"When they came to the border of Mysia, they tried to enter Bithynia, but the Spirit of Jesus would not allow them to." – Acts 16:7
"Busog na ako," umiiling na tanggi ni Yannie at bahagyang inilayo kay Elijah ang ulo.
"Come on. You have to eat a lot of fruits," pamimilit ni Elijah sa asawa.
"Pero..." pakli ni Yannie.
"Iilang piraso pa lang lang ang nakakain mo.”
"Ayoko na talaga, pakiramdam ko ay isusuka ko lang uli iyan," malungkot na ani Yannie.
Walang nagawa si Elijah kundi ibaba sa mesa ang hiniwang mga prutas para sa asawa. Alam niyang hindi madali ang pinagdaraanan nito. Hindi lingid sa kaniya ang paghihirap nito—physically and emotionally. Kahit na gustuhin pa nito, hirap itong kumain.
Naramdaman niyang ang paggagap ni Yannie sa kamay niya. Nakangiti ito, isang pagod, naghihirap at pilit na ngiti. "Love, wag kang masiyadong mag-alala. Okay lang ako at magiging maayos ang lahat. May awa ang Diyos sa’tin."
Nag-iinit ang sulok ng mga mata niya habang nakatitig sa asawa. Hindi niya alam kung anong dapat sabihin, kung anong tamang salita ang gamitin. Dahil kadalasan, hindi niya rin alam kung naaawa nga ba talaga sa kanila ang Diyos, kung naririnig ba Niya ang mga dasal nila.
Ngunit sino ba siya para magduda?
"Tama ka diyan... Kahit anong mangyari, hindi tayo susuko. Patuloy tayong maniniwala sa Diyos dahil tiyak hindi Niya tayo pababayaan," tumatangong sambit niya sabay gagap ng payat at halos buto't balat ng kamay ni Yannie.
Isang linggo pa lang pagkatapos sabihin ng doctor na lumala ang lagay nito ay mas lalong namayat ang katawan nito.
"Elijah...”
Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa monoblock na nasa gilid ng hospital bed. Yumuko siya at hinalikan ito sa noo. “Magpahinga ka na at ako ng bahala sa lahat.”
Bahagyang kumurba ang labi ni Yannie. "Elijah, naalala mo pa ba ang pangako natin sa isa't isa noon? Na kahit anong mangyari ay wala tayong itatago at ililihim sa isa't-isa."
*****
"Elijah, naalala mo pa ba ang pangako natin sa isa't-isa noon? Na kahit anong mangyari ay wala tayong itatago at ililihim sa isa't-isa," pilit pinatatag ni Yannie ang sarili niya nang tanungin ang asawa.
Hindi nakalingat sa mata ni Yannie ang bahagyang gulat at pagtataka sa mukha ni Elijah. May alam siya pero mas gusto niyang sa sariling bibig pa rin ng asawa lumabas ang sagot.
"Yannie?" Hindi nakalagpas sa paningin niya ang pag-aalala na muling rumehistro sa mukha nito.
Lalong humigpit ang hawak niya sa kamay nito. "Alam mo ang ibig kong sabihin, love,” aniya rito habang iniignora ang nararamdamang pagbigat ng dibdib.
"Yannie..." hirap nitong usal habang malungkot na nakatitig sa kaniya.
"May dapat ba akong malaman, Elijah?" pagsusumamong tanong niya.
Sa pagkabigla niya ay mabilis siya nitong niyakap. Halos hindi siya makahinga sa yakap nito ngunit hindi niya pinansin ang nararamdaman.
"Look, I'm so sorry. I'm really sorry. Sasabihin ko rin naman sa'yo. Humahanap lang ako ng tamang tiyempo."
Kahit hindi niya nakikita ang mukha nito ay alam niyang nagpipigil lang itong umiyak.
"Sasabihin ko rin naman sa'yo ang lahat, ang lahat nang kailangan mong malaman. Pero..." Ramdam niya ang matinding paghihirap sa tinig nito. Alam niyang sa mahabang panahon na maysakit siya ay patuloy lang itong lumalaban.
So, totoo nga...
May kung anong kirot sa puso niya. Hindi niya akalaing maglilihim ang asawa sa kaniya. Ngayon pang alam niyang hindi na siya magtatagal pa. May pait siyang ngumiti. "Nauunawaan ko, Elijah. Ang nais ko lang ay maging masaya ka kahit hanggang dito na lang a—"
Iniharap siya nito. "Wag kang magsalita ng ganiyan. Tao lang ang doctor at maaari siyang magkamali."
Lihim na napakunot-noo siya sa tinuran ng asawa.
"Gagaling ka, Yannie. Hindi na mahalaga kung gaano kalala ang sakit mo. Hindi mahalaga kung hindi na tayo magkaanak. Itutuloy natin ang operasyon. Ang mahalaga ay gagaling ka," pagpapatuloy ni Elijah na lalong ikinatigil ni Yannie.
Malala? Operasyon? Hindi na kami magkakaanak?
Gustong matawa ni Yannie sa sarili na wala na siyang makapang takot at lungkot para sa sarili dahil sa narinig. Katawan niya ang may sakit at bago pa nila malaman, dama na niya iyon. Pero iba ang gusto niyang marinig mula kay Elijah.
Akmang magsasalita siya nang muling magsalita ang asawa.
"Hindi tayo titigil sa pagdarasal. Kahit anong mangyari, kakapit tayong hahaba pa ang buhay mo," pagpapalakas-loob pa ni Elijah.
"Pero—"
"Walang sukuan ito," ani Elijah at muli'y niyakap siya nito nang mahigpit.
Pero hindi iyon ang gusto kong malaman! Gusto niyang sabihin pero naumid ang dila niya. Ayaw niyang sirain ang momento ng asawa.
Hindi na nakakagulat kung gaano kalala ang sakit niya. Ang gusto niyang malaman ay kung sino si Hairah?
At ano ito sa buhay ng asawa niya?
*****
"To fully serve others we have to forget ourselves..."
Nanatiling nakatitig si Hairah sa baso ng gatas habang binabalik-balikan ang mga salitang iyon. Nakakiling na dinama niya ang baso, mainit pa ito kaya umusok-usok pa. Itinapat niya ang daliri sa ibabaw ng baso at dagling nadama ang mainit na usok. At habang tumatagal, namamasa ang daliri niya.
Inalis niya ang daliri sa tapat ng baso at tinitigan ito. Bahagyang namula ang dulo ng daliri niya at nararamdaman niyang may munting sakit doon dahil ng init.
Masakit pero nakapagtatakang hindi niya iniinda iyon.
Dahil ba maliit lang?
O dahil hindi naman nahiwa ang balat niya?
O marahil dahil alam niyang sa loob niya’y may higit na masakit.
Pinisil niya ang dulo ng daliri at unti-unti nang nawawala ang sakit.
Sana ganoon rin ang puso. Sana ganoon rin kabilis alisin ang sakit sa puso. Sana ganoon kadaling alisin ang bigat na meron sa dibdib niya.
Napabuntong-hininga siya. Nagiging madrama siya dahil sa mga nangyayari.
Tumayo siya at dala ang baso ng mainit na gatas ay pumunta siya sa may tabi ng bintana ng silid niya. Ipinatong niya ang gatas sa pasamano ng bintana at hinila ang paborito niyang upuan. Umabot siya ng isa sa devotional books niya, umupo habang ang dalawang paa ay nakataas sa isa pang silya.
She had to relax. She needed to at ease her mind. Kailangan niyang eeksamin, hindi lang ang puso pati na rin ang ispiritwal na aspeto. Dahil hindi pa man ay napupuno na ang isip niya ng iba't ibang isipin at hanggang maaari ay ayaw niyang makasama roon si Elijah.
*****
"Ahhhh!"
Napabalikwas mula sa pagkakaubob si Elijah nang marinig ang malakas na sigaw ni Yannie. Ang kanina pang antok na pilit gumugumon sa kaniya ay nawala nang makita ang asawang namimilipit sa sakit.
"Ahhhhh!" malakas na sigaw pa nito na pumunit sa katahimikan ng gabi.
"Love? Love, anong?" pinilit niyang pakalmahin ang asawa pero hindi niya malaman kung paano. Sinubukan niyang hawakan ang asawa pero kapag gingawa niya ay parang lalo lang itong nasasaktan.
"Nurse!" sigaw niya bago dali-daling pinindot ang emergency button na nasa may ulunan ng kama. "Nurse! Doc!" sigaw pa niya habang hindi magkamayaw kung paano pakakalmahin ang asawa.
"El—Ahhh! A-a-yaw k-k-kooo... Ahhh!" Lalong lumakas ang sigaw ni Yannie. Kitang-kita niya ang sakit at paghihirap sa mga mata nito habang namimilipit sa sakit. Pakiramdam niya ay sinusuntok siya nang paulit-ulit sa sikmura dahil sa nakikitang paghihirap ng asawa.
"Love..." tawag niya rito. "Oh, God, please help her." Marahan niyang hinawakan ang kamay.
Nagsidatingan na ang mga doctor at ilang nurse. Mabilis ang kilos na hinawakan ng mga nurse si Yannie. May pumunta sa machine na nasa tabi nito, may nag-check sa mga tubo na nakakabit sa asawa niya at kung ano-ano pang hindi na niya maunawaan.
"Sir, kailangan ninyo muna pong lumabas," utos sa kaniya ng isa sa mga nurse.
Parang wala siyang narinig na hindi man lang gumalaw sa kinatatayuan niya habang hawak pa rin ang kamay ng asawa.
"Sir, please..." Pilit siyang hinila ng nurse palabas pero nakapako ang tingin niya sa asawa at sa inihahanda na naman ng doctor na syringe. Tuturukan na naman nila si Yannie para mawala ang sakit na nararamdaman nito. Lumingon sa kanila ang doctor at naramdaman niyang humigpit ang hawak sa kaniya ng isa sa mga nurse. "Sir... Kailangan ni'yo pong lumabas muna. Kailangan po naming gawin ang trabaho namin."
"No. Dito lang ako sa tabi ng asawa ko," mariin niyang saad, hawak pa rin ang kamay ng asawa.
Nang mapagtanto nilang wala rin silang magagawa ay sinenyasan ng doctor ang mga nurse na naroon. Ilang sandali pa't itinurok nang doctor ang karayom. Muli, umalingawngaw ang malakas na sigaw ni Yannie at wala siyang magawa kundi ang mapapikit nang mariin.
Kung maaari lang niyang ilipat ang sakit nito sa sarili ay gagawin niya.
Kung sana lang...
Ramdam niyang namamasa ang mga mata niya habang unti-unti nang tumitigil sa pagwawala si Yannie. Unti-unti'y pumikit ang mga mata nito, ang magagaan ng kamay nito ay tila dahan-dahan na ring bumibitaw. Mas hinigpitan at maingat niyang ginagap ang kamay ng asawa. Hindi niya mapigilan ang sariling mapaluhod. Hindi niya kayang palaging nakikita na ganito ang asawa. Ngunit ano bang mgagawa niya maliban sa hayaan ang mga doctor na turukan ito ng kung ano-ano para mapawi pansamantala ang sakit na nararamdaman nito. Wala siyang ibang magagawa kundi ang tingnan ito at makitang nasasaktan at nahihirapan.
Wala siyang maggawa. Anong silbi niyang asawa?
Tuluyan nang nakatulog si Yannie ngunit bagama't tulog na ito'y kita pa rin niya ang dinadalang paghihirap nito. Marahan niyang hinaplos ang naghihirap at pagod na mukha ng asawa.
Napakabilis ng mga pangyayari. Parang kanina lang ay masaya nilang idinadaos ang kasal nila tapos heto, sa isang kisapmata lang, nakaratay na sa kamang iyon si Yannie, ang babaeng mahal na mahal niya. Numinipis na ang buhok, pumapayat, nanlalalim ang mga mata at halos mga gamot na lang nagbibigay lakas. Nawala na ang masigla, masayahin at matapang na babaeng pinakasalan niya.
At sa mga ganitong pagkakataon, hindi niya maiwasang hindi kwestyunin ang langit.
Bakit ganito?
Bakit kailangang mangyari sa kanila ang ganito?
Bakit sila pa?
Nagkakamali sila pero pinipilit nilang maging mabuting tao. Bakit tila pinaparusahan siya ng langit?
Ano bang ginawa nila para parusahan sila nang ganito?
Naluluhang niyakap niya ang payat ng kamay ng asawa. Sakit, awa, kalungkutan...
Bakit puro masasamang pakiramdam ang nadarama niya?
Bakit puro paghihirap?
Matatapos pa ba ito?
Bakit pinahihintulot ng Diyos ito?
Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang sa tahimik na umalis ang doctor at mga nurse. Nanatili siyang tahimik na umiiyak habang walang maggawa para sa asawa.
*****
Tinitigan ni Hairah ang sarili sa harap ng salamin. Inayos niya ang blue skinny jeans na tinernuhan ng gray sleeveless top. Pagkasuklay ng medyo basa-basa pang buhok at masiyahan sa simpleng ayos ay kinuha niya ang black cardigan at sinuot ito. Akmang kukunin na ang shoulder bag sa ibabaw ng table nang marinig niya ang pagtunog ng cellphone. Kinuha niya ang cellphone at tiningnan kung sino ang tumatawag habang ang isang kamay ay inaabot ang bag sabay sakbit sa balikat niya.
Sandy Calling...
"Hello?" aniya habang palabas ng silid.
"Okay lang bang magkita na lamang tayo sa mall?" Dinig niyang tanong sa kabilang linya ni Sandy.
"Sinabi ko naman na okay lang kahit hindi ninyo ako masamahan," mabilis niyang tugon habang pababa ng hagdan.
“Pipilitin naming makapunta.”
“Nasa meeting pa si Lyra at may kailangan ka pang tapusin. Seriously, I’ll be fine.”
"Look, we're sorry if—"
"No worries. Nangyayari talaga iyan, tsaka 'di ba sabi ko naman sa inyo na okay lang kahit ako na lang mag-isa ang mamili," sansala niya sa mga sasabihin pa ng kaibigan.
"Tss... Magtigil ka nga riyan," ani'to at kahit hindi niya ito nakikita ay alam niyang umiikot na naman ang mga mata nito.
Napangiti na lang siya. "Sige na."
"Okay... Please, take care."
"You, too."
Tuluyan nang naputol ang tawag. Eksaktong palabas na siya ng bahay ng sumalubong ang ina sa kaniya.
"Aalis ka na pala, Esther?"
Nakangiting tumango sya at lumapit dito para magmano.
"Mag-isa ka lang, ate?" Siya namang pagdating ni Helena mula sa labas.
Nagkibit-balikat siya gamit ang isang balikat.
"Isama mo na lang ako," ngiting-ngiting pakli ng kapatid niya at sinabayan pa nang pagtaas ng dalawang kilay.
"Sa susunod na lang."
"Hihintayin ko iyan, ha!”
Nagbibirong ginulo niya ang buhok nito. "Oo na." Bumaling siya sa ina at nagpaalam. "Alis na po ako."
"Gabayan ka ng Diyos sa lakad mo."
"He surely will," nakangiti niyang wika at naglakad na palabas.
*****
Alas-singko y media ng hapon nang makalabas ng Department Store si Hairah. Natagalan siya sa pamimili at idagdag pang mahaba ang pila sa cashier kaya lalo siyang nagtagal. Mahirap talagang mamili kapag weekend.
Ang problema naman niya ngayon ay ang sasakyan dahil halos puno na ang mga jeep na dumaraan. Idagdag pang hindi niya magawang makipagsabayan sa maraming pasahero dahil ilang kahon ang pinamili niya. Sinubukan niyang maghanap ng mga van na nabiyahe pero halos kaaalis pa lang ng mga ito. Kailangan niyang maghintay sa darating pa.
Naupo siya sa mahabang upuan na naroon na sadyang inilaan para sa mga pasaherong naghihintay. Nungkang tumalungko, humalumbaba, mag-cellphone, magbasa siya doon pero wala pa ring sasakyang dumarating. Kung magpapasundo naman siya ay tiyak na matatagalan pa rin.
Alam niya ng mangyayari ang ganito sa pagsakay kaya nga ang naging unang plano ay kasama si Lyra at sasakyan ni Pancho ang gagamitin nila. Pero dahil hindi nga dumating ang mga ito kaya heto siya...
Nagpakawala siya nang malalim na buntong-hininga.
Lord... sana naman... bulong niya at muling kinuha ang cellphone.
Nakatungo siya at nakatuon ang atensiyon sa cellphone niya nang marinig ang pagbusina ng isang sasakyan. Dali-dali siyang nag-angat nang tingin sa pag-aakalang may masasakyan na siya. Hindi niya mapigilang ma-dissappoint nang makitang isang kotseng pula lang pala ang dumating.
Nalulumbay na binalik niya ang tingin sa cellphone.
Sa ikalawang pagkakataon, bumusina ang kotse at dala nang kuryosidad ay inilibot niya ang tingin sa paligid. Ngunit gaya niya ay tila naghahanap din ang mga tao kung sinong pinipitadahan ng sasakyan.
Ibinalik niya ang tingin sa kotse. Pamilyar sa kaniya ang sasakyan ngunit hindi niya tiyak kung saan ito nakita. Marami naman ngayon ang pare-pareho ng klase ng sasakyan.
Pumarada ang sasakyan hindi kalayuan mula sa kinauupuan niya kahilera ng ibang naghihintay ng sasakyan. Sa hinuha niya'y bababa ang sakay roon. Nagkibit-balikat siya at muling ibinalik ang tingin sa cellphone. Magte-text na lang siya sa bahay. Ayaw niyang gabihin masiyado dahil maaga pa siyang aalis bukas.
"Hairah!" Isang pamilyar na tinig ang mabilis na nagpa-angat ng tingin niya.
Awtomatikong nag-switch ang malakas na pagkabog ng dibdib niya nang masilayan ang mukha ng nagsalita.
"Elijah," she said, half startled and half excited. Gaano na ba kaliit ang mundo at palagi na lang silang nagtatagpo?
"I'm trying to get your attention," he put a tiny smile as he walked towards her.
Lihim niyang pinisil ang sarili ng tila nabatubalani pagkakita sa binata.
"I-ikaw pala." Hindi niya mapigilang hindi mag-stutter. Lihim niyang pinasadahan nang tingin ang binata. Naka-walking short, t-shirt at rubber shoes ito. He looked tired, yet he's trying his best to smile at her.
"May sundo ka?" tanong nito sabay tingin sa mga kahon na nasa paanan niya.
"Ha? Ah... Wala pa..." Tumayo siya sa pagkaka-upo at hinarap ito.
"Saan pa magmumula?"
Kunot-noong tiningnan niya ito. "A-ang?"
"Iyong susundo sa iyo? Mahirap sumakay ngayon dito. May susundo ba sa'yo?" sunod sunod na usisa nito.
"Galing pa sa bahay. Hindi ko kasi akalaing gagabihin ako."
Tumango-tango ito at muling nilipat ang tingin sa mga kahon na nasa tapat niya. "Malapit na ba?"
Umiling siya.
"Kung malayo pa, sabihin mong bumalik na lang. Ako nang maghahatid sa'yo. Pauwi na rin ako," ani Elijah nang hindi na siya nagsalita.
"No. Hindi na kailangan."
Tinitigan siya nito na lalong nagpabilis ng t***k ng puso niya. Tumingin siya sa likuran nito ngunit bumalik din kaagad ang mga mata niya dito nang muling magsalita ito. "Gumagabi na. Ngayon ka pa ba mahihiya sa akin?"
"Hindi naman sa ganoon. Pero..." Hindi niya alam ang idudugtong kaya mariin niyang pinagdikit ang mga labi.
"No more buts. Let's go." Hindi na siya hinintay nitong makapagprotesta pa. Kinuha na nito ang dalawa sa karton ng pinamili niya at nagsimulang lumakad patungo sa sasakyan nito na ipinarada hindi kalayuan sa kintatayuan niya.
"Pe—"
"Ako na lang magdadala ng mabibigat na kahon, sa'yo na lang 'yung medyo magagaan." Hindi siya nito pinansin at sa halip ay tuluyan na siyang tinalikuran.
Napailing na lang siya at labag man sa loob ay sumunod siya dito dala ang dalawang malaking paper bag. Ngiting-ngiti pa ito nang masalubong niya ito para kunin ang isa pang kahon ng pinamili niya.
"Sa backseat na lang ang mga iyan," tukoy nito sa mga dala niya.
Nagkibit-balikat na lang siya at sumunod. Bukas na ang backseat kaya ipinasok na niya doon ang dalawang paper bag bago isinarado. Wala naman siyang balak maupo sa likuran at pagmukhaing driver ito.
"Ready?" tanong nito sa kaniya nang maisara ang trunk.
Kiming tumango siya. "Oo."
"Then, lets go," aya ni Elijah at lumakad pauna sa kanya at sa gulat niya'y ipinagbukas siya nito ng pinto. "Get in."
Hindi siya kaagad kumibo. Natuon ang atensyon niya sa gwapong mukha nito na sa kabila ng sakit, lungkot, at paghihirap sa likod ng mga mata nito'y naggagawa pang ipagbukas ng pinto ng sasakyan ang katulad niya.
"Hairah..."
Napakurap siya nang marinig ang mahinang pagtawag ni Elijah sa kaniya. Nag-iinit ang magkabilang pisngi niyang sumakay at kaagad namang isinara nito ang pinto ng kotse. Ngunit bago pa man nito naisara ang pinto'y dinig niya ang mahinang pagtawa nito. Natitilihang pinagmasdan niyang umikot ito patungo sa kabilang pinto hanggang sa makasakay ito ng kotse.
"Seatbelt, please."
Tumango siya sabay suot ng seatbelt. Ilang sandali pa at tahimik na itong nagmamaneho. Walang nagsasalita sa kanilang dalawa. Tanging ang mabining ihip lang ng hangin na nagmumula sa aircon ng sasakyan ang maririnig. Hindi rin siya makapag-concentrate dahil nasa iisang lugar sila, malapit lang ito, at malaya niyang naamoy ang mabangong amoy nito.
Naiinis na kinastigo niya ang sarili at piniling 'wag mag-isip ng kung ano. Pero mukhang bago siya makauwi ay magkaka-stiff neck muna siya sa pagpipilit na huwag lingunin ang lalaki.
Grabe, ano bang nangyayari sa mundo at ganito? Dati-rati at pinapangarap niya lang na mangyari ito, pero heto at nangyayari na. Ngunit sa maling panahon at pagkakataon.
“Ang dami noon, ah,” komento ni Elijah pagkaraan ng maikling katahimikan.
Napapitlag siya nang magsalita ito. Napilitang lingunin niya ito at sumagot. “Huh?”
“Ang mga pinamili mo.”
“Ah, mga souvenir items ang iba roon tsaka mga groceries. Nabanggit kasi ng kasamahan ko na sale sila kaya doon ako nautusang mamili.”
Tumango-tango si Elijah bago muling nagtanong. "Bakit hindi ka man lang nagsama sa pamimili?"
"Ang totoo'y dapat may kasama ako, hindi nga lang dumating."
"Your boyfriend?"
"Ang alin?"
"Ang dapat ay kasama mo?"
Casual na umiling siya. "Nope. Mga kaibigan ko lang. Kaso nagka-urgent na gawain sa trabaho kaya hindi na sila nakasunod."
"I see," tumatangong anas nito.
Nakakabinging katahimikan muli ang namagitan sa kanila. Ito ang dahilan kaya hindi niya gustong sumabay dito. Bilang na bilang niya ang bawat minuto at segundo.
"Mukhang matatagalan tayo sa traffic..." wala sa loob na anunsiyo ni Elijah.
"Pasensiya na..." nahihiyang wika niya habang sinisilip ang mahabang hilera ng mga sasakyan sa daan.
Naramdaman niyang nilingon siya nito. "Bakit humihingi ka ng sorry?"
"Matatagalan ka dahil ko."
Isang mahinang pagtawa ang pinakawalan nito. "Bakit kasalanan mo ba kung ma-traffic sa bansa natin?"
Hindi siya nagsalita. Nababaghan niyang tiningnan ito. Hindi talaga mahirap pangitiin si Elijah. Hindi rin siya mahirap patawanin. To think, he already laughed twice.
"You seem serious. Nagbibiro lang ako," kapagdaka'y ani Elijah at ibinalik ang tingin sa daan.
"Alam ko naman." Tipid siyang ngumiti bago humilig sa may bintana ng sasakyan. Hindi madali para sa kaniya ang mga nangyayari. Pakiramdam niya'y tumutulay siya sa isang napakanipis na tali. Maling kilos niya ay maaari siyang mahulog.
Maalin man sa maputol ang tali o mawala siya sa balanse.
"Anyway, kumusta ang asawa mo?" mahina niyang tanong na gusto niya na kaagad pagsisihan at naitanong pa niya dahil sa tila naging pagbabago ng ihip ng hangin. "Look, i—"
"Honestly speaking, she's not doing any good. Habang tumatagal ay lalong lumalala ang sakit niya. Nag-set na kami ng araw ng operasiyon niya, and we’re hoping na maging successful iyon." Halatang-halata sa tinig nito na pinalalakas at pinatatatag lang ang sarili. Just one push and he would be on the edge.
"I'm sorry. I don't mean to be nosy..."
"No, its fine. Though, things aren’t favorable as what we ought to be. Ang ipinagpapasalamat naming ay kahit papaano ay may pinanghahawakan kami."
"I'll pray for both of you," mahinang aniya.
“Thank you,” he grinned.
Ilang sandali lang tumagal ang traffic at bumilis na muli ang daloy ng mga sasakyan. Unti-unti ay nawala ang tensiyon sa paligid. Nagtanong ito ng ilang bagay sa kaniya, sumagot siya, at nagtanong rin ng hindi gaanong personal na bagay tungkol kay Elijah. Habang daan ay nabanggit pa nito na pumunta ito sa Department Store dahil may binili itong sorpresa para sa asawa.
Ang munting kwentuhan ay nauwi sa mas malalim na pagkukwento nito tungkol sa asawa. At base sa kwento nito, mahal na mahal nito ang asawa.
Mahal na mahal na kailanman ay hindi na ito muling magmamahal pa ng iba maliban kay Yannie.
Noong nakaraan lang ay nagpaalaman na sila sa isa’t isa. Ang hindi niya maunawaan, bakit lagi silang pinagtatagpo kahit anong iwas niya? Bakit tila mas ipinamumukha sa kaniyang maling mahalin ito? Pilit niyang kinakalimutan ito, pero bakit ganito?
*****