ALAS dyes na ng gabi nang makauwi ako sa bahay. Medyo matagal kasi kami ni David kung mag-usap. Lalo na kapag sinasabayan ng masasarap na pagkain. Hindi naman kami namamasyal kasi pag nagkataon baka merong makakita sa amin. Tapos isusumbong pa kami sa mga spiritual leaders namin. Lagot pag ganun. Akalain pa nila na nagde-date kami ng pasekreto! Kahit parang ganon na rin yong ginagawa namin, alam naming pareho na hindi talaga date yon. Friendly date siguro oo.
Wala naman kaming mutual feelings ni David. Pareho kaming merong one-sided love. Kaya naman mas naging close kami kasi halos pareho kami ng sitwasyon pagdating sa love life. Nakaka-frustrate nga minsan. Ang buhay nga naman.
"Saan ka galing?" Tanong sa akin ni ate Clarice pagbukas ko ng pinto. Ni hindi ko pa nga nahuhubad yong sapatos ko, nagisang gulay na agad ako! My gosh naman. Ang ate ko matalas din ang pakiramdam. Kaya ingat na ingat ako pagdating sa kanya, eh. "Lagpas alas dyes na ah."
"Sinamahan ko lang mag-dinner ang kaibigan ko ate, nanlibre kasi." Sagot ko naman sabay abot sa kanya ng dalawang box ng sushi.
Lord, please naman wag sanang magtanong kung sinong kaibigan ang kasama ko. Hindi pa niya pwedeng malaman na nagkikita kami ni David, e. Sasabihin ko naman Lord in the right time. Wag lang ngayon. Please?
"Sushi? Bigay din ba to ng kaibigan mo?" Tanong ni ate Clarice at ang saya-saya ng boses niya. Nakita kong namilog ang kanyang mga mata habang dinadala ang boxes ng sushi sa lamesa. WAGI! Nakalimutan niya agad na matagal akong nakauwi dahil sa sushi ni kuya Grey! Wow naman. May big purpose din pala ang pagiging bridge ko sa kanilang dalawa.
Nilagay ko ang backpack ko na kulay asul sa sofa. Tapos nagtungo na rin ako sa lamesa na hindi lang naman kalayuan sa sala namin. "Hindi. Ibang kaibigan ang nagbigay sa 'kin ng sushi."
"Ang dami mo namang kaibigan. Pinapakain naman kita ah. Ba't ka nila nililibre ng mga pagkain? Babae ba yan o lalake?" Aniya habang binubuksan yong isang box. Tinulungan ko na rin siya at binuksan ko yong isang bento. For sure, kakainin niya lahat ng laman ng isang bento.
Medyo natameme ako sa last question ni ate Clarice. Pano ko ba sasabihin na kilala niya yong mga kaibigan kong tinutukoy? Naalala ko yong sabi sa akin ni kuya Grey. 'Wag mong sabihin na galing sa akin ang pagkain, Aryen. Secret lang muna natin.'
Si kuya Grey naman oh. Pinapahirapan ako sa pagiging secret admirer niya. Buti na lang at crush ko siya at buti na lang na boto ako sa kanya. Kung hindi, naku, matagal ko na siyang binuking kay ate Clarice.
"Lalake po, ate. Pero friends lang naman." Pagdedepensa ko.
Tumahimik bigla si ate Clarice at hindi ko naman alam kung bakit. Ikinagulat ko nalang nang bigla niyang sinabi, "Si Griyego ba nagbigay nito?"
Tinapang taho naman oh!
Ang lakas naman ata ng discernment spirit ng ate ko!
Napakamot na lamang ako sa ulo, sabay sabi, "Dyan ako bilib sayo ate eh, ang husay mong bumasa ng tao. Itry mo kaya sa sarili mo ate, baka mabuksan mo din yang puso mo at mabasa kung sino ang laman nito." BOOM! Pabiro kong sabi. Kahit merong halong katotohanan. Alam naman ni ate Clarice na dinidiin ko siya kay kuya Grey. Alam din niya na si kuya Grey ang gusto ko para sa kanya at wala nang iba. Pero hanggang ngayon no comment pa rin siya tungkol dito.
Kumuha na siya ng chop sticks at tumusok nang isang sushi. Pagkatapos niyang isubo ito ay saka na siya sumagot. "Hindi tayo ang nagbubukas ng puso, Aryen. Si Lord."
"Alam ko naman, ate. Hindi ko naman sinabing si kuya Grey na talaga. Pero ano kasi, kahit ikonsider mo lang siya as your potential husband, kahit ganon lang muna? Mahirap ba yon?"
"Alam mo, kumain ka nalang ng sushi. Tanggalin mo muna yang husband-husband na yan sa bokabularyo mo. At wag ka na munang manuod ng Korean dramas, ha. Mukhang naimpluwensyahan ka na." Sabi ni ate Clarice sabay bitbit ng isang bento. Tapos tumungo na siya sa sofa at umupo. Kinain naman niya ang sushi kahit alam niyang si kuya Grey ang nagbigay. Sayang eh, food kaya. Napakamot na lang ako sa ulo nang inabot niya ang remote at binuksan ang telebisyon.
Maganda naman talaga ang ate ko. Mahaba ang itim nitong buhok at medyo may katangkaran rin. Mas makinis ang kutis ng balat nito kaysa sa akin. Hindi naman siya naging Queen of the Night noong kapanahunan niya sa high school for nothing. Twenty-six years old na si ate Clarice, and yes, matanda siya ng isang taon kay kuya Grey—isa sa mga dahilan kung bakit medyo insecure din itong si kuya Grey na manligaw sa kanya.
Sa katunayan, nasa edad na ang ate ko para mag-asawa. Second course na niya ang Law. May trabaho na nga siya eh, part-time English tutor sa isang Korean Academy. Isa pa, kung hindi niya pag-iisapan ang pag-aasawa habang bata pa, eh kailan? Pag thirty-years-old na, ganun? Minsan naiisip ko ako pa ata ang mas atat na atat na mag-asawa ang ate Clarice ko. Yong mga magulang nga namin ay di pa yan pinag-uusapan. Praning nga siguro ako.
Napatingin ako kay ate Clarice at naalala ko si kuya Grey. Sorry kuya Grey, mukhang wala pa nga talaga sa bokabularyo ni ate Clarice ang pag-aasawa. Bakit naman kasi si ate pa, andito lang naman ako, not qualified for wife material nga lang. Huehue.
Tumungo ako sa kwarto namin ni ate Clarice pagkatapos kong mag-toothbrush. Super busog na talaga ako kasi kakakain ko lang sa Tadakuma. Tapos kumain pa ako ng sushi pagdating sa bahay. Tataba talaga ako lalo nito. Chubby pa naman ako. Well, as if naman worried ako. Fat is awesome. It is the new sexy. Huehue.
Nakikitira lang kami ni ate sa apartment nang tito namin dito sa Cagayan. Sulit din naman kasi bahay talaga at may sarili kaming kwarto ni ate. Yong mga magulang namin ay nasa Gensan, kasama ang mga bata naming kapatid. Lima nga pala kaming magkakapatid at si ate Clarice ang panganay. Ako naman ang sumunod.
Double-bunk bed yung higaan namin at sa akin yong sa taas na kama. Kaya naman every night struggle ko talaga ang umakyat. Sinadya nga ni ate na sa taas ako para daw kahit papaano ay makapag-exercise daw ang mga binti at braso ko. Eh ang nangyari, nagkaka-muscles naman ang mga binti ko at braso. Sira agad ang goal ko na maging sexy.
Paakyat na ako sa kama ko nang mag beep ang phone ko na Cherry mobile. Pero touch screen naman noh, android pa nga eh! Wala naman akong pambili ng iPhone or Samsung, kaya nagtitiyaga na lang ako sa Cherry mobile. Maganda naman at di ako pinapahiya. Isa pa, kahit may pera akong pambili ng iPhone, hindi ko rin bibilhin. Ang mahal kaya. Impraktikal para sa akin na bumili ng mamahalin na phone. Text lang naman ang kailangan ko. Pang w*****d ko na rin. Reader ako eh. Huehue!
Sa wakas naman at nakaakyat na ako sa kama ko—oh my bed throne! Inabot ko yong phone at napagtanto kong si David pala ang nagtext. Napasinghap ako.
David: Hoy, pangit! Nakauwi ka na?
Ang bakulaw na palaka, akala ko kung anong tinext. Yon pala mang-aasar lang. Tinawag pa naman akong pangit? Sumbong ko kaya to sa leader niya? Huehue.
Ako: Oo. Nasa bahay na po. Pangit ka rin.
David: Ikaw lang yung pangit. Wait, wala bang thank you dyan?
Ako: Ok. Thank you, satisfied?
Biglang nagbeep ulit yong phone ko at napakurap na naman ako. Ang bilis naman atang makareply ni David? Kase-send ko lang, ah. Pag bukas ko ulit ng phone hindi pala galing kay David. Kay kuya Grey! Napatayo ako bigla sa kama ko. May ngiti sa mga labi ko nang basahin ang text niya.
Kuya Grey: Kinain niyo na ba ang sushi? Anong sabi ng ate Clarice mo?
Ako: Ubos na nga eh! Salamat Kuya Grey.
Kuya Grey: Eh ano naman sabi ni Clarice? Nalaman ba niya na sa akin galing?
Biglang nawala ang mga ngiti ko sa labi. Eh kasi naman, di ba pwedeng welcome muna bago maghingi nang follow-up? Clarice ng Clarice lang lagi, eh. Di ba pwedeng, "nagustuhan mo ba, Aryen?" Pfft, bitter lang.
Opo, ako na yong nagseselos na kapatid. Hindi ko naman maiwasan na di magselos. Lalo na kapag laging si ate Clarice nalang yong inuuna niya. Napatingin nalang ako sa kisame sabay isip, "Bakit ba naman kasi sa dami-dami ng lalaki sa church, kay kuya Grey pa ako nagkagusto? Siguro nga, Lord, mali tong feelings ko. Dapat pinutol ko na, eh. Sana bukas Lord, tanggalin mo na tong secret feelings ko kay kuya Grey. Mukhang hindi na yata healthy ang nararamdaman ko.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Saka nagtype ulit ng reply.
Ako: Hindi ko sinabi sayo galing, kuya Grey. Pero nahulaan agad ni ate Clarice na ikaw. Ewan ko ba. Sorry talaga.
Kuya Grey: Ah, ganon ba. As I expected. She's a smart woman, so she will know. Pero okay lang. Wag kang mag-sorry.
Ako: Salamat nga pala, pinasasabi niya kanina.
Nagbeep ulit ang phone ko, busy ah! Huehue. Pero si David na this time, nagtext na goodnight na daw at God bless. Sabi ko naman, "same to you." Nireplayan ba naman ako na, "Thank you, PANGIT?" Shaks na bata yon.
Nagbeep ulit ang phone ko at si kuya Grey na naman. Hay, buhay textmate.
Kuya Grey: Welcome. Salamat din, Aryen. Sa lahat. Sa tulong mo at suporta.
Nireplayan ko nalang siya ng welcome at goodnight. Wala din namang patutunguhan kung itetextmate ko siya tonight. Si ate Clarice lang ang magiging topic namin for sure. Nakakasawa din pala ang maging bridge, ano? Lalo na kapag gusto mo rin yong guy. Kahit alam mong hindi naman dapat.
Minsan kahit alam mong may hinandang RIGHT GUY si Lord para sayo ay di mo pa rin maiiwasang magmahal nang wala sa oras. Yong tipong "loving the wrong person at the wrong time and at the wrong place?" Ngunit dito ko rin narealize na tao rin pala ako...nagkakamali pa rin kahit ilang beses na akong bumangon.
Sabi nga ng ate Clarice ko, wala daw yan sa kung ilang beses kang nagkamali, o nadapa, ang importante daw talaga ay kung ilang beses kang bumangon at umamin na, "LORD, nagkamali ako!"
Humiga ako sa kama at napatitig sa kisame. Tinaas ko ang dalawa kong kamay na para bang inaabot ko ang langit kahit natatabunan naman ito ng kisame. Lord, gusto ko si kuya Grey, mali po ba to? Pakisabi naman oh, kasi nasasaktan na ata ako.
"Aryen!" Tawag ng ate ko at bigla kong binaba ang mga kamay ko sa gulat.
"Ho?" Napatayo ako, bigla akong kinabahan kahit di ko naman alam kung bakit. Kasi naman si ate Clarice wrong timing eh, sensitive masyado yong conversation namin ni Lord. Umeksena pa siya. Ensalada nga naman. Huehue.
"Yong sapatos mo sa labas hindi nakaayos!"
"Yon lang?" Tanong ko.
"Oo yon lang. Ayusin mo!"
"Okay, okay. Bababa na nga." Sambit ko habang bumababa sa kama. My gosh naman, oh. Nawala tuloy yong pag e-emote ko. Minsan na nga lang akong mag-emote pagdating kay kuya Grey, eh. Naging okra pa! Huehue.
"UY ARYEN, may gig mamaya si Nikoli sa Sesame Resto Bar, sama ka?" Paunang tanong sa akin ng kaibigan kong si Marcela. Kaklase ko din siya sa kursong Literature. Nasa ikaapat na taon na kami sa kolehiyo. Hopefully by next year graduate na ako. Tapos pag graduate na ako, maghahanap na ako ng trabaho, tapos after nyan, pwede na akong mag-asawa! Huehue.
Wait.
Masyado naman ata akong advance. Erase, erase.
Saka, di ba dating muna bago marriage? Oh well.
"Alam mo namang hindi ako pumupunta sa bar, Marcela. Pass ako dyan." Sagot ko sa kanya habang naglalakad kami papunta sa Literature building. Yong university namin ay walang uniporme kaya naman civilian attire kami all the time. Nice nga eh, kaya lang nakakaubos ng damit at fashion accessories, as if naman meron ako. Minsan nga pabalik-balik nalang yong suot ko. Huehue.
Nakabrown skinny pants lang ako today. Tapos kulay asul yong maluwang kong tshirt at nakasuot ako ng Sketchers shoes na kulay asul din. Yong bagpack ko naman ay asul din. Hindi naman obvious na mahilig ako sa BLUE ano? Huehue! Pero sa lahat nang gamit ko, isa lang talaga ang merong pangalan, itong suot kong bagpack today! Si ROYALE. Paborito ko kasi ito. Bigay ni Mama sa akin last year. Halos lahat ng gamit ko ay pwede kong ilagay kay Royale, at kahit saan ako magpunta, flexible si Royale. Kulang na lang siya gawin kong boyfie eh. Huehue.
Shaks. Ano ba tong pinagsasabi ko.
"Ang KJ mo talaga, Aryen. Hindi naman tayo maglalasing dun. Susuportahan lang natin yong gig ni Nikoli. Ano ka ba? Kahit support lang sa kaibigan natin. First gig niya yon after so many auditions." Sabi ni Marcela, nagpapakonsyensya. Kahit alam naman niyang hindi ako madadala. Lalo na kapag nightlife na ang pinag-uusapan. Hindi naman kasi natutuwa si Lord sa mga ganyang bagay, eh. Isa pa, magagalit sa akin si ate Clarice pag nalaman niya.
"Kahit na. Baka may makakita sa akin tapos alam nilang born again Christian ako. Baka makastumble pa ako ng ibang tao, noh." Irap ko sa kanya.
Bigla nalang kinuha ni Marcela yong dalawa kong kamay, tapos ayon na, nagsisimula na naman siya sa nakamamatay niyang sakit! Ang magpa-cute! Kahit cute naman talaga siya. Ayan na, ayan na talaga, nag puppy eyes na naman siya! Pahamak na babae talaga to. Alam talaga niya weakness ko sa kanya.
"Please? Sama ka na, hindi naman tayo iinom, Aryen. Please?"
Puppy eyes go away!
Napailing ako sa ulo sabay pikit sa mga mata ko. "Hindi nga pwede, Marcela."
"Please?"
"Pero hindi! Hindi talaga pwede! Tigilan mo ngang magpa-cute, nakakasar ka na!" Sabi ko sa kanya habang hinihila ko pabalik ang mga kamay ko. Lumakad ako palayo sa kanya. Napahinga ako ng malalim nang sumunod siya sa akin. Kulit talaga ng babaeng to! Binilisan ko pa ang paglalakad pero nakasunod pa rin siya. Tuta lang ang drama!
Hindi ko na natiis kaya nilingon ko na lang siya.
"Anong oras at saan ba yang Sesame Bar na yan?"
Oh, Lord.
"Yey! Sama ka?" Napatalon siya bigla. Neknek nito.
"Hindi." Sabi ko. "Unless kung hindi tayo magtatagal. Silip lang sa gig niya. At saka, one more thing, sasama lang ako kapag pumayag kang sumama sa akin na mag Bible study next Saturday. Ano? Deal?"
Bigla siyang natahimik. Ilang beses ko na kasing kinukulit si Marcela na sumama sa Bible study namin eh, kaya lang lagi niya akong sinasagot na next time na lang daw. O di kaya ay busy siya. Wee naman, as if di ko alam na naghahanap lang siya ng mga rason to refuse. Umabot na nga ako sa point na hayaan na lang siya. Ginawa ko naman lahat ng makakaya ko para madala siya kay Lord. Yung response na lang talaga ang kulang. But now that I think of it, kulang pa pala yong effort ko sa kanya, hindi pa pala lahat ay nagawa ko na. Pwede ko palang gawing opportunity tong gig ni Nikoli. Ayos, di ba?
"Hmn, well, sige ba! Tutal wala naman akong gagawin this Saturday. So sige, sama ako sa Bible study niyo. Basta sumama ka sa akin mamaya ha?" Sagot ni Marcela at pakiramdam ko ay gusto kong sumigaw at magtatalon sa sobrang saya. Sa wakas, nakuha ko rin ang OO ni Marcela. Wait, parang di ata maganda pakinggan. Parang manliligaw lang. Huehue. Well, ganon naman talaga si Lord, kumakatok talaga siya at nanliligaw sa mga puso natin. Naghihintay lang Siya sa matatamis nating OO. Huehue!
"Hay, salamat, at least may mabuting maidudulot ang pagpunta natin doon." Sabi ko naman. "Basta wag lang tayong magtagal ha."
"Kahit makita lang niya sa supportive tayo sa kanya, okay na yon!"
"Teka, teka, ba't nga ba natin kailangang maging supportive sa kanya?"
Bigla nalang napakunot ang noo ni Marcela.
"Ikaw naman, syempre kaibigan natin si Nikoli."
"Wow naman, di halata ha. Kasi lagi naman niya akong inaaway!" Si Nikoli Ferrer kasi yong nag-iisang guy na kasama namin sa barkada. At ang ibig kong sabihin sa barkada ay: ako, si Marcela, at si Nikoli. Oh di ba, barkada? Ang saya kaya kapag tatlo lang! Try niyo.
"Basta sama ka, ha." Masayang sabi ni Marcela habang hinahablot yong kaliwang braso ko. Kumapit siya na para bang itim na linta na handang sumipsip sa aking dugo. Gosh naman. Bakit sa dami-dami ng linta dito sa mundo, naging kaibigan ko pa ang isa? Di, joke lang.
Sorry, Lord. Sambit ko. Christian nga pala ako!
Huehue.