ALTHAIA POV
“Deimos!” sigaw ko sa kanya. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko siyang tinawag dahil tila hindi niya ako naririnig. Gayunpaman ay tumingin na din siya sa akin sa wakas.
“Morning,” parang walang buhay na sagot niya sa akin dahilan upang makaramdam ako ng kakaiba.
Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kanya ngayon pero ilang araw ko ng napapansin na tila sobrang lalim ng kanyang iniisip. Sigurado ako na may gumugulo sa kanyang isipan. Nagsimula iyon pagkatapos ng araw na pumunta kami sa paborito niyang tambayan. Pakiramdam ko tuloy ay may pagkakamali akong nagawa dahil malamig din siya sa akin ngayon.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ko sa kanya at sinabayan siya sa paglalakad papasok sa opisina.
“Oo naman,” tipid na sagot niya. Madalas ay iyon ang aking nariring ngunit batid kong hindi iyona ang tunay niyang kalagayan. Mataman ko siyang pinagmasdan at walang duda na tama ang aking hinala sa kanya.
Gusto kong malaman kung anong nangyayari sa kanya ngayon. Gusto kong sabihin niya sa akin ang bagay na gumugulo sa kanyang isipan. Gusto ko siyang tulungan kung anuman ang kaya kong tulong sa kanya. Ang problema ay hindi niya iyon sinasabi sa akin kaya hindi ko din alam kung ano ang dapat kong gawin.
“Sigurado ka ba na ayos ka lang?” nakataas ang kilay na muli kong tanong. Gusto kong ipakita sa kanya na hindi ko nagugustuhan ang kanyang ikinikilos ngayon. Humarang na din ako sa kanyang dadaanan upang hindi siya makaiwas sa akin.
“Ayos lang ako kaya huwag kang mag-alala,” saglit niya akong tinignan at yumuko ulit upang hindi magsalubong ang aming mga mata. Napailing na lang ako dahil sa kanyang ginawa.
“Tumingin ka nga sa akin, Deimos!” umuusok ang ilong na utos ko sa kanya. Bahagya naman siyang nagulat dahil sa aking ginawa. Napatingin pa siya sa paligid namin dahil nakuha ko din ang atensyon ng ibang mandirigma.
Hinawakan niya ang aking kamay at marahan akong hinila papasok sa opisina upang makaiwas sa tingin ng ibang mandirigma. Siguro ay nakaramdam din siya ng hiya dahil sa aking ginawa. Hindi ko naman iyon nais gawin pero iyon lang ang tanging paraan upang makuha ko ang kanyang atensyon ay sabihin niya sa akin ang nangyayari sa kanya.
Hindi ko nais na pangunahan siya sa kung anong nangyayari ngunit hindi na maganda sa aking paningin ang kanyang kalagayan. Ayokong pagsisihan ang pagbabalewala ko sa aking nakikita. Alam kong may magagawa ako upang hindi siya magkaganito at gagawin ko kung ano ang dapat kong gawin.
“Ayos lang talaga ako,” pagkumbinsi niya sa akin ng makapasok kami sa opisina. Binitawan na din niya ang aking kamay na hawak kanina. Nakataan ang kilay ko ng titigan siya at pilit hinuhuli ang kanyang tingin na hanggang nagyon ay hindi pa din kayang makipagtitigan sa akin.
“Hindi ka nagsasabi ng totoo sa akin,” bahagyang nagtatampo kong wika at padabog na umupo sa upuan. Marahil ay nahimigan niya ang tampo at lungkot sa aking boses kaya tinabihan niya ako at muling hinawakan ang aking kamay.
“Hindi ko nais na mag-alala ka sa akin kaya hangga’t maaari ay ayaw kong sabihin ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito ngayon,” pag-amin niya sa totoong nararamdaman. Hindi ako nagsalita at hinayaan lang siya na magpaliwanag sa akin.
“Hindi ako nagsisinungaling dahil hindi ko kakayanin na mawala ka sa aking piling. Iyon din ang dahilan kung bakit hindi ko nais ipagtapat sa’yo ang nangyayari,” buong pagmamahal niyang pinisil ang aking palad.
Ngayon pa lang ay nagsisisi na ako na sigawan ko siya kanina. Batid ko naman na may dahilan siya kung bakit ayaw niyang sabihin sa akin ang nangyayari. Hindi ko lang kasi matanggap na tila balewala ako sa kanya dahil sa ginagawa niyang pag-iwas sa tuwing tinatanong ko ang kanyang kalagayan.
“Pasensya na dahil lagi kong iniiwasan ang tanong mo tungkol sa akin. Batid ko na nais mo lang makasiguro na maayos ang aking kalagayan pero hindi ako nagsasabi sayo,” binitawan niya ang aking kamay at ikinulong niya ang aking mukha sa kanyang mga palad.
“Gusto ko lang naman sabihin mo sa akin ang totoo. Hindi naman kita pipilitin na ipagtapat sa akin kung ano ang dahilan mo,” malumanay kong sagot.
Dahil sa aking sinabi ay napangiti siya bagay na hindi ko naintindihan. Hindi ko alam kung anong maganda sa aking sinabi at nagawa niyang ngumiti ngayon. Tuluyan na din na naglaho ang inis na nararamdaman ko sa kanya kanina.
“Paano ko magagawang pakawalan ang isang tulad mo kung ganyan ka sa akin,” malapad ang ngiti na wika niya.
“Anong pinagsasabi mo?” kinikilig kong tanong. Gusto ko tuloy siyang yakapin ngunit nag-aalala ako na baka may makakita sa amin na mandirigma. Hindi kami sanay na ipakita sa iba ang apeksyon na nararamdaman namin sa isa’t-isa. Gayunpaman ay nabigla ako nang bigla akong yakapin ni Deimos.
“Mahal na mahal kita, Althaia,” malambing na wika niya. Isinubsob pa ni Deimos ang kanyang mukha sa aking balikat. Mas matangkad siya sa akin kaya batid ko na hindi siya kumportable. Wala na akong pakialam kung may makakita sa amin ngayon na ibang mandirigma. Ang tanging mahalaga sa akin ngayon ay nagkakaintindihan kaming dalawa at mahal namin ang isa’t-isa. Wala din naman silang pakialam kung anong gawin namin para sa aming relasyon.
Gumanti ako ng yakap at isinubsob ang mukha sa kanyang dibdib upang maging kumportable ang aming pagkakayakap sa isa’t-isa. Pinakinggan ko ang t***k ng kanyang puso at parang nahihibang na ako dahil naririnig ko ang aking pangalan buhat doon.
“Bakit pangalan ko ang naririnig dito?” nakangiting tanong ko sa kanya. Bahagya akong tumunghay upang magsalubong ang aming mga mata. Hindi naman niya napigilan ang sarili na matawa dahil sa naging tanong ko.
“May ibang pangalan ka ba na nais marinig d’yan?” pagbibiro niya na sinimangutan ko at kunyari ay nais kumalas mula sa kanyang pagkakayakap.
“Ewan ko sa’yo!”
Tumawa lang ulit siya at tila musika iyon sa aking pandinig. Paborito ko iyon sa lahat ng kilos ni Deimos. Niyakap niya ako ng mas mahigpit upang hindi ako makawala sa kanyang bisig. Napangiti na lang ako at niyakap na din siya ng mas mahigpit. Ganun ang ayos naming dalawa nang bumukas ang pintuan ng opisina.
“Umuwi na nga kayong dalawa at masisira lang ang aking mata dahil sa ginagawa n’yo!” malakas na wika ni Marko dahilan upang maghiwalay kami ni Deimos at sabay na tawanan ang sinabi ng kaibigan.
“Inggit ka lang,” tukso sa kanya ni Deimos at itinaas pa ang kamay naming dalawa na magkasalikop upang ipakita sa kaibigan.
“Grabe kayo sa akin,” malungkot na sagot naman ni Marko at nagkunyaring naiyak dahil sa kanyang nakikita. Sa huli ay napuno ng tawanan ang aming opisina at nagkanya-kanyang balik sa aming mga pwesto.
Sumenyas pa si Deimos sa akin ng okay na kaming dalawa kaya tinanguan ko siya bilang pagsang-ayon. Masaya ako dahil hindi kami umabot sa puntong mag-aaway talaga dahil sa hindi pagkakaintindihan. Gumaan na din ang aking pakiramdam at nawala ang pagkabahala dahil sa kinikilos ni Deimos.
Isa na lang ang hiling ko ngayon at yun ay sana dumating ang tamang pagkakataon na sabihin sa akin ni Deimos kung ano ang dahilan kung bakit siya magkakaganito ngayon. Isa lang ang sigurado ko ngayon at yun ay ang malalim ang kanyang dahilan.
Pakiramdam ko ay tungkol din sa aming dalawa ang bagay na iyon kaya hindi niya magawang sabihin agad sa akin. May tiwala ako sa kanya at alam kong makabubuti sa amin ang kanyang desisyon na hindi sabihin sa akin ang mga bagay na iyon. Handa akong maghintay sa tamang panahon na pag-usapan namin iyon.
Muli kong ibinalik ang tingin sa kanya at buong pagmamahal siyang tinitigan. Kasalukuyan na siyang nag-aayos ng mga papeles na kailangan niyang ayusin upang ipasa kay King Daeyn. Napaka-kisig talaga niya at tila isa siyang magandang imahe para sa aking paningin. Napapikit pa ako ng muling maalala ang unang araw na makita siya.
Sa kabila ng kaguluhan dahil sa pagpasok ng Olobo sa kaharian at nagawa kong tandaan ang maganda niyang pisikal na katangian. Natigil na lang ako sa pagbabalik tanaw ng makitang kumakaway siya sa akin. Gumanti ako ng kaway at binigyan siya ng isang malapad na ngiti.
“May nagtatrabaho dito!” agaw pansin sa amin ni Marko kasabay ng pagtatakip niya ng mata upang hindi makita ang ginagawa namin ni Deimos ngayon.
“Sasabihin ko kay KIng Daeyn na lilipat ka na ng opisina,” pang-aasar pa sa kanya ng kaibigan dahilan upang tanggalin nito ang mga kamay na nakaharang sa mga mata.
“Hindi ka naman mabiro. Sige maglambingan pa kayong dalawa d’yan. Pwede din naman na magtabi na kayo ng lamesa,”
“Hindi na kailangan dahil mas maganda na magkaharap kaming dalawa,”
Napailing na lang ako sa usapan ng dalawa. Halata naman na masaya si Marko para sa aming dalawa ni Deimos. Batid ko na nakakaramdam ng konting lungkot ang lalaki dahil ako na ngayon ang madalas na kausap ng kanyang kaibigan. Gayunpaman ay nararamdaman kong mahal din ako ni Marko bilang kasintahan ni Deimos.
“Magtrabaho na nga kayong dalawa. Ang ingay n’yo!” pagpigil ko sa kanilang usapan dahil napupunta na iyon sa ibang topic. Naramdaman ko pa ang matalim na tingin sa akin ni Marko at ang nakangiting tingin naman ni Deimos.
“May angal ka ba?” nakataas ang kilay na biro ko kay Marko at pinandilatan pa ang lalaki kaya naman agad siyang nagbago ng ekspresyon at ibinalik ang tingin sa kanyang ginagawa. Muling sumenyas si Deimos sa akin ng okay dahil sa ginawa namin na pang-0aasar kay Marko.
“Ewan ko sa'yo!”