Chapter 8: Promised
PINAGMAMASDAN ko lang ang anak ko sa pagtulog niya. Hilam ng mga luha ang pisngi niya at mugtong-mugto ang mga mata niya. Nakatulugan niya ang pag-iyak niya at nagsisisi ako na narinig niya iyon lahat.
Kinuha ko ang kamay niya at marahan hinalikan ang likod nito. Saka ko hinaplos ang kanyang buhok nang paulit-ulit.
"Mahal na mahal kita, anak ko. Kahit ano'ng mangyari ay nandito lang ako para sa 'yo... Hinding-hindi kita iiwan... Hinding-hindi... Mahal na mahal na mahal ka ni Mama, Poinier. Poprotektahan kita sa kahit sinong tao ang magtatangkang saktan ka... Hindi ko iyon hahayaan dahil makikipagpatayan ako, anak ko..." mahinang sabi ko at hinalikan ko ang ulo niya.
"D-Daddy..." narinig kong bulong niya. Kahit sa pagtulog ay hinahanap pa rin niya ang Daddy niya.
Alam kong balang araw ay magiging masaya ka rin anak ko... Hindi pa man ngayon ay alam kong malapit na malapit na. Makaaalis ka rin mula sa lungkot at sakit na 'yan, Poinier. Pangako 'yan ni Mama...
Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa tabi niya at nang magising ako ay wala na siya sa kama. Kaagad akong kinabahan at napabangon.
"Poinier... Anak, Poinier!" natatarantang tawag ko sa aking anak at nagmamadaling lumabas.
"Poinier..." Malalaki ang mga hakbang ko para lamang makababa mula sa hagdanan.
"Mama?" Mabilis na lumapit ako sa kinaroroonan ni Poinier ng narinig ko ang boses niya. Nasa sala lang pala siya at nakaupo sa sofa habang hawak-hawak niya ang cellphone ko. Alam ko ang dahilan kung bakit hawak niya 'yan ngayon. Sinusubukan niya rin na tawagan ang Daddy niya. Kahit hindi na ako ang gumagawa no'n.
"Okay ka lang po ba, Mama?" tanong niya sa nag-aalalang boses. Umupo ako sa tabi niya at humalik sa kanyang pisngi, nakatatlong halik pa ako bago ko mataman na tinitigan ang maamo niyang mukha.
Hindi ko alam kung bakit natakot ako na makitang wala sa tabi ko ang anak ko. Sobra iyong kaba ko sa dibdib kanina. Nagiging nega na yata ako sa lahat ng bagay at nag-o-overthink ng malala kaya natataranta talaga ako.
Bumuntonghininga ako at napatingin sa TV flat screen. Napapangiti na lang din ako nang makita ko ang pinapanood niya. Ang favorite niyang movie, Barbie.
"Ayos lang, anak ko. Nag-alala lang ako nang hindi kita makita sa tabi ko. Hindi ako sanay na mas nauuna kang umalis ng kama. Madalas kitang nakikita na tulog pa. Kanina ka pa ba gising? Kanina ka pa nanood kay Barbie?" malambing na tanong ko sa kanya.
Malapad ang ngiti niya and somehow hindi ko na siya nakikitaan pa ng lungkot. Parang nakalimutan niya rin ang nangyari sa kanya kanina. Ang malakas na pag-iyak niya at ang mga narinig niya mula sa babaeng iyon. Na hindi ko talaga intensyon na iparirinig iyon kaya mas pinili ko ang mag-stay siya rito sa sala at nakaupo sa sofa pero masyado siyang curious na bata.
At hindi napigilan ang sarili na makinig sa pinag-uusapan ng mga matatanda. Kung alam ko lang na ganoon ang mangyayari ay hindi na sana ako nakipagsagutan pa sa asawa ni Poirier at wala sanang masasamang salita ang narinig ng aking anak. Hindi sana siya umiyak ng ganoon.
"Ayaw ko lang po na magising ka, Mama... Nakadalawang movie na po ako kay Barbie. Mama...puwede niyo po ba akong paglutuan ng pizza? Gusto ko po ng snack, Mama... Nagutom po ako, eh..." parang nahihiya pang sabi niya. Napatango ako at humalik sa noo niya.
"Oo naman, anak ko. Dito ka lang at magluluto ako. Gagawa ng pizza si Mama para sa baby niya," paalam ko sa kanya.
"Thank you, Mama! I love you po!" masayang sabi niya at hinalikan niya rin ako sa pisngi.
Tinungo ko ang kusina at gumawa ng pizza. Kalahating oras ang hinintay ko para matapos ako. Hinanda ko na ang dalawang pizza na niluto ko. May orange juice din sa pitchel saka ko binalikan sa sala si Poinier.
Nakahilig na siya sa sofa at nakatutok sa TV na pinapanood niya. Nasa center table na ang cellphone ko. Nang makita niya ako ay napalakpak siya.
"Pizza time!" Natawa ako dahil mukhang nagutom ang anak ko.
Masayang pinagsaluhan namin ang isang pizza at later na raw namin na kainin ang isa pa. Nakisabay ako sa panonood niya habang nagkukulitan din kaming mag-ina. Panay ang tawa niya sa tuwing susundutin ko ang tagiliran niya.
ISANG linggo ang lumipas. Napapansin ko na rin na hindi na madalas nagtatanong sa akin si Poinier tungkol sa Daddy niya. Parang hindi na niya ito hinahanap pa. Na madalas ay bukambibig niya talaga si Poirier.
Pero madalas ay nakikita ko siya na hawak-hawak ang phone ko. Nililimitan ko siya sa paglalaro ng kung anu-ano sa cellphone ko at nagiging masunurin naman siyang bata. Minsan ay nakikita ko siya na nakatapat ang cellphone sa tainga niya at tila may kinakausap siya. Sa tuwing tinatanong ko naman siya ay sinasabi niya lang sa akin na baka wrong call dahil wala rin naman daw na sumasagot mula sa kabilang linya.
Panay tikhim at buntonghininga lang daw ang naririnig niya. Sasabihin niya raw na ibababa na niya ang tawag at iyon nga ang gagawin niya pero nagiging makulit daw ito. Muling tatawag sa kanya.
"MAMA, kilala mo po ba si Bunker H?" tanong sa akin ng anak ko habang inaayusan ko siya. Tiningnan ko siya mula sa vanity mirror. Nasa loob kami ng sarili naming silid.
"Hindi, anak. Bakit mo naman naitanong?" tanong ko pabalik sa kanya. Wala akong kakilala na nagngangalang Bunker H at wala akong naging kaibigang dito sa Manila.
"Eh, sina Recinos, Zuresh at Oriphyn po, Mama?" Umiling ako dahil hindi ako pamilyar sa mga pangalan na binanggit niya. Bakit ang dami naman ng mga iyon?
"Bakit, Poinier?" nagtatakang tanong ko dahil sino ang mga taong tinutukoy niya?
"Palagi ko po silang ka-video call, Mama," nakangiting sagot niya at napatitig ako sa mukha niya.
"Bakit naman? Kilala mo ba sila?" kunot-noong tanong ko pa. Gusto kong malaman kung bakit interesado siya sa mga taong iyon.
"Friends ko lang po sa f*******:, Mama," sagot niya at ipinakita sa akin ang phone ko.
Alam ko naman ang bagay na ito. Nasabi sa akin ng dalawa na gagawan daw nila ng f*******: account si Poinier. Sa una ay hindi ako pumayag kasi baka ikapapahamak pa iyon ng aking anak. Lalo na sa apelidong ilalagay nila pero ang sabi naman nila ay maraming Del Fierro ang gumagamit ng surname na iyon at wala naman daw na makakaalam tungkol kay Poinier.
Pero hindi talaga ako kumbinsido kasi kapangalan ng anak ko ang Daddy niya kaya baka marami ang magtataka. Marami ang magtatanong tungkol doon. Na isa pa kamukha niya ang Daddy niya. Baka isipin ng lahat na may ibang anak si Poirier, na iyon naman ang totoo.
Sa huli ay napapayag din ako ni Poinier, Poinier Moon Del Fierro ang inilagay nilang pangalan at nang ipakita sa akin ang in-upload na litrato ay puro mukha ng anak ko. Na kahit sa pagtulog yata ay in-update nito.
Apat na taong gulang pa lamang siya pero marunong ng gumamit ng f*******:. Eh, ako hindi yata ako magkaka-interest doon dahil hindi ko naman alam kung paano gamitin ang bagay na iyon.
"Hinihingi po nila ang picture mo, Mama. Kahit isa lang daw po, o kahit hindi ka nakatingin sa camera basta raw makikita nila ang face mo," ngiting-ngiti na sabi niya na ikinakunot ng aking noo.
"Para saan daw iyon, Poinier? Bakit naman nila hinihingi iyon?" naguguluhang tanong ko.
Muli niyang ipinakita sa akin ang phone at nakita ko ang litrato ko na nakatalikod lang. Ini-scroll pa niya iyon lahat. Kung hindi selfie niya ang naka-upload ay puro stolen shot ko naman. Hindi nga kita ang mukha ko. Maraming nakatalikod at nakatagilid pa. May litrato pang magkayakap kami pero hindi talaga nakikita ang mukha ko.
Nagsalubong pa ang kilay ko nang makita ang bilang ng mga likes. Hindi ko akalain na umaabot pala ito ng 1k at puro hearts yata lahat.
May bago siyang in-upload. Kami ang nasa picture pero ang kalahating katawan ko lang ang nakuha.
Wala pang 20 minutes ay may hundreds likes na. Malapit na ring mag-1K.
Ito kaya ang isa sa dahilan kung bakit hindi na niya masyadong dinidibdib ang pagkakaroon ng Daddy niya ng ibang pamilya? Ng ibang anak bukod sa kanya?
Dahil hahayaan ko siya sa bagay na ito. Kung dito niya nakakalimutan ang lahat. Ang tungkol sa Daddy niya ay pagbibigyan ko siya. Kung dito siya masaya ay ayos lang din sa akin.
"Ang saya po nilang kausap, Mama," masayang sabi niya na ikinangiti ko. Hinalikan ko ang pisngi niya at inalalayan na makababa mula sa upuan.
"Tara na. Hindi ba ipapasyal kita sa mall ngayong araw na ito?" ani ko at tumango-tango naman siya.
Ibinalik na niya sa akin ang cellphone ko at ipinasok ko na lang ito sa sling bag ko. Inabot ko sa kanya ang pink na shoulder bag niya, naglalaman iyon ng maliit na suklay, salamin, perfume at pulbo.
"Kailan po ba babalik dito sina Ate Arbeth at Ate Lorda, Mama?" tanong niya sa akin nang palabas na kami ng mansion.
Hawak-hawak ko ang kamay niya. Binitawan ko lang iyon noong isinara ko ang front door. Walang spare key ang dalawa at alam kong mamaya na iyon uuwi.
Wala namang masasamang loob sa subdivision at alam ko na walang magtatangkang pumasok sa mansion namin. Kaya hindi ko na iyon ni-locked pa.
Maaga kaming aalis ng bahay para makapasyal kami ni Poinier. Sa amin ang buong araw na ito.
"Mamaya pa, anak," nakangiting sagot ko at pinasadahan ko pa siya ng tingin.