag-uusapan natin ang plano natin mamayang tanghali e. Ano saan tayo pupunta mamaya?"
Malapad ang ngiting humarap siya dito. "Huwag na muna tayong umalis. Inirekomenda kasi ako ng kapatid ni aling Nemfa doon sa pinapasukan niyang bahay. Bukas malalaman ko na ang resulta." Aniya rito.
"Kakayanin mo ba?" Nag-aalala nitong wika.
"Oo naman, ako pa."
"Paano na ang pag-aaral mo? Okey lang daw ba na hindi ka full-time na magta-trabaho?"
"Yan nga mismo ang malalaman ko bukas. Sana nga pumayag sila." Umaasang tugon niya.
"Kung ganoon, good luck sa'yo." Inakbayan siya nito at inakay siya papunta sa kanilang tambayan. Habang nag-aantay ng flag ceremony ay naglabas ito ng baonan na may lamang pandesal at pritong itlog. Sabay sila nitong kumain.
Nginitian niya ang kaibigan. Alam niyang nag-aalala ito sa kanya pero kakayanin niya. Kailangan niyang maging matatag dahil kargo niya ang sarili. Walang taong magiging malakas para sa kanya maliban sa sarili niya.
Kahapon nga ay nakausap niya ang kapatid ni Aling Nemfa na si Aling Celing. Mabait naman ito. Nangako ito na tutulungan siyang makapasok doon sa bahay na pinapasukan nito nang malaman nito ang kwento ng buhay niya. Palibhasa ay nai-kwento na rito ni Aling Nemfa ang lahat bago paman sila nagkausap kaya noong magkausap sila ay awang-awa ito sa kanya. Ang problema nalang ngayon ay kung papayag ang mga amo nito na isang batang estudyanteng tulad niya ay magta-trabahaho sa mga ito.
Halos mapa-nganga si Carla sa laki ng bahay na nasa harapan niya. Dalawang palapag ang kabuuan niyon. Tingin niya ay iyon na yata ang pinakamagandang bahay sa kanilang bayan. Kung mayroon mang pwedeng matawag na palasyo ay iyon na siguro iyon. Kahit labas pa lamang ang nakikita niya'y alam niyang mas maganda pa ang loob niyon. Kulay brown ang malaking gate at ang pintura naman ng labas ng bahay ay puti na may halong asul. Malaki ang garden ng bahay na natatamnan ng iba't-ibang halaman na karamihan ay pawang mga namumulaklak na at sa palagay niya'y hindi pangkaraniwang makikita sa bayan nila ang mga iyon.
Iilan lamang sa mga bulaklak roon ang kilala niya at isa na roon ang rosas na dati ay mayroon sa harap-bahay nila na tanim pa ng namayapa niyang ina kung hindi lang pinutol ng kanyang madrasta pagkarating nito sa kanilang tahanan.
Hinawakan niya ang nahagip na puting bulaklak ng rosas at ninamnam ang lambot ng bulaklak niyon. Kapag nabili na niya ulit ang bahay nila, pangarap niyang lagyan iyon ng harden katulad ng nasa harapan ngayon, mas maliit nga lang dahil maliit lang naman iyong harap-bahay nila.
Nangiti siya sa naisip. Parang paraiso iyon sa harap ng kanyang bahay.
"Naku Ineng 'wag kang pipitas ha. Pinaka-iniingatan yan ni Misis Ignacio, baka mapagalitan tayo."
"Ay naku pasensiya na ho. Hindi ko ho intensiyong pitasin 'to, natuwa lang po akong hawakan, napakaganda ho kasi."
"Naku mabuti naman. Ayaw kasi ni Misis Ignacio na nababawasan yang mga tanim niya. Siya mismo ang nagtatanim niyan e."
Si Aling Celing, ang kapatid ni Aling Nemfa ang nagsama sa kanya doon sa malaking bahay na iyon. Kakarating lang nila at bitbit na niya ang lahat ng kanyang mga gamit. Mabuti na lang at kaunti lamang mga iyon.
Kinausap kaagad ni aling Celing ang mga amo pagkatapos nilang mag-usap noong nakaraang linggo at ayon sa matanda ay isama raw siya nito kaagad sabi ng magiging amo nila sa mas lalong madaling panahon at heto nga, makaraan lang ang halos isang linggo ay narito na siya kaagad.
Tanggap daw siya para manatili sa bahay na iyon pero bago niyon ay kailangan niya munang maka-usap ang kanyang magiging amo.
"Halika dito, sumunod ka sa akin."
"Sige ho."
Sumunod siya dito papasok. Mula sa harden ay tinahak nila ang isang daanan sa gilid ng bahay papunta sa may likod ng bahay. Nadaan nila ang isang garden seat di kalayuan sa harden at sa gilid ng daanan ay may manaka-nakang tanim na halaman pa rin silang nadaanan na karamihan ay sunflower.
Isang malaking pinto ang binuksan roon ni Aling Celing. Pagkapasok nila ay malaking kusina ang bumungad sa kanya. Kahoy ang kabuuan niyon ganoon rin ang mga muwebles na nakita niya. Sa gitna niyon ay may malaking bilog na mesa na kulay brown at anim na nagtataasang upuan na may mga ukit sa may sandalan. Sa kanan niya ay naroon ang mga appliances at kunugnog niyon ay may malaking kabinet na puno ng mga pinggan, baso, iba't-ibang laki ng petsel at kung ano-ano pa.
Gumawi si Aling Celing sa may kaliwa na sinundan niya. Pagkalagpas nila ng malaking lamesa ay binagtas nila ang isang maliit na pasukan pakaliwa ulit at sa dulo niyon ay binuksan ni Aling Celing ang isang di-kalakihang silid na may double deck.
"Dito ang magiging kwarto natin." Imporma ni Aling Celing pagkapasok na pagkapasok nila. "Makakasama natin dito si Mercy, isa rin sa mga kasambahay. Dito mo na ilagay ang mga gamit mo." Anito ng makitang nagpaikot-ikot siya. Itinuro nito sa kanya ang kabinet sa tabi ng double deck. "At iyan na rin ang kama mo." Yung baba ng double deck ang itinuro sa kanya ni aling Celing na uukupahin niya.
"Salamat po."
"Sige, ayusin mo na muna yung gamit mo. Babalikan kita kapag kakausapin ka na ni Misis Ignacio." Lumabas ito ng kwarto at naiwan siyang nababaghan sa nakikita niya.
Ilang beses niyang pinagala ang paningin sa buong silid. Maganda ang kabuuan ng kwarto para sa mga katulong. Malalaki ang dalawang cabinet at maganda ang kulay ng pintura ng buong silid. Isang malaking kama ang nasa may kanang bahagi ng kwarto, at nasa kabilang bahagi naman ang double-deck. Si aling Celing marahil ang naka-ukupa sa kama at ang tinukoy ni Aling Celing na si Mercy naman ang nasa taas na bahagi ng double-deck. Kung tutuusin ay mas komportable ang tutulugan niya rito kaysa doon sa bahay niya na kung saan ay sa sahig lamang siya natutulog na sinapinan ng manipis na kumot habang ang mga damit naman niya ay sa isang karton lang nakalagay.
Ngayon ay may kabinet na siyang paglalagyan ng mga damit niya.
Inilabas niya lahat ng kanyang mga damit sa bag at ipinatong sa kutson na ookupahin niya ni hindi nga napuno iyong bag na pinaglagyan niya sa kakaunti ng gamit na mayroon siya.
Ganoon pa man ay nalungkot siya ng maalala ang kanilang bahay. Kanina pag-alis niya ay wala doon ang kanyang madrasta. Hindi na siya nag-aksaya ng oras na hintayin at magpaalam rito total wala naman ay rin itong pakialam sa kanya. Ilang araw na nga itong hindi umuuwi sa kanila. Mabuti na nga lang at noong huling beses silang nag-kausap ay binigyan siya nito ng pera na kalahati umano sa napagbilhan ng bahay. Kahit paano ay naawa pa ito sa kanya. Balak niyang ilagak iyon sa bangko para sa kanyang pag-ko-kolehiyo. Pinagalitan pa nga siya nito dahil i-kwenento pa raw niya kay Aling Nemfa na hindi pa siya nito binibigyan kaya ayun tuloy at natalakan ito ng huli. Iyon marahil ang dahilan kung bakit ito nagbigay sa kanya.
Isa-isa niyang inilabas ang mga damit niya sa bag at inayos niya ang kanyang mga damit sa kabinet na itinuro ni Aling Celing. Anumang oras ay baka tawagin na siya nito para kausapin ng kanilang amo. Hindi pa niya kilala ang mga iyon ganoon paman ay kinukunbinsi na niya ang sarili na anumang mangyari ay kakayanin niya ang lahat ng ipapagawa sa kanya ng mga ito. Ang hinihiling niya lang ay sana maging mabait ang amo nila kanya at magtagal siya sa bahay na iyon.