Chapter Eighteen

2913 Words
“Kapag ang puso ng tao ay nabubuhay at napupuno nang pag-asa. Walang bagay ang imposible para sa kaniya. Ngunit paano ang puso na tila ilawang namatayan nang sindi? Paano siya magpapatuloy maniwalang habang may buhay ay may liwanag?”   Alas-onse na pero nakapagtatakang hindi pa rin inaantok si Elijah gayong kahapon ay halos umaga na rin siya natulog dahil sa kakainom. “Akala ko talaga makakapahinga ako maghapon,” reklamo ni Neil na kasalukuyang nagmamaneho. “Pabalik na tayo pero nagrereklamo ka pa rin,” naiiling na aniya habang nakatingin sa labas ng bintana ng sasakyan. Kaninang umaga habang kumakain sila ng kaibigan ay biglang pinag-report sila sa station. May mga dokumento at pares ng mga ebidensiya na pinadala sa kanilang dalawa ni Neil sa kampo. Mahalaga ang mga iyon kaya naman hindi na sila naka-angal pa. Sabagay, mas ayos na iyon dahil naging abala ang isip niya maghapon at marahil kung nasa bahay siya ay lulunurin na naman niya ang sarili sa alak. “Hindi lang ako makapaniwala kay chief,” may bahid pa rin ng inis na ani Neil. “Paborito ka masiyado noon, eh,” sarkastiko niyang banat. “Tss. Inggit kasi siya sa kagwapuhan ko.” Prenteng sumandal na lang siya sa upuan at tumingin sa unahan ng sasakyan. Tahimik na ang buong paligid. Wala na ang abalang daan, mga sasakyan at taong nagmamadali. Payapa ang lahat. Bagay na kabaligtaran kapag nagsimula ng sumikat ang araw. Nilingon niya si Neil nang maramdamang bumilis lalo ang takbo ng sasakyan. “Pare, alam kong gusto mo nang magpahinga pero huwag naman sanang ‘yong pangmatagalan,” biro niya dito, bagama’t tila may pitik sa puso niya ang naging biro. “Malinis ang daan. Wala ng sasakyan o mga tao. Safe tayo.” “Hindi ka nakakatiyak,” giit niya rito Ngumisi lang ito. Minabuti na lang ni Elijah na ibalik ang tingin sa unahan. Ilang minuto pang mabilis na tumatakbo nang mabilis ang sasakyan sa kahabaan ng daan hanggang sa may matanaw siya. Napatuwid siya sa pagkakaupo at inaninaw ang natanaw. Malayo pa sila’y kita niyang tumigil ang bulto bago biglang nagbaba ng bag. “Mukhang may makikipagtanan ata,” komento ni Neil. Nilingon nya ito. “Imagination mo.” “Pare naman,” simula nito at tumuro sa relong nasa dashboard. “Tingnan mo nga ang oras. Sino pa bang lalabas ng ganitong oras maliban na lang kung may kakatagpuin?” Bahagya nitong binagalan ang sasakyan bagaman medyo may bilis pa rin. “Mukhang hindi,” aniya at ibinalik ang tingin sa unahan. Nang matitigan niya ang bulto’y tsaka lang niya napagtanto na babae ito. Nilingon nito sila, lumapit sa tabing-kalsada at nag-aktong tila pumapara ng jeep. Pilit niyang tinitigan ito pero dahil nakatalikod ito sa lamp post ay hindi niya maaninaw ang mukha nito. Kita niyang nagbaba ito ng kamay na tila ba nag-atubili ito kung papara o hindi. “Baka nagpa-prank lang iyan, alam mo namang kakaiba ang mga kabataan ngayon.” “Hindi,” nawika niya. Ngayong papalapit na sila sa babae parang hindi siya makapaniwala sa natatanaw. “Bagalan mo ang sasakyan,” utos niya sa kaibigan. Nilingon siya nito habang patuloy pa rin ang pagmamaneho. “Pare naman...” “Basta!” “Pero…” angal pa rin nito at patuloy na pinatakbo ang sasakyan. Nakuyom niya ang kamao nang malagpasan nila ang babae. “Itigil mo ang sasakyan,” malakas na utos niya. “Ha?” takang tanong ni Neil pero hindi pa rin itinitigil ang sasakyan. “Ano ka ba? Itigil mo ang sasakyan. Ibalik mo doon sa babae,” may riin nang utos niya habang nakatingin sa side mirror. Kita niyang parang nanlumo ang babae matapos nila itong malagpasan dahil napa-upo ito. “Sinabi ko ng—“ “Pare! Si Hairah iyon,” malakas na giit niya. Hindi niya maintindihan pero gusto niyang sakalin ang kaibigan dahil patuloy pa rin ito sa pagmamaneho sa halip na ibalik ang sasakyan. Sandali itong natigilan bago pabulalas na nagwikang, “Ano!” Naipreno nito ang sasakyan dahilan para muntik na silang mapasubsob sa may dashboard. “Sira! Sabi ko, itigil mo ang sasakyan. Hindi ko sinabing bangasan mo ako,” inis na sabi niya sa kaibigan. “Nagha-halucinate ka na ba, Elijah?” lingon nito sa kaniya. “Paano mapupunta dito ‘yon? Nakikita mo ba ang lugar at kung anong oras na?” “Ibalik mo na lang kasi ang sasakyan.” Malapit na talaga siyang mainis sa kaibigan. Ilang sandali siya nitong tinitigan bago nagsalita, “Tiyakin mong siya ‘yon ha at hindi tayo naloloko lang. Ayaw ko ng maulit iyong dati.” “Oo na. Akong bahala,” pagsang-ayon niya habang hindi inaalis ang tingin sa sidemirror. Nakakunot ang noo niya at titig na titig sa babae. May kung anong bumabangong emosiyon sa loob niya pero hindi niya pinansin iyon. Nag-U-turn sila at mabilis na pinaarangkada ni Neil ang cruiser pabalik kay Hairah. Naabutan niyang isinasakbat na nito ang bag at mukhang babalik na ito sa paglalakad. “Sigurado ka bang siya iyan?” tanong ni Neil. Nakatungo pa ang babae pero malakas ang kutob niyang iyon nga si Hairah. Tumingala ito sa langit na para bang pinakakalma ang sarili. Darn! She’s scared! “Shete! Si Miss H nga!” malakas na palatak ni Neil pero hindi niya ito pinansin. Nanatiling nakatuon ang atensyon niya kay Hairah na nagsimula nang maglakad ngunit kaagad ring natigilan nang makita nito ang sasakyan nila. Hindi niya inaalis ang tingin dito at sa kabila ng malamlam na ilaw ng mga poste, malinaw niyang nakikita ang pagsigla sa magaganda at maaamong mga mata nito. Binilisan ni Neil ang pagpapatakbo at ng malapit na sa kinatatayuan ng dalaga ay binagalan na nito ang pagpapatakbo. Hindi pa man tuluyang tumitigil ang sasakyan ay unti-unti nang ibinababa ni Neil ang bintana ng sasakyan. “Ma’am?” sambit ni Neil na sumilip sa bintana. Nakita niyang tuluyang nagliwanag ang mukha ni Hairah nang makita ang kaibigan. Hindi pa tuluyang humihinto ang sasakyan ay inalis na niya ang seatbealt at nakahanda nang buksan ang pinto. “Hey, pwede ba akong sumabay pauwi?” Dinig niyang mahina at garagal ang tinig na tanong nito kay Neil habang siya ay pababa ng cruiser. “Hairah...” nag-aalalang tawag niya rito pagkababa ng sasakyan. Napalingon ito sa kaniya at kaagad rumehistro sa maamong mukha nito ang gulat nang makita siya. Hindi niya tuloy tiyak kung natutuwa ba itong makita siya o ano. Ilang sandali itong nakatitig sa kaniya bago ito tuluyang ngumiti. Isang masaya at puno ng pag-asang ngiti habang ang malamlam niyang mga mata’y nakatitig sa kaniya. Madalas niyang mapansin ang paglamlam ng mga mata nito t’wing tumititig ito sa kaniya. “Elijah...” Malamyos ang pagkakabigkas nito sa pangalan niya. Masarap sa pandinig ang malamyos nitong tinig ngunit hindi nakalagpas sa kaniya ang bahagyang paggaralgal ng boses nito. Crap! She's going to cry. Doon na siya nagsimulang lumapit dito. Umikot siya sa unahan ng sasakyan para makarating dito. “Okay ka lang ba?” hindi maiwasang mag-alalang tanong niya. Sunod-sunod na tumango ito. Nakangiti pa rin o mas tamang pinipilit nitong ngumiti. “Gabi na, ma’am. Ano pang ginagawa mo sa ganitong lugar ng ganitong oras?” tanong naman ni Neil nang makababa ng sasakyan. “K-kasi...” Nag-aalangang nilingon nito si Neil bago tumingin sa kaniya. “O-Okay lang ba akong makisabay pabalik?” sa halip ay tanong nito sa kanilang dalawa. Nagkatinginan sila ni Neil ngunit siya ang sumagot. “Oo naman. Ihahatid ka na namin.” Tumango naman si Neil bago binuksan ang backseat. “Dito ka na, ma’am.” Nginitian nito si Neil. “Hairah na lang, please, and thank you.” Akmang lalakad na ito nang mabilis niyang pinigilan ito. “Ibababa mo muna iyang bag. Ako nang magpapasok niyan,” aniya dito. “Okay lang naman,” baling nito sa kaniya. “Nope,” pagtutol niya sabay lahad ng kamay. Nagpalitan ang tingin ni Hairah sa kamay niya at sa mukha niya bago tuluyang ibinigay sa kaniya ang bag. At hindi nga siya nagkamali, mabigat ang bag dahil halos ngumiwi ito nang isakbat ang bag sa balikat kanina. “Pasok na, ma’am,” alok uli ni Neil. Tumango si Hairah bago sumakay na sa backseat. Bahagya itong umusod para mailagay niya ng maayos ang bag nito. Sinarhan niya na ang pinto habang si Neil ay sumakay na rin bago nagmamadali rin siyang sumakay. Eksaktong pagsakay niya’y nabuhay na ni Neil ang makina ng sasakyan at minaniobra pabalik. Nakahinga nang maluwag si Hairah nang makasakay siya ng cruiser. Sa wakas, makakauwi na siya at makakapagpahinga. Thank you, Lord, she silently breathed in. Nakakabinging katahimikan ang namayani ng nagsimula nang umandar ang sasakyan. Tinuon niya ang tingin sa labas at laglag ang balikat niyang ibinalik sa unahan ang tingin. Wala man lang katao-tao sa paligid at lahat pa ng mga bahay at maliliit na establisyemento ay sarado na. “Kung hindi mo mamasamain, ma’am, pero anong ginagawa mo sa lugar na ito sa ganitong oras ng gabi?” Nilingon niya si Neil na nagtanong. Nasalubong niya ang tingin nito nang mapatingin siya sa review mirror. Hindi nito itinago ang pagtataka at pag-aalangan sa mukha. Pasimple niyang sinulyapan si Elijah. Tahimik lang ito at hindi niya mapigilang hindi mailang dahil sa pananahimik nito. Pinalis niya ang tingin dito at sinagot ang tanong ni Neil. “Galing ako sa volunteer service. Naghatid kami ng mga natirang gamit sa sakayan. Akala ko kasi ay masusundo ako ng kapatid ko kaya nagpaiwan ako hanggang sa ma-pick-up ‘yong mga gamit.” Pagku-kwento niya at hindi niya mapigilang mapangiwi kapag naaalala ang nangyari kanina. Kung sana’y pumayag siyang ihatid kanina, baka nakauwi na kaagad siya at sana’y wala siya sa sitwasyong iyon. “Bakit hindi ka nasundo?” Si Elijah ang nagtanong at ramdam niya ang pagseryoso sa tinig nito. “Nag-overnight kasi ang kapatid ko sa kaklase niya dahil ng project nila. Hindi ko rin kasi napansin ang oras.” Hindi niya maiwasang hindi mahiya. Kung tutuusin, hindi naman kailangang gabihin siya ng sobra pero dahil nahiya siyang magpahatid sa mga kasamahan, heto ang kinahantungan niya. “You should phone your family earlier.” Hindi niya maunawaan kung kinakastigo ba siya ni Elijah o ganito lang itong magsalita na para bang isa siyang teenager na tumakas sa bahay at nahuli sa gitna ng gabi ng mga nagrorondang pulis. Para siyang lobong unti-unting nauubusan ng hangin na sumandal sa upuan at itinuon ang mga mata sa palad na nasa kandungan. “Tatandaan ko iyan. Salamat at pasensiya na kung nakaabala ako,” mahinang aniya. Hindi na siya nagpaliwanag pa masiyado dahil pakiramdam niya'y nauubusan lang siya ng lakas. Isa pa’y nahihiya din siya. Sa ilang taong pagvo-volunteer niya’y ngayon lang ito nangyari. Ang nakakahiya pa’y bakit sa pagkakataong narito pa si Elijah. “Okay lang iyon, ma’am. Parte ng trabaho namin ito.” Kahit hindi niya nakikita ang mukha ni Neil ay dama niyang nakangisi ito. “Hairah na lang,” pagtatama niya. “Hindi mo naman kailangang maging formal.” “Okay, sinabi mo eh, Hairah.” May ngiti sa pagitan nang pagsasalita nito dahilan para mapatingin siya dito. Sumulyap ito sa kaniya bago ibinalik ang tingin sa daan. “Ako si Neil at,” nilingon nito si Elijah, “siguro naman ay kilala mo na si Elijah.” “O-oo,” tugon niya. Ayaw niyang mag-isip ng kung ano may kakaiba sa tono nito. Nakita niya ito noong libing ni Yannie pero napakadali lang, sobrang bilis na halos tanguan lang ang naging palitan nila ng bati. “Saan kayo nag-volunteer service?” tanong ni Elijah na seryoso pa rin. Hindi niya tiyak kung dala lang ng imahinasyon niya ngunit tila may kung anong kahulugan ang tanong nito. “Sa...” Bahagya siyang natilihan. Hindi kaya maging tila asin sa sugat nito ang sasabihin niya. Napalunok siya bago sumagot, “Sa young cancer warriors…” Tinitigan niya ang nakatalikod na pigura nito. Gusto niyang makita ang kahit kaliit-liitang detalye ng reaksyon nito ngunit wala itong naging kibo at hindi na rin nagsalita. Muli ay natahimik sila. Tila walang kahit sino ang nagsasalita o gustong magsalita sa kanila. “Saan ka namin ihahatid?” basag ni Neil sa tensyong tila unti-unting nabubuo sa paligid. “Ha? Ah... Kahit sa kanto na lang ng—" "Doon na ba mismo ang bahay mo?" putol ni Neil sa mga sasabihin niya. "Ah, kahit lakarin ko na—" "Ako nang magsasabi kung saan," sabat ni Elijah. "Okay," kibit-balikat na ani Neil. Halos twenty minutes pa silang nagbiyahe. Inaantok na siya pero pinilit niyang manatiling gising. Nang mapansin niyang malapit na sila ay nagsalita siya, "Doon na lang ako sa may kanto." “Kanto? Wala namang bahay sa may kanto. Sa—“ “Kumaliwa ka, p’re,” putol ni Elijah sa mga sasabihin sana ng kaibigan. “Hindi na kailangan. Malapit na naman ang bahay namin,” awat niya sa mga ito. “Ihahatid ka na rin lang namin, bakit hindi pa natin lubusin. Isa pa, hindi na magandang maglalakad ka ng mag-isa,” pagpapaliwanag ni Elijah. “Pero, limang minuto na lang namang lakarin—“ “Hindi mo alam ang maaaring mangyari sa loob ng limang minutong iyon,” may riing sansala ni Elijah sa mga sasabihin pa sana niya. Napakunot ang noo niya sa nakatalikod na pigura ni Elijah. Akmang magsasalita pa sana siya pero naagapan siya ni Neil na kanina pa salitan ang tingin sa kanila ni Elijah. “Pumayag ka na lang, Miss H. Mas mapapalagay rin kami kung matitiyak naming nakauwi ka ng bahay nang maayos. Isa pa, mas mabuti na ‘yong nag-iingat tayo.” Wala na siyang nagawa kundi ang sumang-ayon. “Okay.” Pagkaliko nila ng unang kanto ay natanaw na niya ang sunod na kanto, pero hindi na makakapasok ang sasakyan doon dahil kasalukuyang inaayos ang daan. Akmang sasabihin niyang hanggang doon na lang siya nang magsalita si Elijah. “Itigil mo na dito ang sasakyan, pare. Dito mo na lang din ako hintayin. Ihahatid ko na lang siya papasok,” mabilis na pahayag ni Elijah. May kung anong pitik sa dibdib niya nang marinig ang sinabi nito. Pero kung ihahatid siya nito papasok ay magkakasabay na naman silang maglakad at sila lang dalawa. No. She can’t take it anymore. “H-Hindi na kailangan,” pigil niya pero huli na dahil nang maitigil ni Neil ang sasakyan sa tabi ay agad bumaba si Elijah. Humihingi nang saklolong napasulyap siya kay Neil ngunit nginitian lang siya nito sabay tango. Hindi pa siya nakakabawi nang bumukas ang pinto sa kanan niya kasunod ay ang pagyuko ni Elijah sa may tapat niya. “Baba ka na, ako ng bahala sa gamit mo.” “Sobra nang abala a—“ “Just get down,” bagama’t masuyo ay diretsang utos nito. Napilitan siyang bumaba at yumuko naman ito para kunin ang bag niya at isinakbat iyon sa kanang balikat. Hind niya akalaing may pagka-bossy pala ito minsan. Sumilip ito kay Neil sa loob ng sasakyan. “Dito mo na lang ako hintayin.” “Okay, boss,” malakas na biro ni Neil at nilingon siya nito. “Bye, Miss H.” “Miss H?” Hindi siya pinansin nito. “Nice to meet you,” tumigil ito at ngumiti bago nagpatuloy, “at last.” Nagtataka man ay ngumiti siya dito. “Nice to meet you too, Neil, and thank you.” Pagkatapos nilang magpaalaman ni Neil ay nagsimula na silang maglakad ni Elijah. Tahimik sila parehas. Hindi niya alam kung anong sasabihin, kung anong tamang sabihin. Halos mabingi rin ang tenga niya sa lakas ng kabog ng puso niya. Nang medyo malayo-layo na sila sa sasakyan ay biglang nagsalita ito. “Sa susunod kung mangyari uli ito ay huwag kang mahihiyang magsabi.” Tahimik ngunit dama niya ang sinseridad sa tinig nto dahilan para mapalingon siya dito. Isang bagay na hindi niya tiyak kung tama ba o mali, dahil sa paglingon niya’y nakatingin pala ito sa kaniya. “Nagiging abala na ako,” mahinang aniya habang hindi inaalis ang pagkakahinang nang mga mata rito. “Hindi ‘yon ang tingin ko.” Iniiwas niya ang tingin dito. “Iyon ang nararamdaman ko.” “Iisang beses pa lang.” Hindi na siya nagsalita. Ibang Elijah ang kausap niya ngayon. Hindi niya rin maunawaan kung saan patungo ang usapan nila. Bumalik sila sa tahimik na paglalakad habang magkasabay na humahakbang at nasa tabi ang isa’t isa. Sandali pa’y natanaw niya ang bahay nila at nang makarating sa may gate ng bahay nila’y hinarap niya si Elijah. “Dito na lang ako, Elijah.” “Sige,” anito at iniabot ang bag sa kaniya. “Pasensiya na at hindi ko na  kayo maiiimbitahan sa loob. Maraming salamat sa tulong.” “Wala iyon. Parte iyon ng trabaho namin.” “Salamat ulit at pasabi na rin kay Neil.” “Makakarating,” sabi nito bago iminuwestra ang gate. “Pagpasok mo ay aalis na ako.” Tumango siya. “Bye,” pamamaalam niya at tumalikod na. Akmang papasok na siya sa gate nang may maalala bigla. Nagtatalo ang isip niya pero may damdaming mas nangingibabaw. Hinarap niya ito na tila ikinagulat naman nito. “May problema ba?” takang tanong nito. Hope… Ngumiti siya at nagwikang, “Gusto ko lang sabihing…” *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD