BAGO mag-expire ang tourist visa ni Alodia ay tinawagan niya ang ama sa Pilipinas at sinabi niyang gusto niyang ituloy ang kanyang pag-aaral sa America.
Walang nagawa ang kanyang ama kundi ayusin ang mga papeles niya kahit mangangahulugan iyon ng pag-iisa nito. Kahit anong kumbinsi nito sa kanya ay hindi na niya gustong umuwi sa Pilipinas.
“Mas maganda kung dito ako mag-aaral, Dad,” mariing sabi niya. “Sinunod ko ang gusto ninyong kurso na kunin ko kaya naisip kong mas mabuting dito ko na iyon kukunin. Hindi ba’t ikaw rin ay dito nag-aral ng postgraduate program?”
Nagkulitan silang mag-ama sa telepono.
“Anak, hindi mo ba ako mami-miss? Mag-isa na lang ako rito,” lambing ng ama sa kanya.
“Ako ang hindi mo mami-miss, Dad. Why don’t you spend a month here? Narito kaming mga anak mo,” ganti niya rito.
AT SA panahon ng pagkokolehiyo ni Alodia sa ibang bansa ay si Don Antonio ang dumadalaw sa kanya para magkita sila.
Napakarami niyang dahilan na kahit ano ang pilit ng ama ay hindi siya nito maisamang magbalik sa Pilipinas kahit na sabihing bakasyon lang.
At nang inaakala na nitong makakapiling na siya nito nang gr-um-aduate na siya ay hiniling niyang tulungan nito si Jullie na maiayos ang papeles nito para pasunurin sa America ang kaibigan sa kanya.
MAGKASABAY sina Jullie at Don Antonio palipad sa America.
“Alodia didn’t tell her reason, Jullie. She has nothing against this country pero ayaw talaga niyang umuwi. Sinubukan kong hindi siya dalawin sa loob ng anim na buwan para siya ang dumalaw sa akin ngunit nakatiis na hindi ako makita,” daing ni Don Antono kay Jullie.
“Wala po siyang nasabi sa inyo?”
“What do you know, Jullie? It’s been years since she left the Philippines. Maaaring ang problema niya ay kayang-kaya ko namang lutasin.”
“Sana nga po. Pero hindi ko masasabi sa inyo ang alam kong dahilan, Tito Antonio. Si Alodia na lang ang tanungin ninyo diyan,” maingat na sagot ng dalaga.
“Sanayin mo ang dila mong tawagin siyang ‘Toni,’ Jullie. Walang tumatawag sa kanya ng ‘Alodia’ roon,” pagtatama ng don.
“Ako pa lang kung sakali, Tito.”
“ALL OUT ang celebration sa buong university when he passed the board exam. He made it to the top five, Alodia. Gustuhin man niyang magturo, kabi-kabila ang offers ng iba’t ibang ospital.”
Bigla ang bilis ng pagtibok ng puso ni Alodia. Jullie had not mentioned his name yet pero ayun at hindi pa rin nagbabago ang reaksiyon ng kanyang dibdib para kay Neil.
“Share muna tayo ng bed, Jullie. I decided na hintayin ka munang dumating bago bumili ng para sa iyo.” Kunwa ay hindi siya interesado sa binanggit ng kaibigan. Halatang umiiwas siyang pag-usapan ang binuksan nitong paksa.
“Alodia—”
“I prefer to be called ‘Toni.’ Matagal ko nang isinantabi ang pangalang iyan.”
“Alodia—” Binale-wala ni Jullie ang sinabi niya. “Maraming beses akong nag-attempt na banggitin sa iyo ang tungkol kay Sir, este, Dr. Concepcion. Pero ngayong narito an ako’t magkaharap na tayo, huwag mo akong pigilan sa gusto kong sabihin,” matigas nitong sabi.
“At ano naman ang interesting na maibalita mo sa akin tungkol sa taong iyon?” matalim niyang tugon dito.
Hindi nito pinansin ang mahayap niyang salita.
“He was constantly asking me why you never returned to school. At ganoon na lang ang pagpipigil kong ibigay ang address mo rito kundi nga lang sa mahigpit mong pakiusap.”
“At bakit naman kailangan pang malaman niya ang address ko rito?”
“Maybe he suddenly became interested in you. Hindi ba’t kasabihan nang absence makes the heart grow fonder?” May panunukso sa huling tinuran ng kaibigan.
“Nagi-guilty lang iyon.” Hindi niya pinatulan ang pag-i-insinuate nito. Kung may bahagi mang inilihim siya rito ay ang tungkol sa paghalik sa kanya ni Neil noon. “Dahil he rejected me.”
“Alodia, may girlfriend iyong tao. At sino ang hindi masa-shock sa ginawa mo? You literally proposed to him.” Nag-react ito base sa naikuwento niya rito noon.
“Bata pa ako noon,” depensa niya.
“All right, let’s forget about that. Tutal, matagal nang nakaraan iyon.” Ang kaibigan na rin niya ang nag-dismiss sa topic na iyon nang mapansin nitong unti-unti siyang nagiging bitter.
“Solong anak ka lang naman, Jullie. Kung gugustuhin mong kunin si Nanay Hilda, tutulungan kita uli.” Siya na ang kusang nag-iba ng usapan.
Binawi nilang magkaibigan ang ilang taong hindi pagkikita sa buong magdamag na kuwentuhan.
“Alodia—” tawag sa kanya ni Jullie.
“Give me three hours. At sasamahan kitang mag-adjust ng body clock mo.” Itinabon na niya ang isang unan sa ulo. Hinila na rin siya ng antok.
“Mayroon pa akong hindi nasabi sa iyo—” Kinalabit pa siya ng kaibigan.
“Later.” Gusto man niyang sundin ang sariling napukaw ang kuryusidad ay hindi na niya kayang makipagkuwentuhan pa. Antok na antok na siya talaga.
“TONI, tapos ka na ring mag-aral, bakit hindi sa sarili nating kompanya mo i-apply ang natutuhan mo?” Noon pa lang nakakatulog si Jullie at silang mag-ama lang ang magkasalo sa hapag-kainan.
“I know what you mean, Dad. Kukumbinsihin mo na naman akong umuwi sa Pilipinas.” Nilabian niya ang ama.
“What’s wrong with that?” Tinatantiya nitong arukin ang nasa isip niya.
“I graduated here. Gusto kong dito muna subukan ang natutunan ko and, of course, I want to know their style here. Iyon ang gagamitin ko sa ating kompanya,” kagaya ng dati ay convincing na sabi niya.
“So much of your excuses, Toni. Ano’ng meron sa Pilipinas na ayaw mong balikan?” Hindi nakatiis at direkta na siyang kinompronta ng ama.
Umilap ang kanyang mga mata.
At huling-huli ng amang mayroon nga siyang dahilan.
“Nothing, Dad. It’s just that I’m already well adjusted to the way of life here. I just can’t imagine myself going through the everyday traffic in EDSA again. At sa kung ano-ano pang mayroon sa Pilipinas na wala rito.”
“Ilang taon ka nang may itinatago sa akin, Toni. Hindi ba ako makakatulong sa problema mong iyan?” masuyong tanong ng don.
Pinangiliran siya ng luha sa narinig.
“Dad?” Nasa isang salitang iyon ang lahat ng paghihirap niya sa dibdib.
Ibinuka ng matanda ang mga bisig nang tumayo at kumapit siya rito. Matagal na panahon na rin mula nang huli nitong mayakap siya.
Sa balikat ng ama ay umalpas ang masaganang luha at pait ng dibdib niya. Matapos ang mahabang sandali ay siya ang kusang kumalas mula sa mga bisig nito.
“Dry your eyes, Toni. And I will listen.”
“I’ll be fine, Dad.” Pinayapa niya ang sarili. Para sa kanya ay sapat nang naibuhos niya ang mga luha. She could not afford to spill out all her sentiments. Ni ang alalahanin iyon ay hindi na nga niya ginagawa. At t*****e sa sarili niya kung bubuksan pa niyang muli iyon sa ama. “Just give me one more time, Dad. Ako rin ang kusang babalik sa atin.”
Hindi rin siya napilit ng amang magtapat. Subalit tila kontento na ito sa presensiya ni Jullie at umaasang ngayong kasama na niya ang matalik na kaibigan ay makakagaan na ang anumang nakadagan sa kanyang dibdib.