TREE HOUSE

1603 Words
“Gusto mo ba mamasyal ngayon?” tanong ko kay Deimos nang mapansin ang kanyang pananahimik. Hindi ako mapalagay dahil ilang beses kong napansin na tila ang lalim ng kanyang iniisip.  Batid ko na mayroon siyang problema pero hindi ko nais na pangunahan ang lalaki. Hindi ko gustong pilitin siya na sabihin sa akin kung ano ang kanyang iniisip ngayon. Mas nais ko na maging maayos ang kanyang pakiramdam kahit na may problema siyang kinakaharap ngayon.  “Sige, magandang ideya iyan,” nakangiting sagot niya sa akin. Mabuti na lang at marunong akong pansinin ang kanyang reaksyon. Kung hindi ay baka hindi ko mapansin na may mabigat siyang iniisip ngayon. Madalas pa din kasi siyang ngumingiti lalo kapag kinakausap ko siya.  “Bilisan mo d’yan dahil tapos na ako sa aking gawain para makaalis na agad tayo,” pagkasabi ko nun ay bumalik na muna ulit ako sa aking lamesa.  Inayos ko na ang ilang gamit ko upang maayos ulit ang aking pwesto bukas pagpasok. Mas gusto ko na malinis ang aking lamesa bago ko simulan ang aking trabaho. Patapos na akong maglinis ng mapansin na nag-aayos na din siya ng kanyang lamesa.  “Tapos ka na ba?” nakangiti kong tanong. Hindi ko akalain na tatapusin niya agad ang mga nakahilerang papel sa kanyang lamesa.  “Bukas ko na lang tatapusin ang iba. Mas gusto kong mamasyal ngayon na kasma ka,” hindi tumitingin na sagot niya sa aking tanong. Agad kong naramdaman ang pag-init ng aking pisngi kaya tinalikuran ko si Deimos.  Matagal na kaming magkasintahan pero hindi pa rin nagbabago ang epekto ng kanyang mga sinasabi sa akin. Malakas pa rin ang kuryente na bumubuhay sa aking puso sa tuwing nagsasabi siya ng magagandang salita tungkol sa aming dalawa.  “Kinikilig ka ba?” tukso niya na ngayon ay nasa likuran ko na pala. Hindi ko naramdaman ang kanyang paglapit dahil abala ang aking isip sa pagmemorya ng kanyang sinabi. Isabay pa ang malakas na pagtibok ng aking puso.  “Bawal ba akong kiligin?” kunyari ay galit na tanong ko sa kanya upang hindi niya mapansin ang nararamdaman ko ngayon. Hindi niya sinagot ang aking tanong at sa halip ay tinitigan pa ang aking mga mata.  Likas na mapanukso ang lalaki kaya naman pilit kong nilabanan ang kanyang titig. Gayunpaman ay hindi ko inaasahan ang kanyang sunod na gagawin. Mabilis niyang inilapit ang kanyang mukha sa akin. Maingat niyang idinampi ang kanyang labi sa akin at mahinang tumawa ng makita ang aking reaksyon.  “Pwede kang kiligin kahit kailan,” malapad ang ngiti na tukso niya sa akin. Nakaramdam ako ng hiya kaya muling nag-init ang aking pisngi at pakiramdam ko ay ang pula na ng aking mukha ngayon.  “Ahh! Deimos!” saway ko sa kanya dahil patuloy pa din ang lalaki sa kanyang mahinang pagtawa.  “Halika na, ganda!” pahabol pa niya bago naunang lumabas sa opisina dahil tiyak niya na maiinis ako.  “Kainis, kumalma ka nga!” saway ko sa sariling puso bago sumunod kay Deimos sa labas. Agad kong isinakbit ang aking kamay sa kanyang braso at sabay na kaming naglakad.  Ang alam ko ay kanina pa lumabas si Marko kaya nagtaka ako ng makasalubong namin siya ngayon. Hindi lang iyon dahil kapansin-pansin din ang bagay na dala ng lalaki.  Napag-alaman ko na nakausap niya si Avarice upang sabihin sa akin ang paalam nito. Nalungkot ako sa isiping hindi ko na siya makakasama pa ngunit maluwag sa loob kong tinanggap ang bagay na iyon. Batid kong mahirap para sa kanya ang mamuhay sa kaharian na hindi siya pamilyar. Natuwa ako ng malaman na para kay Deimos ang regalo na dala ni Marko. Ipinapabigay pala iyon ng aking kapatid bilang pasasalamat sa ginawa ni Deimos nung unang araw niyang makarating sa kaharian ng Daesyn.  Hindi ko din makakalimutan ang araw na iyon.  Gusto ko din malaman kung ano ang regalo ni Avarice kay Deimos ngunit gaya ng sabi ko ay hindi ko nais na pangunahan ang lalaki sa kanyang desisyon. Minabuti nitong hindi muna iyon buksan kaya nagpatuloy na kami sa aming lakad.  Hindi ko alam kung ano ang naisip ko at bigla na lang akong nakaramdam ng pagkabagot. Pakiramdam ko ay nagsawa na ako sa sentro ng pamilihan dahil dito kami madalas na magtungo ni Deimos. May pakiramdam ako na tila nais kong makakita ng ibang tanawin kaya naman sinabi ko iyon kay Deimos. Mabuti na lang at may alam na ibang lugar ang lalaki kaya magkasama kaming pumunta doon kahit hindi ko alam kung saan iyon.  Nanlaki ang aking mga mata ng makita ang eskinita na aming dinadaanan. Napakasarap sa pakiramdam ang malamig na hangin na dumadampi sa aking balat. May kakaibang sensasyon itong dala upang maging kalmado lalo ang aking pakiramdam. Maganda ang tanawin at kaakit-akit ang mga maliliit na hayop na lumilipad sa paligid.  Hindi ko mapigilan ang aking sarili na hawakan ang mataas na d**o sa daan habang naglalakad. Tila sinasabayan din ng mga paru-paro ang aking paglakad. Magaganda ang mga iyon at may iba’t-ibang kulay. Pakiramdam ko ay nakikipag-usap sila sa tuwing dumadapo sa akin.  “Ang ganda,” paghanga ko sa tanawin na aking nakikita ngayon. Akala ko ay iyon na ang nais ipakita sa akin ni Deimos ngunit may mas magandang bagay pa pala akong dapat makita. Itinuro niya sa akin ang nag-iisang mataas na punong-kahoy sa bandang dulo ng eskinita.  Tiyak kong may mas maganda pa akong makikita doon kaya mas binilisan ko ang aking paglakad upang makarating agad. Narinig ko pa ang mahinang pagtawa ni Deimos nang magsimula akong tumakbo. Sa tingin ko ay iniisip niya na para akong bata na nakawala.  Natigilan ako ng makarating sa mataas na puno. Kulang na lang ay ngumaganga ako dahil sa ganda ng lugar. Mataas ang puno pero sagana iyon sa mga sanga dahilan upang makagawa ng tree house. May hagdan iyon na gawa sa pinagsama-samang baging upang maging matibay at hindi mapahamak ang sinuman na aakyat doon.  May maliit na bintana ang bahay at maraming ligaw na bulaklak sa baba ng puno. Iba’t-iba din ang kulay nun at tila nagsisilbing pagkain ang mga bulaklak sa mga paru-parong lumilipad sa lugar. Maaliwalas ang paligid kahit hindi iyon madalas puntahan ng ibang tao.  Naramdaman ko ang pagdating ni Deimos pero hindi ko magawang lingunin agad ang lalaki. Hindi pa din ako makapaniwala na nandito ako ngayon sa pinakamagandang lugar kasama siya. Batid ko ang pag-aalala sa kanyang boses ng tawagin ako kaya hindi ko na napigilan pa ang aking sarili at agad siyang niyakap. Dahil sa aking nararamdaman ngayon ay kusang tumulo ang aking luha.  “Mahal na mahal kita, Deimos!” pagkasabi ko nun ay agad akong tumingkayad upang abutin ang kanyang mga labi. Maingat ko siyang hinalikan dahilan upang matigilan siya sa aking ginawa. Hindi namin madalas na ginagawa ang bagay na ito kaya pareho kami ng reaksyon.  “Mahal na mahal din kita, Althaia!” malamlam ang kanyang mga mata ng sabihin iyon. Sa huli ay muling naglapat ang aming mga labi at mas matagal iyon kaysa sa mga unang halik na aming pinagsaluhan.  Magiging magandang ala-ala ang araw na ito para sa aming dalawa. Hinding-hindi namin makakalimutan ang araw na ito. Nagtawanan pa kaming dalawa ng maghiwalay at muling nagyakap.  Gusto mong umakyat?” tanong ni Deimos na agad kong sinang-ayunan. Hindi ako papayag na hindi lumapat ang aking mga paa sa magandang tree house. Hindi ko palalampasin ang magandang oportunidad na ito kaya naman agad na hinawakan ni Deimos ang aking kamay upang alalayan akong umakyat.  “Sobrang ganda!” bulalas ko ng makita ang kabuuan ng bahay. Para itong maliit na bahay kubo na nasa taas ng puno. Mas maganda ang itsura ng loob at mayroon pa itong upuan na kahoy. Muli akong inalalayan ni Deimos at buong ingat kaming umupo doon habang nakasilip sa bintana.  “Madalas ko itong tambayan noong hindi pa ako nananatili sa kaharian ng Daesyn,” pagbasag ni Deimos sa katahimikan.  Hindi ko pa mismo narinig sa kanya ang ginagawa niya noon. Ang tanging alam ko ay kaya siya nandito sa kaharian ng Daesyn ay dahil naglaho na ang kaharian kung saan siya noon naninirahan. Sa tingin ko ay maraming pagsubok na pinagdaanan si Deimos bago nagdesisyon na manatili sa Daesyn. Gayunpaman ay masaya ako sa kanyang naging desisyon. Kung hindi dahil doon ay baka hindi kami nagkakilala. Malamang ay hindi ko din malalaman at mapupuntahan ang magandang lugar na kinaroroonan namin ngayon. Higit sa lahat ay hindi ko siya makakasama sa masasayang parte ng aking buhay. “Masaya ako at pinili mo ang manatili sa Daesyn,”  sumandal ako sa kanya habang magkahawak pa din ang aming mga kamay.  “Masaya din ako dahil nakilala kita at kasama ngayon. Gusto mo ba manatili tayo dito hanggang mamaya para makita natin ang mga bituin?” Hindi na ako nagdalawang isip pa at agad na tumango bilang sagot sa kanyang tanong.  Mas naging maganda ang lugar ng sumapit ang gabi. Naglabasan ang mga alitaptap at nagsilbing liwanag sa buong puno. Isabay pa ang napakaraming bituin sa kalangitan na nakikita sa bintana ng tree house. Naging mas malamig din ang paligid dahilan upang yakapin ako ni Deimos mula sa aking likuran.  Matagal kaming nanatili sa lugar at tahimik na pinagmasdan ang maliwanag na gabi. Nang dumoble pa ang lamig ay nagdesisyon na kaming umuwi. Pumitas ako ng ilang bulaklak bilang ala-ala sa pagpunta namin doon. Inayos ko ang mga iyon sa vase at nilagay sa tabi ng aking higaan. Matapos maglinis ng katawan ay may ngiti sa labi akong humiga at nakatulog agad dala ng pagod at masayang pakiramdam.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD