Napuno ng anasan ang paligid. Lahat ay galit siyang tinapunan ng tingin. Ang iba naman ay may kasamang takot. “Siya ang salot,” narinig niyang sinabi ng iba. “Ito pala ang sumpa. Akala ko wala na siya at di na babalik pa dito. Mamalasin na naman ba ang tribo natin?” anang isa pa. Matiim siyang tiningnan ng lolo niya at nakadama siya ng takot. Parang mas lalo pa itong nagalit sa kanya nang malaman kung sino siya. Subalit di niya pwedeng pabayaan si Kimea – ang pamangkin niya. “Iyon ba ang dahilan kaya kayo pumunta dito?” tanong ni Apo Semblat at inangat na rin ang sibat nito. “Para sirain ang tribo namin. Ipinangako ko sa sarili ko na walang sinuman sa mga Banal ang maari pang tumapak dito sa Kanayama at magtatayo na naman ng minahan. Hindi ako papayag na maulit pang muli iyon kaya ma

