CHAPTER TWO

3198 Words
Pagdating niya sa bahay ay nadatnan niyang natutulog sa sa sahig ng pinakasala ng bahay nila ang madrasta niya. Patingkayad siyang pumasok sa loob ng bahay at pagkatapos niyang magbihis ay tinungo niya agad ang mga nakasampay na damit sa likod ng bahay na nilabhan niya kaninang umaga bago siya pumasok ng eskwela. Mabuti nalang pala at nagmadali siya sa pag-uwi dahil sa tingin niya'y malapit ng bumuhos ang umulan base sa makapal at maitim na ulap sa kalangitan. Kagyat siyang pumasok uli at nagtupi ng mga damit. Hindi nagtagal ay nagising na rin ang madrasta niya. Tahimik niya lang itong tiningnan pagbangon nito na sinabihan siyang mag-uusap daw sila pagkatapos niya at tumungo ito sa kanilang kusina. Ano naman kaya ang pag-uusapan nilang dalawa? Mukhang seryoso ito at masama ang hinuha niya.. Pagkatapos mailigpit lahat ng nilabhan ay pinuntahan niya ito kaagad. Sinenyasan siya nitong umupo sa harap nito. Base sa pagkakatingin nito sa kanya ay alam niyang magiging mabigat ang kanilang pag-uusap at bigla siyang kinabahan. Mukhang may basehan ang masamang hinala niya. "Ilang taon ka na nga ba?" Panimula nito. Iyon lang ang pakay nito sa pagkausap sa kanya? Sa loob-loob niya'y lihim siyang nainis dito. Halatang wala talaga itong pakialam sa kanya dahil kahit edad niya'y hindi manlang nito alam samantalang apat na taon na silang magkasama sa isang bahay. "Katorse po." Tumago-tango ito pero hindi agad kumibo. "Bakit ho?" Diretso siya nitong tiningnan sa mata at kaswal na nagsalita. "Ngayon palang ay sinasabi ko na sa'yo na kailangan mo ng humanap ng ibang matitirhan." Napakunot ang noo niya sa narinig. "Ano po?" "Bingi ka ba? Ang sabi ko ay maghanap ka na ng bago mong matitirahan." Nilakasan nito ang pagsasalita na pakiramdam niya ay naging kasinglakas ng bomba iyong narinig niya na naging dahilan upang hindi siya makahuma kaagad. Ilang segundo siyang tumitig dito bago rumihistro sa kanya ang sinabi nito. "Ano ang ibig ninyong sabihin?" Hindi niya alam kung ano ang sinasabi nito. Naguguluhan siya kung ano ang nais nitong tukuyin. Bakit niya kailangan humanap ng ibang matitirhan e may bahay naman siya? Maliit lamang iyon at hindi konkreto pero bahay pa rin iyon para sa kanya. Bumuntung-hininga ito bago sumagot. "Ibenenta ko na 'tong bahay dalawang araw na ang nakakaraan. Isang buwang palugit lang ang ibinigay sa atin noong nakabili upang lumipat o makahanap ng ibang matitirhan." Biglang tumulo ang mga luha niya sa narinig kasabay ng pagbangon ng galit sa dibdib niya. Binenta nito ang tanging alaala niya sa magulang niya!? Ibinenta nito ang tanging bagay na mayroon siya? Paano na siya ngayon? Saan na siya pupunta pagkatapos ng isang buwan? Hindi siya makapaniwala na nagawa iyon ng madrasta niya. Wala na siyang ipinagkaiba ngayon sa isang basahan na nawalan na ng pakinabang at pakiwari niya ngayon ay malapit na siyang itapon. "Bakit niyo ginawa iyon, Nay Gina? Alam niyo naman na ito nalang ang naiwan sa akin ng magulang ko. Bakit hindi manlang ninyo binanggit sa akin ang balak niyo?" Sumbat niya dito. Pakiramdam niya ay biglang nawala ang takot niya rito. Bigla itong tumayo at pinandilatan siya. "Aba 'tong batang ito. Kinukwestyon mo ang desisyon ko? Kaya nga ito at sinasabi ko na sa'yo e!" "Ngayon niyo lang sinabi kung kailan tapos niyo ng ibenta. Ano pang magagawa ko?" "Mismo! Kaya hindi ko sinabi sa'yo na ibebenta ko itong bahay dahil alam kong kokontra ka!" Sigaw nito sabay bagsak ng isang palad sa lamesa na ikinagulat niya ganoon paman ay hindi siya nagpatinag rito kahit kitang-kita na niya sa mukha nito ang galit. "Dahil sa magulang ko po ito!" Balik sigaw niya at dahil doon ay mas lalong nanlaki ang mga mata nito sa pagkakatitig sa kanya sabay duro sa kanya. "At talagang wala kang galang ha. Sinisigawan mo ako!" Akma sana itong lalapit sa kanya pero sinansala niya ito. "Nay Gina, w-wala ho akong ibang m-mapupuntahan." Paputol-putol niyang sabi dahil sa paghikbi. "Wala ka nang magagawa dahil naibenta ko na 'to! Matagal ko na 'tong pinag-isipan dahil lalayo na ako dito. Isinasama na ako ni Lito sa bayan nila." Madiin nitong wika. Ang tinutukoy nito ay ang tanod na manliligaw nito. "Nasaan ho yung pera? Dalawang araw palang naman ho ninyong ibenenta, baka pwede pa hong maibalik iyon doon sa nakabili." Nakikiusap niyang sabi. Kung kailangan niyang lumuhod para sundin nito ang suhestiyon niya ay gagawin niya. "Nababaliw ka na ba? Ibenenta ko nga tapos ngayon gusto mo ibalik ko? Kailangan ko nga ng pera para sa pag-alis namin ni Lito at saka sa tingin mo basta-basta nalang na papayag sa ganoon iyong nakabili? Hoy, gumising ka! "E di dapat sumama nalang kayo! Bakit kailangan niyo pang idamay itong bahay namin?" Namamalisbis ang luha na sumbat niya. "Yan ba ang natututunan mo sa pag-aaral mo, ang maging matabil ang dila? May parte din ako sa bahay na 'to dahil asawa ako ng tatay mo!" "Anong karapatan? Hindi kayo kasal ng tatay ko!" Pasigaw niyang sagot. Kailanman ay hindi niya inisip na kaya niyang magsalita ng masama sa kahit na kanino pero sa pagkakataong iyon ay kusang lumalabas ang mga salita sa bibig niya na parang matagal ng gustong kumawala. Nanlisik ang mga mata nito. "Anong sinabi mo!!?" Naramdaman nalang niya ang paglapat ng palad nito sa kanyang mukha na tumulig sa kanya. Tila siya na-estatwa dahil sa sakit na naramdaman niya. "Pakatandaan mo 'yan!" Galit nitong sabi sabay alis. Walang siyang ibang nagawa kundi ang umiyak at sundan ng masamang tingin ang paglabas nito sa kusina nila kasabay ng malakas na paunang buhos ng ulan. Sinapo niya ang nasaktang mukha na noon ay parang namamanhid dahil sa lakas ng pagkakasampal sa kanya. Ni minsan ay hindi niya naisip na mangyayari ito. Oo at alam niyang masama ang ugali ng madrasta niya pero hindi niya inakala na aabot ito sa ganoong punto na pati ang tanging bagay na meron siya ay kukuhanin pa nito bago ito umalis. Napakasarili nito, hindi manlang nito naisip ang mangyayari sa kanya sa ganoong sitwasyon. Sabagay, ano pa nga ba ang aasahan niya mula rito? Hindi sila magkaano-ano at hindi siya itinuring na kapamilya nito base sa pang-aalipusta nito sa kanya. Pinunas niya gamit ang mga palad ang luhang tuloy-tuloy lang sa pag-agos mula sa mga mata niya. Ano na ang gagawin niya ngayon? Sa pagkakatanda niya ay wala silang mga kamag-anak sa bayan na ito dahil galing sa ibang lugar ang mga magulang niya at dito lang nagsimula ng pamilya kaya wala siyang maisip na posibleng kamag-anak na makakatulong sa kanya. Mas lalo siyang naiyak ng maisip ang kanyang pag-aaral. Mahina siya sa eskwela at hindi siya matalino pero determinado siyang makatapos dahil pangarap nilang dalawa iyon ng kanyang ama. Iyon lang ang lagi nitong inihahabilin nito sa kanya noong nabubuhay pa ito, ang magtapos siya at umakyat ng stage dahil sasamahan daw siya nito. At ngayon kahit wala na ito ay gusto niya pa rin na matupad ang mga pangarap nilang iyon dahil iyon din ang alam niyang magiging pang-laban niya sa kahirapang tinatamasa niya. Sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-luha ay hindi na niya namalayan ang oras. Pagkatapos ng halos dalawang oras na pananatili sa kusina at pag-iyak ay saka niya lang naisipang dumako sa higaan niya. Nahiga siya ng hindi nalalamnan ang sikmura. Hindi siya nag-saing at kumain. Uminom nalang siya ng maraming tubig at muli habang nakahiga na ay wala siyang ibang ginawa kundi ang umiyak at mag-alala hanggang sa nakatulugan nalang niya ang pag-iisip sa problema niyang iyon. "Good morning Dianne." Masayang bati ni Carla pagdating nito sa tinatambayan nilang bench kinabukasan. Tumaas ang kilay nito nang hindi siya sumagot at pagkatapos ay umupo sa tabi niya. Bahagya niya itong liningon at tipid na nginitian. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa kaibigan niya ang napakalaki niyang problema. Sinundan niya ng tingin ang paisa-isang pagpasok ng estudyante sa covered court nila kahit halos bente minutos pa bago ang umpisa ng kanilang flag ceremony. Hangga't maaari ay ayaw niyang kaawaan siya ng kaibigan niya. Matiim siya nitong tinitigan. "Hindi maganda ang morning di 'ba, Anong problema?" Concern nitong tanong. Ibinalik niya ang tingin dito at bumuntung-hininga siya. Mabigat ang pakiramdam niya. Halos hindi siya nakatulog kagabi dahil sa pag-isip kung ano ang dapat niyang gawin at kung nakatulog man siya ay mag-uumaga na at ngayon na mayroon siyang makakausap ay nagsisimula na namang mamuo ang galit sa dibdib niya. "O sige, bago ka magkwento mag-almusal muna tayo." Naglabas ito ng ilang pirasong pandesal na may palamang keso. "Pinadala ito ni mama, alam niya kasi na paborito mo ang keso e." "Salamat Carla. Pasabi din kay Ma'am na salamat." Malungkot niyang tugon dito na bahagyang gumaralgal ang boses. Dumampot siya ng pandesal at inilang subo lang iyon. Ngayon niya lang naisip na hindi pa pala siya kumakain simula kagabi kaya ngayon ay sobra-sobrang gutom ang nararamdaman niya. "Ikwento mo nga, ano ba ang nangyari?" "Si nanay Gina, ibenenta niya yung bahay namin." Bulalas niya. "Huh?" Tanging nasambit lang ng kaibigan. Sa pagitan ng pagkain ay unti-unti niyang nai-kwento dito ang lahat. Ni hindi na niya namalayan na umiiyak na naman pala siya. Wala itong nagawa kung hindi ang yakapin at tapikin nalang ang likod niya. "Shhhhh.Tahan na Dianne. Andito lang ako, kami nila mama. Gagawa tayo ng paraan." Umiling siya sa sinabi nito. Alam ni Carla na ayaw niyang maging pabigat kahit kanino pero alam niya ring hindi siya nito pababayaan kaya nahihiya siya rito at sa magulang nito. Pinunasan niya ang kanyang mukha gamit ang mga palad niya at pati ito ay nakitulong na rin. "Wala pa naman akong dalang panyo ngayon." Ani nito na tuloy pa rin sa pagpunas ng luha niya. "Ayos lang ako. Napakalaki na ng utang na loob ko sa pamilya mo." Tugon niya habang sinusubukan pa rin na pigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. Bakit kasi hindi pa maampat-ampat 'tong mga luha niya? Parang gripo ang mga mata niya na hindi mapigilan ang pagtulo samantalang kagabi pa siya umiiyak. Pati tuloy uniform niya nabasa na. Paano kasi maisip niya palang na wala na pala siyang bahay na pwedeng mauwian sa mga susunod na araw ay sobrang sakit na ng kanyang pakiramdam. Saan na siya pupunta pagkatapos ng isang buwan? Kung pwede niya lang patigilin ang oras sa pagtakbo ay gagawin niya 'wag lang mawala ang tahanan niya sa loob ng labing-apat na taon. Ang masaya nilang tahanan noong nabubuhay pa ang kanyang mga magulang. "Huwag kang mag-alala, pwede ka naman sa bahay namin ah. Welcome ka doon anytime. Mamaya sasabihin ko kay Mama ang problema mo, okey? Kaya 'wag ka na muna mag-isip." Pang-aalo nito sa kanya. "Tara na. Punta na tayo sa pila natin, mukhang magsisimula na ang flag ceremony e." Maya-maya'y aya nito. Tumango siya. Ilang sandsali muna siyang tumingala at pinayapa ang sarili bago tumayo kasabay nito. Nakita niyang unti-unti nang napupuna ng mga estudyante ang covered court. Malapit na ngang magsimula, mag aalas-otso na rin kasi. Magkahawak kamay silang naglakad papunta sa covered court. Malapit na sila sa pila ng kanilang section ng may estudyanteng tumawag sa kanila. "Ateeee." Sabay silang napalingon ni Carla sa pinanggalingan ng boses. Freshman siguro ito. "Panyo po, pinapabigay ni President." Anang estudyante sabay abot sa kanya ng kulay asul na panyo. "Ha. Sa akin?" Kunot-noong tanong niya sabay turo sa sarili. "Sinong President?" Wala nga siyang kakilalang ibang estudyante sa ibang section, president pa kaya? Taka siyang lumingon kay Carla. "Si Kuya Luis po." "Luis?" Pagkaklaro ni Carla. "As in, yung president ng student council?" Tumago ang kausap nila. "Siya nga. Si Kuya Luis." Wala sa sariling tinanggap na lang niya ang panyong inaabot nito. "Pakisabi salamat, ha." Tumakbo rin ito kaagad paalis pagkatanggap niya. Pinagmasdan niya ang panyong noon ay hawak-hawak ng dalawa niyang kamay. "Uy, Dianne kay Luis daw galing yan?" Tanong ni Carla na parang nililinaw kung tama ba ang pandinig nito. "Sabi." Wala sa loob na sagot niya. Kung sa ibang pagkakataon siguro ito nagbigay ng panyo sa kanya ay baka nagsisigaw na siya sa kilig, paano'y simula noong first-year high school pa lamang siya ay crush na niya ito pero ayaw niyang may makaalam niyon kaya nga kahit kay Carla deni-deny niya ang kanyang nararamdaman para sa binatilyo. "Uyyy." Tukso ng kaibigan niya sabay sundot sa kanyang tagiliran. "Carla, ano ka ba?" Saway niya rito sabay suksok ng hawak na panyo sa bulsa ng kanyang palda. "Halika ka na, pumila na tayo. Baka maabutan pa tayo ni Ma'am." Tuminag naman ang kaibigan niya pero halata sa mukha ang panunukso sa kanya hanggang sa narating nila ang pila ng section nila. Tahimik siyang nanatili sa pwesto niya. Kung noon ay hindi siya mapakali hanggat hindi nakikita ang binatilyo tuwing flag ceremony, ngayon ay nakatungo siya hanggang sa natapos ang flag ceremony nila. Dahil sa matagal na pag-iyak kagabi at hanggang kanina ay alam niyang namumugto ang mga mata niya. Kinapa niya ang panyo sa kanyang bulsa, hindi niya iyon pwedeng maiwala. Saka nalang siya hahanap ng paraan para maisauli iyon sa may-ari kapag nalabhan na niya at kapag maayos-ayos na ang kanyang pakiramdam at hindi na namumugto ang mga mata niya. Pagkatunog ng bell na hudyat ng recess ay nagsitayuan agad ang mga kaklase ni Dianne. Palibhasa ay wala na silang guro dahil mas maagang nagpa-dismiss ito nang araw na iyon kaya lahat ay madaling-madali na makalabas ng room nila. Hindi siya tuminag sa pagkaka-upo. Tiningnan niya lang ang mga kaklase niya na noon ay nagtutulakan na para lang mauna. "May bibilhin lang ako sa canteen ha. Dito ka lang." Paalam ni Carla na nakupo sa tabi niya. "Gusto mo samahan kita?" Tinapik siya nito sa balikat. "Hindi na, alam ko namang ayaw mo pang ilabas yang eyebags mo e." Tiningnan nalang niya ito habang palabas ng classroom nila. Napaka-swerte niya at naging matalik niya itong kaibigan dahil napakabait nito sa kanya. Lagi itong nandiyan para damayan siya sa lahat ng kanyang problema, at kahit buwan lang ang tanda nito sa kanya ay parang ate niya ito kung umasta. Inihilig niya ang kanyang ulo sa desk ng upuan at ipinikit ang mga mata. Gusto muna niyang magpahinga. Pambawi noong nakaraang gabi na wala siyang tulog nang biglang may kumatok sa pintuan ng classroom nila. "Excuse me." Tawag ng isang boses sa labas ng classroom nila. Imposible. Kilala niya ang boses na iyon. Boses iyon ni Luis! Anong ginagawa nito sa room nila? Baka may hinahanap lang o baka naman nananaginip na siya? Pinag-igi niya ang pagpikit sa pag-asang aalis nalang ito. "Excuse me." Muli ay tawag ni Luis na sinabayan na ng katok sa pinto. Umupo siya ng tuwid, pagkuwa'y iniikot ang paningin sa loob- nakita niyang siya nalang pala mag-isa ang natira sa room nila- at pagkuwa'y lumingon siya sa pintuan. Nanlaki ang mga mata niya kahit pakiramdam niya ay sumingkit na ang mga iyon dahil sa kaka-iyak niya simula kagabi. Nag-alangan siya sa sasabihin dito. Tatawagin niya ba ito sa pangalan nito? Sa huli ay sinabi nalang niya ang tingin niya ay nararapat sa estado nito bilang student council president. "Bakit h-ho?" Sa hindi niya malamang dahilan ay sumimangot ito sa kanya. May nasabi ba siyang masama? "Masakit pa ba yung nabagsak mo kahapon?" Anito na ang tinutukoy ay ang likuran niya. Pinakiramdaman niya ang sarili. "Medyo. Pero maayos na na ako ngayon." "Ito, pagkain at gamot. Kuhanin mo." Masungit nitong sabi. Iniaabot nito sa kanya ang isang paper bag pero hindi siya makakilos sa kinauupuan niya. "Sorry sa nangyari kahapon. Inumin mo 'tong gamot para gumaling ka kaagad at... at huwag ka ng umiyak." Mahina nitong dugtong. Dahil sa pagkaka-estatwa niya sa kanyang kina-uupuan, ito na ang kusang pumasok sa loob at inilapag sa desk niya ang paper bag na bitbit nito. "Kainin mo ang pagkain diyan." sabi nalang nito sabay lakad palabas. "T-teka lang." nauutal niyang habol pero hindi siya nito pinansin pero bago ito nakalabas ng tuluyan ay nakita niya ulit ang pagsimangot nito na nagpakunot naman ng noo niya. Anong problema nun? Hindi siya makapaniwalang naka-usap niya ito. Halos lahat ng estudyante ay ilag dito dahil hindi ito pala-kausap. Kung meron mang sikat sa pagiging suplado ay ito na siguro iyon. "Dianne.....!"Humihingal at excited na tawag sa kanya ni Carla habang papasok ng classroom nila. Gulat siyang napalingon dito. "O bakit?" "Dito galing si President di 'ba?" "Paano mo nalaman?" "Nakita ko siyang paalis." Tiningnan nito ang paper bag na nakapatong sa desk niya. "Sa kanya galing 'yan?" Turo nito ng tumapat sa kanya. Tumango siya na ikinangiti naman ng kaibigan niya. "Uyyy" tukso nito. Hawak-hawak pa rin nito ang mga pagkain na binili nito sa canteen nila. "Anong 'uyyy'?" Gaya niya rito. "Umupo ka na nga dito. Ikaw talaga." "Ano daw laman niyan?" Umupo ito sa bakanting upuan sa harapan niya. "Di ko pa tiningnan e, pero sabi niya gamot daw at tsaka pagkain. Gusto mo?" Alok niya. Umiling ito. "No thanks. Alam ko namang gusto mo pa i-preserve yan e." Pinandilatan niya ito. "Hoy." "Joke lang." Nag- peace sign ito sa kanya. "Ito may pagkain din ako o. Yung favorite mong sandwich." Inilibre na naman siya nito. Inilapag nito sa harap niya ang isang sandwich at isang lata ng coke. Hula niya ay cheese ang palaman niyong sandwich dahil iyon naman ang paborito niya. "Pero alam mo, napapansin ko parang ang bait sa iyo ni President." Maya-maya ay sabi ni Carla habang nagtatanggal ng balot sa sandwich nito. Ginaya niya ito at sabay silang kumain. Tipid siyang ngumiti sa sinabi nito. "Baka alam niya na pulubi ako." "Hoy 'wag ka ngang ganyan. Grabe naman yung pulubi. Alam ko mayroon siyang dahilan kung bakit siya ganyan sa'yo. Kanina binigyan ka niya ng panyo tapos ngayon, ito binigyan ka niya ng pagkain at mga gamot." "Kasi marami siyang pera. Alam lang niya siguro na kailangan ko ng tulong niya. Katulad nitong mga gamot, magkakano din yan sa tindahan a. Di ako gagasta ng para lang sa ganyan." Tinitigan siya nito. "O baka naman malapit ka ng magka-love life." "Carla. Tumigil ka, nakakahiya." Natitilihan niyang wika sabay linga sa paligid nila. Mamaya may makarinig sa mga sinasabi nito baka pagtawanan pa siya. "'Yan pa talaga ang naisip mo, samatalang malapit na akong tumira sa kalsada." "Shhh. Di mangyayari 'yun. Di ako papayag." Ngumiti siya sa kaibigan. Alam naman niyang hindi siya nito iiwanan. "Pero di nga, paano kung magkagusto sayo si Luis? E maganda ka namang di hamak." "Sus, niloloko mo lang ako e." "Hindi no. Totoo ang sinasabi ko at aminin mo na, crush mo siya di 'ba?" Tigas siya sa pag-iling. "Hindi. Wala akong crush dito sa school." "Okey, kung ayaw mo talaga sabihin sa akin. Pero kung gusto mo mag-kwento, andito lang ako." Tinapik nito ang kamay niya. "Alam ko naman 'yun e, basta ha, di ko crush yun si Luis." Lumabi ito sa kanya. "Sinabi mo e." Tinawanan nalang siya ni Carla ng ipadyak niya ang dalawang paa habang patuloy ito sa pagkain. Hindi niya akalaing alam pala ng kaibigan niya ang nararamdaman niya para kay Luis. Masyado yata siyang nagiging halata sa mga kinikilos niya dahil kahit ang problema niya sa madrasta niya ay pansamantala niyang nakalimutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD