“`KAKAINIS!” nanunulis ang ngusong wika ni Alodia. Tapos na niyang pa-check-an ang dala niyang assignment at busy na si Mr. Concepcion sa iba pa niyang kaklase.
“Bakit na naman?” tanong ni Jullie.
“Hindi man lang niya na-appreciate itong dala ko. Halos buong garden na nga itong mga dahon sa armchair ko, `no?”
“Loka! Bakit naman kailangang i-appreciate, eh, assignment nga iyan. Titingnan lang kung responsible kang estudyante. At mamarkahan sa class card.”
“Kahit na,” pagpipilit pa niya. “Iyon ngang iba, ni dahon ng ipil-ipil walang dala.”
“Basta ikaw, may dala. Tapos!” nangingiting wika ni Jullie. “At thank you nga pala. Ako rin, nagka-assignment.”
MATATAPOS na ang prelim period at bawat araw na may klase ng BioSci ay extra ang kislap na masisinag sa mga mata ni Alodia. Hindi lingid sa kaibigan niya ang pagkakaroon niya ng matinding crush sa kanilang professor.
Halos ay magparoo’t parito silang magkaibigan sa kahabaang ng corridor sa oras ng palitan ng klase sa pag-asam niyang makasalubong si Mr. Concepcion.
“Alodia, hinihingal na ako,” angal ng kaibigan niya. “Ano ba’ng gagawin natin dito sa third floor? Wala naman tayong lab ngayon, ah.” Patakbo na ang lakad nito para makaagapay sa mabilis niyang paglakad.
“Dalian mo na lang diyan. Dismissal time na ni Neil sa klase niya sa BSN II. Baka sa kabilang exit iyon magdaan.”
“Neil?” Halos magsalubong ang mga kilay ni Jullie nang marinig nito ang pagtawag niya sa batang professor.
“Neil,” kumpirma niya. “What’s wrong with that? Ano ba naman iyong walong-taong agwat ng edad? By the time we graduate, halos hindi na mapapansin ang age gap namin.”
“Hindi mo ba naiisip na baka may makarinig sa iyong iba at makarating kay Sir?” sita sa kanya ng kaibigan. “At saka hindi ka ba kinikilabutang first-name basis lang kung tawagin mo si Sir?” Huminto ito sa paglakad at sadyang hininaan ang boses para hindi ito marinig ng mga estudyanteng nakakasalubong nila.
“Of course not!” siguradong sagot niya. “Sabi ko naman sa iyo I am terribly hit right here.” Itinuro niya ang tapat ng puso.
“Alodia—”
Naputol ang anupamang sasabihin ng kaibigan nang matuon ang mga mata nito sa lalaking paparating na siyang dahilan ng pag-akyat nila sa third floor.
“Good morning, Sir.” Hindi siya pumayag na dumaan sa harap nila si Mr. Concepcion na iignorahin lang niya ito. Sinundan niya ito ng tingin.
“At saka I don’t address him that way `pag nasa loob tayo ng klase niya,” baling niya sa kaibigan kapagdaka, at nagsimula na muling humakbang nang ilang metro na ang agwat sa kanila ng professor nila.
“HOW’S your studies, hija?” tanong ni Don Antonio nang minsang ipagpilitan nitong ihatid siya sa pagpasok sa eskuwela.
“Fine, Dad,” mabilis niyang sagot.
“Enjoying your course?” Naroon ang piping pag-asam nitong i-shift niya ang Nursing sa isang business course.
“Masaya, Dad. Especially iyong klase ko sa BioSci. Pleasing to the eyes pa ang professor namin. Unlike sa ibang subjects na mukhang nerds ang mga professors. Para bang sinisindak kami ng looks nila.” Hindi siya ganoon ka-open sa ama para tahasang aminin dito ang matinding crush niya kay Mr. Concepcion.
“If in any case na magkaproblema ka sa course mo, don’t hesitate to shift to another, hija. Iyon talagang nararamdaman mong gusto mo,” hindi pa rin nawawalan ng pag-asang sambit ng kanyang ama.
Ngunit manhid ang pakiramdam niya sa motibo nito.
“I don’t thik so, Dad.” Eh, di na-miss ko si Neil? Siyempre, kung hindi rin lang Medical Science ang kukunin kong kurso, hindi ko na siya magiging teacher, gusto sana niyang idugtong.
“Hija, napapansin ko lang kasing ultimo si David ay mukhang bumabalik sa pagiging estudyante. Minsan ay naghahanap ng kung ano-anong dahon. `Tapos ay naglagay sa isang garapon ng isang buhay na tilapia. Alam kong assignment mo iyon, pero bakit mo ipinapasa sa driver mo?”
Sa halip na ituring niyang paninita iyon ng ama ay tinawanan niya lang iyon. “Diyos ko naman, Dad, para iyon lang! Ayoko ngang humawak ng dahon. Iba-iba ang amoy, `Tapos, may madagta pa. Lalo naman ang isda, ang lansa!”
Bale-wala naman sa ama ang narinig nitong reklamo niya. Waring inaasahan pa nga nitong iyon ang isasagot niya—at may nakahanda na ring itutugon.
“Anak, kung talagang interesado kang matutunan ang kurso mo, hindi ka mangingiming hawakan ang mga iyon. Besides, hindi lang ganoon ang hahawakan mo pagdating ng araw. You’re going to be a nurse, remember?”
“Dugo. That’s what you want to point out, `di ba, Dad?” maagap niyang salo. “Dad, I’ve made my self ready for that. Iyong mga dahon-dahon at isda na eeksperimentuhin namin, partida na lang sa akin.” Kinindatan niya ang ama.
Hindi na ito nakaimik. Sa tono niya ay naiparating na niya ritong malabong maipursige niya ang kumuha ng kursong aayon sa pangarap nito.
ANG KASO ay kung puwede lang sanang daanin na lang ang mataas na grade sa pagdadala ng kung ano-anong specimen. Ngunit sa kabuuan ay hindi nag-i-improve ang marka ni Alodia, partikular sa subject kung saan masipag siyang magdala ng kung ano-anong ipinadadala ng kanilang professor dahil na rin sa iniaasa niya lahat kay Mang David ang paghahanap ng mga iyon.
Kung siya mismo ang magpupursige sa pag-aaral, hindi na nga imposibleng matataas ang makukuha niyang mga marka. Ngunit mas pursigido siya sa pagde-daydreaming.
“Listen, class. After the discussion, you’re going to have a quiz.”
Umugong ang bulungang nagpoprotesta, sabalit tila walang narinig si Mr. Concepcion. Patuloy ito sa pagtuturo. “Phylum Coelenterata is...”
Nasa front row si Alodia at nakasalumbabang tila nakikinig sa lecture. Titig na titig siya sa guro na waring kinakabisa ang kaliit-liitang kilos nito.
Ang bawat galaw ni Neil ay itinatatak niya sa isip—na babaunin niya hanggang sa pagtulog.
Hindi pa rin niya maubus-maisip hanggang ngayon kung bakit nagtitiyaga ito sa pagtuturo. Neil was a fresh graduate of the university. He finished Doctor of Medicine with honors. He was an active student leader during his time.
Sa ngayon ay hindi niya alam kung saang ospital ito konektado. Or maybe he was spending half of his time in review classes.
Pero hindi niya masyadong inalam ang detalyeng iyon sa buhay ng binata.
Yes, binata.
Iyon ang katotohanang pinakaimportante sa kanya at talagang nagpalakas ng fighting spirit niya para ituloy ang nararamdamang gustong gawin.
Iyon din ang ni-research nila ni Jullie nang malamang professor nila ito.