AVARICE POV
Mabilis akong nagtago ng mapansin na tila hinahanap ako ni Deimos sa paligid. Mabuti na lang at hindi niya ako nakita dahil hindi ko alam kung anong kayang gawin ng lalaki kapag nakita ako. Hindi ko naman siya nais bigyan ng regalo nagkataon lang na kailangan ko iyong gawin upang masimulan ang aking bagong plano.
Muli akong nakaramdam ng matinding selos nang makita silang naglalakad palayo ni Althaia. Ako dapat ang kasama ni Deimos at hindi siya. Kami sana ang magkasamang namamasyal sa lugar na nais kong puntahan. Hindi ko gustong gumawa ng eksena kaya umalis na ako sa lugar at tuluyang lumayo sa kanilang dalawa.
Bumalik muna ako sa silid na aking tinutuluyan upang ibalik ang susi sa may-ari ng lugar. Hindi ko na kailangan manatili dito dahil may bago akong sisimulan. Saglit lang ako doon at pagkatapos ay umalis na din.
Hindi ko alam kung batid ng mahal na hari kung anong ginagawa ko ngayon. Hindi ko nais na malaman niya ang aking plano kaya naman matagal ko ng hinaharangan ang kanyang kakayahan na makita kung anong nangyayari sa kaharian ng Daesyn.
Sigurado akong magagalit siya sa akin. Sino ba naman ang matutuwa kapag nalaman na nais kong ahasin ang karelasyon ng sarili kong kapatid. Gaya ng sinabi ko ay talagang hibang ako kaya nagagawa ko ang bagay na ito.
Nagtungo na ako sa lugar kung saan ako bumagsak nung nakarating ako sa Daesyn. Doon ako gagawa ng sariling portal pabalik sa aming kaharian. Madilim na ang paligid kaya wala masyadong nakakapansin sa ginagawa ko ngayon. Hindi din naman kasi pwede na makita ng mga mortal na tao ang gagawin kong pagbalik at baka lumikha pa iyon ng gulo.
Si Deimos lang ang nais ko at wala akong balak na saktan ang mga normal na mamamayan ng kaharian. Naging mabuti naman ang kanilang pagtanggap sa akin kaya wala akong karapatan na gawin sa kanila ang bagay na iyon.
Binuksan ko ang aking palad at agad na umusal ng mga salita na ginagamit sa aming kaharian. Saglit lamang ay nakalikha na ako ng liwanag pero sapat lang iyon para makita ko ang aking portal na dadaanan. Unti-unti ay naging bilog ang hugis niyon at mahinang kumikislap ang liwanag. Tumingin muna ako sa aking paligid bago nagdesisyon na pumasok sa portal na aking ginawa.
“Hanggang sa muli, Daesyn.”
Tila hinigigop ang aking katawan dahilan upang yakapin ko ang aking sarili. Na-miss ko ang ganitong pakiramdam dahil ngayon na lang ulit ako pumasok sa portal. Madalas akong umaalis at nagtutungo sa iba’t-ibang kaharian noong nasa palasyo ako.
Pagkaraan ang ilang segundo ay nakarating na din ako sa aking paroroonan. Sinadya ko na hindi sa mismong palasyo ang aking magiging destinasyon. Hindi ko nais pukawin ang atensyon ng mga taga palasyo dahil hindi pa ako handang humarap sa aking Ama.
Alam kong hindi sapat ang pagharang na ginawa ko upang hindi niya malaman ang aking ginagawa. Alam kong darating din ang oras na malalaman niya ang tungkol sa bagay na iyon. Ang kailangan ko lang gawin ay patagalin ang panahon na iyon.
Naglakad ako at masayang pinakiramdaman ang paligid. Iba pa din talaga ang pakiramdam na nasa sariling kaharian. Nang mapagod maglakad ay ibinuka ko na ang aking pakpak na ilang araw din nakatago upang hindi mapansin ng mga taga Daesyn. Tahimik akong lumipad patungo sa palasyo.
Tila nakikisama sa aking kilos ang lahat ng bagay dahil wala ang mahal na hari nang dumating ako sa palasyo. Mabuti at hindi kami agad nagkita kaya mabilis kong tinunton ang aking silid.
Agad kong inilapat ang aking likod sa higaan. Napakasarap sa katawan ng malambot kong higaan. Napapikit pa ako sa isiping katabi ko ngayon ang lalaking minamahal. Muli ay napamulat ako nang may maalala. Bumalikwas na din ako ng bangon at nagsimulang maglakad-lakad sa loob ng malaki kong silid.
“Ano kaya ang ginagawa nila ngayon?” nangangalaiting tanong ko sa sarili.
Hindi ko maintindihan kung bakit hindi pa din binubuksan ni Deimos ang aking regalo. Kung iisipin ay dapat kanina pa niya iyon nabuksan ngunit hanggang ngayon ay wala pa din akong maramdaman.
“Hindi pa ba sila naghihiwalay ni Althaia?” muling tanong ko sa sarili. Uminit agad ang aking ulo dahil posibleng magkasama pa din sila hanggang ngayon. Sa pagkakaalam ko ay gabi na ngayon sa kaharian ng Daesyn kaya dapat ay nakauwi na si Althaia sa palasyo.
Napagod ako sa ginagawang pag-ikot sa aking silid kaya nagpasya akong lumabas muna. Sakto naman na dumaan ang mahal na hari sa aking silid kaya pareho kaming natigilan at nagkatinginan.
“Nakabalik ka na pala?” nagtatanong maging ang kanyang mga mata ng sabihin iyon.
“Wala ka dito kanina nang dumating ako. Alam kong abala ka kaya hindi muna kita hinanap,” pagdadahilan ko na mukhang pinaniwalaan naman niya.
“Halika at sabayan mo na akong kumain. Gusto kong marinig ang mga kuwento tungkol sa iyong kapatid,” may ngiti sa labi niyang wika.
Minabuti kong hindi sagutin ang kanyang sinabi at tahimik na sumunod na lamang sa hari. Nakalimutan ko na kailangan ko nga pala magbigay ng ulat sa kanya tungkol kay Althaia. Tila nagulat din ang mga kasama namin sa palasyo nang makita nilang kasama ako ng hari na naglalakad ngayon patungo sa hapag kainan.
“Sa tingin ko ay walang nakakaalam na nakauwi ka na,” nakangiting wika ulit ng hari at dumiretso sa kanyang upuan. Ipinaghila naman ako ng upuan ng isang tagapagsilbi at agad na umupo doon bago ako muling nagsalita.
“Wala sa aking bokabularyo na ipaalam sa kanila ang aking pagbabalik,” pabirong sagot ko dahilan upang tumawa ng mahina ang aking Ama.
“Kumusta si Althaia?” pag-iiba nito sa usapan.
Nilunok ko muna ang aking kinakain dagil baka magkamali ako ng sasabihin sa kanya. Sa kabilang banda ay lihim akong nasiyahan dahil sa tingin ko ay hindi nagawang gawin ng hari ang sinabi nitong pagmamasid sa akin. Mukhang wala siyang alam sa mga nangyari nung nasa Daesyn ako.
“Maayos naman ang kanyang kalagayan at marami siyang kaibigan sa mundo ng mga mortal,” panimula ko.
“Kumusta ang mga kumupkop sa kanya?” halata sa mukha ng hari ang sobrang interes na malaman ang lahat tungkol sa nawawalang anak niya.
“Sa kasamaang palad ay nasawi ang kanilang buhay nang may nakapasok na halimaw sa kanilang kaharian,”
Tumango lamang ang aking Ama at muling ipinagpatuloy ang pagkain kaya ganun din ang aking ginawa. Saglit na katahimikan ang namayani sa amin kaya tuluyan kaming natapos kumain. Tatayo na sana ako ng muling magtanong ang mahal na hari.
“Mayroon din ba siyang taglay na kakayahan?” seryosong tanong niya dahilan upang hindi ako makasagot agad.
Ang totoo ay madali lang ang sagot sa kanyang tanong ngunit dahil sa hindi ko maintindihan na emosyon sa kanyang mga mata kaya hindi agad ako nakasagot. Bakit ganun ang kanyang itsura nang tanungin ang tungkol sa bagay na iyon. Magkahalong lungkot, pangamba at pag-aalala ang tila nakikita ko sa kanyang mga mata.
“Parehas po kami ng kakayahan pero sa tingin ko ay mas doble ang lakas na taglay ni Althaia,” pagsasabi ko ng totoo. Muling tumango ang hari bilang sagot sa aking tanong at tahimik na tumayo bago tuluyang lumabas ng silid na aming kinaroroonan ngayon.
Napailing na lamang ako dahil sa naging asal ng aking Ama. Hanggang ngayon ay hindi ko pa din alam kung ano ang totoong dahilan kung bakit nawalay sa amin si Althaia. Palaisipan pa din sa akin kung paanong napunta ang aking kapatid sa mundo ng mga mortal. Idagdag pa na wala itong memorya tungkol sa tunay niyang pagkatao.
Nagpasya akong tumayo na din at lumabas ng silid. Ipinagwalang bahala ko ang mga tanong tungkol kay Althaia dahil may mas mahalagang bagay ako na dapat gawin ngayon. Dumiretso na ako sa aking silid upang ipagpatuloy ang paghihintay sa hakbang na kailangan gawin ni Deimos.
Humiga muna ako habang pinaglalaruan ang aking kapangyarihan. Malapit na naman uminit ang aking ulo dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa din nararamdaman si Deimos na binubuksan ang aking regalo. Nababagot na ako sa paghihintay kaya padabog akong tumayo mula sa aking pagkakahiga. Mukhang bigo ako sa plano na aking sinimulan kaya nagpasya akong kalimutan na lang ang tungkol sa aking regalo. Inayos ko na ang aking higaan at nagpasyang matulog na lang nang bigla kong maramdaman ang bagay na kanina ko pa hinihintay.
Mabilis pa sa alas-kwatro ang aking naging pagbangon. Kung tutuusin ay malalaman ko din naman ang lahat kahit pa nakahiga ako. Gayunpaman ay mas nais kong ayos ang aking pwesto upang wala akong makaligtaan sa mga bagay na dapat kong malaman.
Matapos kong makita ang lahat ng dapat kong malaman ay natulala ako at hindi agad nakakilos. Hindi ko tiyak kung papaniwalaan ko ang mga bagay na aking nakita mula sa pagkatao ni Deimos. Sa tingin ko ay hindi lang tungkol kay Althaia ang mga bagay na dapat kong malaman. Sigurado ako na maging si Deimos ay may nakatagong nakaraan sa kanyang pagkatao na dapat kong malaman.
Tila wala sa sarili akong humiga at tumitig sa kisame ng aking silid. Hindi pa din ako mapalagay sa aking mga nakita. Gayunpaman ay bahagya akong nakaramdam ng tuwa dahil sa ngayon ay may ilang bagay na akong nalalaman tungkol kay Deimos. Ang importante sa lahat ay kailangan kong hanapin ang isang nilalang na nakakaalam ng lahat tungkol kay Deimos.
“Wala akong pakialam kahit isa siyang kaaway dahil gagawin ko ang lahat makuha lang si Deimos.”