Matiyaga kong kinusot ang mga labahan kasama si Tiya Gina. Kahit pa nangangalay na ako ay hindi ako nagpapakita kay Tiya Gina na pagod na ako. Tagaktak na rin ang pawis ko.
“Siya nga pala, Nova. Maiwan na muna kita rito, ha?” nakangiting sambit ni Tiya Gina.
“S-Saan, po, kayo pupunta?”
Tumayo si Tiya Gina at nagpamaywang pa sa aking harapan.
“Basta... h'wag nang maraming tanong. Tapusin mo ang lahat ng mga 'yan. Babalik din ako kaagad,” nagmamadali nitong sabi.
Sinundan ko na lamang siya ng tingin dahil wala na akong nagawa. Huminto siya at naglakad pabalik sa 'kin.
“Unahin mo pala 'yang mga damit ni Loudes, ha. 'Yong sa may tindahan. Kapag tapos mo na ihatid mo sa kanila at sila na ang magsasampay,” bilin nito.
“Opo, Tiya...”
Pinanood ko si Tiya Gina at pumunta lang ito sa kapitbahay. Tinatawag niya ang nakatira roon na kaibigan niya. Ilang sandali pa ay lumabas ang ale at tuwang-tuwa silang dalawa na umalis.
“Saan kaya ang punta ni Tiya Gina?” tanong ko sa aking sarili.
Nagkibit-balikat na lamang ako at nagkusot muli ng mga labahin. Lumipas na ang dalawang oras ay wala pa rin si Tiya Gina. Katatapos ko lang din magbanlaw ng mga damit ni Aling Loudes at mga damit ni Glenda.
Bubuhatin ko kaya ang mga ito? Ang bigat at napahawak ako sa aking puson. Bawal daw akong magbuhat ng mabibigat ayon kay Alfred. Nakahanap na kaya siya ng trabaho? Sana ay makahanap siya at palarin. Sabi ko sa aking isipan.
Isa-isa kong binuhat ang timba na naglalaman ng mga basang damit. Pagkarating ko sa tindahan ay tinawag ko si Aling Lourdes.
“Tao, po?! Aling Lourdes? Tao, po?!”
Pilit kong sinilip ang loob ng tindahan at may babaeng dalaga na nakaupo roon. Naka-headset ito sa tainga kaya pala hindi ako marinig.
“Ahm... Ate! Ate! Tao, po?!” sigaw ko.
“Sandali! Sandali! Sino ba 'yan?!” sigaw ni Aling Lourdes galing sa loob.
Nang makita niya ako ay binaling niya ang tingin sa dalaga na abala sa pag-cellphone. Laking gulat ko nang batukan niya ang dalaga kaya nagulat ito.
“Aray! Ano ba, 'Ma?! Ang sakit, ha?!” inis na sabi nito at inalis ang headset.
“May bibili, o! Kanina pa nagtatawag!”
Hinarap ako ng dalaga na ngayon ay hindi maipinta ang mukha.
“Ano'ng bibilhin mo?!” galit na tanong nito.
“Ahm... pasensya na, ho. Inihatid ko lang, ho, ang mga labada ni Tiya Gina,” paliwanag ko.
“Ano ba 'yan?! Istorbo! Hindi naman pala bibili!” Pabagsak na umupo muli sa upuan ang dalaga at napangiti ako nang hilaw.
“Ikaw ba 'yong bisita ni Gina? 'Yong girlfriend ni Alfred?” usisa ni Aling Lourdes.
“Girlfriend?!” singit ng dalaga.
“O-Opo...” sagot ko.
Matalim akong tiningnan ng dalaga at saka lumabas sa pinto si Aling Lourdes.
“Ikaw ang nagbuhat nito? 'Di ba, buntis ka?”
“Okay lang, ho. Hindi naman po gano'n kabigat.”
Biglang dumungaw sa labas ng tindahan ang dalaga at tiningnan ako paitaas-baba upang suriin ang aking kabuuan. Bahagya akong nahiya dahil pakiramdam ko ay hindi niya ako gusto.
“Buntis ka? Si Alfred ba talaga ang ama niyan?” direktang tanong nito.
Ngkatinginan kami ni Aling Lourdes at ngumisi ito sabay tapik sa aking balikat.
“Ano ka ba naman, Cyrille! Tinatakot mo naman itong si—”
“Nova, ho...” napilitan kong sagot.
“Si Nova. Sige, Nova ako na ang bahala sa mga ito. Iaabot ko na lang ang bayad kay Gina, ha.”
Tumango na lamang ako at umalis. Nang lumingon ako ay nakatingin pa rin pala sa 'kin si Cyrille. Cyrille pala ang kaniyang pangalan. Bakit kaya siya gano'n makipag-usap sa 'kin. Parang may nagawa akong malaking kasalanan o masama sa kaniya.
Nang matapos kong labhan ang mga damit ni Glenda ay ipinasok ko na ito sa loob ng bahay at umakyat sa second floor. May sampayan doon sa itaas. Nang bumaba ako ay pagod na pagod ako at uhaw na uhaw. Dumiretso ako sa kusina at kumuha ng maiinom. Mabilis kong inilagok ang isang basong tubig. Nakita kong lumabas ng kwarto niya si Glenda at papungas-pungas pa ito ng mga mata niya. Halatang bagong gising ito dahil sa trabaho niya. Lumapit siya sa kusina at umupo sa silya.
“Ano'ng pagkain?” inaantok niyang tanong.
“H-Ha? H-Hindi ko pa alam, Glenda...” kinakabahan kong sagot.
Inangat niya ang mukha at sinuklay paitaas ang buhok nito.
“Hindi mo alam? Nasaan si Mama?” inis na tanong nito.
Bakas sa kaniyang mukha ang pagkairitable at inirapan pa ako. Napakuyom ako ng aking mga palad dahil hindi ko alam kung ano'ng problema sa 'kin ng babaeng 'to. Siguro nga dahil sampid lang ako rito at palamunin.
“Sorry, umalis kasi siya. Naglalaba ako at katatapos ko lang. May kasama siya kanina na kapitbahay ninyo.”
“Na naman. Nagsugal na naman 'yon! Magluto ka nga ng sinaing at bumili ka ng ulam doon!” sunud-sunod na utos nito sa 'kin.
Inilapag ko ang baso sa may lababo at pinunasan ang aking bibig. Kaagad naman akong nagsaing at hindi na kumibo. Habang si Glenda ay pumunta sa sala at nanood ng TV. Humiga ito sa mahabang sofa at binalingan ako ng tingin.
“Tapos ka na bang magsaing?” iritable niyang tanong.
“T-Tapos na, Glenda.”
“Ano pa ang itinatanga-tanga mo riyan? Bumili ka roon sa labas ng lutong ulam!”
Inilang hakbang ko ang kaniyang kinahihigaan at pinagsalikop ang aking mga kamay.
“Ahm... Glenda. Pahinging pambili ng ulam?”
Nanlaki ang mga mata niya at bumalikwas nang bangon. Napakamot siya ng ulo habang nakaupo.
“Wala ka bang pera riyan, ha?”
“W-Wala, e. Kasi walang iniwan si Alfred at nag-a-apply pa lang siya ng trabaho.”
“Ano ba naman 'yan?! Maghanap ka ng pambili.”
Magsasalita pa sana ako nang humiga muli si Glenda sa sofa at nakapikit na ito. Hindi na lamang ako sumubok na magsalita ulit at umalis. Saan naman ako kukuha ng perang pambili? Alangan namang mangutang ako sa tindahan, e, hindi naman nila ako kilala? Sabi ko sa aking isipan.
Bakit kasi hindi man lang ako iniwanan ni Alfred ng pera kahit man lang sanang bente pesos. Nakaramdam ako ng bahagyang inis kay Alfred. Sumagi sa isipan ko si Aling Lourdes kaya dali-dali kong pinuntahan ang bahay nila. Natigilan ako noong makita ko si Cyrille na nakatayo at nag-aayos ng mga paninda habang nakasimangot pa.
Malamang sa malamang ay napagalitan 'to ng kaniyang nanay.
“Ahm... Cyrille?”
“Bakit? Ano na naman ang ginagawa mo rito?”
“Kakausapin ko sana si Aling Lourdes.”
“Alam mo, istorbo ka. Mama! Si Nova tinatawag ka!”
“Maraming salamat.”
Tumigil si Cyrille sa paggawa at hinarap akong muli. Nakahalukipkip na ngayon ang mga braso niya at maamang akong tinitigan.
“Ano'ng nakita sa 'yo ni Alfred at pinatulan ka niya? Ilang taon ka na ba, ha?”
Nagulat ako sa mga kakaibang tanong ni Cyrille at hindi ko talaga siya maintindihan kung bakit gano'n siya magsalita sa 'kin.
“Eighteen pa lang ako—”
Natawa nang bahagya si Cyrille at dumungaw sa labas ng tindahan. Muli akong pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa.
“Mukha ka lang namang probinsyana pero ikaw pala ang ipinalit sa 'kin.”
Laking gulat ko sa aking narinig at napatda ako sa aking kinatatayuan. Hindi kaagad ako nakapagsalita dahil hindi ko alam ang aking sasabihin. Napalunok na lamang ako para maalis ang bara sa aking lalamunan. Sakto naman ay lumabas na rin si Aling Lourdes.
“Bakit, Nova?”
“Aling Lourdes... baka p'wede hong makuha ko na ang bayad sa labada. Pambibili ko lang, ho, ng ulam.”
“Wala pa ba si Gina?”
“Wala pa, ho, e. Hindi ko rin po alam saan nagpunta. Nagugutom na kasi si Glenda.”
Ibinigay sa 'kin ni Aling Lourdes ang three hundred pesos at nagpasalamat ako. Mabilis naman akong naglakad patungo sa labasan at bumili na ng lutong ulam. Bigla kong naalala ang aking sinaing na iniwan.
Nang matapos kong bumili ng dalawang putahe na ulam ay nagmadali akong umuwi. Mula sa labas ay naamoy ko na ang sunog na sinaing.
“Naku! Ang sinaing!”
Mabilis akong pumunta sa kusina at pinatay ang kalan. Makapal ang usok na lumabas galing sa kaldero. Malalagot ako kapag nalaman ito ni Tiya Gina. Napalingon ako sa sofa at wala na si Glenda. Nakita ko na lamang na bumaba siya galing sa itaas.
“Ano'ng amoy 'yon? Ano 'yon, Nova?”
Nataranta akong binuksan ang kaldero kaya nagkandapaso ako sa kamay ko. Kulay itim na ang laman nito at matinding usok ang bumungad sa akin.
“Ahh, ang sakit! Tsk!”
Lumapit si Glenda sa akin at buong akala ko ay nag-aalala siya nang mapaso ako, ngunit nagkamali pala ako.
“Naku naman! Nagsayang ka pa ng bigas, Nova! Alam mo ba'ng ang mahal ng bigas dito sa Maynila! Kung doon sa inyo ay nagtatanim lang kayo at nag-aani... ibahin mo rito!” sermon niya.
Binundol ako nang matinding kaba dahil totoo naman.
“Inutusan mo kasi akong bumili ng ulam. Akala ko titingnan mo muna ang sinaing...” kinakabahan kong sagot.
“Ano?! Uutusan mo pa akong magbantay sa sinaing mo? Abusado ka naman, girl! Pinatira ka na nga rito, gan'yan ka pa.”
Pinandidilatan niya ako ng mga mata dahil sa galit. Bakit ganoon sila sa 'kin. Parang ang sama-sama kong tao. Namuo ang mga luha sa aking mga mata at mabilis na pinunasan iyon.
“Ano'ng iniiyak-iyak mo riyan?! Sasama-sama ka rito sa Maynila tapos iiyak-iyak ka. Kung ayaw mo rito, umuwi ka roon sa inyo!”
Padabog siyang naglakad palabas ng bahay at huminga ako nang malalim. Pinilit kong magpakatatag dahil wala akong magagawa sa ngayon. Hindi ko yata kayang magtagal dito at kakausapin ko mamaya si Alfred na maghanap na lang kami ng ibang matitirhan. Bumalik sina Glenda at Tiya Gina sa bahay na nag-aaway. Napako na lang ang tingin ko sa kanilang dalawa habang nakatayo ako sa may kusina upang bantayan ang bagong sinaing kong bigas.
“Sa susunod, ha! Huwag mo akong susunduin doon!” sigaw ni Tiya Gina.
“Nagsusugal ka na naman! Wala ka namang trabaho, 'Ma!”
Napayuko na lang ako at mariin na pumikit. Ganito pala kagulo ang pamilya nila at panay ang sigawan. Sabagay, iskwater kasi itong tinitirhan nila. Hindi katulad sa probinsya na magkakalayo ang mga bahay at mababait. Sumagi sa isipan ko ang mga magulang ko at kapatid. Kumusta na kaya sila? Sana ay mapatawad nila ako sa aking ginawa.
“Ikaw, Nova! Sinunog mo raw ang kanin! Nagsasayang ka ng bigas! Bayaran mo 'yan, ha!”
“H-Hindi ko, po, sinasadya, Tiya Gina...” pagmamakaawa ko.
“Bumili siya ng ulam kaya nasunog ang sinaing,” singit ni Glenda.
Naramdaman kong may pagsisisi ito sa tono ng boses niya. Nabawasan ang aking inaalala.
“Saan ka kumuha ng pambili, Nova?”
“Kay Aling Lourdes, po. Kasi walang perang ibinigay sa 'kin si Glenda...”
“P'wede bang Ate Glenda ang itawag mo sa 'kin. Mas matanda ako sa 'yo ng ilang taon. Matuto kang gumalang, ha.”
“Hala, siya. Akin na ang pera at pinaghirapan ko 'yan,” ani Tiya Gina.
Namilog ang mga mata ko dahil buong akala ko ay paghahatian namin itong pera.
“Ahm... Tiya Gina? Baka p'wede mo rin akong bigyan? Natapos ko na kasi ang labahan ni Aling Lourdes.”
Natawa si Tiya Gina sa pakiusap ko at tinapik ako sa aking balikat.
“Sa susunod ka na, ha. Customer ko kasi si Lourdes. Kung gusto mo... maghanap ka rin ng ilalabada mo, ha?”
Umupo silang dalawa sa harapan ng lamesa at muli akong tiningnan ni Tiya Gina.
“Hindi pa ba luto iyan? Nang makakain na tayo.”
Dali-dali akong naghain ng aming makakain at sabay-sabay na kumain. Binigyan lang nila ako ng kaunting ulam at hindi na rin ako kumibo. Napatitig ako sa laman ng mangkok dahil puro sabaw na lang ito at walang laman.