Hindi makatulog si Ayah kahit pa nakabalik na si Annchen sa silid nito at marahil ay naghihilik na. Sinamahan kasi ito ni Miguel na magtungo sa isang bar sa Florence para mailabas nito ang sama ng loob sa pagkatuklas nito sa mga sikreto ng pamilya nila. Alam niyang hindi pa tapos ang pagkagulantang na iyon ni Annchen. Kinakatakutan niyang kapag humarap na ito sa tunay na mundo ng mga Valentino ay mamuhi ang anak niya sa kanilang lahat. Kanina lang ay nagpakalasing na daw ito sabi ni Miguel. Bagama't inasahan niyang darating ang panahon na maisisiwalat ang lahat sa anak niya, hindi niya inaasahan na ganito kaaga. Kaya ngayon ay paroo't parito siya sa silid kahihintay kay Annchen na makabalik mula sa bar at kay Fernando na kaninang umaga pa niya gustong makausap kung wala lang sana ang toto

