“HINDI lang siya basta cute, Jullie. Iba talaga ang dating niya,” kinikilig na wika ni Alodia. Tapos na silang magkaibigan sa pag-e-enrol at nag-i-stroll na lang sila sa mall.
Bukambibig pa rin niya ang naturang lalaki at halatang nakukulili na rin ang tainga ni Jullie sa kanyang mga sinasabi. Pero wala siyang pakialam.
“Enrolment pa lang, Alodia. Sa pasukan ay mas marami ka pang makikita. And besides, malay mo kung may sinamahan lang iyong kapatid na mag-enrol, or girlfriend niya kaya?” nang-aalaskang wika ng kaibigan niya. “Sabi mo nga, mukhang hindi estudyante.”
“Basta, sa first day of school, siya ang aking mission number one.” Hinatak niya sa isang boutique ang kaibigan nang may mamataang blouse na type niya.
“Ewan ko sa iyo. Basta ako, out sa ganyang mga bagay. Nag-promise ako sa nanay na magtatapos muna ako bago ang boyfriend-boyfriend na `yan,” matigas na wika nito.
“Eh, kung ibuko kaya kita sa Nanay Hilda na ilan din ang naging boyfriends mo bago mo iniwan ang high school?” Siya naman ang naka-score ngayon.
“Alodia!” Hindi lang warning ang ibinabadya ng tinig ng kaibigan niya. Higit ang takot na mabuko ito ng ina sa sandaling totohanin niya ang kanyang banta.
“See?” Parang nakakalokong wika niya. “Ikaw itong talagang may itinatago, `no? Anyway, pass na muna tayo riyan. Tell me, alin ang mas bagay sa akin, itong plain blue or this printed one?” Itinapat niya ang isang naka-hanger pang damit sa kanyang katawan.
Nag-isip muna si Jullie. “Bilhin mo nang pareho.”
“Medyo mahal.” Sinulyapan niya ang tag price.
“At kailan pa naging issue sa iyo ang presyo?” nakatirik ang mga matang sambot sa kanya ng kaibigan.
FIRST day of classes.
Mas excited si Alodia sa maraming pagkakaiba ng buhay-high school sa buhay-kolehiyala. Kahit alam niyang tutol ang kanyang ama ay pinanindigan niyang ayaw na niyng kabuntot lagi si Mang David. At idineklara niyang sa oras na magdisiotso anyos siya ay ipagmamaneho na niya ang sarili. Pakiramdam niya ay nakakabawas sa pinapangarap niyang independence ang driver niyang laging nakabuntot sa kanya.
At isa pa, hindi pa rin naaalis sa utak niya ang binitiwan niyang salita kay Jullie. Desidido siyang halughugin kahit ang pinakasulok ng buong unibersidad makita lamang muli ang lalaking ang turing niya ay “angelically handsome.”
Hindi niya mai-explain subalit ilang gabi nang ang lalaking iyon ang laman ng kanyang panaginip.
Maaga siyang nakarating sa school. Noon pa nila kinabisado ni Jullie ang mga assigned rooms nila kung kaya’t hindi na siya naghanap pa. Pandalas ang sulyap niya sa wristwatch.
Five minutes na lang at time na pero wala pa ang kanyang kaibigan. Marami na ring freshmen siyang nakilala since block section sila, kaya itinalaga na rin niya ang sariling ang mga ito rin ang makakasama nila ni Jullie sa susunod pang mga semester.
“Alodia!” humahangos na wika ni Jullie.
“You’re late,” sita niya rito.
“Who cares? May nabalitaan ako, just a minute ago. And I’m sure you’ll gonna like it. Alam mo bang—” Nabitin sa ere ang dapat na sasabihin nito. Napako ang mga mata nito sa may pinto.
NAKITA ni Alodia ang dumating, wala sa loob na binasa ang subject na ini-enrol para sa schedule na iyon. BioSci—NR Concepcion. Saka siya muling tumingin sa dumating na ngayon ay obvious na instructor nila.
“Good morning, class,” pormal nitong sabing nagpatahimik sa nagbubulungang mga estudyante.
“Siya ang sinasabi ko sa iyong balita,” bulong ni Jullie sa kanya.
Parang wala siyang narinig. Nakatuon ang buong pansin niya sa kaharap. Sino ang mag-aakalang magiging professor niya ang lalaking tumawag ng pansin niya noong nakapila sila sa accounting window? Malayong-malayo ang hitsura nito sa pagiging professor.
Mas mukha siyang doktor, aniya sa sarili.
“As I was saying—” Sumulyap ito sa gawi niya. Gusto niyang mamalikmata nang magtama ang kanilang mga paningin. “Ako rin ang adviser ng section na ito,” sabi nito. “Though college life is far different from high school life, the university has designated an adviser for each section. Should any problem arise in this class, I must know and let’s see how we can remedy it, okay? Now, please pass all your registration cards and I’ll sign them.”
Tumuon na ang mga mata nito sa mesa at waring may binasa.
Naipon na ang mga ipinasang registration cards sa dalagita dahil siya ang nakaupo sa gawing aisle sa unang row. A few steps more at malapit na malapit na siya sa lalaki.
Neil Robin Concepcion—nag-flash sa utak niya ang buong pangalan nito. Sa suma niya ay nasa mid-twenties lang ito. Mabilis siyang nagpuno ng hangin sa dibdib, saka ipinatong sa mesa ang mga cards.
Hindi siya bagay sa classroom. Dapat ay sa ospital siya, curing the sick. Mas bagay siya roon, she opined.
Saglit siya nitong sinulyapan bago sinamsam ang mga cards.
Ang tangos ng ilong, puna niya. Siya na rin ang sumuway sa sarili sa paglalakbay ng mga mata niya sa kabuuan nito.
Mabilis siyang bumalik sa inuupuan.
“This is what you call a blessing,” bulong niya kay Jullie. Kitang-kita sa mga mata niya ang kakaibang kisap.
“De la Rosa, Alodia, please come forward,” tawag ng kanilang professor.
Sabay silang napatuwid ng upo ni Jullie. At ganoon na lang ang kaba niyang baka narinig sila nito.
Pormal pa rin ang tono nito at hindi niya mahulaan ang dahilan ng pagtawag nito sa kanya.
“Sir?” aniya sa mahinang tinig at sinabayan pa ng taas ng isang kamay.
“What’s this?” Itinuro nito ng ball pen ang card.
Muli siyang tumayo at sa pagkakadukwang niya sa mesa nito ay nanuot sa kanyang ilong ang suwabeng pabango nito. Ipinilig niya ang ulo at nag-concentrate sa itinatanong.
“Mari-Antoine, Sir,” pagtatama niya sa medyo malabong pagkakasulat ng kanyang pangalan.
“Alodia Mari-Antoine?” Medyo lumalim ang gatla sa noo nito.
“That’s right, Sir.” Matamis siyang ngumiti. Pakiramdam niya ay isang punto iyon na makalapit siya sa lalaki.
“And what does that mean?” curious nitong tanong.
“Alodia, that’s love. It’s love for my parents, Antonio and Marissa,” proud niyang sagot.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang ngumiti ito at lumitaw ang perfect set of white teeth nito. “Nice name,” patango-tangong sabi nito.
I’m nicer than the name itself, gusto niyang idugtong subalit pinili niyang ngitian na lang ito uli.
“ALODIA, may assignment ka na ba sa BioSci?” Hangos ang ginawang pagsalubong sa kanya ni Jullie, nasa mga mata ang pagpa-panic.
“Assignment?” Kunwa ay wala siyang alam. “Did Mr. Concepcion give us one?”
“Different kinds of leaves. Nakakainis, saan ba ako mamimitas ng dahon? Alam mo namang puro plastic plants ang nasa bahay. Patay ako nito kay Sir.”
“Ikaw lang,” buska niya. “Ipinasa ko na kay Mang David ang assignment na iyan.”
Sabay pa silang lumingon sa bandang likuran. Papalapit na nga ang kanyang driver, bitbit ang isang supot. Hindi lang specimen na mga dahon ang bitbit nito, kasama na pati mga tangkay at ugat.
“Alodia, pinabunot mo ang tanim sa inyo?” pabulong na sita sa kanya ng kaibigan.
Nagkibit siya ng balikat. “Problema na ni Mang David iyon. Basta ang sabi ko sa kanya, ikuha niya ako ng mga dahon.”
“At pinagbitbit mo pa siya hanggang dito sa classroom natin?”
“Ayokong mapagkamalang hardinera,” maikli niyang sagot. Wala siyang kamalay-malay na papalapit na ang kanilang professor.
“Kunin mo na kay Mang David `yong dala niya,” pabulong muling wika ni Jullie sa kanya. “Nagpapasukan na’ng mga classmates natin.”
At ganoon nga ang ginawa niya. Mabilis na rin niyang naipitas ito ng ilang dahon mula sa dala ng matandang driver para mayroon rin itong mai-present na assignment.