DISAPPOINTED ang biyudo niyang ama.
Bunso siya at kaisa-isang babae sa apat na magkakapatid at inaasahan ng amang susunod siya sa suhestiyon nitong kumuha siya ng kursong related sa business.
May sari-sarili nang mga buhay ang tatlo niyang kuya—mga anak ng ama niya sa unang asawa nito—at pawang mga nasa Amerika. Siya na lamang ang kasama nito sa bahay. Nag-iisa siyang anak nito sa ikalawa nitong asawang si Marissa, ang mommy niya.
Hindi pa siya nag-aaral nang maulila siya sa ina. At dahil sila na lamang mag-ama ang naiwang magkasama ay pinalaki siya nito sa layaw. Unica hija din naman kasi siya.
“Dad, bakit natahimik ka na riyan?” untag niya sa ama. “Ayaw mo ba akong maging nurse? Eh, di `pag medyo hindi ka na kasing-youthful kagaya ngayon, ako na ang mismong mag-aalaga sa iyo.” Iniusod niya palayo sa harapan niya ang pinggan. Pinagtuunan naman niya ngayon ang dessert.
Hindi niya napansin ang paglungkot ng ama.
“Of course not, hija,” anito. “It’s just that I was hoping na business din ang interest mo.” Pilit nitong itinago ang lungkot.
“Come on, Dad. You’re at your prime at hindi mo dapat intindihing kailangang matutunan ko kaagad ang pasikot-sikot sa negosyo natin. And besides, kaysa naman pagdating ng araw ay ibase mo sa kaseksihan ng nurse ang gugustuhin mong mag-alaga sa iyo, ako na lang.” Nilabian niya ang ama.
“Kailan naman ako nahilig sa mga sexy? Do you remember any instance na naghanap pa ako ng iba mula nang iwan tayo ng mommy mo? And speaking of that... you’re seventeen and before the end of this year ay magde-debut ka na. Hindi ko alam kung matutuwa ako o kakabahan na hanggang ngayon ay wala kang boyfriend na ipinakikilala sa akin. Alam mo namang open ako pagdating sa ganyang mga bagay. Wala pa bang nanliligaw sa bunso ko?” Malapad ang ngiti nito sa kanya.
“The truth is... wala pa akong nakikitang katulad mo, Dad.” Sumulyap siya sa mamahaling wristwatch na inilambing niya rito noong nakaraang linggo lang. “Well, so much for that, Dad. Mag-uumpisa na ang inaabangan kong TV show. Good night, Dad.” Dinukwang niya ito sa kinauupuan nitong kabisera ng mesa at dinampian ng halik sa noo.
Pag-akyat niya sa hagdan ay parang nakikinita niya ang pag-iling ng kanyang ama habang sinusundan siya nito ng tingin.
TUMAYO na rin si Don Antonio at nagtungo sa library. Hindi niya madiktahan ang anak kahit na alam niyang hindi naman ito pursigidong kumuha ng Nursing kundi nakikitangay lang kay Jullie. Ngayon ay tila gusto niyang pagsisihan ang napalabis na pagpapakita niya ng pagmamahal dito.
“Marissa...” waring nahihirapang usal niya at tinitigan ang malaking larawan ng pangalawang asawang nakakuwadro sa dingding.
“JULLIE, nakikita mo ba `yong nakikita ko?” Kinikilig na kinalabit ni Alodia ang kaibigang nasa unahan niya sa pila ng mga nagbabayad sa accounting window.
“Ano ba naman ang makikita ko?” paasik na turan ng best friend niya. “Para na nga akong guwardiya-sibil dito para hindi tayo masingitan. Para din pala itong Tutuban `pag Linggo—”
“Guwapo, Jullie. Parang si—”
“Tumigil ka nga riyan! Marinig ka ng kasunod mo, nakakahiya,” saway nito sa kanya.
“Hmp! Miss Tapia!” buska niya rito. “Ayaw mo, ako na lang,” bubulong-bulong na wika niya.
Hindi niya napigil ang sariling hindi muling i-focus ang tingin sa nasulyapan kanina. Bumababa pa lang ng kotse ay natatanaw na niya ito. Hindi nga lang niya ito napagmasdang mabuti dahil binalingan agad niya ang kaibigan. Ngayon ay humahakbang na ito palapit sa university building.
Umabot sa pandinig niya ang tila kinikiliting bulungan ng mga nasa malapit sa kanila ni Jullie. Kagaya niya ay natawag na rin ang pansin ng mga ito ang kakaibang dating ng lalaking ang hakbang ay patungo sa kanila.
My God! Gustong mag-panic ng utak niya. She still remembered this same kind of feeling noong panahong napakatindi ng crush niya sa isang student leader na nag-aaral sa katabing eskuwelahan ng pinapasukan nilang exclusive school for girls. Naging habit niya noon na abangan ang pagpasok nito tuwing umaga.
The moment she had laid her eyes on the guy, naging inspired na siya sa buong maghapon. Kasali na rin doon ang pangangarap niya nang gising.
Malas nga lang niya dahil hanggang sa mag-graduate ang naturang guy ay hindi man lang sila nagkapalitan ng mga pangalan. And she somehow wondered kung naging aware ito sa efforts na ginagawa niya para masilayan ito tuwing umaga.
Mula noon ay ipinangako niya sa sariling sa susunod na maramdaman niya ang ganoong feeling ay ipapaalam na niya sa taong concerned—in one way or another.
Kakalimutan na muna niya ang konserbatibong turo ng kanilang Mother Superior at ng napakaraming madreng teachers nila. Dahil ang balak naman niyang gawin ay pinaka-conservative pa rin sa pamantayan ng mga kaklase niyang aminado sa adventures ng mga ito...
At ngayon nga ay abot-tanaw na niya ang lalaking gumising sa noon ay nadismaya niyang puso.
One thing na na-notice niya, although she felt almost the same thing she had for the guy way back then, iba ang dating ng lalaking ito. Siguro nga ay puwedeng magbago ng taste sa paghanga sa opposite s*x.
Cute ang high school crush niya noon, pero tila napaka-unfair sa lalaking ito ang sabihang “cute” din.
Kulang ang “cute” para dito. There was something in him na kung hihiramin niya ang termino ng mga kaklase ay masasabing “angelically handsome.”
Mukhang approachable naman ito pero ang palagay niya ay mayroon din itong nakatagong kulo. Ipinako niya ang tingin sa mismong mga mata nito and silently wished na sana ay magtagpo ang kanilang mga mata.
Luminga-linga ang lalaki at nang sa gawi na niya matutuon ang paningin nito ay siya namang pagkalabit sa kanya ni Jullie.
“Alodia, ano ka ba? Sabi ko, i-prepare mo na `yong registration form mo.”
“Alam mo, Jullie, wrong timing ka talaga. Kaunti na lang, eh. Kaunti!” Iminuwestra pa niya ang hinlalaki at hintuturong mga daliri na bahagya lang ang awang.