Akmang dadamputin na ng kapatid niya ang meatball ay may isang puting pusa na nakaabang sa likod ng malaking vase at dali-daling tumakbo papunta sa meatball. Kakaibigin na sana ng pusa ang meatball nang biglang umangil si Berry na animo’y galit na pusa at akmang kakalmutin ang inosenteng pusa. Mistula itong si Catwoman. “Aagawan mo pa akong pusanggala ka!”
“Oh, my gosh, Berry! Hindi mo na kailangang makipagkompitensiya sa pusa para lang sa nalaglag na meatball. That’s so eeew!” nakatirik ang matang sabi ni Ailene. “Stop acting like a PG.”
“Ang sakit mo naman magsalita. Para ka namang the anothers."
“Isa ka nang Banal. Start acting like one,” mataray na wika ni Ailene.
“Sa iyo na lang ang meatball ko,” sabi ni Amira. “May dalawa pa sa akin.”
Tumayo si Berry at pinagpag ang kamay. “No needs. Rich na nga naman ako ngayon.” Pumalakpak ito at sumenyas kay Francois. “Tsef, ipagluto mo ako ng madaming meatballs. Madali ka kung ayaw mong masesante,” anitong ginaya pa ang tono ni Mabel kanina.
Yumukod si Francois. “Ngayundin po, Miss.”
Ngumisi si Berry kay Don Alfonso nang makaalis na si Francois. “Galing ng acting ko, di ba, Lolo? Pwede na ba akong maging Banal?”
Napailing na lang ang don. “Maupo ka na at bumalik sa pagkain.”
“Ang guwapo ni Chef Aklay. May girlfriend na ba siya? Ano ang gusto niya sa babae?” sunud-sunod na tanong ni Eira. “Sa palagay ko bagay siya kay…” At saka gumala ang mata nito sa kanilang magkakapatid hanggang humantong sa kanya.
“Ang sarap siguro na may ganoong boypren,” sabi naman ni Berry. “Lahat ng gusto kong pagkain kaya niyang iluto.”
“Ganoon ang type mong lalaki? Gusto mong maging boyfriend ang katulad ni Francois?” tanong ni Amira.
“Ay, hindi! Hindi ko naman kailangan ng boypren maliban ‘yung taong nasa pera,” wika ni Berry.
Tumawa naman si Don Alfonso. “Nakakatuwa ka naman, Berry. Ngayong isa ka nang Banal, natitiyak ko na marami ang lalaking magkaka-interes sa iyo. Sa inyong lahat. I wish I am strong enough to present all of you to the society. A lavish party where you can meet all the elites…”
Her grandfather droned on and Amira kept on shoveling food into her mouth. Hindi siya interesado na maipakilala sa alta sociedad. Gusto na niyang idistansiya ang sarili sa mga Banal at huwag ma-associate sa mga ito. Gusto niya na bumalik na lang sa normal niyang buhay.
“Papa, naka-ready na po ang lahat ng pupuntahan bukas. Maganda po siguro na makita nila kung anu-anong properties ang pag-aari nating mga Banal,” sabi naman ni Carrie.
“Ganoon ba? Maraming salamat.” Inikot ni Don Alfonso ang tingin sa kanilang lahat. “Oras na rin siguro para makilala kayo ng mga tauhan natin. Kayo ang mga susunod na tagapagmana ng Banal Group of Companies.”
Nah. She won’t have any of it. Wala na siya bukas oras na makausap niya si Don Alfonso sa araw na ito. Dinner was almost over. Napagbigyan na niya ito. Hindi pa ganoon ka-ready ang presentation niya para dito pero sa palagay niya ay madadaan ang lahat sa maayos na usapan basta open lang ito sa suhestiyon.
“Ma’am, dessert po para sa inyo,” anang dalagitang tagasilbi at inilapag ang platito ng strawberry shortcake at may ube pie pa.
“Oh! Thank you,” aniya at dali-daling inilapit sa kanya ang ube pie.
"Dami niyan ah. Kung kailangan mo ng tulong para maubos yan, nandito lang ako. Libreng-libre sa tabi mo,” anang si Berry na mukhang masama ang tingin sa dessert niya.
Saka niya napansin na tig-i-tig-isang ube pie lang ang naka-serve sa mga kapatid niya.
“Bakit nga ba mas marami siyang cake?” tanong ni Sky.
“Kasi po iyan ang ipinangako ni Chef Aklay kay Miss Amira kaya sa kanya po ibinigay ang huling slice,” malumanay na paliwanag ng dalagita. “Saka marami po kasi siyang nakain na gulay.”
“Crush ka ba ni Chef Aklay, Ate Amira?” tanong ni Eira at kumurap-kurap pa ang mga bata. “Siguro gusto niyang manligaw sa iyo kaya mas marami kang cake. Crush mo rin ba siya?”
“Wala akong crush at wala akong panahon sa crush,” aniya sa malamig na boses at saka sumubo ng strawberry shortcake.
"Sabihin mo kay Tsef kung pwede humingi pa ng cake kahit di ko siya kras?" tanong ni Berry.
Bakit pa siya pinadalhan ng extra cake ni Francois? Kung anu-ano tuloy ang iniisip ng mga kapatid niya. Well, the cake was really good. Hindi niya iyon matatanggihan kahit para anong masamang isipin ng kapatid niya. Di na mahalaga ang opinyon ng mga ito. Bukas ay aalis na siya. Ipagpapatuloy na niya ang buhay niya bilang kalaban ng mga Banal.