DEIMOS POV
Labis ang aking kasiyahan nang makitang masaya si Althaia. Kung alam ko lang na ganito ang kanyang magiging reaksyon ay sana matagal ko na siyang dinala dito sa paborito kong tambayan. Hindi ko naman kasi akalain na magugustuhan niya ang lugar na ito lalo at medyo may kalayuan sa palasyo ng Daesyn.
Tila mas lalo siyang gumanda sa aking paningin habang tahimik ko siyang pinagmamasdan. Kasalukuyan kaming magkahawak kamay at magkatabing nakatingin sa kalawakan. Maliwanag ang kalangitan dahil sa napakaraming bituin na aming tinitignan ngayon. Mas lalong gumanda ang paligid dahil na din sa liwanag na likha ng mga alitaptap sa puno na aming kinaroroonan.
Hindi na din kami masyadong nagtagal dahil baka masaraduhan si Althaia ng palasyo. Isa pa ay baka magtampo na naman si Vera sa kanya kapag nalaman nito na matagal kaming magkasama. Siguradong may sasabihin na naman ang anak ng hari sa aking kasintahan dahil nalamangan ko na naman siya ngayon.
“Halika na,” anyaya ko kay Althaia nang mapansin na medyo inaantok na siya sa aking tabi. Agad naman siyang sumang-ayon dala na din ng pagod sa ginawa naming paglalakad kanina.
Saglit na oras lamang ay naihatid ko na siya sa palasyo. Tama nga ang aking naisip dahil naghihintay na doon si Vera. Napangiti na lang ako nang mawala sa aking paningin ang dalawang dalaga. Pakiramdam ko tuloy ay dalawa kaming karelasyon ni Althaia dahil sa ginawa ni Vera sa aming dalawa.
Tinahak ko na ang daan pauwi sa aking inuupahan. Sumakay na din agad ako sa karwahe na maghahatid sa akin doon upang makapagpahinga agad. Napagod din ako ngayong araw pero nang maalala ang saya na nakita ko sa mukha ni Althaia ay agad din napawi ang pagod na nararamdaman.
Agad kong ibinaba ang mga dala kong gamit at agad na inilapat ang aking likod sa malambot kong higaan. Hanggang ngayon ay dinadamdam ko pa din ang saya na aking nararamdaman kanina habang kasama ang babaeng pinakamamahal ko.
Napabalikwas ako ng bangon ng maalala ang regalong binigay sa akin ni Avarice. Agad ko iyong kinuha sa aking bag upang buksan at tingnan kung ano ang laman nito. Hiling ko na sana ay hindi naman iyon magdudulot sa akin ng kung anong kapahamakan.
Pamilyar sa akin ang bagay na hawak ko ngayon. Napagtanto ko na iyon ang tinatawag nilang bolang kristal na gawa sa kanilang kapangyarihan ni Althaia. Pinagmasdan ko iyon ng mabuti at pinaikot pa sa aking palad. Wala naman akong kakaibang nararamdaman sa bagay na iyon kaya ng magsawa ako sa pagtingin ay ibinalik ko na lang ulit iyon sa kahon. Pagkatapos ay nagpasya na din akong matulog dahil pagod ako ngayong araw at maaga pa din ang pasok ko bukas.
Ang alam ko ay mahimbing na ang aking tulog dahil sa pagod ngunit nagising ako at hindi ko maintindihan kung bakit wala ako ngayon sa aking silid. Isang hindi pamilyar na lugar ang aking kinaroroonan ngayon. Nagpalinga-linga ako sa paligid at pinisil ang aking pisngi upang siguraduhin na gising ako ngayon. Wala akong maramdaman ngunit tila totoo ang aking mga nakikita.
Madaming nagkalat na sirang gamit at mga putol na punongkahoy sa paligid. Mausok at mabaho ang dalang amoyng hangin sa lugar. Wala sa ayos ang mga bagay na aking nakikita. Siguro ay dala ng pagod kaya kung anu-ano ang nakikita ko ngayon. Gayunpaman ay may kung anong nag-uudyok sa akin na manatili sa lugar na aking kinaroroonan ngayon. Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit ako narito ngayon kaya nais kung tuklasin iyon.
Nagsimula akong maglakad at maririnig ang mahinang c***k ng mga sanga ng punongkahoy na aking naaapakan. Napansin ko din ang ilang sunog na bahagi ng lugar. Kung pagmamasdan mabuti ay masasabing nagkaroon ng digmaan sa lugar. Hindi ko nga lang tiyak kung kailan ito nangyari dahil hindi pa din ako pamilyar sa lugar.
Patuloy ako sa paglalakad kahit sumasakit ang aking mata dahil sa mausok na paligid. Tila unti-unti ay nakakaramdam na ako. Mahapdi sa balat ang matingkad na sinag ng araw. Higit sa lahat ay wala pa akong nakikitang maayos at magandang bagay sa lugar.
Hindi ko na lamang alintana ang sakit na aking nararamdaman sa matingkad na sinag ng araw. Palinhasa ay wala ng punong kahoy na tumatanggap doon kaya direkta ko itong nararamdaman. Napatigil ako sa paglalakad ng maya-maya ay makarinig ako ng malakas na pagsabog.
Dahil isa akong mandirigma kaya naman naging mabilis ang aking aksyon. Muli akong naglakad at mas mabilis iyon ngayon upang makarating ako kung saan naroon ang pagsabog na narinig. Malapit na ako doon kaya muli kong binagalan ang aking paglalakad dahil hindi ko tiyak kung ano ang naghihintay sa akin doon.
Mataman akong nagmatyag muna dahil puro usok pa ang paligid. Bahagya kong kinusot ang aking mata nang may mapansin na isang bulto ng katawan. Nakaramdam ako ng pagkairita sa mga usok dahil hindi ko makita ng ayos ang nais kong tignan. Naaalala ko na hindi nga pala ako pamilyar sa lugar kaya pinakalma ko ang aking sarili at baka hindi ako makabalik sa aking silid kahit hindi ko alam kung paano ako nakarating sa lugar na kinaroroonan ngayon.
Hinayaan ko na tangayin ng hangin ang makapal na usok na bumalot sa lugar. Matiyaga akong naghintay na maubos ang mga iyon upang maging malinaw ang paligid sa aking paningin. Maya-maya nga lang ay nakita ko na ng ayos ang buong lugar.
Tama nga ang aking nakita kanina dahil nakatalikod sa akin ngayon ang bulto ng katawan. Matikas ang katawan nito at medyo mahaba ang itim na buhok. Base sa kanyang tayo ay masasabi kong isa din siyang mandirigma na gaya ko lalo at makikita din ang mga masel sa kanyang braso.
Tahimik ko siyang pinagmasdan at napansin na tila may tinitignan din ang lalaki sa hindi kalayuan. Gusto ko siyang lapitan upang alamin kung saan ako naroon ngayon ngunit pilit kong pinipigilan ang aking sarili na gawin ang bagay na iyon. Hindi ko nais na mamatay sa lugar na hindi ko alam.
Napaatras ako nang mapansin na tila naramdaman ng lalaki ang aking presensya. Nagtago ako at tiniyak na hindi ako makikita ng kahit sino sa lugar na iyon. Nang hindi ako makita ng lalaki ay muli nitong ibinalik ang tingin sa kung anong pinagmamasdan nito.
Gayunpaman ay hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung anong nagyayari sa akin ngayon kaya naman hindi ako makakapayag na hindi makakuha ng impormasyon tungkol sa lugar na kinaroroonan. Sa huli ay nakapagdesisyon din ako sa dapat kong gawin.
Marahan akong naglakad at sinigurong hindi basta mararamdaman ng lalaki ang aking presensya. Malapit na ako sa kanyang kinatatayuan nang may maapakan akong isang sanga ng kahoy dahilan upang lumikha ng ingay. Kulang na lang ay batukan ko ang aking sarili dahil sa sariling pagkakamali. Marahan kong itinunghay ang aking mukha dahil huli na upang magtago.
Bahala na kung anong mangyari sa akin ngayon. Siguro naman ay kaya kong labanan ang lalaking nakaharap na sa akin. Nagtama ang aming mga mata at tila may kung anong pamilyar na bagay akong naramdaman. Hindi ko matandaan kung saan ko siya nakita ngunit malakas ang aking pakiramdam na kilala ko ang lalaking kaharap.
Maging siya ay tila nagulat ng makita ako. Kapansin-pansin ay bahagyang pamumutla ng kanyang mukha at ang tila panginginig ng kamay. Matagal niya akong tinitigan na tila may nais siguraduhin. Nang matiyak ang bagay na nais nitong malaman ay muli nitong tinignan ang kanina pa nito pinagmamasdan.
Dahil sa aking kuryosidad sa lalaki ay napatingin din ako kung saan siya nakatingin ngayon. Ipinagpasalamat ko na wala siyang ginawa sa akin ngayon kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na makita ang kanyang pinagmamasdan ngunit ganun na lang ang aking pagkagulat ng makita kung ano ang kanyang tinitignan.
Nakaramdam ako ng panlalambot ng tuhod. Tila isa akong kandila na itinulos sa isang lugar na hindi makagalaw at patuloy na nauupos. Nanginginig ang aking buong katawan at hindi matanggap sa sarili ang nakikita.
Napansin ko na ibinalik sa akin ng lalaki ang kanyang tingin na tila sinasabing bakit ako nandoon. Batid ko na hindi din niya naiintindihan ang kasalukuyang nangyayari ngayon. Muli niyang ibinalik ang tingin sa aming tinitignan at tila napagtanto ang nangyayari.
“Hindi ka maaaring magtagal dito kaya bumalik ka na kung saan ka galing,” may diin na utos niya sa akin.
“A-anong nangyayari?” nanghihinang tanong ko sa kanya dahil nais kong malaman kung bakit ko nakikita ang bagay na ito.
“Hindi ko din alam kaya umalis ka na dito!” galit na sigaw niya sa akin bagay na hindi ko masundan. Hindi ko alam kung bakit siya nagagalit sa akin.
Hindi ko pa din maigalaw ang aking mga binti kaya tinulak ako ng lalaki at pilit na pinagtabuyan. Gustuhin ko man na umalis sa lugar ngunit hindi ko alam kung paano ko iyong gagawin. Isa pa ay magulo ang aking isip dahil sa aking nakita kaya nanatili ako sa aking kinatatayuan.
“Umalis ka na dito!” muling sigaw niya sa akin at hindi ko alam kung anong nangyari at bigla na lang may kung anong bagay na humila sa aking katawan palayo sa lugar na aking kinaroroonan.
“Magkikita pa tayo kaya humanda ka!” malinaw kong narinig ang huli niyang sinabi ngunit wala na akong nagawa kundi ang titigan na laman siya hanggang sa tuluyan siyang naglaho sa aking paningin.
Nang mawala ang pakiramdam na tila may humihigop sa aking katawan ay marahas kong iminulat agad ang aking mata at unang sumalubong sa aking paningin ang kisame sa aking silid. Napabalikwas ako ng bangon at napagtanto na nandito na ako ngayon sa aking silid.
“Anong nangyari sa akin?” hindi ko mapigilan na tanong sa sarili ng muling maalala ang aking walang buhay na katawan na nakahimlay sa damuhan ng hindi pamilyar na lugar. Ipinilig ko din ang aking ulo dahil sa pilit na pag-alala kung sino ang lalaking nakausap ko sa lugar na iyon.