Chapter 7: Meeting the legal wife
"YOU must be Reolla Moon. The mistress of my husband..." tiim bagang na sabi niya. Napakalamig din ng kanyang boses at unang paghagod pa lamang niya sa aking katawan ay may pang-iinsulto na ang mababakasan sa maganda niyang mukha.
"Sino ka? Ano'ng ginagawa mo rito sa mansion namin?" walang emosyon din na tanong ko sa kanya. Hindi ko pinahalata na hanggang ngayon ay kinakabahan pa rin ako.
Hindi ko inaasahan na magkikita at magtatagpo kami ng asawa ni Poirier. Ni hindi ko naisip na posible palang magkrus ang mga landas namin ng babaeng naging kalaban ko sa puso ng ama ng aking anak.
Kaya maging ako ay nasurpresa rin pero nalilito ako kung paano niya ako nakilala at bakit nalaman niya ang mansion na tinutuluyan namin ngayon at bakit siya napasugod dito?
"You've got to kidding me, dear. Okay, para makilala mo ang babaeng nasa harapan mo ngayon," sabi niya habang nakangisi pa rin.
Naglakad siya palapit sa gate at hindi ko alam kung nakainom ba siya, dahil sa paraan nang paglalakad niya ay tila lasing siya. Namumula rin ang magkabilang pisngi niya. Mabagal ang pagkurap ng mga mata niya, na tila inaantok pa siya.
Humawak siya sa gate at nanlilisik ang mga matang nakatingin sa akin. Kulang na lang ay lumuwa ang mga mata niya.
"For your information, dear. I'm Ameefa San Gorte Del Fierro, the legal wife of Poirier Del Fierro and I'm his son's mother..." pagpapakilala niya at kung makabigkas siya ng mga katagang iyon ay tila napakataas niyang tao at may diin ang bawat salita niya.
Na para bang nagmamalaki siya dahil siya ang legal na asawa ni Poirier at siya ang mas karapat-dapat.
"Hindi ko alam kung para saan ba ang pagpapakilala mo sa akin, Mrs. Del Fierro. Hindi ko rin alam kung bakit napasadya ka sa mansion namin. Para lang ba magpakilala sa akin na ikaw ang asawa ni Poirier?" marahan na tanong ko at bigla siyang nagalit sa hindi ko malaman na dahilan.
"Ipaaalala ko lang sa 'yo, Reolla Moon. Na walang makakaagaw kay Poirier! Dahil sa akin lang ang asawa ko! At hindi siya puwedeng mapunta lang sa kagaya mong...wala namang pinag-aralan... Umaasa ka lang sa pera ng asawa ko at nagpapakasaya sa milyon namin!" galit na sigaw niya.
Isa sa ipinagpasalamat ko na napili ni Poirier ang lugar na ito sa subdivision kaya iilan lamang din ang mga nakatira rito. Dahil kung malapit lang din ang kapitbahay namin ay sigurado akong may mga tao na ang nanonood sa amin sa mga oras na iyon.
Titingnan nila ako na may panghuhusga sa kanilang mga mata. Iisipin nila na naninira lang ako ng pamilya. Ganito nga talaga ang buhay ng mga kabit. Palaging naninira ng relasyon ng mag-asawa.
Oo, inaamin kong naanakan lang ako pero matatawag pa ba akong kabit gayong wala na kaming namamagitan ni Poirier? Maliban sa koneksyon namin dahil kay Poinier.
Pero bakit nga ba napasugod ang babaeng ito?
"Mrs. Del Fierro, sana matino pa ang pag-iisip mo ngayon. Hindi ko idi-deny na hindi ko kilala si Poirier. Nasa teritoryo kita kaya maghinay-hinay ka sa mga katagang lumalabas mula sa iyong bibig. Isa pa, hindi kita maintindihan kung bakit naparito ka at gusto ko lang sabihin sa 'yo na walang umaagaw sa asawa mo. Ni hindi ako nakikipagkompitensya sa 'yo para lamang makuha ang atensyon ni Poirier. Hindi ko alam kung may pagkatanga ka ba o sadyang may saltik lang sa ulo. Nakita mo na ba ako na umapak sa teritoryo mo para lamang magpapansin sa asawa mo? Nakita mo na ba ako na minsan ay inakit si Poirier para lamang matakot ka na posibleng makuha ko siya mula sa 'yo? Na gagamitin ko ang inosente niyang anak?" Pagkatapos ng mahabang pahayag ko ay tinanong ko rin siya.
Wala namang kuwenta kung pumunta pa siya rito. Bakit pa niya ako babalaan gayong sila ng kanyang anak ang pinili ni Poirier? At bakit sobra-sobra ang galit niya sa akin?
Mukha bang...inaagaw ko sa kanya ang asawa niya?
Na si Poirier naman ang kusang umalis at dumistansya sa amin? Pinutol na niya ang komunikasyon sa amin at tuluyang hindi nagparamdam. Na maging ang kanyang anak ay kinalimutan niya rin.
Kaya sa paanong paraan ko naaagaw si Poirier?
"Aba... Napakagaling mong magsalita! Hindi lang pala ang katawan mo ang ginamit mo para akitin ang asawa ko... You talk like a pro but the truth is isa ka lang mangmang!" sigaw niya.
Naikuyom ko ang magkabilang kamao ko dahil aminado nga akong mangmang ako. Hindi ako nakapag-aral. Pero ang sabihin niya ito sa pagmumukha ko ay isa na iyon sa hindi magandang asal ng isang anak mayaman na katulad niya.
"Aaminin kong mangmang ako, Mrs. Del Fierro pero dinaig ka pa ng walang pinag-aralan dahil sa ugali mo. Sa totoo lang...wala akong ginagawang bagay na ikatatakot mo para sa asawa mo. Bakit napasugod ka?" nakataas na kilay na tanong niya sa akin. Hindi puwedeng hindi ako lumaban sa kanya. Dahil ang dami na niyang salitang ibinato sa akin.
"Dahil inaagaw mo ang lahat na dapat para sa akin lamang! Dapat hindi ka na nakisawsaw pa sa kayamanan ng pera ng asawa ko! Dapat hindi ka nagpabuntis para hindi ka na niya obligasyon pa! Nasaan ang anak mo?! Nasaan siya para sabihin ko sa kanya na hinding-hindi na niya makikita pa ang asawa ko dahil kinalimutan na siya! Sabihin mo sa anak mo, Reolla Moon na kabit ka lang! Kabit ka lang at naanakan! Sabihin mo sa anak mo na mas mahal ni Poirier ang anak naming si Zoer! Kaya siya wala kahapon sa birthday niya ay may celebration sa mansion namin!" sigaw niya.
Kahit may nakaharang pa rin sa pagitan namin ay hindi iyon naging hadlang para abutin ko ang mukha niya at malakas na sinampal ko siya sa pisngi niya.
"Nananahimik kami rito at huwag na huwag mo kaming insultuhin! At huwag na huwag mong idadamay rito ang anak ko!" sigaw ko na halos maputol ang ugat sa leeg ko dahil sa lakas nang pagsigaw ko.
Mas nanlaki ang mga mata niya at wala sa sariling napahawak siya sa pisngi niyang nasaktan.
"Wala akong pake kung isa lang akong kabit ni Poirier at mas wala akong pakialam kung ikaw ang legal wife niya!" sigaw ko pa sa pagmumukha niya at bumigat ang paghinga ko. Nagtaas baba ito.
Bago pa ako tuluyang sumabog dahil sa galit at inis sa babaeng iyon ay tumalikod na ako. Iniwan ko siya roon na nagwawala.
"Bumalik ka rito, Reolla Moon! Marami pa tayong pag-uusapan! Tandaan mo na kabit ka lang at wala kang karapatan sa asawa ko! Kaya tigilan mo na siya! Huwag na huwag mo na siyang tatawagan pa! Huwag mo ng guluhin pa ang pamilya namin!" narinig ko pang pahabol niya.
Umiling na lamang ako at napabuga ng hangin sa bibig. Nasiraan na siya ng bait.
"Reolla Moon! Hindi pa tayo tapos! Sa susunod na pagbalik ko rito ay titiyakin ko na mawawala ka na!"
Umikot ang mga mata ko sa sinabi niya at tuluyan na akong pumasok sa loob pero nagulat ako nang makita ko ang anak ko.
Nakatayo malapit sa front door at punong-puno ng mga luha ang pisngi niya. Namumula ang kilay, mata at ilong niya.
"Poinier," nag-aalala kong sambit sa pangalan niya at hahawakan ko na sana siya nang bigla siyang umatras.
"Anak... Ano'ng nangyari? Ayos ka lamang ba? May...masakit ba sa 'yo?" nag-aalalang tanong ko. Lumuhod pa ako sa harapan niya para pantayan siya. Hindi ko siya magawang hawakan dahil lumalayo siya.
"Poinier, ano'ng nangyari?"
"Is that true, M-Mama?!" umiiyak na tanong niya. Hindi ko siya naintindihan sa una pero nang maalala ko ang pinagawa ko sa kanya kanina at ang babaeng kausap ko sa labas ay ngayon alam ko na.
Narinig niya... Narinig niya ang pagsigaw ng babae niya.
"Poinier..."
"Is is true that you're just a mistress, Mama?! K-Kabit ka lang po ba at...may ibang...asawa si Daddy ko?!" tanong niya sa akin. Umiling ako at nag-iinit ang sulok ng mga mata ko.
"Anak... Tama na... Maiintindihan mo rin ito... balang araw..."
"I understand, Mama! N-Naiintindihan ko na po! Kaya pala... K-Kaya pala hindi natin kasama si Daddy ngayon... Kaya pala palagi siyang wala! Kaya pala...h-hindi siya nakatira rito sa amin, M-Mama... D-Dahil... May ibang p-pamilya po siya..." Nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha ko dahil sa hinaing niya. Ang sakit makita...
Para akong tinutusok ng libu-libong karayom sa dibdib dahil sa sobrang sakit nito sa puso.
"Poinier... I'm sorry, anak ko... Sorry, baby..."
"Mama... M-Mama, h-hindi niya tayo love... H-Hindi tayo l-love ni D-Daddy..." sumbong niya at hindi na ako nahirapan pa sa paghawak sa kanya dahil siya na ang kusang lumapit sa akin at yumakap.
Nahawa ako sa malakas na pag-iyak ng anak ko. Hindi na rin huminto sa pagbuhos ang mga luha niya.
"H-Hindi na po ako...umaasa na darating pa si D-Daddy sa next birthday ko... Kaya pala... Kaya pala, M-Mama... Pero... Pero Mama... M-Mahal na mahal ko pa rin po ang Daddy ko... Kahit h-hindi na niya ako love..."
"Hindi totoo 'yan, anak... Love na love ka pa rin ng Daddy mo... Ikaw ang nag-iisang prinsesa niya kaya alam ni Mama na mahal na mahal ka ng Daddy Poirier mo..." pag-aalo ko sa kanya at pinunasan ko ang mga luha niya sa pisngi. Dahil sa pag-iyak niya ay halos hindi na niya kayang idilat ang mga mata niya.
"M-May iba na po siya... H-Hindi na ako iyon, Mama ko... H-Hindi na po a-ako iyon..." umiiling na sabi niya. Hinagkan ko ang noo niya at mas umiyak siya sa dibdib ko.
Bata pa si Poinier para maintindihan niya ang mga narinig niya kanina. Pero sadyang ngayon na talaga niya malalaman ang lahat.
Ang tungkol sa Daddy niya. Ang pagkakaroon nito ng ibang pamilya bukod sa amin.
Pero sa una naman ay alam kong...hindi ko mabibigyan ng kompletong pamilya ang anak ko. Isa lang sa ipinagpasalamat ko ay ang mahal na mahal pa rin siya ng Daddy niya. Hindi ko dapat iyon pagdudahan. Dahil nakikita ko mismo sa mga mata niya. Mahal na mahal niya ang anak niya.