"Blessed are those who mourn, for they will be comforted.” Matthew 5:4
“Love, I miss you. I miss you so much that it hurts all over.” Pinipigilan ni Elijah na huwag maiyak nang lubusan. He already cried a lot, but he was still in pain.
The pain kept coming and coming to the point that he didn’t know what to do.
“Noong mawala ka, parang tumigil na ang mundo ko. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Hanggang ngayon, parang ayaw ko pang maniwala na wala ka na. Hindi ako makapaniwalang wala ka na kapag umuuwi ako, na kahit kailan ay hindi na muli pa kitang makikita. Alam mo bang ng mga oras na tuluyan ka nang bumitaw. Gusto kong sisihin ang Diyos sa lahat. Ibinigay niya sa atin ang pagkakataon na magkaroon ng anak pero hindi mo pa siya naiisilang ay kinuha na siya kaagad sa atin. At pagkatapos ay ikaw naman, galit ba Siya sa akin?” Lumuluhang lumuhod siya sa harap ng libingan ng asawa.
Dinama niya ang lapida nito. Ang bawat letra ng pangalan nito.
Yannie Alvarez-Pelaez
“Yannie… Mahal ko…”
Gusto niyang magsimula muli, piliting bumangon at alisin ang sakit pero nahihirapan siya. Hind niya alam ang gagawin.
Ano bang dapat niyang gawin?
Come to me, my child. Come to me…
*****
Nagdesisyon si Hairah na iwan sandali si Elijah. Alam niyang kahit pa hiningi nito ang permiso na samahan siya nito ay kailangan pa rin ng lalaki ang mapag-isa. Nakatitiyak siyang hindi nito gugustuhin na makita siya sa malungkot at nakahahabag na estado.
Hindi rin siya sigurado kung kakayanin niya.
Sinulyapan niya si Elijah na nakaluhod sa harap ng lapida ng asawa. Nakatalikod ito sa direksyon niya. Ngunit alam niyang kasabay ng pagluhod ng lalaki ay ang pagbagsak ng mga luha nito. Isang bagay na dumudurog sa loob niya.
Tumalikod siya at naglakad palayo. Kung kanina ay hindi niya tiyak kung saan siya tutungo ngayo'y tila may sariling isip ang mga paa niyang humakbang. Naglakad lang siya nang naglakad na tila ba alam na alam ng mga paa niya ang bawat hakbang na ginagawa.
Ngunit kung gaano nakakatiyak ang katawan niya, nag-aalinlangan naman ang puso niya.
Hindi siya sigurado kung gaano na kalayo ang narating niya nang magdesisyong tumigil sa paglalakad. Iniligid niya ang tingin sa sementeryo. Walang gasinong tao sa paligid. At katulad ng mga normal na sementeryo ang paligid ay nalalatagan ng berdeng-berdeng d**o, mga parisukat na puting lapida, mga puting krus at ilang estatwang anghel. May mangilan-ngilan ding puno sa paligid na siyang nagbibigay lilim sa ibang bahagi ng lugar.
Ilang taon na nang huli siyang pumunta sa lugar na iyon pero hindi nagbabago ang pakiramdam niya kapag tumutuntong sa lugar na iyon. Napapikit siya nang maramdaman ang mabining simoy ng malamig na hangin.
Naalala niya bigla ang madalas sabihin ng lola niya tungkol sa malamig na simoy ng hangin sa mga sementeryo. Hindi raw iyon dahil may mga kaluluwang gumagala na gaya nang mga pinananakot sa mga bata kundi dahil ang sementeryo ay lugar kung saan bumubuhos ang matitinding uri ng kalungkutan, pangungulila at mga pag-asang unti-unti nang naglalaho. Hindi raw ito lamig na nadarama ng katawan kundi ng mga pusong nasasaktan.
Nagpakawala siya nang malalim na buntonghininga bago muling nagpatuloy sa paglalakad. Sa mga oras na iyon, dama niya ang lamig, hindi ng katawan kundi ang lamig ng puso. Humakbang siya nang humakbang hanggang sa maramdaman ang pagbigat ng mga paa niya. Sandali siyang tumigil at tumingala.
Lord, You always knew what’s inside my heart. You knew how hard it me to let go that time, but now…
Maraming lapida siyang nadaanan ngunit nilagpasan niya lang ang mga ito. Wala sa mga iyon ang pakay niya. Nagpatuloy siya ng paghakbang habang pilit iniignora ang pamilyar na bigat ng dibdib na nararamdaman.
Tumigil siya sa harap ng isang lapida. Hindi krus ang nasa tapat nito kundi dalawang munting anghel.
Sumilay ang malungkot na ngiti sa labi ni Hairah habang nakatingin sa mga anghel at bago lumipat sa lapida.
Mga munting anghel.
Noong bata pa siya ang isip niya kapag namatay ang isang tao ay magiging anghel ito. At simula sa araw na namatay sila ay palagi na nilang sasamahan ang mga taong iniwan nila. Isang kwento para pagaanin ang puso ng isang naiwan. Pero higit pa pala roon…
Yumuko siya sa harap ng lapida at hinawakan iyon, dinama ang lamig at pagkaka-ukit ng bawat letra. Muli siyang ngumiti bagama’t dama niya ang lungkot sa puso niya alam niyang unti-unti nang nawawala ang bigat na kanina ay tila sumilip.
“Kumusta ka na?” May lungkot sa tinig na tanong niya habang nakatingin sa lapida. Ngunit tanging mahinang pagaspas lang ng hangin ang tumugon sa kaniya. Nagpatuloy si Hairah sa pagsasalita, “Siguro nagtatampo ka na sa akin dahil ngayon lang uli kita pinuntahan. Naiiintindihan mo naman ako di’ba?” Huminga siya ng malalim. “Masaya ka na diyan di’ba?” May sakit na bumabalik sa puso niya. Gusto niyang umiyak pero tinatagan niya ang sariling huwag lumuha. Isang bagay na ilang taon niyang pinag-aralan. “May isang tao na dumaraan sa daang minsan nating pinagdaanan at nalulungkot ako para sa kaniya.” Nagpatuloy siya sa pagsasalita kahit alam niyang wala namang nakakarinig sa kaniya maliban sa sarili at sa mga punong nasa paligid. “Gusto ko siyang tulungan. Gusto kong pagaanin ang sakit na nararamdaman niya.”
Nilaro niya maliliit na d**o na nasa paligid ng lapida. “Nawalan siya ng asawa’t anak. Ang lungkot di’ba? Siguro mas doble pa sa sakit na naramdaman ko noong nawala ka.” Unti-unti nang namumuo ang luha sa gilid ng mga mata niya. Tumingala siya para pigilin ang pagpatak noon at nang tila hindi sapat iyon, kumuha siya ng panyo sa bag at idinampi sa gilid ng mga mata.
Tumayo siya habang nananatili ang mga mata na nakatingin sa lapida. “Alam mo bang ang taong iyon… siya ang nagdala sa akin dito.” Ngumiti siya at nagpakawala ng hangin. “Hindi ba at tunay na kumikilos ang Diyos sa buhay ng bawat isa sa atin? Hindi Niya ako sinukuan kahit pa ako na ang unang sumuko noon.” Muli ay huminga siya ng malalim. Dama niya ang paggaan ng dibdib niya.
Tuwing naalala niya ang nangyari noon, hindi niya maiwasang hindi masaktan. Pero ginagamit lang ng kaaway ang emosiyong iyon. Inalis na ng Diyos ang lahat ng sakit noon, ang kailangan niya lang gawin, tanggapin ang lahat. Ilang minuto niyang hinayaan ang sariling maupo roon, pagmasdan ang lapida, ang ilang bulaklak na tila natuyo na roon.
“Kailangan ko nang magpaalam. Siguro sa susunod na lang muli. Hanggang sa muli aming bunso.” Tumayo na siya at sa kahuli-hulihang sandali ay nakangiti niyang tiningnan ang lapida at magaan ang loob na naglakad palayo. Mas magaan kumpara noong unang beses niyang palayain ang sarili sa tanikalang itinali niya sa sarili.
‘Hennessy Ellaine Herrera
Born: April 7, 2001 – June 3, 2008’
Tuluyan na siyang naglakad palayo. Sa pagkakataong ito magaan ang dibdib niya na parang nakalutang sa alapaap ang mga paa niya. Napakaluwag nang paghinga niya.
Tunay na ang sakit kapag hinayaang nasa puso ay lilikha ng takot at galit.
Fear and pain really know how to get back. But, not anymore, not under God's arms. Not under His peaceful and soothing presence.
She’s just hoping na matagpuan rin iyon ni Elijah.
“Nandiyan ka lang pala. Nainip ka ba?” Napaangat nang tingin si Hairah sa nagsalita.
Kasalukuyang palapit sa kaniya si Elijah. Bahagyang namumula pa ang mga mata nito ngunit tiyak wala namang mag-iisip na galing ito sa pag-iyak dahil sa mga oras na iyon ay nakangiti pa ito nang maluwang sa kaniya.
Maaaring hindi tuluyang mawala ang sakit ngunit kung pipiliin mong maging higit na mapayapa. Hindi magtatagal at masusumpungan mo iyon.
Ngumiti siya. “Hindi naman. May pinuntahan lang ako roon, may sinilip.”
“Talaga? Kapamilya?” tanong nito bago tumigil sa paglalakad, hindi kalayuan sa kaniya.
Bahagyang ikiniling niya ang ulo bago nilingon ang pinanggalingan. “Yeah. But it’s fine. I know she’s already happy there, wherever she is.” Binalik niya ang tingin dito. “Kasama na siya ng Lord doon kaya hindi na ako nag-aalala.” Muli ay binigyan niya ito ng nakakaunawang ngiti.
Nakita niya ang bahagyang paglalaho ng ngiti nito sa labi kaya naglakad siya palapit dito.
“It’s going to be fine,” she reminded him as she gave his shoulder a pat, and started to walk passed to him.
“Thank you, Hairah.” She heard him whispered behind her.
“I shall thank you, too,” makahulugang saad niya dito.
*****
Malalim na ang gabi pero hindi dalawin ng antok si Hairah. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang nagyari kanina. Pagkagaling nila sa sementeryo ay inihatid na nito siya sa bahay niya. Noong una ay nag-aalangan pa siya lalo pa at pakiramdam niya ay hindi pa kaaya-ayang tingnan silang magkasama. Ngunit nagpumilit itong ihatid siya at sa huli'y pumayag siya. Marahil sa isip nito ay wala naman silang ginagawang mali.
So, siya lang talaga ang malisyosa?
Naitakip niya ang unan sa mukha dahil sa mga naiisip. Naiinis siya sa sarili dahil hangga’t maaari ay ayaw niyang isipin ang sariling nararamdaman.
Inalis niya ang unan sa mukha at niyakap iyon.
Hindi niya maiwasang isipin na kung nagtagpo kaya sila sa ibang pagkakataon, mapapansin kaya siya nito?
Makikita kaya nito ang isang Hairah Esther Herrera?
O mananatili siyang isang pangkaraniwang kakilala lang?
May magbabago kaya?
Isinubsob niya ang mukha sa unan. Ayaw niyang isipin dahil alam niyang masasaktan lang siya.
Sa pagkakataong ito ang panalangin lang niya'y tuluyang makalaya si Elijah sa sakit na iniwan ni Yannie dito. Makita muli nito ang liwanag, maunawaan na ang Diyos ay may plano para sa lahat.
Ang Diyos lang din ang nakakaalam kung kailan mangyayari iyon at Siya lang din ang nakakaalam nang maaaring kahinatnan ni Hairah at nang nararamdaman niya para kay Elijah.
*****
“Aalis lang ako sandali, Hairah. Dadalahin ko itong inorder na suman sa’kin. Ikaw na muna ang bahala dito sa bahay,” dinig ni Hairah na paalala ng ina.
Magaling magluto ang nanay niya nang mga kakanin, lutong-ulam, panghimagas at kung ano-ano pa. Isa iyon sa pinantustos nito sa pagpapalaki at pagpapaaral sa kaniya. Pero dahil hindi na nito gaanong kayang magtitinda ng marami, tumatanggap na lang ito ng order. Minsan marami pa rin kaya kailangan ay may nakakatulong ito.
“Opo,” malakas niyang tugon habang kasalukuyang pinupunasan ang mga hinugasang sandok at mangkok. “Ingat kayo, mama.”
“Sige. Mag-iingat din kayo dito. Sabihan mo iyang dalawa mong kapatid na huwag paalis-alis ng bahay.”
“Okay po.”
Tuluyan nang lumabas ng kusina ang ina. Tinapos niya na rin ang ginagawa at nang maipatas ang mga kaserola ay dumiretso siya sa salas. Mukhang nasa kaniya-kaniyang mga silid ang mga kapatid niya. Kapag ganitong bakasyon ay kung hindi sa mga kaibigan nila tumitigil ang mga kapatid niya ay nasa loob naman ng kaniya-kaniyang silid. Mamaya lang tiyak lalabas naman ang mga ito para manood ng tv.
Kinuha niya ang cellphone at nagbukas ng mga messages na dumating. Naka-connect siya sa Wi-Fi pero dahil naka-silent pala ang cellphone niya ay hindi niya akalaing natambakan na pala siya ng maraming messages.
Ang ibang message ay galing kina Sandy at Lyra. Nag-aaya na naman ang mga kaibigan niya na lumabas sila. Napakagala talaga ng mga ito. Ang iba ay mula sa group message nila ng mga katarabaho at…
Natilihan siya ng makita ang isa pang message. Galing iyon kay Elijah. Twenty-minutes na simula ng i-send nito ang message sa kaniya. Pinindot niya kaagad at binasa ang mensahe nito.
Hi. Gusto ko lang magpasalamat muli.
Napangiti siya nabasang mensahe.
No worries.
Mukhang offline na ito dahil hindi na ito nag-seen. Hindi na niya hinintay pa na mag-reply ito. Umakyat na siya sa kaniyang silid, kumuha ng libro para nagbasa.
Another way to celebrate life…
*****